Chapter Seven•

1603 Words
Alas kuwatro ng umaga pa lang ay gising na ang magkaibigang Archer at Binggo. Dumating sila ng Maynila alas onse ng gabi kagabi at sa truck na sila nagpalipas ng umaga. Pangalawang beses na nilang biyahe ito kaya hindi na sila nangangapa. Noong una ay hirap pa sila ngunit ngayon ay alam na nila ang mga dapat na gawin. Naisalansan na ang lahat ng bigas sa kanilang truck at handa na sila para bumalik sa Santa Catalina. Sinigurado muna ni Binggo na maayos ang pagkakatakip ng lona sa truck, na walang nakalusot kahit na maliit na siwang. Proteksiyon iyon sa mga bigas kung sakali mang biglang bumuhos ang ulan sa kalagitnaan ng kanilang biyahe. Hindi maganda kapag nabasa ang mga bigas, mahirap ng maibenta kapag ganun, dahil siguradong aamagin sa loob ng sako ang mga ito. Nang unang beses silang na mag-angkat ng bigas ay maganda ang panahon, buong biyahe ay hindi umulan. Iyon din sana ang hiling ng magkaibigan ngayon sa pangalawa nilang lakad, na maging maayos ito at makauwi sila sa kanilang lugar ng nasa mabuting kalagayan ang mga bigas na dala nila. "Ayos na, Archer!" sigaw ni Binggo, matapos i-check ang likuran ng truck. Pinalo pa nito ang gilid ng sasakyan bago lumakad at tinungo ang passenger seat, binuksan ang pinto niyon at sumampa paakyat. Alas siyete na ng umaga, labing dalawang oras mula Maynila hanggang Santa Catalina ang magiging haba ng biyahe nila, hindi pa kasama roon ang mga stop over nila. Kapag inaantok si Archer ay kailangan niyang matulog para makapagpahinga kaya hihinto muna sila sa safe na lugar at matutulog sa loob ng truck. Wala kasi siyang kapalitan na magmaneho dahil ayaw niyang ipagkatiwala kay Binggo ang manibela, marunong naman ito kaya lang ay hindi pa masyadong bihasa sa highway, mahirap nang maaksidente pa sila. "Sige, aalis na tayo. Teka, nadala mo ba ang almusal natin?" tanong ni Archer sa kaibigan, pinabaunan kasi sila ng pagkain ng may-ari ng bigasan na pinag-angkatan nila. Bagong lutong pansit iyon at mainit na pandesal na kakainin nila sa daan. "Oo nga pala, teka, babalikan ko." Nagmamadaling bumaba ng truck si Binggo at bumalik sa loob ng rice mill. Naghintay naman si Archer. Makalipas ang ilang minuto ay humahangos na sumampa na ito sa truck. "Hay, mabuti na lang pinaalala mo, kung hindi gugutumin tayo sa daan," sabi ni Binggo. "Ikaw naman kasi ang bata-bata mo pa ulyanin ka na," nanunudyong sabi ni Archer ini-start na nito ang makina at agad na silang umalis sa lugar. _ Ilang araw nang grounded si Tiffa at na-realized niyang hindi niya kayang makulong ng matagal sa bahay. Mababaliw siya kapag hindi pa siya nakalabas ngayon. Sawang-sawa na siya na ang lagi nalang nakikita ay ang pagmumukha ng kaniyang stepmother at ng kanilang mga kasambahay. Bihira siyang pumirmi sa kanilang mansiyon dahil marami siyang ganap sa buhay. Ngayon nga ay naalala niya na may importante siyang lakad. Magkikita sila ng kaniyang boyfriend na si Andrew, may usapan silang pupunta sa resthouse nito ngayong araw para mag-relax at mag-unwind. Kailangan niyang makatakas, hindi pwedeng hindi siya sumipot sa lakad nila. Naihanda na niya ang mga damit na dadalhin. Dalawang araw sila roon, malapit ang dagat at may swimming pool sa lugar na iyon kaya dinamihan niya ang dalang swimsuit at mga sexy na damit pang summer. Maingat ang mga kilos niya, pumasok siya sa opisina ng kaniyang ama. Naroon kasi nakatago ang susi ng mga sasakyan nito. Dahil sira na ang lahat ng sasakyan niya ay sasakyan naman ng kaniyang ama ang kaniyang gagamitin. Kukuha siya ng isang susi, kailangan niyang makatakas habang tulog pa ang mga ito. Ang usapan nila ng boyfriend na si Andrew ay magkikita sila sa isang coffee shop. Hindi naka-lock ang pinto ng opisina kaya naman malaya siyang nakapasok sa loob. Inikot niya ang buong paligid para hanapin kung saan posibleng itinatago ng kaniyang ama ang mga susi nito. "Tsh! Saan ba nakalagay ang mga susi?" inis na sabi niya, napakamot pa siya sa ulo. Wala talaga siyang pasensiya at lalong wala siyang tiyaga na maghanap. Alas siyete ang usapan nila ni Andrew na magkikita, alas sais na, kaya naman nagmamadali na siya. Hindi naman malayo ang kanilang meeting place kaya niyang biyahihin iyon ng twenty minutes. Ang pinoproblema niya ay kung hanggang kailan siya maghahanap ng susi? Ang isa pa na pinangangambahan niya ay baka magising na ang kaniyang ama at maabutan siya nito. Hinalungkat niyang lahat ang drawer sa office table ng kaniyang ama. Napangiti siya ng sa pinakadulong drawer ay makita niya ang kaniyang hinahanap, bungkos ng sari-saring susi ang naroon. Namili siya sa mga susi. Napangiti siya at napapalakpak ang tenga niya sa tuwa nang makita ang susi ng Rolls-Royce, matagal na niyang gustong i-drive ang sasakyan na iyon ng kaniyang ama. Walang pag-aalinlangan na