Chapter Six•

1647 Words
"Oh my goodness, Tiffa. Pang ilang bangga mo na ba 'to ngayong linggo? Tatlong sasakyan mo na ang nasa casa at hindi pa tapos ang kaso mo sa mga naunang nabangga mo, ngayon nagdagdag ka naman ng isa pa." Sumasakit na ang ulo ni Robert dahil sa katigasan ng ulo ng kaniyang anak. Puro kunsomisyon na lang ang binibigay nito sa kaniya. Kung hindi pa pumunta si Atty. Del Mundo sa presinto at nakipag-areglo sa nakabanggaan ni Tiffa ay hindi maaayos ang kaso. Madali naman sanang kausap ang may-ari ng sasakyan na nabangga nito kung hindi lang sinungitan ni Tiffa at pinagmalakihan ay natapos na sana agad ang usapan nila doon pa lang sa mismong pinangyarihan ng insidente. "Dad, bumili ka na lang ng bago kong sasakyan, wala na akong magagamit," maktol ni Tiffa, balewala sa kaniya ang galit ng ama. "No. Hindi kita bibilhan ng sasakyan dahil lang sa nasa casa ang lahat ng sasakyan mo at sira. Grounded ka ngayon at hindi ka pwedeng lumabas hangga't hindi ko sinasabi." Nanlaki ang mga mata ni Tiffa sa pagkabigla. "Dad, you cannot do this to me. Marami akong appointment at puno ang schedule ko, hindi mo ako pwedeng basta na lang ikulong dito sa bahay, paano na ang mga commitment ko?" inis na sabi niya habang panay ang padyak ng kaniyang mga paa. "My decision is final, Tiffa. Hindi kita papayagan na lumabas hangga't wala pang nakukuhang kapalit ni Franco. And about your commitments, don't worry pina-cancel ko na ang lahat ng iyon kay Karen." "What?! No way Dad, bakit mo ginawa 'yon?" dismayadong tanong niya sa ama. "Because you're grounded. You are not allowed to go out side kaya ginawa ko 'yon. You should have thank me dahil hindi ka na mahihirapan pang mag-cancel, tinulungan na nga kita," may pagkasarkastikong sabi ni Robert sa anak. "You're so unfair, Dad!" himutok ni Tiffa. Pamartsang tumalikod siya at iniwan ang ama. Hindi niya mapaniwalaan na ginawa nitong pakialaman pati na ang personal na mga lakad niya. Paano na ang pool party ni Ritz? Ang dami pa namang gwapong lalaki ang imbitado. What will happen to her and her friends' plans to go to the Maldives this weekend? And what about the fashion week where she needs to showcase her latest collection of luxury bags and clothing? It's already scheduled for Thursday. At ang pinakahihintay niyang concert ng paborito niyang international pop singer na si Sugar sa Spain. Nakapag book na siya ng flight, pati ba naman iyon ay ipina-cancel din ng kaniyang ama? Gusto niyang magwala sa sobrang inis. "Excuse me, Ms. Tiffa, kailangan ko palang kunin ang phone mo, bawal ka raw gumamit ng cellphone sabi ng daddy mo." Biglang pasok ni Karen sa kwarto niya. Sinamaan niya ito ng tingin na para bang gusto na niya itong kainin ng buhay. "This is all your fault, Karen! Masyado kang atribida at sumbungera, kung nanahimik ka na lang ba at hindi na nagsumbong pa kay Daddy, hindi sana ako grounded ngayon. Madalas talaga 'yang bibig mo pahamak," paninisi niya rito. "Eh, Ms. Tiffa, kahit naman hindi ako magsumbong, malalaman pa rin ng daddy mo dahil tatawagan siya ng mga pulis. Tanggapin mo na lang kasi na grounded ka, mabuti nga iyon para mapahinga naman ang mga katawan natin sa aksidente." "Grrr... Ewan ko