SERYOSO ANG mukha ni Cadence habang nakatingin sa tatlong mga pinsan na mayroong nakakalokong ngiti sa labi. Wala man sabihin ang nga ito, alam nyang may tumatakbo sa isip ng mga ito.
"Look, kung ano man ang nasa isip ninyo ay nagkakamali kayo. Hindi ko tinitingnan si Aga at wala akong gusto sa kanya!"
Naningkit ang mga mata ni Apollo habang si Azariah naman ay humagikgik nang mahina. Umiling-iling naman si Aliona saka nakipag-apir pa sa kapatid.
"B-bakit? Anong problema ninyo?" Naglumikot ang mga mata ni Cadence. Hindi nya makayanan ang tingin ng bawat isa sa kanya.
"Wala naman!" ani Aliona.
"Yeah. Wala naman." Segunda ni Apollo pero lumapit ito sa kanya saka bumulong, "pero Cadence, wala kaming sinabi na may gusto ka kay Aga."
Kumunot ang noo nya. "W-wala ba?"
Tumango ang mga ito kasunod ang pagtawa ng mahina.
Mas lalong kumunot ang noo nya. "B-basta! Wala akong gusto sa kanya. Mauna na nga ako—"
"Wait! Wait a minute!" Hinawakan sya ni Azariah sa braso. "Aalis ka na!?"
"Oo. Baka hinihintay na ako nina mommy sa Butterfly Haven. Ayokong mahuli sa mass."
Umiling ito. "Sumama ka muna sa amin. Maaga pa naman!"
"Ha? Saan naman?"
Hindi sya sinagot nito. Kahit si Aliona ay hinawakan sya sa braso saka siya hinala papunta sa gawing kusina at sa back door sila dumaan. Ngayon lang sya nakapunta sa gawing ito ng mansyon at wala syang alam kung saan iyon patungo.
"S-saan ba tayo pupunta?" tanong nya sa kabila ng paglakad-takbo. Ganoon din ang ginagawa ng mga pinsan nya na animo may humahabol sa kanila.
"Mamaya na namin i-eexplain. Bilisan na muna natin!"
Maraming mga puno ng mangga at sampalok silang nadaanan. Hindi sya pamilyar at mukhang maliligaw sya kung sakaling sya lang ang mag-isa na pupunta rito.
"S-sandali lang!" aniya sabay hila ng sariling braso mula sa pagkakahawak ng pinsan nya. Taas-baba ang kanyang dibdib at hinahabol nya ang hininga sa labis na hingal. Ang pawis nya ay tumatagaktak na rin kaya naman pinunasan nya iyon gamit ang braso.
Nang lingunin nya ang mga pinsan, pare-parehas silang mga pawisan. Si Azariah ay may kinukutikot sa cellphone. Naghahabol din ito ng hininga.
Nagsalubong sila ng tingin.
"Tara na!" anito.
"T-teka nga! Sandali lang!" aniya nang akmang tatakbo na ulit ang tatlo.
Tiningnan sya ng mga ito. "Tara na, Cadence! Baka mahuli tayo!"
"Ha? Mahuli? Nino? T-teka! Ano bang mayroon?" Naguguluhan nyang tanong sa mga ito.
Tila sobrang inip na inip na si Azariah kaya naman nagsalita ito, "Mauuna na ako. Kayo na muna ang magpaliwanag kay Cadence!" anito saka tumakbong muli.
Naiwan silang tatlo na kahit paano, bumabalik na sa normal ang paghinga. Tiningnan nya ang dalawa na bakas sa mukha ang pagod.
"So, baka pwedeng may mag-explain sa akin? Anong nangyayari?"
Umayos ng tayo si Aliona. "May kikitain kasi si Azariah sa sapa ngayon."
"Sapa?"
Tumango ito. "Oo."
"Sino?" tanong nya.
"Her boyfriend." This time, si Apollo ang sumagot.
Nanlaki ang mga mata nya. Hindi sya makaniwala. "Teka! Pinayagan ba sya ni Tita?"
Umiling si Aliona. Si Apollo naman ay hindi sumagot.
Napapikit sya. "Bumalik na tayo!"
"Ha? Huwag! Nandoon na si Azariah!" ani Aliona.
"Cadence, tara na. Kailangan natin sundan si—"
"Apollo, ilang taon ka na?"
"19," sagot nito.
"Si Azariah?"
"She's 18," si Aliona ang sumagot. Bakas sa mukha ang pagkainip. "Kuya, tara na."
"Wait!" aniya. Humarap sya kay Apollo. "Mas matanda kayo kay Azariah pero bakit hinahayaan ninyo syang gawin ang bagay na hindi naman sya pinayagan?"
Hindi nakasagot ang magkapatid. Tila nagulat sa tanong nya na iyon.
Huminga nang malalim si Apollo. "Cadence, this is not the right time para pag-usapan iyan. Let's go!"
"No! Babalik na ako!"
"Candence!" tawag sa kanya ni Aliona. "Nandoon si Azariah!"
"So what? Ayaw kong madamay ako sa problema ninyo! Bakit kasi hinila-hila ninyo ako rito?"
"Cadence, bakit ka ba nagagalit?"
"Dahil hindi tama yung ginagawa ninyo. Pati ako idadamay pa ninyo!" aniya.
"Candence, look. Gusto ka lang namin maka-bonding at makasundo." Ngumiti pa si Aliona. "Hindi ka naman namin ipapahamak."
"Talaga? Sa tingin ninyo, kapag hinanap ako roon at nalaman na kasama ninyo ako na nagpunta sa kung saan, sa tingin ninyo, ano mararamdaman nila? Matutuwa?"
"Kasama mo naman kami!"
"So what kung kasama ko kayo? Pinayagan ba sya ng mommy nya? Kung oo, sige. Ayos lang na sumama ako sa inyo."
Hindi kumibo ang dalawa. Biglang syang namoblema dahil sa nangyayari. Ayaw nyang mapagalitan. Ayaw nyang madamay sa kung anong mga bagay na wala naman syang kinalaman.
"Ganyan ka ba talaga?"
Tiningnan nya si Apollo. Bakas sa mukha nito ang inis. Nakataas din ang kilay nito at halatang nagpipigil.
"Ano?"
"Kuya, tama na. Sundan na lang natin si Azariah."
"Mabuti pa nga," anito bago sya muling tingnan. "Ikaw, umuwi ka na! Hindi ka namin kailangan! Akala mo naman kung sino ka! Tara na." Nauna na itong naglakad.
Si Aliona naman ay binigyan sya ng nag-aalangan na tingin. Hindi nya iyon pinansin at nagsimulang maglakad pabalik. Napabuntong-hininga na lang sya. Mabuti na lang at medyo makulimlim at hindi ganoon katirik ang araw.
Muli syang lumingon kung nasaan kanina sina Aliona pero wala na rin iyon ngayon. Umiling na lang sya.
Wala sa hinagap nya na makakapunta sya sa ganoong lugar. Nakakatakot mapunta rito. Maraming mga puno at ang mga damo, matalahib. Kahit saan sya tumingin, pare-parehas lang natatanaw nya.
May nakita syang malaking bato at lumapit doon. Naupo muna sya dahil nakakaramdam na rin ng pagod ang kanyang mga paa.
Kinapa nya ang cellphone sa bulsa ng cardigan na suot pero wala iyon doon. Tumingin sa lupa, nagbabakasakaling makita ang gadget ngunit wala. Marahil ay nahulog nya iyon kanina sa mabilisang pagtakbo.
"Saan kaya nahulog iyon?" tanong nya habang panay ang lingon sa kung saan.
Nagsisimula na syang mag-panic. Hindi nya alam kung saan ang daan pabalik sa mansyon at wala pa syang cellphone. Hindi nya tuloy alam kung paano ma-cocontact ang mommy nya.
Napatingala sya sa langit nang makitang dumidilim ang langit. Ang simoy ng hangin ay malamig at tila uulan ano mang oras.
"Don't tell me na ngayon ka pa uulan?" tanong nya habang nakatingala sa langit.
Nagsimula syang maglakad pabalik.
"Siguro naman ito lang ang daan patungo sa mansyon," aniya. Pinapakalma ang sarili.
Sinundan na ang daanan pero bigla syang napatigil nang makitang sangang-daan sa harap nya.
Napaatras sya. Pinilit nyang tandaan kung saan sila nanggaling kanina. Ngunit wala syang matandaan dahil sa sobrang bilis ng lakad-takbo nila kanina. Nagsisimula na syang mag-panic. Napatingala sya nang biglang lumiwanag dahil sa kidlat.
Napapikit sya at kaagad na itinakip ang mga kamay sa magkabilaang tainga. Ilang sandali pa, dumagundong ang malakas na kulog. Napaupo sya sa takot. Nagsisimula na ring bumuhos ang ulan.
Mahina syang napamura. Ang kaninang ambon, ngayon ay malakas na ulan na. Ang lupang dinadaanan nya ngayon ay putik na. Naglakad-takbo sya at pumunta sa gawing kanan ng sangang-daan.
'Bahala na!' aniya sa sarili.
Kasabay ng pagtakbo nya, palakas nang palakas din ang ulan. Basang-basa na ang buhok nya pati na rin ang damit na suot. Giniginaw na rin sya sa lamig ng hangin.
Bigla syang napasigaw nang madulas sya. Napangiwi si Cadence sa sakit nang maramdaman ang kirot sa kanyang balakang pero kaagad na nangilid ang luha nya nang sumakit ang kanyang paa.
Sinubukan nyang tumayo pero tila naipitan sya ng ugat. Muli syang sumubok ngunit mas tumindi ang sakit.
Nag-init ang sulok ng mga mata ni Cadence. Ngayon lang nya naramdaman ang maawa sa kanyang sarili sa tanang-buhay nya. Basang-basa sya ng ulan, naliligaw sya at ngayon, injured pa ang paa nya.
Ni-hindi sya makatayo dahil kaunting kilos lang, sumusugid agad ang kirot. Napasinghot sya. Lihim syang nagdasal na sana, may sumundo sa kanya.
Ngunit paano? Walang nakaalam kung nasaan sya ngayon. Hindi sila nakapagpaalam kaya walang ideya ang mga tao sa mansyon kung nasaan sila—lalo na sya.
Kasabay ng ulan, tahimik syang umiiyak sa lugar na iyon.
"WHERE'S CADENCE?" tanong ni Azariah sa mga pinsan nang makarating ang mga ito sa kubo sa sapa. Katabi nya ngayon ang nobyong si Felix.
Hindi sumagot si Apollo. Si Aliona ay nag-iwas ng tingin.
"Guys?" tawag pansin nya sa mga ito.
"Bumalik sya."
"What?" Kumunot ang noo nya. Tumayo sya at nilapitan si Aliona. "Bakit ninyo hinayaan na bumalik sya mag-isa?"
"E, gusto nya iyon! Hayaan mo na sya! Mukha namang walang balak makipagkaibigan sa atin iyon!" ani Apollo.
Noon nagsimulang bumuhos ang ulan. Napalingon sya sa labas ng kubo.
"Umuulan na!"
"Magpatila muna kayo rito bago kayo bumalik," sabi sa kanya ni Felix.
Kinakabahan sya. Tumingin sya sa labas. Malakas ang ulan. Paniguradong mahihirapan silang makabalik sa mansyon dahil ang daanan ay magiging madulas dahil sa putik.
"Azariah, kung inaalala mo si Cadence, hayaan mo na sya. Kung magsumbong sya, edi harapin natin!"
"Apollo, hindi iyon ang iniisip ko." Lumapit sya sa pinto ng kubo. "Alam ba ni Cadence ang daan pabalik?"
Nagkatinginan ang magkambal. Si Apollo ang sumagot, "I don't know. Gusto nya bumalik, di ba? Hayaan natin sya!"
"Apollo!"
"Ano!?"
"Hindi ka ba nag-iisip? Walang alam dito si Cadence! Baka maligaw iyon!" aniya.