kinuha niya iyon at dali-dali nang lumabas ng silid. Nang makaakyat siya ng hagdan ay binitbit niya ang dalang bag na iniwan niya bago bumaba sa ground floor. Itinago niya iyon sa likod ng malaking banga na nabili pa ng kaniyang Tita Regina sa Paris. Lumabas siya ng bahay at tinungo ang garahe, pinindot niya ang hawak na remote key at tumunog ang puting mamahaling sasakyan sa hilera ng limang sasakyan na nakaparada roon. Dali-dali siyang lumapit at sumakay, pinaandar niya ang sasakyan. Malawak ang kanilang lupain at malayo ang bahay sa main gate. Nang makarating siya roon ay agad siyang hinarang ng kanilang gwardiya. Kinatok nito ang bintana ng sasakyan kaya napilitan siyang ibaba iyon. "Ms. Tiffa, saan ang punta ninyo? Alam ba ito ni Sir Robert?" tanong ng gwardiya. Ayaw niya ng kinukwestiyon siya kaya agad na nag init ang ulo niya, ngunit pinigilan niya ang galit hindi pwedeng mapurnada ang lakad niya. Huminga muna siya ng malalim sabay ngiti. Pilit niyang pinahinahon ang sarili. "Pinayagan ako ni Daddy na umalis, pinahiram pa nga niya sa akin itong sasakyan niya. Hindi na ako grounded, tapos na ang parusa ko kaya pwede ba buksan mo na ang gate," aniya sa gwardiya. Tiningnan siya nito ng maigi na wari bang inaalam sa mukha niya kung nagsasabi ba siya ng totoo. "I am telling the truth, kahit tawagan mo pa si Daddy, kaya lang mamaya mo na gawin 'yon dahil tulog pa siya. Huwag mong iistorbohin ang tulog niya tiyak magagalit siya at magiging bad mood siya ng buong araw," pananakot niya sa kanilang gwardiya, sinadya niyang gawin iyon para mapilitan na lamang itong palabasin siya. Nagdadalawang isip ang gwardiya kung hahayaan ba niyang makalabas si Tiffa. Hindi kasi siya kumbinsido sa sinabi nito na pinayagan siya ng kaniyang ama. Wala naman kasing nabanggit sa kaniya si Mr. Valencia na puwede nang palabasin ang kaniyang anak. "Manong, buksan mo na ang gate, nagmamadali ako, male-late ako sa lakad ko," may pagkainip na sabi ni Tiffa. Dahil wala nang pagpipilian ay kakamot-kamot ang ulo na binuksan na lamang ng gwardiya ang gate at hinayaang makalabas ang sasakyan ni Tiffa. Napangiti sa tuwa ang dalaga ng tuluyan na siyang makalabas. Ngiting tagumpay siya. Successful ang naging plano niya. Dahil maaga pa ay wala pang gaanong sasakyan sa highway. Binilisan niya ang pagpapatakbo para madaling makarating sa meeting place nila ng kaniyang nobyo. Ngunit habang nagda-drive siya ay may nadaanan ang gulong niya na madulas na bagay kaya nagpagewang-gewang ang kaniyang sasakyan. Naalarma siya Nang tapakan niya ang preno ay kung bakit hindi ito gumana. Hindi niya alam kung paano patitigilin ang sasakyan. Imbes na magdire-diretso ito at bumangga sa mga kasalubong na sasakyan ay iniliko niya ito, binalak niyang ibangga na lang sa puno para tumigil. Nang pihitin niya ang manibela ay hindi niya makontrol iyon dahil sa labis na pagkataranta kaya imbes na sa puno ay sumalpok siya sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada na nakasilong sa lilim ng puno. Mabuti na lamang at gumana agad ang air bag ng sasakyan at hindi humampas sa manibela ang mukha niya. Ang likuran ng elf truck ang nabangga niya, nasira ang lock nito kaya bumukas at nagbagsakan ang mga bigas. Ang iba ay nabutas ang sako at tumapon sa lupa ang mga laman. Muntik na ring matabunan ng sako-sakong bigas ang sasakyan niya. Masakit ang mga katawan niya dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga, ngunit mas magiging malala pa sana ang matatamo niya kung hindi bumukas ang air bag. Hindi niya alam kung gaano kalaki ang naging pinsala ng sasakyan ng kaniyang ama. Ilang buwan pa lang simula ng mabili ito. Hindi biro ang halaga ng sasakyan kaya naman nakaramdam siya ng takot. Dati okay lang sa kaniya kahit mabangga pa siya dahil sasakyan naman niya ang gamit niya, kaya lang ngayon ay sasakyan ng daddy niya ang naibangga niya at ang mas nakakatakot pa roon ay itinakas lang niya ang sasakyan. Siguradong pagagalitan siya ng daddy niya. Hindi niya alam kung paano malulusutan ito. Sinubukan niyang buksan ang pinto ng sasakyan nguit ayaw bumukas niyon dahil naharangan na ito ng mga sako ng bigas, kaya naman sa kabilang pinto sa passenger seat niya naman sinubukang buksan. Bumukas naman iyon kaya nakababa siya, binitbit niya ang kaniyang shoulder bag. Ang balak niya ay tatakas na lamang siya habang hindi pa siya nakikita ng may ari ng truck na nabangga niya. Didiretso sana siya sa meeting place nila ni Andrew at sasama pa rin sa kaniyang nobyo. Magagalit sa kaniya ang kaniyang ama kaya magtatago muna siya. Alam naman niyang hindi siya matiis ng daddy niya kahit gaano pa kasama ang nagawa niya. Palilipasin muna niya ang galit nito at saka na lang siya babalik kapag alam na niyang hindi na ito galit sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD