Noong unang panahon sa Kanlurang bahagi ng karagatan ay may isang kahariang itinatag ng Diyosa ng Dagat na si Landira. Si Landira ay ang nag-iisang anak sa labas ni Poseidon. Si Poseidon naman ang Diyos ng Karagatan.
Dahil sa angking kabaitan at katalinuhan ni Landira ay ipinamana sa kaniya ng kaniyang ama ang Kanlurang karagatan. Tinawag niya itong Dagat Landia.
Suot ang koronang gawa sa mga perlas na may kapangyarihan ng tubig na ipinamana sa kaniya ng ama, napagtagumpayan ni Landira na mapanatili ang kaayusan lalo na ang katahimikan sa buong Dagat Landia. Katahimikan ang prayoridad palagi ng diyosa kaya ganoon na lamang ang pagbabantay niya sa ipinagkaloob ng kaniyang ama.
At isa ang Serenadia sa mga kahariang katahimikan ang namayani. Doon niya nakilala ang busilak na mga puso at matapat na layunin ng mag-asawang sina Aquano at Sereyna. Kaya naman ay ipinagkaloob ni Dyosa Landira ang gabutil na kapangyarihan niya sa mag-asawang sireno at sirenang upang maging kasangga niya sa pangangalaga ng buong Serenadia. Sila na ang naging hari at reyna ng kahariang iyon.
"Isa na lang ang hinihiling ko sa mahal na Diyosang Landira mahal ko," sabi ng mahal na hari.
"Ano iyon pag-ibig ko?" tanong naman ng reyna.
"Ang magkaroon ng supling, mahal ko," nakangiting sagot naman ni Aquano.
"Kung gayon pag-ibig ko, hilingin natin ito. Magdasal tayo nang taimtim sa kaniya. Pagkatapos ng panalangin natin ay simulan na nating buuin ito." Napakalapad ng mga ngiting wika naman ni Sereyna.
"Masusunod mahal kong reyna," ngiting-ngiti namang turan ni Aquano.
Kahit abala ang dalawa sa kaayusan at katahimikan ng buong Serenadia ay may oras pa rin silang manalangin sa Diyos ng langit at sa Diyosa ng Dagat Landia.
Sa loob ng tatlong taong pangangalaga at taimtim na panalangin ng mag-asawa, dininig rin sa wakas ang hiling ng hari at reyna dahil isang malusog sanggol na lalaki ang isinilang sa Serenadia bilang susunod na hari at tagapangalaga ng katahimikan ng kaharian.
Isang sanggol na kakaiba sa lahat ng mga nakatira sa Serenadia.
"Mahal na hari at reyna, ipagpaumanhin po ninyo ang aking pag-abala. Ang inyo pong anak na lalaki ay walang buntot ng siya ay inyong isilang," wika ni Siri. Nagulat naman ang reyna sa tinuran ni Siri.
"Dalhin mo ngayon din ang aming anak dito sa silid, Siri," utos ng hari na maging siya ay bigla ring kinabahan sa narinig.
"Masusunod po kamahalan." Nakayuko ang ulong sagot naman ni Siri at pinuntahan na ang kinaroroona ng sanggol.
At totoo nga ang sinabi ni Siri na iniluwal ang batang walang buntot pero may hasang sa magkabilang tainga ito. Mayroon din itong mga kaliskis sa kamay at ibang parte ng katawan. Sa halip na buntot ay isang paang may palikpik ang kanilang nakita.
"Ang guwapo ng ating anak, Aquano. Kulay asul ang mata, matangos ang ilong, at napakaamo ng kaniyang mukha. Kawangis mo siya pag-ibig ko," paghahalintulad ng reyna sa hari. Hindi matapos-tapos ang ngiting sumilay sa mga labi ng reyna nang mapagmasdan ang sanggol.
"Ang kaniyang kulay asul na mata ay namana niya sa iyo, mahal ko," hayagang pagsasabi naman ng hari sa reyna. Napangiti pa sila pareho.
"Papangalanan natin siyang Aquarius. At siya ang susunod sa iyong mga yapak Aquano. Magiging hari siya," may diing wika ng reyna sa huling salitang kaniyang binitawan.
"Kahit nasa anyong tao ang ating anak mahal ko, ipakikilala pa rin natin siya sa ating mga sakop. Kalahi pa rin natin siya dahil may hasang siya sa tainga na magsisilbing oksiheno niya upang makahinga sa ating kaharian. Ang kaniyang kaliskis sa braso at katawan pati ang palikpik nito sa paa ang gagamitin niya sa paglangoy," karga-kargang wika ng hari sa reyna sa kaniyang anak. Hindi masukat ang sayang nararamdaman niya habang hinehele-hele ang sanggol.
"At dahil diyan, ipagkakaloob natin sa kaniya itong kuwintas na gawa sa perlas. Magsisilbi itong pananggalang sa kaniya sa ano mang uri ng kasamaan o kapahamakan," wika ng reyna at agad na tinanggal ang kuwintas sa kaniyang leeg at isinuot ito sa anak.
"Ito namang aking limang pulseras na gawa rin sa perlas ang ibibigay ko sa kaniya. Magiging maliksi siya sa ilalim ng dagat. Magkakaroon siya ng kapangyarihang iligtas ang sarili niya gamit ang bilis niya sa paglangoy," pagmamayabang naman ng hari.
Tuwang-tuwa at galak na galak ang buong Serenadia sa pagsilang ni Aquarius. Ipinakilala nga ang sanggol ng hari at reyna sa buong kaharian. Bagamat nabigla sa kaanyuan ng tagapagmana ang mga sakop nito ay malugod pa ring tinanggap ng buong angkan ng mga sireno at sirena sa Serenadia ang batang si Aquarius.
...
Matuling lumipas ang tatlong taon, lumaking bibong-bibo at maliksi ang batang si Aquarius. At sa kaniyang ikatlong kaarawan ay ipinagdiwang muli ng buong Serenadia ang araw ng kaniyang kapanganakan.
Sa piging na ito ay abalang-abala ang buong tagapangasiwa at tagasilbi sa paghahanda. Isa itong engrandeng selebrasyon sa buong Serenadia. Walang pipigil sa selebrasyong nais na gawin ng hari at reyna sa kanilang nag-iisang anak na si Aquarius.
Kaya naman masayang-masaya ang lahat sa pagdiriwang na ito dahil buong Serenadia na naman ang magbubunyi at makakatikim ng mga inihandang pagkain. Bawat okasyon kasi sa Serenadia ay inuutusan ng hari at reyna na damihan ang pagluluto ng iba't ibang pagkain dahil hindi lamang para sa isa o dalawa ang magsasaya at mabubusog kundi lahat ng mga sireno, sirena, at mga hayop sa Kanlurang karagatan.
Ito ang isa sa dahilan kung bakit malaki ang respeto ng mga nasasakupan ng hari at reyna sa kanila. Hindi nila itinuturing na iba ang mga kauri nila kahit pa mataas sila sa mga ito. Pantay-pantay kung ituring ng hari at reyna ang kanilang mga sakop.
Habang palapit nang palapit ang itinakdang oras upang ipagdiwang ang ikatlong kaarawan ng prinsipe, isang pangyayari naman ang gagambala sa katahimikang pinangangalagaan ng hari at reyna sa buong Serenadia. Isang pangyayaring hindi nila inakalang mangyayari pala matapos ang tatlong taong pangangalaga nila dito. Kaya walang kaalam-alam ang Serenadia sa panganib na paparating sa kanila.