Napayuko si Aliona. Mukhang ngayon lang nito napagtanto na may punto si Azariah.
"Tara na! Kailangan natin sundan si Candence!" Akma syang lalabas ng kubo nang magsalita si Felix.
"Babe, umuulan! Ang lakas nyan!"
"Pero paano si Cadence? Baka mapaano sya!"
"B-baka naman nasa mansyon na sya," ani Aliona pero bakas na rin sa mukha ang pag-aalala.
"Puro kayo Cadence! Baka nga mamaya sinumbong na tayo no'n!" ani Apollo.
Umiling si Azariah. Kahit kasi na hindi sila close ni Candence, nag-aalala pa rin sya para dito. Alam nya na mabait ito at alam nyang hindi sya nito ipapahamak. Sigurado sya roon.
Isang oras na ang dumaan, medyo humina na ang ulan at maaari na silang maglakad pauwi. Nagpaalam na sya kay Felix at wala silang kibuan magpipinsan habang nilalandas ang daan pabalik sa mansyon.
Alas singko na nang hapon. Medyo dumidilim na rin kaya binilisan nila ang paglalakad. Nang makarating sila sa mansyon, sa likod sila dumaan.
"Azariah?" tawag ni Aga sa kanya.
Lumingon sya rito. "H-hi!" aniya.
Tumigil din ang magkambal at humarap din sa binata.
"Itatanong ko lang sana kung nakita ba ninyo si Cadence? Kanina pa kasi sya hinahanap ng mommy nya."
Nagkatingin silang tatlo. "W-wala pa ba sya rito?"
"Wala pa. Kayo kasi ang nakita kong kasama nya kanina sa sala. Akala ko kasama ninyo sya," anito.
Bumangon ang kaba sa dibdib nya. Tiningnan nya sina Apollo at Aliona na alam nyang kinakabahan na rin.
"Azariah, nasaan ang anak ko?" tanong ng Tita Cathy nya sa kanya na kasunod pala ni Aga.
"Ah... K-kasi po..." Tumingin sya kina Apollo. Humihingi ng tulong.
Hanggang sa pati ang mommy nya, pumasok na rin sa kusina. Bakas sa mukha nito ang inis sa kanya. Tiningnan sya nito mula ulo hanggang paa. Tumaas ang kilay nito nang makitang putikan ang kanyang sapatos.
"Saan ka galing?"
Hindi sya sumagot. Mas dumoble ang kaba sa kanyang dibdib. Mukhang mag-aaway na naman sila ng mommy nya at lalo syang malalagot kapag nalaman ng mga itong wala pa si Cadence.
"Cathy, wala pa ba si Candence?" tanong ng Tito Franco nya na kadarating lang.
Ang mga mata nila ay nasa kanya.
"Azariah, nasaan si Cadence? Wala sya sa kwarto nya. Wala sya sa Butterfly Haven. Kayo lang ang kasama nya kanina."
Nagsimulang mag-init ang mga mata nya. "K-kanina po kasama namin sya."
"Nasaan na sya ngayon?"
"Kasi po... Sinama namin sya kanina p-papunta po sa sapa pero..." Nagsimulang tumulo ang luha nya. "Bumalik daw po sya dito."
"E, bakit wala pa rin sya hanggang ngayon?" tanong ng mommy ni Cadence.
"B-baka po naligaw sya p-pabalik po rito," ani Aliona saka umiiyak na yumakap sa kapatid.
Narinig nyang nagmura si Aga saka mabilis na tumakbo palabas. Naiwan silang lahat doon na may pag-aalala para kay Cadence.
"Azariah, sumunod ka sa akin! Mag-uusap tayo!" ani mommy nya.
"Pero nawawala pa po si Cadence, mommy!"
Humarap ang mommy nya sa Tita Cathy nya na umiiyak na rin katabi ang asawa. "Kakausapin ko muna ang anak ko. Babalik din ako, Cathy... Franco."
Tumango lang ang mga ito.
Hinila sya ng kanyang ina papunta sa library. Wala na syang maisip ngayon. Puro pag-alala sa kanyang pinsan ang nararamdaman nya ngayon.