NAPABALIKWAS si Marissa nang magising. Agad niyang inikot ang mga mata sa paligid at doon na niya nalamang nasa loob muli siya ng kanyang silid. Sandali siyang napaisip kung totoo ang kanyang nakita.
Was it just a dream?
Pero kitang-kita niya na ang doktor na si Vince ang lalaking nakasalubong niya kaninang tumatakas siya. Hindi kaya galit ang kaluluwa nito dahil hinayaan niyang akalain ng mga tao na siya si Katrina?
Agad siyang umalis sa kinahihigaan at inayos ang sarili. Hindi siya maaaring magtagal roon. Baka magpakita muli sa kanya si Vince. Baka nais na talaga nitong itigil niya ang pagpapanggap.
Pero hindi pa man niya masuot ang sandalyas ay biglang bumukas ang pinto ng silid.
“Mrs. Santiago? Are you going somewhere?”
Hindi na niya kailangang hulaan kung sino ang lalaking pumasok. Base sa suot nitong white coat at dalang chart, mukhang ito na nga ang attending physician niya.
Umayos siya sa pagkakatayo at ngumiti sa doktor. “Medyo masakit na po kasi ang likod ko sa kakahiga kaya tumayo ako,” pagsisinungaling niya.
“I see. By the way, I am Dr. Keith Garcia, your attending physician. Kaibigan ko ang asawa mo.” Inilahad ng doktor ang kamay nito. “I’m sorry for your loss. Nalulungkot talaga ako sa nangyari.”
Sa totoo lang ay hindi niya nais na tanggapin iyon. Dahil para na rin kasing ninakaw niyang muli ang identity ni Katrina. Pero may choice ba siya?
Sa huli ay tinanggap niya ang kamay ng lalaki. “Salamat sa pag-aalaga sa akin.”
Ngumiti ang sa tingin niya ay nasa mid-thirties na doktor. Matangkad ito at may hitsura rin.
“Narinig ko mula sa mga nurse na natagpuan ka raw nila sa may hagdanan na walang malay. At hindi mo na raw suot ang hospital gown mo?”
Napakagat labi siya. Mukhang gustong pag-usapan ng doktor ang muntikan niyang pagtakas. “Ah, ‘yon? Naiinitan kasi ako sa suot kong hospital gown kaya ako nagpalit ng damit. At saka medyo bored na ako rito sa kwarto kaya lumabas ako para magpahangin.”
“Including removing your IV fluid?”
Hindi na siya makasagot kaya napayuko na lang siya.
Narinig niya ang pagbuntong hininga ng doktor. “You are still under observation, Mrs. Santiago. Kung maaari ay dito ka muna sa silid mo. Kung hindi ka natagpuan kanina sa hagdan ay baka napano ka na.”
“Pero okay na ako, doc. Ang totoo ay gusto ko na ngang umuwi. Wala naman akong matinding pinsala sa katawan diba? Kaya pwede mo na akong i-discharge.”
Umiling ang doktor. “I won’t take that risk. Hinimatay ka nga kanina. Baka maulit iyon. Isa pa’y kakagising mo lang from a coma. Kailangan mo pa talagang manatili rito para sa mga tests.”
Ramdam niya ang mahigpit na tanggi ng doktor sa hiling niya. Kung siya man ang nasa katayuan nito ay hindi rin siya papayag na basta na lang makalabas ang tulad niyang pasyente. Pero wala talaga siyang planong magtagal roon. Mas malalagay siya sa alanganin kung ganoon. Kailangan niyang manindigan.
“It’s my right to refuse medical attention,” walang kagatol-gatol na pahayag niya.
Nanlaki ang mata ng doktor. “Ano?”
“Pwede akong umalis kahit pa ayaw ninyo, doc. Karapatan ko iyon bilang pasyente.”
Nakita niyang napailing ang doctor at tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.
Pero hindi siya susuko. Sasabihin niya ang lahat upang i-discharge lang siya nito. “Please, doc. Mas hindi ko ikabubuti ang manatili rito. Mas gugustuhin ko sa bahay na lang at doon magpagaling.”
Muling nagbuntong hininga ng doktor. Sa tingin niya ay isang mabuting indikasyon iyon na natatalo na ito sa pag-uusap nila.
“Okay. But you will still be under my watch. You will have regular check ups until we’re sure of your condition.”
Yes! Sa wakas ay wala nang balakid sa kanyang pag-alis. Hihintayin niya lang na makalabas ang doktor at agad na siyang maghahanda. Hindi na rin niya hihintayin pang makabalik ang ina ni Vince. Baka pilitin pa siyang patirahin sa bahay ng mga ito. Wala siyang planong i-extend ang pagsisinungaling niya.
Nang makaalis na ang doktor ay muli niyang inayos ang sarili. Ora mismo ay aalis na siya.
Pasenysa na po sa inyo, Ma’am Betty. Pero kaya n’yo naman po sigurong bayaran ang hospital bills ko. Aalis na po ako rito. Sa tamang panahon ay ipapaalam ko po sa inyo ang katotohanan. Pero hindi po ngayon. Hindi ngayon na naiipit ako sa isang hindi kaaya-ayang sitwasyon.
Maingat na lumabas si Marissa mula sa kwarto at binaybay ang pasilyo. Mabuti na lang at walang tao roon. Walang staff ng ospital na haharang sa kanya. Lalong-lalo’t walang mga pulis na nais siyang kausapin.
Mahigpit ang hawak ni Marissa sa supot ng prutas at pagkain na dinala mula sa kanyang kwarto. Siguradong masasayang lamang ang mga iyon kapag iniwan niya. Wala pa naman siyang perang pambili ng pagkain. Alam niyang marami pa siyang po-problemahin tulad ng bahay na matitirhan at kung paano makakaiwas sa mga pulis. Pero ang pinakamahalaga ngayon ay ang makalayo siya roon.
Ilang hakbang pa ay tuluyan na niyang natanaw ang main entrance ng ospital. Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay makakaalis na siya!
Pero bago pa man siya tuluyang makalabas sa salamin na pintuan ng ospital ay nakuha ang kanyang atensyon ng isang malaking screen ng TV sa lounge area roon. Kasalukuyang umeere ang isang news program. Ngunit hindi lang iyon ang nakakuha ng kanyang atensyon. Nasa screen din kasi ang isang napakapamilyar na mukha. Isang mukhang kilala niya buong buhay niya. Walang iba kundi siya!
Pinaghahanap ngayon ang babaeng nagngangalang Marissa Oliver. Isang nurse at suspek sa pagkamatay ng 68 years old nitong pasyente na si Gregorio Develos. Kung sino man ang may alam sa kinaroroonan ng babaeng ito ay tumawag agad sa pinakamalapit na police station. May nakalaang gantimpala para sa makakapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek.
Kulang na lamang ay liparin niya palabas ang ospital dahil sa sobrang kaba. Tama nga ang hinala niya. Handa si Sir Anthony na gawin ang lahat matagpuan lang siya at mapakulong.
“Okay ka lang, miss?” tanong ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.
“Oo, okay lang a—” Nahigit niya ang kanyang hininga sa nakita. Isang pulis pala ang nakatayo sa roon! Oh no! Kailangan niyang kumilos ng normal kung ayaw niyang tuluyang mahuli.
“Miss?” tanong ulit ng pulis sa kanya.
Huminga muna siya nang malalim bago sumagot. “O-oo. Okay lang ako.”
“Sigurado ka? Para ka kasing nanginginig.”
“Okay lang ako.” Pagkasabi ay mabilis niyang nilakad ang kalsadang patungo sa hi-way. Sa pagmamadali niya ay nagkanda-hulog-hulog na ang mga prutas na nakalagay sa supot. Hindi niya namalayang nabutas na pala iyon sa sobrang pagmamadali.
“Miss! Ang mga prutas mo.”
Pucha! Bakit ba ang kulit ng pulis? Hindi talaga siya tinatantanan.
Hindi niya pinansin ang pulis. Hindi pwedeng makita nito ang mukha niya. Baka makilala pa siya! Nagpatuloy lang siya sa paglalakad ngunit naririnig pa rin niya ang boses ng pulis sa ‘di kalayuan.
Bilis Marissa!
Paano na lang kung makita siya at makilala nito? Madadakip siya. Makukulong. Masisintensyahan nang walang kasalanan! Paano na ang kanyang pamilya? Paano niya masusuportahan ang pagpapagamot ng kanyang ina? Mas lalong hindi maipagpapatuloy ang pagda-dialysis nito kung nasa loob siya ng kulungan!
Kailangan niyang iwasan ang pulis. Kailangan niyang makalayo ngayon. Kailangan niyang—
“Katrina?”
Napaangat siya ng mukha at nakitang lumabas mula sa isang kotse ang isang magandang ginang.
“Mama Betty?”
“Anong ginagawa mo rito sa labas? Hindi ba’t dapat nasa kwarto ka at nagpapahinga. Baka kung—”
Hindi na niya pinatapos ang ginang at mabilis siyang pumasok sa kotse nito. Umupo siya sa bandang likod kung saan lumabas ang ginang. Bakas sa mukha ng matanda ang pagtataka sa kanyang ginawa.