sa'yo, Karen! Sige na, kunin mo na ang lahat ng gusto mong kunin at pagkatapos ay lumayas ka na sa kwarto ko. Naiinis ako sa 'yo, bwisit ka!" Binato niya ng napulot na unan si Karen, tinamaan ito sa balakang, ngunit hindi naging dahilan iyon para hindi nito gawin ang kaniyang misyon. Kinuha niya ang dalawang cellphone ni Tiffa sa gilid ng kama at bago pa siya tuluyang umalis ay dinampot pa niya ang laptop ng kaniyang amo na nakapatong sa couch. Naalarma naman si Tiffa, wala ng itinirang gadget sa kaniya si Karen. "Hoy, Karen, pati ba naman 'yan! Di ba sabi ni Daddy cellphone lang? Ibalik mo ang lap top ko, bruha ka!" galit na sigaw niya rito. Buhat sa pagkakaupo sa kama ay dali-daling bumaba si Tiffa at hinabol si Karen. Nataranta si Karen, ngunit naging alisto pa rin. Nagmamadali siyang lumabas sa kwarto ni Tiffa at nagtatakbo pababa ng hagdan. Muntik na siyang mahulog pero hindi siya tumigil, kailangan niyang magawa ang iniutos sa kaniya ng ama ni Tiffa. "Ms. Tiffa, tumigil ka na, hindi ko ibabalik sa'yo ang lap top mo, kasali ito sa sinabi ni Sir Robert na kukunin ko, nakalimutan lang niyang banggitin kanina," sabi ni Karen habang yakap-yakap ang laptop ni Tiffa ay mabibilis ang mga hakbang nito. Sinisigurado niyang hindi na siya maabutan ni Tiffa. Inis na inis si Tiffa kay Karen, kung saan-saan kasi ito lumiliko. Hindi niya talaga tinigilan ang kaniyang makulit na alalay, hinabol niya ito ngunit nawala ito sa kaniyang paningin. "Karen, nasaan kang babae ka, lagot ka talaga sa akin kapag nakita-kita kakalbuhin kita," galit na sigaw niya rito. Lingid sa kaniyang kaalaman ay nagtatago lang si Karen sa likod ng pinto sa bandang kusina. Kailangan niyang makapunta sa opisina ng kaniyang amo na si Mr. Valencia para i-surrender ang lap top at cellphone ni Tiffa, dahil kung siya ang magtatago ay paniguradong hindi siya tatantanan ng maldita niyang amo. "Salud!" tawag niya sa kasambahay na nakita niya sa loob ng kusina. "Bakit Ate Karen?" tanong nito. "Tingnan mo nga kung nand'yan pa sa labas si Ms. Tiffa, kailangan kong madala ang mga ito kay Sir Robert, hindi ako makapunta sa ground floor, nakita ko kasi siya sa labas. Pakisilip nga kung nanduon pa. Huwag kang papahalata at kapag hinanap niya 'ko, huwag mong ituro kung nasaan ako, naiintindihan mo?" "Oo, sige, Ate Karen, ako na ang bahala," sagot ni Salud. Ipinunas nito ang basang kamay sa suot na apron, lumabas ito ng kusina at pasimpleng hinanap sa paligid si Tiffa. Hindi naman niya ito nakita kaya bumalik siya sa kusina para ipaalam kay Karen. "Wala naman si Ms. Tiffa sa labas, Ate Karen, mukhang bumalik na sa kwarto niya," sabi ni Salud. Nakahinga ng maluwag si Karen sa narinig. Dahan-dahan siyang lumabas sa kusina. Naging mapagmatiyag siya dahil baka nasa paligid lang si Tiffa at nag-aabang sa kaniya. Nang masigurado niyang wala talaga ay nagtatakbo siya pababa sa ground floor kung saan naroon ang opisina ng kaniyang among lalaki. "Sir, ito na po ang lahat ng gadget ni Ms. Tiffa," sabi niya sabay patong sa office table nito ang dalawang cellphone at lap top. "Very good, Karen, talagang maasahan kita," papuring sabi ni Robert sa alalay ng kaniyang anak. "Eh, Sir, pwede ba kapag humanap kayo ng