Chapter- 4

1805 Words
SAMANTALA sa isang squatters. “Aling Maming, si Kyle a.k.a Boboy, naroon sa labasan nangingikil na naman sa mga batang lansangan.” “Naku, gano’n ba? Maaari mo ba akong samahan doon, hijo?” “Naku, huwag na po. Ako na lang ang pupunta at sasabihin ko na pinauuwi mo na po siya.” “Sige, hijo, salamat.” Naupo ang may-edad na babae sa tarangkahan habang hinihintay ang apo. Sa isang squatter’s area sila nakatira mula nang paalisin sila sa lugar na una nilang tinirhan dahil hindi na sila makabayad ng renta. Ang anak naman niya ay wala nang balita dito. Simula nang umalis ito at magtungo ng ibang bansa ay parang bula itong naglaho. Ang tanging ikinabubuhay nila ni Boboy ay ang kanyang paglalabada. Kaya hindi niya masisisi ang apo kung lumaki ito sa lansangan at matutong mangikil. Halos dalawang beses na lang silang kumakain sa isang araw dahil wala silang pera. “’Nay, narito na po ako. Kain na po tayo.” “Apo, saan ka ba galing? Ang sabi ni Butsoy, nasa labasan ka raw at nangongotong.” “’Nay, naniniwala ka naman agad, eh sinungaling naman ang Butsoy na ’yon. Halika na po at kain na tayo. May dala po akong pansit at puto na paborito mo.” “Ikaw talagang bata ka. Magpalit ka na ng damit at baka matuyuan ka na naman ng pawis at magkasakit ka alam mo namang—” “Mahal ang gamot at bawal magkasakit ngayon?” “Ikaw talaga, kabisado mo na ang mga linya ko!” “Siyempre naman po, ’Nay. Matalino kaya ’to.” “Oo na. Ikaw na bata ka.” “Basta paglaki ko, ’Nay, iaalis kita sa maruming lugar na ’to at ’pag mayaman na ako ay pagagawan kita ng palasyo. Gagawin kitang Queen Maming. Hmm . . . hindi bagay ang pangalan mo na maging queen.” “Ano ba ’yang pinagsasabi mo, apo? Halika na nga at bibihisan kita. Hala hubad at pupunasan ko ang likod mo saka natin lagyan ng pulbos—” “Para makatulog ka nang maayos at nang lumaki kang pogi.” “Ang apo ko talaga, kabisado ang mga linya ko.” “Sa araw-araw ba naman na ’yan ang linyada mo, ’Nay, makakalimutan ko pa ba? I love you po, ’Nay. Basta promise ko na ’pag binata na ako ay yayaman din ako at kakain tayo ng masasarap na pagkain. Hindi ka na maglalabada, hindi ka na mangungutang kay Aling Lusing na bungangera. Hindi ka na matutulog sa butas-butas na banig.” “Hay, ang apo ko talaga.” Napaiiling na lang siya at naaawang nakikinig sa kanyang apo. Sana ay matupad nito ang mga pangarap. Kung kilala lang sana niya ang pangalan ng ama nito ay hahanapin niya iyon. Sa pagkakaalam niya ay mayaman ang ama ng bata, dangan lang at ayaw ng kanyang anak na tumanggap ng suporta mula sa lalaking iyon. Sana hindi dumaranas ng kahirapan ang kanyang apo. Hindi sana ito natutong mangotong magkapera lang. Sa edad na sampung taon ay hanggang grade 2 lang ang natapos nito dahil hindi niya ito kayang pag-aralin. *** HABANG lumilipas ang mga araw, linggo, buwan at taon ay unti-unting nagbago ang ugali ng apo. Minsan midnight na ay wala pa ito at palagi na siyang nag-aalala sa kaligtasan ni Boboy. “Aling Maming! Aling Maming!” Humahangos na lumabas ng bahay si Aling Maming nang marinig ang tumatawag mula sa labas ng kanilang bahay. “Anong nangyayari, Butsoy?” “Si Boboy po, nasaksak at nasa center po.” “Diyos ko, samahan mo ako Butsoy!” natatarantang sigaw ni Aling Maming at halos madapa ang matanda sa pagmamadali. Pagdating nila sa center ay halos mahindik si Aling Maming sa dami ng dugo sa katawan ni Boboy. “A-Apo, papaanong nangyari sa ’yo ’to?” “’N-’Nay, s-sorry po. W-Wala naman akong kasalanan.” “Lola, kailangan hong madala ang apo ninyo sa ospital dahil maraming dugo ang nawala sa kanya.” Nanginginig ang buong katawan ni Aling Maming sa sobrang pag-alaala sa kaisa-isang apo. Papaano ito mapapaospital kung wala silang pera? Dala ng ambulance patungong public hospital si Boboy kasama si Aling Maming. Panay ang dasal ng matanda para sa kaligtasan ng kanyang apo. “’N-’Nay.” Paos ang boses ni Boboy habang nakahawak nang mahigpit sa kamay ng matanda. “Apo k-ko.” “S-Sorry po.” Kasabay ng pagluwag ng kamay ni Boboy ay napasigaw nang malakas ang matanda. “Pakiusap, iligtas ninyo ang apo ko! Gamutin ninyo siya!” Panay ang pump sa dibdib ni Boboy ng isang medic habang ang isa ay may kausap sa phone. Hindi na alintana ng matanda na halos lumilipad na sila sa bilis ng takbo ng ambulansiya. *** “KUYA, bakit ba ang bilis mong magmaneho? Hinahabol mo ba ang ambulance na ’yan?” “Yeah, kaya manahimik ka muna.” “Why?” “I don’t know why. Basta malakas ang instinct ko na nasa panganib ang sakay ng ambulance.” “And?” “Kailangan may gawin ako para maka-survive ang pasyente.” “Naku, umiral na naman ’yang pagiging weird mo, Kuya. Ano ka ba? Hindi porke biniyayaan ka ng kakaibang talento ay pati ’yang emergency na ’yan ay hahabulin natin.” “Anong talento? Gifted ako, Jules! Bigay ni God ang kakayahan ko na magligtas ng buhay.” “Alam ko, Kuya, pero hindi naman lahat na lang ng pasyente ay gusto mong iligtas.” Nang makapag-overtake ang kotse nila sa ambulansiya ay biglang nag-cut ang kapatid. Halos mapasubsob siya sa lakas ng impact nang biglaan nilang paghinto. In a second, nakalabas na ng kotse ang kapatid. Bumukas agad ang pinto ng ambulansiya at galit na galit ang mga medic. “Padaanin ninyo kami bago pa tuluyang bawian ng buhay ang pasyente!” Pero mabilis niyang nilapitan ang pasyente at agad na pinulsuhan. Agad niyang nilingon ang kapatid na nakatayo sa labas habang hawak nito ang black bag niya. “Give me the bag! Hurry!” “Here, Kuya!” May inilabas siyang kung ano mula sa bag at pinunit ang suot na T-shirt ng bata. Halos manlaki ang mga mata ng dalawang medic nang masaksihan ang ginawa ng matangkad na lalaki. Ang sugat ng bata ay tinuunan lang ng dalawang daliri at agad na tumigil ang pagdurugo doon. May ini-inject itong liquid at ilang segundo lang ay nagbalik na sa normal ang heartbeat ng bata. “He’s fine now. Bring him to the nearest private hospital.” “S-Sa public lang po dahil wala kaming pera. At salamat po, doktor, sa pagliligtas sa apo ko,” sabi ng luhaang matanda. “Jules, call Uncle Joshua and tell him na i-charge sa akin ang magiging bill ng pasyente.” “Copy, Kuya.” Matapos ibigay ang info ng ospital na pagdadalhan sa pasyente ay agad na nagpaalam ang magkapatid. Lubos naman ang pasasalamat ng matanda sa pagkakaligtas sa kanyang apo. “Kuya, I saw him and kakaiba ang naramdaman ko sa batang iyon.” “I know, at siguradong ang batang iyon ay isang Montemaayor. Golden hand ang tawag dito ng mga nakakaalam ng kakaiba nitong talento sa pagpapagaling. Ang iba ay hindi naniniwala hangga’t hindi nila iyon napapatunayan, lalo na ng mga doktor. Bihira niya lang gamitin nito, unless kagaya ng pangyayari sa batang iyon. Instinct ang nagtulak sa kanya na pakialaman ito at pakiramdam niya ay may kung ano sa pasyente na nag-uugnay sa kanila. *** “PAPA Noel, please ayaw ko pong tumira sa Cebu. Kausapin mo si Mama Nena na dito na lang ako mag-aaral ng high school.” “Gerald, huwag ka nang magmukmok diyan. Hayaan mo at kakausapin ko ang Mama Nena mo. Pero hindi ako nangangako sa ’yo na mapapapayag ko ’yon. May mga bagay na hindi mo pa maiintindihan kung bakit ito ginagawa ng Mama Nena mo.” “Ano po ba ang mga nangyayari? Every time na lang, lumilipat tayo ng lugar. Mula nang magkaisip ako, nakatatlong lipat na tayo. Hanggang ngayon hindi man lang nagpapakita sa akin ang tunay kong mama. Ang sabi ninyo mayaman ang totoo kong papa pero bakit ganito, wala tayong permanent na tirahan?” Hindi malaman ni Noel kung paano na niya sasagutin ang mga tanong ni Gerald. Masyado itong matalino, hindi titigil hangga’t hindi nakakukuha ng sagot mula sa kanilang mag-asawa. “I’m not a kid anymore, Papa Noel. Twelve years old na po ako.” “Okay!” pagsuko niya sa anak-anakan. “Makinig kang mabuti. Ang tunay mong ina ay minsang na-link sa isang billionaire. Hanggang isang araw, umuwi ang ’yong ina na nagdadalantao. Itinakwil siya ng iyong lolo at ang sabi ay huwag babalik hangga’t hindi kasama ang lalaking ama ng ipinagbubuntis. Lumipas ang mga araw, buwan at isinilang ka. Walang maipakilalang lalaki ang mommy mo kaya tuluyan na siyang inalisan ng karapatan ng iyong lolo. Kaya tayo palipat-lipat dahil nasangkot ang tunay mong ina sa ilegal na gawain. For your safety ay isinakripisyo ng mommy mo ang buhay niya para manatili kang buhay. Sa huling sandali ng buhay niya ay ikaw ang kanyang ibinilin sa amin. May naiwan siya sa iyong Mama Nena na envelope at maaari mo lang buksan iyon ’pag nasa tamang edad ka na.” “You mean, my real mom is already in heaven?” “Oo, anak. Kaya hanggang ngayon ay hindi tayo maaaring mag-stay sa isang lugar dahil baka matunton ka ng mga masasamang tao. Bago namatay ang mommy mo ay nalaman ng boss niya ang tungkol sa ’yo.” Nanatiling nakikinig si Gerald, hindi alintana ang mga luha na dumadaloy sa kanyang pisngi. Ang matagal na niyang inaasam-asam na makita ay wala na pala at kailanman ay hindi na niya mahahawakan pa. “And how about my real dad? Hanggang ngayon ba wala kayong idea ni Mama Nena tungkol sa kanya?” “Wala, anak.” kahit ang totoo ay meron, hindi pa lamang iyon ang tamang oras kaya nananatiling lihim ang tungkol sa ama nito. “Ano’ng pinag-uusapan ninyo?” “Ah, w-wala.” “Papa Noel told me everything. Huwag mo siyang pagalitan, Mama Nena, ako po ang nangulit sa kanya.” “H-Hindi mo pa mauunawan sa ngayon, anak, kaya nga hangga’t maaari hindi mo pa dapat malaman.” “Mama Nena, sorry po pero hindi na ako bata. Gusto kong makilala kung sino ang tunay kong ama. Ayaw ko po ng buhay na mayroon tayo ngayon na palagi tayong nagtatago. Nabubuhay tayo na puno ng takot sa mga kriminal. “Hayaan mo, anak. Darating din ang panahon na makikilala mo ang daddy mo. Sa ngayon sundin mo muna ang mga sinasabi namin sa ’yo. Pangako, hindi kami titigil ng Papa Noel mo at hahanapin namin siya.” “Salamat po, Mama Nena, Papa Noel.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD