FAMILY dinner.
Gustong-gusto niyang matulog na lamang pero hindi maaari iyon. Walang rason para tumanggi siya.
She’s Katrina Santiago—for now.
Suot ang regalo na puting off shoulder swing sundress ni Mama Betty ay bumaba si Marissa upang dumalo sa hapunan. Habang nasa sa hagdan ay naalala niya ang nangyari nitong umaga nang dumating siya sa bahay na iyon. Sana lang ay maging kalmado na si Lance ngayon at maging mabait na sa kanya. Hindi rin naman siya makikipagtunggali rito.
There’s no use. Aalis na siya bukas.
Nang makalapit na siya sa may dining room ay narinig niya ang pag-uusap nina Mama Betty at Lance. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit tila may isang pang boses ng lalaki ang naroon.
Sumilip siya sa pinto at agad niyang nakilala ang may-ari ng ikatlong boses. It was Keith Garcia. Ang kanyang doktor. Pero anong ginagawa nito roon?
“Katrina!” bati sa kanya ni Mama Betty. Nakita pala siya nito. Tumayo pa ang ginang upang sunduin siya.
Nahihiya man ay wala siyang magawa kundi ang magpatianod na lamang. Inihatid siya nito sa isang silya. Ngayon ay nasa harap na niya si Keith na malawak ang ngiti nang makita siya. Ngumiti rin siya rito pero agad napalis iyon. Katabi lang kasi ni Keith si Lance. Si Lance na nakahalukipkip at nakataas muli ang gilid ng labi na tila ba nang-iinis sa kanya.
At dahil hindi pa siya nakakaupo ay kitang-kita niya kung paano siya tiningnan ni Lance mula ulo hanggang paa. ‘Di tuloy niya maiwasang ma-conscious sa suot na damit. Bukod sa kita ang balikat niya ay litaw rin ang kalahati ng kanyang legs.
Kaya kaya ito nakangiti dahil sa revealing niyang damit? As if naman may choice siya sa susuotin. Bigay iyon ni Mama Betty. Isang kawalang galang ang ‘di pagsuot niyon. Pinilit na lamang niyang hilahin pababa ang saya upang takpan ang exposed na parte ng kanyang legs.
“Kumusta na angpasyente kong bigla na lang nawala sa ospital?”
Oh my… Lumipad pabalik kay Keith ang kanyang tingin. Tama nga pala. Umalis siya kanina sa ospital nang hindi nagpaalam. She should have known better. Nurse siya. Hindi dapat umalis nang ganoon na lang ang isang pasyente.
Umupo muna siya sa silya bago sagutin ang tanong ni Keith. Kahit ilang segundo lang ay magkaroon siya ng pagkakataong mag-isip ng isasagot.
“K-kasi doc...”
“Keith. Just call me Keith. Afterall, matalik kong kaibigan si Vince.”
“Oh, okay… Keith. Pasensya na. Sinabi ko naman sa ospital pa lang na gusto ko na talaga makauwi. Hindi lang ako makapaghintay. I’m sorry.”
Tumango si Keith. “I’m just glad you’re fine. Pumunta lang naman ako dito ngayon para i-check kung okay ka na. But seeing you now,” lumuwag ang ngiti nito, “I think you’re doing fine.”
“Thank you, Keith,” sinserong sagot niya. Nagpapasalamat siya dahil inalagaan siya nito noong nasa malubha siyang kondisyon. Totoo rin ang malasakit nito bilang kaibigan ni Vince na asawa kuno niya.
“So, can we eat now?” Si Lance iyon na tila nayayamot na sa kinauupuan nito.
Ugh! Atribida talaga si Lance kahit kelan. Pero wala na siyang pakialam rito. Ilang oras na lang ay hindi na niya ito muling makikita pa.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang ihain sa hapag ang mga pagkain. Mayroong karne ng baka, manok at isda. Pero ang totoo ay hindi siya sigurado kung anong luto ang mga iyon. Para kasing isang chef ang gumawa ng mga pagkain. Naalala niya tuloy ang ina at kapatid. Nakakakain kaya ang mga ito nang maayos? May kaunting pera naman siyang naiwan sa kanyang ina. Sana ay sapat na iyon para makatawid ang mga ito para sa pang araw-araw na gastusin at pampa-dialysis.
