CHAPTER TWO – ANNOYING THAN YOUTUBE ADVERTISEMENTS
Inis na tinungo niya ang butterfly garden. Isa sa pinakapaborito niyang lugar sa unibersidad dahil bukod sa tahimik ay libre siya nakakapasok doon dahil ka close niya ang nagbabantay.
“Gandang umaga, Janine. Mukhang makulimlim ang araw natin ngayon ah?” Bati sa kanya ni Manong Roman na kasalukuyang naglilipat ng mga larva sa maliliit na kahon. Mukhang may nag order na naman ng mga butterfly. Nagbebenta kasi ang school nila ng mga paru-paru na kadalasang ginagamit sa debut or di kaya ay kasal.
“Sisigaw ulit ako Manong Roman.” nakasimangot pa rin na sabi niya. Napangiti lang ito. Sanay na ito sa pagsigaw niya roon sa tuwing naiinis siya at may problema. Para kasing ang gaan ng pakiramdam niya matapos niyang isigaw ang lahat ng inis o galit sa dibdib niya.
“Ilabas mo ang lahat kung ganoon. Huwag lang masyadong malakas at baka matakot ang mga paru-paro.” biro pa nito.
Tumango lang siya bago tinungo ang pinakadulong bahagi ng hardin. Pinakapaborito niya ang pwestong iyon dahil mas maraming paruparo ang nagliliparan at malamig ang hangin sa bahaging iyon.
Humigit siya ng malalim na hininga bago sumigaw ng malakas.
“I hate you! Akala mo kung sino ka! Hindi porke’t mayaman ka, sikat ka ay magagawa mo na lahat ng gusto mo! Kadarating mo lang sa buhay ko pero puro kamalasan at kawalang hiyaan na kaagad ang naranasan ko! Kasing kulay ng itim mong kotse ang budhi mo!”
Halos maubusan siya ng hangin matapos niyang makasigaw pero kahit nagawa na niya iyon ay hindi pa rin nabawasan ang ngitngit na nararamdaman niya.
“Done shouting?” Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses.
“Mark!” Gulat na bulalas niya. Ito ang una niyang naging kaibigan mula nang unang beses siya nitong marinig sumigaw sa butterfly garden. Transferee ito ngunit hindi katulad ng isang transferee na bwisit ay di hamak na mas mabait naman ito.
Umupo ito sa kalapit na upuan.
“Sinira mo na naman at masarap kong tulog.” Kung siya ay mahilig sumigaw, ito naman ay ginawang tulugan ang BG.
Sinimangutan niya ito. “Nag skip ka na naman sa klase natin.”
“Nakakatamad pumasok sa klase pero huwag kang mag-alala. Tapos ko nang ipasa kay Sir Ciriaco ang artwork number two natin kaninang umaga.” sumimangot ulit siya bago umupo sa tabi nito.
“Ang daya mo talaga pero mas okay na rin na wala ka kanina.” naiinis na sabi niya.
“May nangyari ba?” piningot nito ang ilong niya. Isang buwan pa lang silang magkakilala pero close na kaagad sila. Alam mo feeling na may koneksyon agad sila. Siguro ay magkaibigan silang dalawa sa past life kaya click kaagad ang vibes nila.
“May bagong salta na dumating. Nakakainis. Nakaka highblood!” Narinig niyang tumawa ito ng malakas.
“Bagong salta?”
Pinaikot niya ang mga mata bago tumango.
“Kwento ka.” Tinapik nito ang balikat niya.
“Ayoko ko nga. Baka matumba na lang ako ng wala sa oras dahil sa inis dito.”
“Come on.” Pangungulit nito.
“Pinahiya niya ako.”
“That’s all?”
“Basta, mahabang kwento kaya hanggang diyan lang ang maikukwento ko sayo basta ang bottomline, bwisit siya sa buhay ko. Bakit kasi sa dinami-dami ng school dito sa Occasus ay dito pa nag enroll ang lintik na Irvin Ambrosio na iyon!”
“Irvin Ambrosio?” taas ang kilay na sambit nito.
“Kilala mo siya? Oh well, nakalimutan kong sikat nga pala siya. No wonder na kilala mo o narinig na ang pangalan niya. Pero sana kahit may pangalan na siya na kilala ng lahat ay nakatapak pa rin ang mga paa niya sa lupa.” tinatamad niyang sabi bago tumayo at naghikab.
“Of course. Sino ba ang hindi nakakakilala sa kanya.”
“Aanhin mo naman ang kasikatan kung napakasama ng ugali.”
