"Kristelle! Ano ba? Bilis-bilisan mo naman ang kilos mo!" sigaw ni Nanay mula sa labas ng aming bahay. Nag-aayos ako ngayon ng aking sarili. Binihisan nila ako ng napakagandang damit at nilagyan din nila ako ng make-up. Hindi ko alam kung anong okasyon. Hindi ko naman birthday para magsuot ng ganito. Ito ang unang pagkakataon na binilhan nila ako ng damit. Lahat kasi ng damit ko'y pinaglumaan lamang ni Ate Antonietta.
"Heto na po 'nay!" Binilisan ko na ang kilos at lumabas na ng silid.
"Bakit ba napakatagal mo?" sigaw ni Nanay. Nakakunot na ang noo niya at bakas sa mukha ang pagkairita. Sanay na naman ako sa kanya. Kahit kailan ay hindi ko pa naranasan ang ngitian niya. Walang araw na hindi siya nakasinghal at galit sa akin. Kaya kung minsan napapa-isip ako kung anak ba talaga nila ako.
"Sorry po," hingi ko ng paumanhin.
"Tara na kayong dalawa. Naghihintay na ang mag-asawang Thompson sa kanilang hacienda!" tawag sa amin ni Tatay na nakasakay na sa tricycle.
"'Nay, sama po ako!" Napalingon ako nang sumigaw si ate.
"Bilisan mo at mahuhuli na tayo,"
Isinukbit ni Ate ang braso nya sa braso ko at sabay kaming naglakad patungo sa tricycle na nakaparada sa tapat ng gate namin.
"Ate, alam mo ba kung ano'ng gagawin natin sa bahay ng mga Thompson?" bulong kong tanong kay Ate.
"Hindi, e," kibit balikat niyang sagot. Marahas akong napabuntong hininga. Close kami ni Ate at masasabi kong siya ang tagapagtanggol ko kina nanay at tatay sa tuwing pinapagalitan nila ako. Kung minsan ay inaaway niya si nanay at pinapagalitan dahil sa uri ng pakikitungo nila sa akin.
"Baka niyaya lang tayo sa isang okasyon," pagkuwan ay bulong ni Ate. Nakasakay na kami sa loob ng tricycle. Magkatabi kami dito sa loob. Samantalang sila nanay ay nasa likod.
Sabay-sabay kaming bumaba ng tricycle nang marating namin ang hacienda ng mga Thompson. Nakakamangha sa ganda at laki ang bahay nila. Mala-fairytale na tila ba ang mag-asawa ang reyna at hari. At ang anak naman nilang lalaki ang prinsipe. Napaka-swerte niya at nasa mayaman siya na pamilya napunta. Pangarap ko rin ang magkaroon ng ganitong bahay. Pangarap kong maging reyna at hari rin sila nanay at kami naman ni Ate ang prinsesa.
"Hoy! Ano ba?! Bakit tulala ka na?" sigaw ni Nanay sa 'kin. Napapitlag ako at dali-daling naglakad palapit sa kanila. Nilibot ko ang paningin sa paligid. Ang mga bulaklak sa paligid ay magandang namumukadkad. May fountain din sa gitna niyon at may estatwa pa ng lalaking nakabahag lamang. Ang ganda naman dito. Siguro masarap tumira rito. Malawak ang hacienda na hindi siguro kayang libutin lamang ng isang araw.
"Good evening, Madam Thelma!" bati ni Nanay sa napaka-gandang ginang na nasa harap namin. Ito na ba si Madam Thelma? Akala ko ba may asawa't anak na siya? Bakit napaka-bata ng mukha niya?
"Good evening rin. Ohh, ito na ba si Kristelle?" tanong ng ginang kay nanay at lumapit sa akin.
Nahihiya akong bumati sa kanya.
"Good evening po, Ma'am!"
"Napaka-gandang bata naman pala ng anak niyo at mukhang mabait pa! Mabuti naman at pumayag kayo sa kagustuhan namin." Nagtaka ako sa huli niyang sinabi at nilingon sila nanay. Mabilis na nag-iwas ng tingin sa 'kin si nanay at gayon din si tatay.
Ano'ng meron? Bigla akong kinabahan.
"Halina kayo sa loob. Nagpa-handa na ako ng hapunan. Dito na kayo kumain," aya ng ginang at nauna ng naglakad papasok ng mansyon.
"Naku, madam. Nakakahiya naman po. Nag-abala pa ho kayo," nahihiyang tugon ni Nanay.
"'Wag mong isipin 'yon. Malapit na tayong maging pamilya kaya 'wag na kayong mahihiya sa amin."
Pamilya? Bakit? Paano?
"Maraming salamat, madam at tinulungan niyo ho kami," ani ni Tatay.
"Walang anuman, Nestor,"
Kung ano ang ganda sa labas ay mas maganda rito sa loob. Ang mga kagamitan na nagkikintaban at naghuhumiyaw sa karangyaan. Sigurado akong mamahalin ang mga gamit nila rito. Napakalawak ng sala nila na may malaking sofa set at napaka-gandang table. Sa ilalim ng hagdan ay may piano at sa ibabaw niyon ay mga picture frame. Napakalawak dito sa loob. Siguradong maliligaw ako rito kung nagkataon.
"Darling, nandito na sila!" Napatingin ako sa dalawang lalaki na nakatayo malapit sa dining area. Ang isa ay bakas na ang edad ngunit ang tindig at laki ng katawan ay tila modelo na nakikita ko sa mga magasin. Natulos ako sa aking kinatatayuan at napahinto. Totoo ba 'tong nakikita ko? Isang gwapo at tila prinsipe ang nasa harap ko. Malaki ang katawan, maputi at higit sa lahat matangkad. Makapal ang kilay na bumagay sa kanyang mga mata. Lahat na yata ng katangian ng isang gwapong lalaki ay nasa kanya na. Ngunit natakot ako sa uri ng titig niya sa akin. Galit siya sa akin? Wala naman akong ginagawa sa kanya ah!
"Ohh, Nestor... Mildred," sambit ng lalaking medyo may edad na.
"Kristelle... siya nga pala ang aking asawa na si Willie," pakilala ni Madam Thelma.
"Hello po!"
"Hello rin iha. Totoo nga ang sinabi ng aking asawa. Napaka-ganda at bait mong bata,"
"Po?" nagtataka kong tanong. Ngayon ko lang sila nakita at nakilala ngunit parang marami na silang alam tungkol sa akin. Marahil ay kinuwento na ako nila nanay sa kanila.
"Iha, meet my only son, William," pagkuwan ay pakilala naman niya sa binatang lalaki na hanggang ngayon ay masama pa rin ang tingin sa akin.
"H-Hello," nahihiya kong bati. Hindi ko natagalan ang titig niya sa akin kaya naman mabilis kong niyuko ang aking ulo. Hindi niya rin pinansin ang pagbati ko sa kanya.
"Siya nga rin pala ang panganay naming anak na si Antonietta," pakilala naman ni Nanay kay ate.
"Hello po sa inyo!" masayang bati ni Ate.
"Ready na ang mesa. Kumain na tayo bago natin pag-usapan ang kasal," wika ni Madam Thelma na ikinabilog ng aking mga mata. Kasal? Sinong ikakasal? Si ate ba?
Pasimple kong nilapitan si ate habang naglalakad at pabulong kong tinanong.
"Ate, ikakasal ka na?" Natawa naman si ate sa tanong ko.
"Hindi ako, Kristelle. Pero kung ganiyan ka-gwapo ang pakakasalan ko. Bakit hindi?" kinikilig na tugon ni Ate. Isang irap ang binigay ko sa kanya bago umupo sa tabi ni Nanay.
"Kumain kayo ng kumain. 'Wag kayong mahihiya," si madam Thelma at iniabot ang ulam sa akin. Hindi ko alam kung anong tawag dito. Pero mukha siyang masarap. Hindi mawala-wala ang mga ngiti sa labi ng ginang. Napaka-ganda niya talaga. Mukha siyang anghel!
"May problema ba, Kristelle?" nagulat ako ng tanungin ako ni Madam Thelma.
"A-Ahm... wala po, pasensya na,"
"It's okay,"
Tahimik kaming kumain. Tanging ang matatanda lang ang nag-uusap. At kami ay nakikinig lang. Naguguluhan ako sa usapan nila. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung sino ang ikakasal.
"Kristelle, iha. Ano'ng gusto mong wedding theme?" tanong sa akin ng ginang na labis kong kinagulat.
"P-Po?" gulat kong tanong.
Nagtataka naman ang ginang na binalingan ng tingin sila nanay.
"Mildred... hindi niya pa ba alam?" tanong ng ginang.
"Pasensya na po kayo sir, madam. Nahirapan kasi akong sabihin sa kanya,"
"Ano pong ibig niyong sabihin?" baling ko kay nanay.
"Anak, Kristelle. Pasensya ka na hindi namin agad nasabi sa'yo ng tatay mo. Napagkasunduan namin nila madam na ikasal ka sa nag-iisang anak nila na si William," pahayag ni Nanay. Nakaramdam ako ng inis sa uri ng tono na ginamit niya. Malambing iyon na kahit kailan ay hindi niya nagamit sa akin. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay. Tinitigan ko siya at nandoon ang pagmamakaawa sa kanyang mga mata na alam ko'y pagkukunwari lamang. Huminga ako ng malalim at ibinaling ang tingin kay William na ngayon ay masamang naka-titig sa 'kin. Yumuko ako sa kanya maging kina madam Thelma at dahan-dahang tumayo.
"Sorry po. Pero masyado pa akong bata para maikasal at sa taong ngayon ko lang po nakilala," sabi ko kasabay ng paglabas ko sa kusina.
"Kristelle!" sabay na tawag nina Nanay at Tatay.
Sunod-sunod na pumatak ang aking luha. Bakit ako magpapakasal sa lalaking ngayon ko lang nakilala? Bakit kailangan nilang magdesisyon para sa sarili ko? Masyado pa akong bata. Kaka-eighteen ko lang nung nakaraang buwan, tapos... heto? Malalaman kong ikakasal na ako. Alam ko naman na ayaw din ng lalaki ang nasabing kasalan. Bakit hindi niya man lang pinigilan ang kanyang mga magulang?
"Kristelle!" sigaw ni Tatay mula sa likuran ko at hinablot ang aking braso.
"'T-Tay... m-masakit... p-po..." daing ko sa higpit ng hawak niya sa braso ko. Nakalubog ang mga kuko niya roon at pulang-pula na rin.
"Masasaktan ka talaga kapag hindi ka bumalik doon at bawiin ang sinabi mo!" may diin niyang sambit.
"'T-Tay.. a-ayoko pong magpakasal."
"Kami ang magdedesisyon kung kailan ka ikakasal at kung kanino ka ikakasal. Naintindihan mo?!"
Binundol ng matinding takot ang dibdib ko. Parang sinapian ng masamang espiritu si tatay sa uri ng titig niya sa akin at mas lalo pang humigpit ang hawak niya sa braso ko. Hinihila ko iyon ngunit mas lalo niya lamang hinihigpitan ang pagkakahawak.
Sumunod na dumating ay si nanay at nanlilisik ang mga mata sa akin.
"Walang hiya kang babae ka!" sigaw niya at sinampal ako sa kaliwang pisngi. Para akong nabingi sa sobrang lakas niyon.
"Nay!" sigaw naman ni ate na kakalabas lang din ng mansyon. Tumakbo siya at hinila ako palayo sa kanila.
"Bakit niyo ba sinasaktan si Kristelle? At dito pa talaga sa labas ng mansyon nila madam? Paano kung makita nila kayo rito? Ano na lang ang sasabihin nila sa inyo? Na wala kayong kwentang mga magulang?" sermon ni Ate.
"Antonietta!" dumadagundong na sigaw ni Tatay.
"Bakit? Pati rin ba ako sasaktan niyo?"
"Aba't—" akmang sasampalin na sana ni Tatay si ate nang biglang lumabas si madam Thelma.
"What's happening here?"
"Ahmmm... p-pasensya na po kayo madam sa inasal ng aking anak. Pinapakalma lang namin siya at humingi na rin ng pasensya dahil sa pabigla-bigla naming desisyon," tarantang sagot ni Nanay. Napaismid ako sa mga sinabi niyang puro kasinungalingan.
"It's normal, Mildred. Hayaan na muna natin siyang makapag-isip," ani ng ginang sa malumanay na boses. Mabuti pa siya'y naintindihan ako. Bakit mga sarili kong magulang hindi ako maintindihan?
"Pasensya na po ulit madam," hinging paumanhin ulit ni Nanay.
"Tara na!" baling ni Nanay sa akin at mahigpit akong hinawakan sa aking braso. Lumingon akong muli kina Madam at natanaw ko sa likod niya ang lalaking ipapakasal nila sa akin. Madilim ang anyo niya at matalim ang mga titig sa akin. Nagtayuan ang mga balahibo ko at nakaramdam ako ng matinding takot sa aking dibdib.