Minsan Pa
AiTenshi
Part 2
Noong 1960s ang bahagdan ng marunong bumasa at sumalat para sa mga kalalakihan ay nasa 74.2 lamang at 69.2 naman para sa mga babaeng pinaglalaban ang karapatan nilang magkaroon ng runong para makapantay sa lebel ng kalalakihan. Ang ang natirang bahagdan naman ay para sa aming nangangarap na makapasok sa mga magagarbong paaralan.
Hindi naman ganoon kalaki ang matrikula sa mga paaralan noong panahon iyon, sadyang talino lang talaga ang puhunan para ikaw ay makatapos, pero syempre hindi naman ibig sabihin ng mura ay libre na ito, ang ibig kong sabihin doon ay kailangan pa ring gastusan lalo na kung ang iyong kursong kukunin ay bigatin na ang may kaya lamang sa buhay ang may karapatang kumuha.
Minsan kapag sinasabi ko kay Meg na pangarap kong pag-aralin siya parang natatawa ito at tila ba imposible para sa kanya na paniwalaan ako. Kung sabagay, tingnan lang niya ang aming dampang tirahan ay talaga mahirap na paniwalaan pa ang aking mga sinasabi, gayon pa man ang katayuan naming sa buhay ay hindi magiging hadlang para panghinaan ako ng loob at bumitiw sa aking pangarap. Matagal ako sa loob ng selda, lahat ng klaseng hirap ay naranasan ko na kaya sa tingin ko malakas na ako ngayon para humarap sa iba’t ibang pagsubok.
“Sige tawanan mo lang ako, basta tutuparin ko ang pangarap ko para sa iyo at pangarap ko para kay inay! Iyon ang magpapasaya sa akin ng husto,” ang wika ko habang nakatanaw sa mga alitaptap na lumilipad sa puno ng saging.
“Hindi naman ako natatawa kuya, masaya po ako dahil nangangarap ka pa rin sa kabila ng kalagayan natin sa buhay, ako kasi ay hindi na umaasa dahil ang mahalaga sa akin ngayon ay matulong ko kayo ni Inay,” ang wika niya sa akin sabay ngiti, “Pero may tiwala ako sa iyo kuya, bilib ako sa iyo at iniidolo kita, alam mo naman iyan diba?” malambing niyang wika kaya naman natawa ako at tinapik ang kanyang balikat sabay gusot sa kanyang buhok.
Noong gabing iyon ay tahimik naming pinagsaluhan ang payak na hapunan. Nilagang itlog, talbos ng kamote, pritong isda na ang sawsawan ay kamatis at asin. "Inay, huwag kang mag-alala dahil sisikapin kong palitan itong sirang pawid. Mas maganda siguro kung yero na yung ilalagay natin para di tayo inuulan. Saka ikaw Meg pagkatapos mong mag-aral magsulat ay papatayin mo yung gasera para hindi aksayado sa gaas. Baka maya maya ay masunog pa itong bahay natin," ang wika ko habang abala sa pagkain.
"Narinig mo iyon inay? Si kuya na daw po ang bahala sa yero natin kaya makakabili ako ng lapit at papel bukas," ang masayang wika ni Meg habang punong puno ng kanin ang bibig
.
Samantalang wala namang kibo si Inay, tahimik pa rin ito katulad ng dati. Pero batid kong masaya siya kahit wala siyang sabihin sa akin. Nararamdam ko iyon kahit na kadalasan ay nakatulala lang ito na tila sobrang lalim ng iniisip.
"Meg, pagkatapos mong maligo ay mag igib ka ng tubig sa palikuran natin. Aayusin ko naman yung nasirang pintuan sa likod bahay dahil sa lakas ng hangin kahapon."
"Naayos ko na iyon kuya. Ang sabi ng kapitbahay natin ay mas mainam daw napalitan na rin ito. Dahil sa katagalan kasi ay wala nang laman yung kahoy. Baka daw tayo manakawan ng gamit," tugon ni Meg habang nag-aayos ng mga plato.
"O edi nakawan nila tayo. Wala naman silang makukuha sa atin. Baka nga yung magnanakaw pa ang maawa at siya ang mag bigay sa atin," natatawa kong sagot.
Tawanan.
Mapayapa ang gabing iyon, nakaupo lang ako sa aming munting silya habang pinagmamasdan ang pagsayaw ng apoy mula sa gaserang nakapatong sa lamesang walang laman.
Ang apoy nito ay maihahalintulad sa munting pag-asang namumuo sa aking dibdib matapos kong dumaan sa maraming paghihirap at lumakad sa isang madilim na daang wala kasiguraduhan. Ang itinutukoy ko ay ang pagkakakulong ko sa maraming taon. At tuwing nag-iisa ako ay paulit ulit nagbabalik sa aking isipan ang lahat na parang bang kahapon lang ito naganap. Narito pa rin sa aking dibdib ang hindi matatawarang sakit, takot at iba pang nakakabuang na emosyon na halos noon ko lamang na naramdaman.
At habang nakatingin ako sa malikot na apo na iyon muling nagbalik sa aking isipan ang lahat ng kaganapan halos maraming taon na rin ang kakakalipas.
Kinuha ko ang isang espesyal na kwintas na aking suot, ito ang ala-ala ng aking pighati. At batid kong ito rin ang nagpapalakas sa akin ngayon.
JUNE 18, 1957
"Menor de edad itong bata, wala pa siyang labing walo wala ikulong kasama ng mga kriminal sa piitan. Doon muna namin siya ilalagay sa koreksyonal ng menor de edad at ililipat na lamang sa piitan kapag nasa wastong edad na siya," iyon ang narinig kong wika ng isang pulis na siyang nagmalasakit sa akin para ipagtanggol.
Wala ako sa katinuan noon, basta nakatalungko lang ako sa isang sulok, nanginginig ang buong katawan sa takot habang pilit na inaalis ang mantya ng dugo sa aking damit. "Ipinagtanggol ng bata yung kayang kapatid, self defense na rin iyon kaya't hindi iyon krimen," ang narinig ko pang wika ng pulis.
"Kahit na self defense narereklamo ang kaanak ng biktima at maghahain sila ng demanda laban sa bata. Ang mabuti pa ay dalhin mo na siya doon sa koreksyunal para sa menor de edad," ang utos ng mas nakatataas sa kanya.
Lumapit sa akin sa ang isa at hinawakan ang aking ulo, "tara na, kailangan na nating umalis."
"Ayokong mamatay, ayokong bitayin," ang sagot ko sa kanya na parang mabubuang sa matinding takot.
Natawa ito, "Ano ka ba, hindi ka bibitayin dahil may malakas ang laban mo sa kasong ito. Ako si Gascon, isa akong pulis dito sa bayan at kakampi ako ng mga naaping katulad mo. Huwag kang mag-alala at tutulungan kita, tutulungan ka namin para mapadali ang problemang kinakasadlakan mo," ang wika niya at dito ay isinakay niya ako sa kanyang sasakyan para dalhin sa koreksyunal.
Noong mga sandaling iyon ay nakasiksik lang ako sa likod ng sasakyan, nakatahimik at takot na takot. Gumising ako kaninang umaga na normal ang lahat, ngunit bigla itong binago ng isang malagim na pangyayaring sa tingin ko ay hindi ko malilimutan kahit na kailan.
Ngunit ang malaking katanungan sa akin ngayon ay kung anong mangyayari sa akin mamaya o bukas pag gising ko? Ramdam kong hindi na normal ang lahat dahil batid kong magsisimula na akong lumakad sa isang madalim na daan patungo kung saan.
Itutuloy.