Bigla itong ngumiti. “Huwag mo na siyang isipin. Don’t think about negative people.”
“Iyan nga yata ang dapat kong gawin. Ang isipin na hindi nag-e-exist sa mundo ang lalaking iyon. Isa pa, parang gusto kong gumaya sayo.” Bigla siya napangisi samantalang napa kunot naman ang noo nito.
“Mukhang may binabalak ka na naman, Janine Lim.”
“Punta tayong lugawan, libre mo.”
Muli nitong piningot ang ilong niya.
“Nahahalata ko nang inaabuso mo ang kabaitan ko pero sige. Nagugutom na rin kasi ako. Hindi ako kumain ng agahan dahil tinapos ko ‘yung artwork natin.”
Pumalakpak siya sa sobrang tuwa. Saglit niyang nakalimutan na naiinis siya kani-kanina lang.
“Ano pang ang hinihintay natin? Tara na sa lugawan!” Hinila niya ito palabas ng butterfly garden at nagmamadaling nag bantay ng sikad. Medyo may kalayuan din kasi ang lugawan mula sa unibersidad.
Lakad takbo ang ginawa nilang dalawa hanggang makarating sila sa lugawan.
“Dalawang serve, Ate Ganda.” Bungad niya sa baklang nagse-serve ng lugaw. “Damihan mo ang laman ha.” Aniya.
“Areglado Ganda.” Malanding sabi nito bago kinindatan si Mark na nasa likod niya. Tumawa lang ito sa sinabi ng bakla. Magkaharap silang naupo sa pinakadulong bahagi ng mesa
“Grabe! kapagod ang ginawa natin.” Aniya na pinapaypayan ang sarili.
“Kasi pwede namang maglakad at hindi na kailangang tumakbo pa.”
“Excited na kasing akong kumain ng lugaw at isa pa, hindi rin ako nakakain ng agahan tulad mo.”
Tumawa lang ito bago may kinuhang bond paper at lapis sa bag.
“Don’t move.” Anito.
“Iguguhit mo na naman ako?” Tumango ito. Mula kasi ng kumain sila sa lugawan ay lagi na siya nitong ginuguhit. Ibebenta raw nito sa mga foreigner ang mukha niya. Natawa na nga lang siya kasi hindi naman exotic ang beauty niya tulad ng ibang pinay na nakasungkit ng mga afam. Marami rin naman ang nagsasabi na maganda siya hindi nga lang marunong mag-ayos ng sarili. Actually sa isang araw ay isang beses lang yata siya nagsusuklay.
“Yups kaya huwag kang malikot.” Nagsimula na itong gumuhit ng pahalang at patayong linya sa gitna ng papel kaya humarap siya rito at ngumiti. Seryoso itong tumitingin sa kanya pagkuwa’y kaya nagkaroon siya ng pagkakataon para titigan ito ng mabuti. Singkit ang mata nito na tinernuhan ng makapal na kilay. Hindi ito maputi, hindi rin maitim, sakto lang. Isa sa pinaka gusto niya kay Mark ay ang ngipin nitong pantay na pantay sa tuwing ngingiti ito. Natigilan siya ng biglang maalala na parang may kapareho ito sa pag-ngiti, hindi lang niya maalala kung kanino.
“Stop it, Janine. baka matunaw ako sa mga titig mo.” Napakurap siya sa narinig.
“Ha?”
“Naiinlab ka na ba sa akin kaya ganyan ka kung makatingin?” Tanong nito na nagpa cute pa.
“Baliw!” Hindi niya napigilan ang sarili hampasin ito sa braso. “Tapos na ba? Patingin dali!” Tumayo siya at dumungaw sa papel na hawak nito.
“Hindi pa. Hindi ko matapos-tapos dahil nilalandi mo ako.” Biro ulit nito bago humalakhak ng malakas. Nakigaya na rin siya ng paghalakhak.
“Loko ka talaga, Makoy.” Aniya.
“Mamayang gabi ko na tatapusin. Ibibigay ko sayo bukas ng umaga.”
Tumaas ang kilay niya sa sinabi nito.
“Weh? Sigurado ka diyan? Kasi ako, siguradong hindi ka na naman papasok sa klase.”
Ngumisi ito.“No, I’m serious. Gusto kong makita ang bagong estudyante, Hihingi ako ng autograph.” sabi nito bago napatingin sa bag. Tumunog kasi ang cellphone nito. Ayaw pa sana nitong pansinin pero siya na kumuha niyon sa loob at binigay dito.
“Sagutin mo baka importante. You know, matter of life and death situation. Baka pagsisihan mo sa huli dahil hindi mo sinagot ang tawag na iyan.”
Walang magawa na kinuha nito ang phone sa kamay niya at sumenyas sa kanya na lalabas.
“Yes, I know that he’s already here.” Narinig pa niyang sabi nito sa kausap.
Sakto naman nang pagkalabas nito ang pagdating ng order nilang special lugaw at may kasama pang puto.
“Libre na ‘yang puto dahil kasama mo si pogi.” Ani ng baklang tindero sa kanya. Tumawa na lang siya sa sinabi nito. May itsura naman kasi talaga si Mark. Kaya nga siguro inis na inis sa kanya si Jonah dahil close sila ni Mark. Kamukha niya ang bida sa Titanic, mas makapal nga lang ang kilay nito.
Inayos niya ang inorder nila bago humaba ang leeg para tingnan si Mark. Seryoso ang mukha nito. Importante nga yata ang tawag na iyon.
Ngumiti ito at kumaway nang magtama ang mga mata nila. Gumanti siya ng kaway dito. Napatingin siya sa papel na may drawing nito. Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Buhok at ngiti pa lang niya ang naroon. Kulang pa ng mata, ilong at ilan pang mga detalye. He’s really good when it comes to drawing.
Hindi niya alam pero biglang sumagi sa isip niya ang nangyari kanina. Napasimangot tuloy siya ng wala sa oras. Bumalik na naman ang inis niya sa Irvin na iyon. Nakakabiwist ang presensya at mga pag ngisi nito. Bigla siyang natigilan. Marahan siya napatingin kay Mark. Ngumisi ito dahil saktong nakatingin din pala ito sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya. That smirk! Ang ngisi na iyon pati na ang pantay na ngipin. Hindi siya maaaring magkamali. Katulad na katulad iyon sa ngisi ni Irvin Ambrosio.
“May problema ba sa mukha ko?” Kunot ang noong tanong ni Mark sa kanya dahil napansin marahil nito na panay ang sulyap niya rito. Ayaw kasi siyang lubayan ng ideyang pumasok sa isip niya kanina.
“Ha? Wala, wala.” mabilis na sagot niya bago sinimot ang natirang lugaw sa mangkok niya. “Ang sarap. Nabusog ako ng sobra.” Inalis niya sa utak ang naisip na magkapareho ang ngisi nito at ni Irvin. Masyado lang siguro siyang occupied sa lalaking iyon kaya pati sa ngisi ni Mark ay ito pa rin ang nakikita niya
“Ang takaw mo ano?”
“Nagutom lang talaga ako.”
Kinuha rin nito ang sariling mangkok at parang sabaw na hinigop ang natirang lugaw doon. Hindi niya napigilan ang sariling ngumiwi.
“Let’s go?” Anito matapos punasan ang bibig.
“Saan?” napatingin siya sa relong nakasabit sa ratan na dingding ng lugawan. Alas nuwebe pa lang ng umaga. May klase pa siya mamayang alas dos hanggang alas kwatro pero wala siyang balak na pumasok. Isa pa, hindi pa yata dumadating ang Prof nila sa subject na iyon dahil since monday ay wala ito.
“Kahit saan. Ako ang bahala sa kung saan tayo pupunta. Wala pa akong isang buwan dito pero marami na akong alam na lugar na masarap pasyalan. Gusto mong magpalamig ulo di’ba? May alam akong lugar na mas relaxing pa kaysa sa BG. May mailalabas mo ang inis sa lugar na iyon.” anito bago isinukbit sa balikat ang bag at tumayo. Walang nagawa na sumunod na lang siya rito.
Sumakay sila ng sikad papuntang bundok. Bigla siyang nakaramdam ng excitement dahil matagal na rin mula nang makaakyat siya ng bundok na iyon. Tatlong taon na mahigit. Ang huling akyat niya ang siyang dahilan kung bakit kinailangan nilang umalis sa Occasus, ang taong nagturo sa kanya kung gaano kasarap ang magpinta.
Bente minutos din ang binyahe nila bago narating ang paanan ng bundok, ang Solis Occasus. Ito ang pinakamataas na bundok sa lugar nila at ito rin ang pinakamaganda sa lahat dahil sa nakikita nito ang kabuuan ng Occasus.
Dahil tinatamad na silang maglakad ay sumakay sila ng motor paakyat ngunit hanggang kalahati lang bundok pwede ang mga motor dahil masyado nang matarik at lubak-lubak ang daanan. Kailangan pa nilang maglakad ng halos sampung minuto bago marating ang tuktok mismo.
“Wew! Nakakapagod.” Hinihingal na sumalampak siya ng upo sa damuhan. Natatawang naupo sa tabi niya si Mark. Kapwa habol nila ang hininga. Mabuti na lang at bumili sila ng tig-isang litro ng tubig kanina.
“Worth it naman ang pagod natin, di’ba? Look at the view.”
“Ang ganda. Wala pa ‘ring pinagbago. Ito pa rin ang Solis Occasus na pinakamamahal ko at palaging inaakyat ‘nung bata pa ako.” Maganda ang lugar na ito dati pa pero mas lalo itong gumanda ngayon dahil pina-develop ng mayor nila para sa turismo ng lugar nila. Kung dati ay mga damong ligaw lang ang inuupuan nila, ngayon ang bermuda grass na at napapalibutan na ng mga caladium na iba-iba ang kulay ang paligid. Meron na ring mga tuyong mga sanga na ginawang hugis puso at bird nest para sa mga turistang gusting kumuha ng litrato.
“Yeah, ang ganda.”
“Hihintayin ba nating lumubog ang araw?” nilingon niya ito.
Tumango ito bago kinuha ang sketch board at lapis sa loob ng bag.
“I’ll draw the sunset.”
Napatingin siya sa wristwatch niya.“Baliw, matagal pa bago dumating ang hapon.” Mag-a-alas dose pa lang kasi.
“Problema ba iyon?” tumayo ito. “Can you see it? Para tayong nasa tuktok ng daigdig. I can saw a lot of beautiful sceneries. They’re shouting at me na i-guhit ko raw sila. Mga demanding nga eh.” ngumiti siya sa biro nito bago tumayo at tumabi sa tabi nito.
“I missed this place.” marahan siya napaikit. “Tatlong taon na rin ang nakalipas noong huling beses na nakaakyat ako rito.” Bumalik sa alala niya ang unang beses na pumunta siya roon. Iyon din ang unang beses na nakita niya si Miss Jam, ang taong nagturo sa kanya magpinta. Nakita siya nitong umiiyak dahil nagtatampo siya sa kanyang Lolo nang hindi siya nito binilhan ng krayola. Mula noon ay lagi na siya umaakyat ng bundok para panoorin itong puminta sa paglubog ng araw.
“You’ve been here?”
“Palagi akong pumupunta rito noon. Kaso matapos kaming pumunta ng Maynila ay hindi na ako naka-akyat ulit dito. Kahit matagal na akong nakabalik dito sa Ocassus ay masyado na akong busy para pumasok sa isip ko ang pag-akyat rito. Dalawang beses nga lang akong nakapunta sa mall sa loob ng isang taon. Taong bahay nga talaga ako.”
“Really? Bakit kayo umalis?” parang naging interesado ito. “If hindi ka komportableng sagutin, okay lang.”
Dumilat siya at hinarap ito.
“Umalis kami dahil nagkasakit ang Lolo. Tinulungan kami ni Miss Jam sa pagpapagamot ni Lolo.. Matapos niya kaming ihatid sa bahay na binigay niya ay naglaho na ito na parang bula. Sinubukan namin siyang hanapin matapos makalabas ng hospital si Lolo pero wala, hindi na siya nagpakita. Alam mo, siya ang dahilan kung bakit ko nagustuhan ang magpinta”
“J-Jam?”
“Siya ang nagturo sa akin kung paano puminta. Naalala mo yung kwentas na may initial na J.E at korteng susi? ‘Yung naiwan ko sa butterfly garden? Bigay niya rin sa akin iyon. Naalala ko pa ang sinabi niya nang binigay niya iyon. Sabi niya, lagi ko raw isusuot ang kwentas bilang lucky charm. “Aniya.
Nilingon niya ito nang wala siya makuhang reaksyon. Nakatungo ito na para bang may malalim na iniisip.
“Hoy, may problema ba?” pinitik niya ang mga daliri sa harap ng mata nito. Saglit itong kumurap bago tumingin sa kanya. “Nangyari sa’yo?”
“Ha? W-Wala. May kapangalan lang siya na kakilala ko. You’re very lucky to have her.” Hindi niya alam kung bakit parang may nahihimigan siyang lungkot sa boses nito.
“Syempre naman. Hindi lang mabait si Miss Jam, sobrang ganda pa. She’s the best teacher ever. Siya ang nagturo sa akin na sa pagpipinta, hindi lang puso ang dapat gamitin kundi pati utak. Mas masarap daw ang pakiramdam kung hahaluan ng misteryo ang bawat painting. Nakapa misteryoso niya kasing tao. Hindi niya kami kaanu-ano pero sobra pa sa pamilya ang turing niya sa amin.”
“Na miss mo siya ng husto?”
Nakaramdam siya ng lungkot.“Oo. Sino ba naman ang hindi makaka miss sa isang taong napalapit na ng husto sa iyo. Kung may chance na ibibigay sa akin na makita siya, pupuntan ko siya para mayakap ulit. I really wanted to say thank you. Ang daming tulong ang binigay niya sa amin nina Lolo at Lola. Maliban sa bayad sa ospital ay binigyan niya rin ako ng pinansyal na tulong para mag enrol sa college.”
“For sure may iniwan siyang masterpiece niya sayo since tinuruan ka niya.” sabi nito nang hindi tumitingin sa kanya. “P-pwede ko bang makita?”
Nilingon niya ito.
“Kailan ka pa naging mahilig sa painting?”
“I j-just wanted to see it. Curious lang sa kung ano ang genre ng mga painting niya.” Nauutal na sabi nito bago muling naupo sa damuhan. Nilaro ng mga daliri nito ang lapis na hawak.
“Wala siyang iniwan. Lagi lang niyang sinasabi na nakita na niya ang subject of masterpiece niya pero hindi nito sinabi kung ano iyon.”
“G-Ganoon ba?” kunot ang noong tanong nito.
“Naging interesado ka yata bigla?” tanong na tumayo sa harap nito. “Huwag mong sabihin na balak mo na ring magpinta?” tumawa ito ng malakas.
“Wala akong balak. Magseselos ang lapis ko.”
“Baliw!” Natatawang hinampas niya ang balikat nito.
“Get your brush and palette. I’ll draw the south, you paint the north. Game?”
“Game!” Agad niya kinuha ang gamit sa pagpipinta.
Saglit niyang nakalimutan ang mga malas na nangyari sa kanya kanina dahil sa sobrang kulit ni Mark. Hindi niya kasi mapigilan ang sariling humalakhak sa mga jokes nito.
Madilim na nang napagpasiyahan nilang bumaba. Hindi nila namalayan ang paglipas ng oras dahil nakatuon ang buong atensyon nila sa ginagawa. Kahit gutom ay hindi nila naramdaman. Alas syete na nang maihatid siya nito sa boarding house niya.
“See thee tomorrow, Janine. I’ll bring the sketch. Tatapusin ko mamaya.”
“Sige. Ingat sa pag-uwi.” Hinintay niya itong makasakay ng sikad bago pumasok sa loob.
Nakangiti siya naglakad na agad ding napawi nang makita si Irvin na palabas ng bahay. May dala itong timba at foam. Inirapan niya ito ng magtama ang mga mata nila. Dali-dali siyang naglakad papasok.
“Hey!” papasok na siya sa loob ng bahay nang tinawag siya nito. Hindi n asana niya ito papansinin ngunit binato siya nito ng foam na hawak kanina. Lukot ang ang mukha na humarap siya.
“Ano!” inis na sikmat niya. “Tangena!” hindi niya napigilan ang sarili na magmura sa nakita. Agad siyang tumalikod bago muling napamura. Paano ba naman kasi, hinubad nito ang puting t-shirt nito sa mismong harap niya. Napamura ulit siya ng mahina. First time niyang makakita ng abs ng malapitan at hindi niya gusto ang pakiramdam na makakita niyon.
“Why did you turned your back at me? I’m talking to you.”
“Bwisit ka. Anong kademonyohan na naman ang ginagawa mo, Ambrosio!”
Narinig niyang humalakhak ito. Gusto niyang sabunutan ang sarili dahil hindi tawa nito ang naririnig niya kundi maliliit na tinig na nagsasabing “Abs, Abs”
“I’m turning you on? First time mong makakita ng abs? Really? Virgin ka pa, Janet Lim?”
“Bwisit ka!” Inis na sigaw niya bago nagmamadaling pumasok sa loob. Narinig niya pa ang tawa nito kahit nasa kwarto na siya. Inis na sumalampak ng higa sa kama at tinakpan ng unan na spongebob ang mukha.“Bwisit!” Napabangon siya bigla dahil parang nag-iinis na pumasok sa utak niya ang nakita kanina.
Lumapit siya sa salamin at sinampal ng mahina ang sarili. Hindi pa siya nakontento, humilata siya sahig at nag curl-ups ng mabilis.
“One, two, three, abs- bwisit!!!”