“Tayo na po!” anyaya niya.
“Teka lang. Ano bang nangyayari, Katrina?”
“D-in-ischarge na po ako ng doctor. Maari po bang umalis na lang tayo?” Malamang ay desperado na ang tono ng kanyang pananalita dahil bakas pa rin sa mukha ng ginang ang pagtataka. Kaya naman kinalma niya ang sarili bago nagsalita ulit. “Ayoko po sa ospital. Pakiramdam ko po eh mas lalo akong nanghihina roon. Gusto ko pong umalis na. Pakiusap po.”
Sa wakas ay nakita niya ang pagtango ng ginang at saka tumabi sa kanyang pag-upo.
“Naiintindihan kita, hija. Ako nang bahala.” Pagkasabi ay ang driver naman nito ang tinawag. “Berting, tayo na.”
Sinulyapan niya ang bintana at nakitang tumigil na ang pulis sa paghahabol sa kanya. Doon na siya nakahinga nang maluwag. Parang isang bloke ng semento ang naalis sa kanyang dibdib. Napapikit siya at saka nagpasalamat sa Diyos.
“Saan po tayo, Ma’am Betty?”
Napamulat siya nang marinig ang tanong ng driver.
“Ideretso mo sa bahay. Kailangang makapagpahinga na ang Ma’am Katrina mo.”
Agad niyang nilingon ang katabing ginang. Nais niyang ipahinto ang kotse at bumaba na lamang siya pero ni isang salita ay wala siyang naisatinig. Naubos na ang kanyang mga dahilan. Pagdududahan na siya ng ginang at ayaw niyang mangyari iyon. Baka ito pa mismo ang maghatid sa kanya sa police station. Kailangan niyang magpatianod na lamang sa sitwasyon. Saka na lamang siya ulit hahanap ng pagkakataon para makatakas.
Sa ngayon ay kailangan muna niyang maging si Katrina.
POONG mahabagin!
Alam niyang may kaya ang pamilya ni Vince dahil nakapagtapos ito ng kursong medisina. Bakas din sa ina nito ang napakasopistikadang ayos. Pero hindi niya inakalang sobrang yaman ng mga ito.
Mula sa gate ng bahay hanggang sa malawak nitong hardin ay naghuhumiyaw iyon ng karangyaan. Well maintained ang mayayabong nitong mga tanim na bulaklak. Ang greenhouse naman nito ay napaka-elegante tingnan. Ilang metro pa ang itinakbo ng sasakyan bago iyon huminto sa isang bahay.
No! Erase that. Hindi iyon basta bahay. Isa iyong mansyon. Napakagarang mansyon! Hindi niya kailangang maging architect o engineer upang malaman kung gaano kamahal ang istrukturang iyon. Yari ang bahay sa pinaghalong makaluma at modernong disenyo. Napaghahalataang ang mga ninuno ni Vince noon pa man ay mayayaman na.
Pagkababa ng sasakyan ay iginiya siya ng ginang papasok ng mansyon. Mas nalula pa siya nang makita ang mga muwebles sa loob ng bahay. Mula sa napakalaking mala-diyamanteng chandelier hanggang sa isang grand staircase patungo sa ikalawang palapag ng bahay, mula sa mga upuan at malalaking plorera, mula sa mga carpet at sa mga kurtina, hindi niya tuloy malaman kung hotel ba iyon o bahay pa.
“Katrina?”
“H-ho?”
“Ayos ka lang? Kanina pa kita tinatawag.”
Kanina pa siya nalulula sa kanyang tinatayuan kaya marahil wala siyang narinig mula sa ginang. “O-opo. Okay lang po ako.”
“Mabuti pa, ihatid na kita sa kwarto mo at nang makapagpahinga ka na.”
Tumango siya bilang pagpayag sa suhestiyon ng ginang. Pero hindi pa man sila nakakahakabang ay may boses ng lalaking bigla na lang nagsalita.
“It’s nice to see you, Katrina.”
Agad niyang sinundan ang pinanggalingan ng boses. Napadako ang tingin niya sa pinakataas na baitang ng grand staircase. Isang matangkad at makisig na lalaki ang nakatayo roon. At bago pa man niya mapuri ang gwapong mukha nito ay agad bumalot sa buo niyang katawan ang takot at gulat.
“V-Vince? P-pero patay ka na!”
“Yes it’s me… and I’m still alive, my dear wife.”