Pero mauubos na rin iyon sa susunod na mga araw. Dapat ay makagawa na siya ng paraan. Wala siyang balak na umatras sa responsibilidad niya sa pamilya niya. Gagawin niya ang lahat kahit pa ang magtago sa batas.
“Masaya ako at sa wakas ay nagkasalo tayong lahat sa dinner. Alam ko na kung nasaan man ngayon si Vince ay masaya siya dahil kasama ka na namin, Katrina.” Bakas sa boses ni Mama Betty ang labis na tuwa. Para naman siyang kinurot sa puso dahil alam niyang hindi na magtatagal iyon. Bukas ay aalis na siya. Kaya naman isang tipid na ngiti lang ang iginawad niya sa ginang. Hindi niya rin kasi alam kung paano sasagot nito.
“I’ve always been curious, Katrina.” Si Lance iyon na hindi man lang inaalis ang mata sa pagkain nito.
Agad sumibol ang kaba sa kanyang dibdib. Ano na naman ang nais nito sa kanya?
“A-ano ‘yon, Lance?”
Hindi pa rin nito inaalis ang tingin sa hinihiwa nitong karne. “How did you meet my brother? I’m curious how the two of you became a couple.”
“Lance, baka naman hindi komportable si Katrina na sagutin ang tanong mo. Masakit pa sa kanya ang alaala ni Vince,” tila nag-aalalang sinaway ng ginang ang anak.
Hindi siya nagsalita. Mas mabuti iyon para kusang sumuko si Lance.
“Ano bang mali sa tanong ko, Ma? I want to hear their love story. I’m sure Katrina wouldn’t mind sharing it with us,” pamimilit ni Lance. “Hindi ba Katrina?”
Hindi niya halos malunok ang kinakain. Agad niyang inabot ang baso ng tubig at uminom mula roon. Nang maging maginhawa na ang kanyang pakiramdam ay saka siya nagsalita. “A-ang kwento namin ni Vince?”
Nagpunas si Lance ng labi gamit ang table napkin at bahagyang tumango. “Tell me, Katrina. Wala pang dalawang buwan nang magkakilala kayo ni Vince. Tapos pinakasalan ka na niya agad? Ang bilis naman yata.”
Pinigilan niyang ‘wag mapasinghap sa gulat. Ang alam lang niya ay mag-asawa sina Vince at Katrina. Hindi niya alam na bago lang palang magkakilala ang dalawa.
“Nag…nagkakilala kami sa isang volunteer program sa Visayas. Nagkagustuhan. Ganoon.”
“Gano’n lang?” tila ‘di makapaniwalang tanong ni Lance.
“Nagpropose siya sa akin. Kaya tinanggap ko,” dagdag pa niya.
“Hah! Ang romantic naman. Nagkakilala. Nagkagustuhan. Nagpakasal. All within two months,” puno ng pang-uuyam ang boses ni Lance.
Kainis! Paano naman niya gagawing kapani-paniwala ang kwento ng pag-ibig nina Katrina at Vince. Hindi niya lubos na kilala ang mga ito. Ayaw din niyang basta na lang mag-imbento. Hindi na niya gustong dungisan pa ang alaala ng mag-asawa.
Kung pwede lang sariling love story na lang niya ang ikwento kaso wala rin siyang maibibigay. Iyon na yata ang pinakahuli sa kanyang mga priorities sa buhay.
“Anak, don’t expect Katrina to tell us their story in details. Hindi pa siya tuluyang nakaka-recover,” depensa ni Mama Betty sa kanya. Nais niyang magpasalamat dito dahil sa patuloy nitong pagtulong.
“Mahirap ba ang tinatanong ko? Okay fine, ganito na lang. Anong plano ng mahal kong kapatid at uuwi sana siya rito?” tiim-bagang na tanong ni Lance sa kanya.
“Plano?”
“Oo, plano. He’s been gone for too long. Bakit siya biglang uuwi rito?”
Pinilit niyang inaalala ang naging pag-uusap nila ni Vince bago ang aksidente.
Ano nga ba ‘yon? May sinabi siya… parang… ah!
“Ipapakilala niya ako sa inyo. ‘Yon lang.” Kumbinsido siya sa sagot niya. Naalala niyang sinabi ni Vince na uuwi ito kasama si Katrina upang makilala ito ng ginang.
“Liar!”
Natigagal siya sa narinig mula kay Lance. Paano naman naging pagsisinungaling ang sinabi niya. “Iyon ang plano ni Vince. Ipakilala ang asawa niya sa pamilya ninyo. Hindi po ba’t tumawag si Vince sa inyo Mama Betty? Ang sabi nga niya ay sana maging mabait kayo sa akin? Tumawag siya bago ang aksidente.”
Mabuti na lamang at naalala niya ang detalyeng iyon. Sunod-sunod naman ang naging pagtango ng ginang.
“Totoo. Sinabi nga iyan ni Vince. Kaya Lance, anak. Huwag mo nang pagdudahan pa si Katrina. Nag-usap na rin tayo tungkol dito ‘diba?”
Duda? Nagdududa pala si Lance sa katauhan ni Katrina? Ano naman ang mga duda nito?
Tila walang narinig si Lance at patuloy lang ang pagtatanong sa kanya. “Kumusta ang trabaho ni Vince?”
“Maayos naman.”
“Maayos lang?”
“Oo, maayos. Nanggagamot pa rin siya.”
Bahagya itong tumango. “So, gusto niyang ipagpatuloy ang pagbo-volunteer niya?”
“Oo.”
“Sinungaling.”
Nanlamig ang buo niyang katawan. May nasabi na naman ba siyang mali? Shocks! Sana hindi na lang siya nagpadalos-dalos sumagot. Or better yet hindi na lang talaga siya sumagot!
“Lance! That’s enough,” pukol ni Mama Betty sa anak.
“Nag-usap din kami ni Vince, Ma. At hiniling niya sa akin na ibigay ko raw sa kanya ang parte niya sa kompanya. He is selling his stocks to me because he’s leaving for good. Pupunta sila ng asawa niya sa Canada at doon maninirahan.” Iginiya ni Lance ang matalim na titig sa kanya. “Hindi ba Katrina?”
Nanuyo ang lalamunan ni Marissa. Hindi siya makapagsalita. Ano naman din kasi ang sasabihin niya? Hindi niya alam kung totoo o hindi ang paratang ni Lance. At sino naman siya para i-confirm o i-deny ang mga iyon. She’s just deceiving everyone on this table that she is Katrina.
Sinulyapan niya sina Mama Beth at Keith. Bakas sa mukha ng mga ito ang pagkalito.
“O, ano? Hindi ka makapagsalita? O baka naman iba na kasi ang plano mo?”
“Tama na yan, Lance,” giit ni Mama Betty.
“Hayaan ninyo siyang magsalita, Ma.” Hindi pa rin nito inaalis ang pagtitig sa kanya. “Ano Katrina? Huwag mong sabihing mali ang mga sinabi ko? And just to let you know my dear sister-in-law, you’re seven hundred million richer now. ‘Yan ang perang naiwan sa’yo ng kapatid ko. Hindi pa kasali ang pera at ari-ariang mamanahin niya sa nanay namin. So tell me…what are your plans?”
Plans? Ang tanging plan lang niya ay ang makaalis sa bahay na iyon sa lalong madaling panahon! Napaka-komplikado ng kanyang napasok na gulo. Kaya isa lang ang gusto niya—ang makatakas sa bahay na ito!
“Naghihintay kami, Katrina. Sabihin mo,” pamimilit ni Lance.
Mabilis siyang umiling. “Wala akong sasabihin tungkol diyan dahil hindi ko kailan man inisip ang tungkol sa pera. Sa inyo na ang pera ninyo.”
And she’s not talking as Katrina but as Marissa. Wala na rin siyang pakialam. Tulad ng plano niya, aalis na siya bukas. Kahit ano pang sabihin niya ay hindi naman na mahalaga.
Tumayo siya mula sa kinauupuan. “Pasensya na po Mama Betty. Pero sumama po bigla ang pakiramdam ko. Magpapahinga na lamang po ako.”
“Teka, Katrina. Hindi ka pa tapos kumain,” pigil ng ginang sa kanya.
Umiling siya. “Pasensya na po talaga.” Sinulyapan niya si Lance. “Mukhang hindi po kasi gusto ni Lance na nandito ako ngayon.”
Nagkibit balikat si Lance na tila iniinis pa siya.
“Pero, hija. Huwag mo na lang pansinin ang sinabi ni Lance. Kumain ka—”
Nanlaki ang kanyang mata nang makitang hinawakan ni Mama Betty ang noo nito. Pero bago pa man niya matanong kung kumusta ang pakiramdam ng ginang ay bigla na lamang itong nawalan ng malay.
“Mama Betty!”