bagong driver/bodyguard ni Ms. Tiffa, isabay niyo na rin ang paghanap ng kapalit ko," alanganing sabi nito. Nangunot ang noo ni Robert. "Huh! Bakit? Pati ba naman ikaw Karen? Please, manatili ka rito, nakikiusap ako sa 'yo, manatili ka alang-alang na lang sa amin ni Regina. Alam kong mahirap pakisamahan ang anak ko, pero ikaw lang ang bukod tangi sa pamamahay na ito ang kayang labanan ang kamalditahan niya. I will do everything, sabihin mo lang kung ano ang kailangan mo at ibibigay ko para hindi ka umalis, dodoblehin ko ang sweldo mo at dadagdagan ko pa ang mga benefits mo," desperadong sabi ni Robert. Wala siyang ibang mapagkakatiwalaan sa kaniyang anak bukod kay Karen. Kinse anyos pa lang ay magkasama na ang dalawa at ngayon ay parehong bente tres na ang mga ito. Mahigit walong taon na pala si Karen sa kanila kaya kilalang-kilala na nito ang kaniyang anak. Bumuntong hininga ng malalim si Karen. Malaki ang utang na loob niya sa mag-asawang Robert at Regina. Nang mamatay ang nanay niya na labandera ng mga Valencia ay kinupkop na siya ng mga ito at pinag-aral kung saan nag-aral si Tiffa ay doon din siya, simula pa noon ay siya na ang tagabantay kay Tiffa kahit mag-sing edad lang sila. Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagbuntot-buntot sa eskwelahan kay Tiffa. Kahit saan ito pumunta ay naroon siya, kilala siya ng lahat sa eskwelahan na anino ni Tiffa, ngunit ganu'n pa man ay pinagtiyagaan niya ito. Kung ano ang kursong kinuha ni Tiffa sa kolehiyo kahit hindi naman niya gusto ay iyon na rin ang kinuha niya para mabantayan ito. Mabait sa kaniya ang mag-asawa at hindi naman niya talaga kayang iwan ang mga ito. Naiinis lang talaga siya kay Tiffa kaya nagagawa niyang mag-isip ng ganun. "Pasensiya na po kayo, Sir, alam ko pong malaki ang utang na loob ko sa inyo ni Ma'am Regina, kahit na kailan ay hindi ko nakalimutan iyon at tinatanaw kong malaking utang na loob sa inyong mag-asawa ang pagkupkop ninyo sa akin. Si Ms. Tiffa kasi habang tumatagal lalong tumitigas ang ulo," reklamo niya. "Pakiusap, habaan mo pa ang pasensiya para sa anak ko, Karen," anito. Huminga ng malalim si Karen, saka napipilitang tumango. "Sige po, Sir," aniya. Samantalang si Tiffa naman ng mga oras na iyon ay nagngi-ngitngit sa loob ng kaniyang silid. Napipikon na siya kay Karen at naubos na ang pasensiya niya sa kakahanap dito. Napagod na siya kakaikot sa napakalaki nilang bahay, kaya bumalik na lang siya sa kaniyang silid at doon nagwala sa galit. Pinaghahagis niya ang mga unan sa kama, lahat ng makita ay kaniyang itinatapon kahit na babasagin pa iyon. Nagkalat ang mga bubog sa sahig ng ihagis niya sa pinto ang flower base. "You're son of a b*tch, Karen! Humanda ka talaga sa akin kapag nakita-kita! Grrrr..." Dinig na dinig mula sa labas ang ingay niya kaya naman napalabas sa kaniyang silid si Regina. Hindi niya alam kung ano ang ingay na nangyayari sa loob ng kwarto ni Tiffa, hindi naman niya magawang pumasok dahil baka siya pa ang tamaan ng mga ibinabato nito. Iiling-iling na bumaba na lang siya para hindi marinig ang ingay. Sanay na siya sa pagwawala ng kaniyang stepdaughter, titigil din naman ito kapag napagod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD