ALESSANDRA
Yumakap ako kay Gabriel. Pinuntahan niya ako rito sa bahay ni Philippe para sunduin. Matapos ang pag-uusap namin ni Philippe kanina ay nagpasya akong bumalik na kami sa bahay ni Gabriel pagkatapos ng tanghalian. Habang nandito kami ay lumalaki ang pagkakataon ni Philippe na kausapin ako kahit ayoko.
“What are you doing here Gabriel?” Napalingon kami nang magsalita si Philippe. Seryoso ang mukha at tila inis na inis. Natawa si Gabriel sa tanong ni Philippe.
“Ano’ng klaseng tanong iyan? Susunduin ko na sila at uuwi na sa bahay ko.” Matapang na sagot ni Gabriel. Nagtagis ang bagang ni Philippe sa narinig na sagot mula kay Gabriel.
“They will stay here and they will not go back in your house.” Anito nang seryoso. Although mahinahon ngunit ramdam ko ang pagbabanta sa salita nito.
“Tito Gabriel!” Sigaw ng mga anak ko nang makita nila si Gabriel. Naunang tumakbo si Sandro. Nakita ko ang paghaba ng nguso ni Philippe at mukhang naiinis sa nakita.
“Miss ko na kayo mga kids!” Ani Gabriel at binuhat si Sandro at hinagkan ang pisngi ng anak ko. Napangiti ako sa ginawa ni Gabriel. Sweet siya sa mga anak ko. Siguradong magiging mabuting ama si Gabriel sa future baby niya.
“Tamang-tama nakapagluto na ako ng tanghalian. Dito ka na muna kumain.” Paanyaya ko. Mukhang gustong magprotesta ni Philippe base sa hitsura nito. Ngunit hindi niya magawa. Kailangan niyang maging mabuti sa kaibigan ko kundi mas lalo lang akong magagalit sa kanya.
“Oh, that’s great! Gutom na nga ako,” sabi ni Gabriel.
Inirapan ni Philippe si Gabriel nang mapasulyap ito sa kanya.
“Tito Gab, magkakilala kayo ni Daddy?” Tanong ni Samantha. Hinaplos nito ang mahabang buhok ng anak ko.
“Well, not really, my friend knows him.” Anito at ngumiti.
Nagpunta na kami sa hapagkainan. Nasa tabi ko si Alessan at sa kabila ko naman ay si Gabriel. Si Philippe ay nakaupo sa unahan. Para siyang hari na nakaupo sa trono.
“Pakiabot nga hon ang sinigang.” sabi ni Philippe na kinagulat ko. Bakit ba hon pa rin ang tawag niya sa akin? Noon ni ayaw niya akong tawagin sa endearment niya sa akin. Tapos ngayon may pa-hon pa siyang nalalaman.
Nginitian niya ako ngunit seryosong tumingin lang ako at binigay sa kanya ang sinigang.
“Gusto mo bang lagyan ko pa ng ulam yang plato mo?” sabi ko kay Gabriel dahil hindi pa ito naglalagay ng ulam dahil na kay Philippe ang isang mangkok at nasa mga anak ko naman ang isa pa.
“Yes, please?” sabi nito. Nilagyan ko ng ulam ang plato ni Gabriel. Malawak itong napangiti. “Thank you.” Pasasalamat nito. Ang sama ng mukha ni Philippe habang nakatingin sa amin ni Gabriel. Napapailing na lang ako sa ugali niya.
Nang matapos kaming kumain ay nagpunta kami sa sala. Ang mga anak ko ay nanonood sa Netflix ng movie. Kami naman ni Gabriel ay umiinom ng tea. Si Philippe ay nakaupo malayo sa amin ngunit nakatutok ang tingin sa amin ni Gabriel.
Nagpasya akong tumayo upang ayusin ang gamit ng anak ko.
“Saan ka pupunta?” Tanong ni Gabriel sa akin.
“Aayusin ko lang ang dadalhin namin,” sabi ko. Tumango si Gabriel.
Papasok na sana ako sa silid ng anak ko nang may naramdaman akong brasong yumakap sa beywang ko. Mas nanigas ang katawan ko nang ibaon ng taong iyon ang mukha sa leeg ko.
“Please, honey, stay here with me.” Garalgal na boses ni Philippe. Hindi ako naantig sa pakiusap niya bagkus mas lalo akong nainis!
“Alisin mo ang braso mo sa beywang ko!” Galit na utos ko na ginawa naman ni Philippe.
Hinarap ko siya. “Hindi ba sinabi kong wala na tayo. Kung nandito man kami ay dahil para sa mga anak natin at hindi para sa atin. Malaya ka namang dalawin sila sa tinitirhan namin. Malaya rin silang pumunta rito pero huwag mo akong uutusan kung ano’ng gusto mo,” sabi ko. Mukhang nabigla si Philippe sa sinabi ko. Maging ako man ay nabigla rin sa sinabi ko. Sumusobra na ba ako? Tama ba itong ginawa ko? Mga tanong na hindi ko rin masasagot.
“Nakikiusap ako mag-stay muna kayo kahit isang araw. Nangangako akong hindi kita gagambalain. Manatili lang kayo dito.” Pakiusap nito.
Marahas akong nagbuntonghininga. Ang kulit ng lalaking ito! Hindi ba siya nakakaintindi? Sinabi ko na sa kanya hindi kami magtatagal dito.
Sa totoo lang ayokong mag-stay dito. Kung puwede nga lang maglaho na lang ako at hindi na magpakita sa kanya ay gagawin ko, kung hindi lang sa mga anak ko.
“Philippe, sana naman maintindihan mo ang pasya ko. Hindi kami magtatagal dito ng mga bata. Kung gusto mo dumalaw ka na lang doon,” sabi ko.
Napamaang ako nang makitang naluluha si Philippe. Ngayon ko lang siyang nakitang ganito, naluluha. Bumaling sa iba ang tingin ko. Ayokong makaramdam ng awa. Baka ginagamit niya lang ang luhang iyon bilang defense mechanism niya para maawa ako sa kanya. Puwes hindi ko gagawin iyon. Pagod na akong magpakatanga at maging sunod-sunuran.
“Ayusin mo ang sarili mo. Ayokong makita ng mga anak natin ang kadramahan mo. I want us to be civil to each other. Hindi na tayo kagaya ng dati Philippe. Ikaw din ang gumawa ng pagkakasira nating dalawa. Kaya huwag mo akong pakitaan ng awa dahil hindi na ako maaawa. Pinaramdam mo sa aking wala akong kuwenta para sa iyo,” sabi ko.
Tinalikuran ko siya agad nang magsimulang mag-init ang sulok ng mata ko. Ayokong ipakita sa kanyang umiiyak ako. Nagpapasalamat ako dahil hindi naman sumunod sa akin si Philippe.
Kaway na lamang ang nagawa ni Philippe nang sumakay na sa sasakyan ang mga anak ko. Kita ko ang kalungkutan sa mata ni Philippe habang nagpapaalam ang mga anak namin sa kanya.
Napansin ko si Alessan na patingin-tingin sa akin habang nasa byahe kami. Tahimik lang ito at hindi nakikipagkulitan sa mga kapatid.
“Anak may gusto ka bang sabihin?” Tanong ko.
“Mommy kawawa si Daddy wala siyang kasama sa house.” Malungkot na turan ng anak. Napabuntonghininga ako.
“Dadalaw naman kayo ulit doon next week,” sabi ko.
Ngumuso si Alessan. “Sad si Daddy kasi wala kami roon. Mommy, puwede na roon na tayo uli tumira? I promise Mommy that I will behave.” Malungkot na sabi nito.
Nahahati ang desisyon ko dahil sa mga anak ko. Ayaw ko silang nalulungkot. Hinaplos ko ang buhok ng anak ko. Ano ba’ng gagawin ko?
Nakatulugan ko na ang pag-iisip kung ano’ng desisyon ang nararapat. Nahahati ang desisyon ko, para sa anak at para sa sarili ko. Bumangon ako sa kama. Napatingin ako sa side table kung saan nandoon ang maliit kong orasan.
6:00 AM.
Naalala ko ito noong wala pa akong asawa. Ito ang alarm clock ko. Matanda na pala ang orasang kong ito. I went to the bathroom to wash my face and brush my teeth. Pagkapasok sa kusina nakarinig ako ng kalampag ng kaldero.
Natigil ako sa pagpasok nang makita si Philippe at ang tatlo nilang anak na sila Samuel, Phille at Sandro. They were helping their father to cook breakfast. Ano’ng ginagawa ng lalaking ito rito? Wala naman sinabi ang lalaking ito na pupunta rito? Bakit hindi man lang ito nagpasabi? Hindi muna ako nagpakita sa kanila. Nagtago ako sa isang sulok para panoorin ang ginagawa nila.
PHILIPPE
“DADDY, do you think Mommy would like the food we cooked?” Tanong ng anak kong si Phille sa akin. Hinaplos ko ang kanyang ulo at napangiti. Maaga akong bumiyahe para pumunta rito sa Tagaytay. Mabuti na lang walang traffic at nakarating ako ng maaga. Nag-message muna ako sa anak kong si Samuel dahil meron naman akong number nito.
“Yes, of course, hindi naman maarte ang Mommy niyo. Magugustuhan niya itong niluto natin,” sabi ko.
Pinagpatuloy ko ang pagbati ng egg para gawing scramble at nilagyan ng parmesan cheese at milk. Si Samuel naman ay hinahanda ang tinapay na nilalagyan ng palaman.
“Of course, Mommy would love this breakfast because Daddy cooked it.” Natawa ako nang mahina sa pagmamalaki ni Sandro.
“Binobola niyo yata ako. Niluto natin itong lahat kaya magugustuhan ito ng Mommy niyo,” sabi ko. Natawa ang mga anak ko.
“Hindi ka namin binobola Daddy. Masarap ka namang magluto, mas masarap ka ngang magluto kaysa kay Mommy.” natatawang turan ni Sandro.
“Hala, lagot ka Sandro kapag narinig ni Mommy iyan!” sabi ni Phille. Napanguso lang naman ang huli.