CHAPTER THREE

1489 Words
TINURUAN siya ng mabuting asal ng kanyang mga magulang. Lalong-lalo na ng kanyang ama bago pa iyon pumanaw sa sakit sa atay. Ayon sa kanyang Papa Danny minsan ka lang magsinungaling ay magiging kaduda-duda na ang lahat ng sasabihin mo. Pero paano niya sasabihin ang totoo sa isang taong tila ang tingin sa kaniya ay isang buhay na alaala ng anak nito?             Nang lumapit sa kanya ang ina ni Vince ay isang mahigpit at mainit na yakap ang unang ibinigay nito sa kanya. Hinalikan siya sa pisngi at natutuwa na sa wakas ay nakilala na raw siya.             Kinuwento nito kung paano siya nailigtas ng mga nakasaksi sa aksidente mula sa pagkakaipit sa isang upuan. Katabi raw niya si Vince na wala nang buhay. Sakto raw nang mailayo siya sa bus ay bigla iyong sumabog. Iilan lamang daw silang nakaligtas sa aksidente.             Doon na niya naintindihan kung paano siya napagkamalang si Katrina. Magkatabi kasi sila ni Vince sa upuan nang mangyari ang aksidente. At si Katrina naman ay nakaupo sa kanyang upuan. Mapagkakamalan ngang siya ang asawa ni Vince dahil hawak hawak din niya ang cellphone nito. Idagdag pa ang kawalan ng ideya ng mga ito sa tunay na hitsura ni Katrina. Ayon sa ginang, uuwi sana si Vince matapos ang isang taon ng volunteer work upang ipakilala siya. Pero sa halip na isang masayang family reunion ang mangyayari ay naging isang trahedya iyon.             Ramdam niya ang kalungkutan sa puso ng ginang. Pero hindi iyon sapat upang ilihim niya ang katotohanan. Mas mahihirapan ito kung huli na niyang sasabihin ang totoo. Inayos niya ang upo at hinarap ang ginang. “Alam ko nasasaktan po kayo sa mga  pangyayari pero may kailangan po kayong malaman, Ma’am.” “Anong Ma’am? Tawagin mo na akong Mama. Mama Betty.” Hinawakan nito ang kanyang kamay at bahagyang pinisil iyon. “Nawalan man ako ng anak na lalaki, nagkaroon naman ako ng anak na babae. At ikaw iyon, Katrina. Alam kong mahal na mahal ka ng anak ko. Kaya naman kahit wala na siya, alam kong masaya siya dahil aalagaan kita. Ituturing kitang tunay na anak ko.” Tila binibiyak ang puso niya sa mga naririnig mula sa ginang. Alam niyang kahit mukhang matatag ay namatayan pa rin ito ng anak. Sigurado siyang nagdurusa pa rin ito sa loob. Pero wala siyang balak na hayaan itong mas masaktan pa sa huli. Sasabihin din niya ang totoo. Hindi lamang para itama ang mali kundi para maiwasan niyang mas maging komplikado pa ang mga pangyayari.             Pinilit niyang kinalma ang isip bago magsalita. Nais niyang pumili ng mga tamang sasabihin para hindi siya mahirapan sa pagpapaliwanag sa ginang.             Akmang tatayo na ang ginang mula sa pagkakaupo nang hawakan niya ang braso nito. “Uhm… Sandali lang po. May sasabihin po ako.”             Buong pag-aalalang tiningnan nito. “May masakit ba sa ‘yo? Tatawagin ko ba ang nurse?”             Napakabait talaga ng ginang. Nagmana rito ang anak nitong doktor.             Umiling siya. “Wala po. Okay naman po ako. Gusto ko lang pong sabihin sa inyo ang isang napakaimportanteng bagay.”             Natigilan ang ginang sa sinabi niya at saka bumalik sa pagkakaupo. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.             “Ano ‘yon?”             “Kasi po—”             Hindi niya agad natuloy ang sinasabi nang biglang may kumatok sa pinto. Pumasok roon ang nurse na kani-kanina lamang ay kausap niya.             “Pasensya po sa abala ngunit may gusto pong kumausap sa inyo, Mrs. Santiago.”             “Sa akin?” paglilinaw ng ginang.             Umiling ang nurse. Tila nakalimutan nitong pareho sila ngayon ng ginang na ‘Mrs. Santiago’.  “Ah pasensya po ulit. Ang ibig ko pong sabihin ay ang pasyente. Meron po kasing gustong kumausap sa kanya.”             “Ang doktor ko ba?” tanong niya sa nurse ng balingan niya ito.             “Ah hindi po. Mga pulis po. Magtatanong raw po tungkol sa aksidente.”             Oh my God! Bigla na lang nagrigodon ang puso ni Marissa nang marinig ang salitang ‘pulis’. Bakit ba siya na nasadlak sa ganoong sitwasyon? Kailangan na niya talagang makaalis doon sa lalong madaling panahon kung hindi ay manganganib talaga ang kalayaan niya. Hindi siya pwedeng madakip ng mga pulis! “P-pakisabi na masama pa ang pakiramdam ko. Nais ko munang magpahinga. Kung pwede bumalik na lang sila sa ibang araw!” O ‘di kaya huwag na silang bumalik pa!             “Ang mabuti pa ako na lang ang kumausap sa kanila upang maipaliwanag ko ang kalagayan mo,” pagpipresenta ng ginang. Tinapik rin nito ang kanyang balikat na tila ba ina-assure siya na okay lang ang lahat.             Mas mainam nga yata iyon. Wala talaga kasi siyang balak na makipag-usap sa pulis.             Tumayo ang ginang at sumama sa nurse. Naiwan siyang nanlalamig pa rin dahil sa kaba.             Hindi na siya pwedeng magtagal sa ospital na iyon. Maaaring mapaalis ni Mrs. Santiago ang mga pulis ngayon pero sigurado siyang babalik ang mga ‘yon. At kapag ganoon nga ay dapat nasa malayo na siya.             Muli niyang naalala ang rason kung bakit siya tinutugis ng mga pulis. Siya ang main suspect sa pagkamatay ni Lolo Greg. Alam niyang mas bibigat ang kaso laban sa kanya dahil sa ginawa niyang pagtakas pero wala siyang pagpipilian. Hindi siya pwedeng mahuli dahil siguradong maipapakulong lang siya nang walang sala. Isumpa man ang buhay niya at buhay ng kanyang pamilya ay hindi siya nagkamali sa ibinigay na gamot o nagpabaya sa trabaho. Nararamdaman niyang may ibang rason sa pagkamatay ni Lolo Greg. At kailangan niyang malaman kung ano iyon. Pero hindi siya makakahanap ng ebidensya kung nasa loob siya ng kulungan. Kaya kahit maging suspect on the run siya ay titiisin niya. Huwag lang makulong nang walang sala. Nakikinita na rin niya ang katapusan ng kaso. Mabubulok siya sa bilangguan dahil mayaman ang nagdemanda sa kanya. Paano na lang ang kanyang pamilya kapag nangyari iyon? Paano na ang may sakit niyang nanay? Ang nag-aaral niyang kapatid? Atleast dito sa labas ay pwede pa siyang makagawa ng paraan. Kahit pa magbago ng hitsura ay gagawin niya para lang makahanap ng mapagtatrabahuhan. Kailangan siya ng pamilya niya. At gagawin niya ang lahat kahit pa ang tumakas sa batas.             Inikot niya ang mga mata sa loob ng silid. Hindi niya magagawa ang mga plano niya kung nasa loob pa rin siya ng ospital na iyon. Kailangan na niyang makaalis sa lalong madaling panahon.   LAKING tuwa ni Marissa nang makakita ng bagong damit sa loob ng paperbag na dala-dala ng ina ni Vince. Saktong-sakto sa kanya ang asul na blusa at puting saya na sa tingin niya ay mukhang mamahalin pa. Ayon sa ginang ay iyon raw ang isusuot niyang damit kapag nai-discharge na siya sa ospital. Para sa kanya ay ngayon na ang araw na iyon. Muli niyang sinipat ang damit. Bigla tuloy pumasok sa isip niya na taliwas sa pagiging simple ni Vince nang makilala niya ito sa bus ay isang anak mayaman pala ito. Hindi rin kasi maipagkakaila sa hitsura ng ina na nitong taga-alta sociedad. Sayang lamang dahil hindi na niya masasabi rito ang buong katotohanan. Hindi niya kayang ilagay sa alanganin ang sarili.             Nang maalis ang swero at makapagbihis ay sinilip ni Marissa ang labas ng kanyang silid. Umalis ang ina ni Vince upang mananghalian kaya nagkaroon siya ng pagkakataong tumakas. Nang masiguradong walang tao sa pasilyo sa labas ng kanyang kwarto ay dahan-dahan siyang gumalaw. Pilit niyang kinukubliang mukha upang ‘di siya makilala ng mga nakakasalubong na staff ng ospital. Pero bago pa man siya makalayo ay bigla niyang natanaw ang dalawang lalaking naka-asul na uniporme. Napamura siya sa kaba.             s**t! Bakit ba nandito ulit ang mga pulis na ‘to?             Akala ba niya ay hindi pa muna babalik ang mga iyon upang tanungin siya? Bakit nasa ospital pa rin ang mga pulis na iyon?             Nagpalinga-linga siya upang makakita ng pwedeng mapagtaguan. Nang makita niyaang hagdanan ay agad siyang bumaba roon. Sa pagmamadali ay bigla na lamang siyang bumangga sa isang tila malambot na pader. Pero bago pa man siya matumba ay agad siyang sinalo ng isang pares ng malalakas na braso. Tinulungan rin siyang tumayo ng mga iyon.             Nang iangat niya ang mukha upang magpasalamat ay tila tumigil ang kanyang buong mundo. Napaatras siya mula sa nakita at pilit na kinukusot ang mga mata upang masiguradong hindi siya nagkakamali.             “H-hindi maaari. P-paanong?”             Inilapit ng lalaki ang mukha nito sa kanya hanggang sa halos isang pulgada na lang at maglalapat na ang kanilang mga labi. Nakatitig naman sa mukha niya ang mga mata nito na tila ba kinakabisa nito ang kanyang hitsura.             “How exquisite.” Tila bumigat ang ulo niya at ‘di siya makahinga sa narinig at nakikita. Dinadalaw siya ng isang kaluluwa. Ang kaluluwa ni Vince! Naramdaman niya ang paglakbay ng mga kamay ng lalaki sa kanyang mukha. At bago pa man siya makahuma ay bigla na lang nagdidilim ang kanyang paligid.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD