Minsan Pa
AiTenshi
Part 5
"Hoy gising na! Nandito na tayo. Aba't kanina lang ay takot na takot kayo pero ngayon heto at kay sasarap ng tulog niyo. Bangon mabilis kayo!" ang sigaw ng tagabantay sabay sipa sa aming dalawa. Sa sobrang layo ng byahe ay nakatulog na kami ni Ariel lalo't ang panahon sa labas ay masyadong malamig dahil sa pagpasok ng tag-ulan.
Bumangon kami ni Ariel at niyakap ang sako ng aming mga gamit. Bumaba kami sa sasakyan at pumila kasama ng isang mga preso. Nilagyan ng posas ang aming mga kamay habang nakatali sa malaking tanikala upang hindi kami makatakas. "Ayan ha, pinagsama ko na kayong dalawa ng lokasyon, siguro naman ay hindi na kayo matatakot ngayon. Dyan na kayong dalawa at sana ay makita ko pa kayo ng buhay sa labas," ang wika nito sabay ngising demonyo.Tinapik niya ang aming likod at pinasama sa lupon.
Kung dati ay puro menor de edad ang kasama namin sa pila ngayon ay iba't iba na ang edad ng mga nasa linya mayroong matanda, mayroon nasa gitnang edad at kami lang ni Ariel ang bata. Kakaiba ang pakiramdam at halos lumabas ang puso sa aking bibig noong mga sandaling iyon.
Sa kumpas ng matandang tagabantay ay umusad kami sa loob ng malawak na piitan. Malinis ito at maayos ngunit sa aking paningin ay mistulang isang impyerno kung saan nakasilip at nakangisi ang lahat mga kampon ng kadiliman habang pinapanood kami sa pagpasok sa kanilang kaharian. Ang aking paningin noon ay tila lumalabo, ang mga halakhak at natawanan ay naririnig ko sa aking tainga habang patuloy kaming humahakbang sa loob. Para bang wala na wasto ang aking pag iisip at parang anumang oras ay hihinto ang aking mundo.
"Hoy lakad! Bakit huminto?!" ang sigaw ng mga bantay.
"Elric, lumakad ka! Mapapasama tayong eh," ang wika ni Ariel dahilan para bumalik ang aking ulirat.
"May dalawang sariwa mga pare! Parehong gwapo at parehong makinis!" ang panunukso ng mga lalaki sa loob ng selda.
"Tahimik! Tumigil kayo!" pagbabawal ng pulis sa loob sabay hampas sa rehas kung saan nakasilip ang mga taong wari'y mga demonyo kung nakangisi.
Patuloy kami humakbang sa loob ng gusali, pagdating dito ay alam na namin ang gagawin. Katulad noong kami ay pumasok sa koreksyunal ng mga menor de edad. Pinaghubad kami lahat at saka tinapatan ng bomba ng tubig na animo mga asong pinapaliguan. Katulad ng dati ay halos malunod kami sa loob ng palikuran, idagdag mo pa yung mabaho at masangsang na amoy nito na parang hinsi nalilinis. "O kayo, bilisan niyo dyan! Pila dito!" ang sigaw ng bantay sa banyo at kada tumapat na kanya ay sinasabuyan niya ng maraming pulbos sa katawan at saka inaabot ang unipormeng kulay kaki na damit at pantalon.
Noong mga sandaling iyon ay para akong kinakapos ng paghinga, ito na yata ang pinakanakakatakot na parte ng buhay ko bukod doon sa kasalanang aking ginawa. Gayon pa man, ang pangako ko sa aking sarili na magpapakatatag ay hindi ko nalilimutan at ito pa rin ang pinanghahawakan ko para maging matapang.
Matapos kaming magbihis ay pinalinya muli kami ay dinala sa bagong selda sa gawing likuran ng gusali. Sa isang selda ay mayroong apat na presong magkakasama. Noong mga panahong iyon ay maayos pa ang mga kulungan at hindi pa ganoon kadumi. Ang gobyerno ay may pondo para dito kaya ang lahat ay nasa ayos. Ito kasi ay dating head quarters ng mga amerikano noong 1940. Dito nila ikinulong ang mga kalabang hapon noong panahon ng digmaan kung saan umalis ang mga hukbong amerikano dahii natalo ang mga ito.
Noong tinamasa ng bansa ang paglaya ay iniwan ng mga dayuhan ang malalaking establisimentong katulad nito kaya kahit paano ay inaalagaan ito ng gobyerno.
"Ito ang inyong magiging selda, mayroong dalawang double deck na higaan at nariyan ang inyong dalawang kasama, kapag tumunog alarm ito ang hudyat na kayo ay lalabas na sa inyong mga selda. Mag tatrabaho kayo sa labas at tutulong dito sa loob. Galing kayong dalawa sa koreksyunal ng mga menor de edad, pareho lang rin ang gawain dito at sikapin ninyong huwag masangkot sa kaguluhan dito," ang paliwanag ng bantay noong ihatid kami sa aming magiging selda.
Tahimik lang ako noong mga oras na iyon, nagmamasid, mas mabuting huwag na magbitiw ng kahit na anong salita.
Pumasok kami sa loob ng selda, mas maluwang ito kaysa doon sa silid namin sa nakaraang koreksyunal. May dalawang double deck na higaan at dito kami pumwesto ni Ariel. Inilagay ko ang gamit ko sa itaas, siya naman sa ibaba. Sa kabilang sulok ay naroon ang double deck ng aming kasamahan na nakatayo lang sa magkabilang sulok.
Natingin lang kami ni Ariel sa kanilang dalawa at nakiramdam. Hindi naman ganoon kasama ang kanilang itsura at sa tingin ko hindi rin sila ganoon kasama bagamat lahat kami ay nakakulong dahil sa mabibigat na kasalanan.
"Parehong bata ah, magpakilala kayo, ikaw anong kaso mo?" tanong nila sa amin.
"Elric, pumatay," ang sagot ko na may halong pagkahiya kaya halos ibulong ko nalang ito.
"Ariel, nagtulak," ang sagot ni Ariel.
"Ayos yan. Kapag napatunayang guilty talaga kayo ay hindi na kayo tatagal dito dahil doon sa agad sa heaven ang punta niyong dalawa o baka sa impyerno pa," ang natatawang sagot ng isa.
"Ako si Don, 33 anyos. 7 pitong na akong nakakulong dito. Kung hindi niyo naitatanong ay bayani ako. Dahil pinatay ko yung kapitbahay naming tsimosa na walang ginawa kundi itsimis ang nanay at mga kapatid ko. Mahilig siyang mag-imbento ng kwentong wala namang katotohanan tungkol sa kapwa niya basta mayroon lang siyang maibahaging kasinungalingan sa iba. Pinutulan ko nga dila ang gago para matapos na ang paghihirap ng buong lugar namin na nag-aaway away dahil sinisiraan niya lahat. Ngayon kahit nakakulong ako dito ay panatag naman akong payapa ang buhay ng nga tao doon sa lugar namin. Nagpasalamat pa nga sila sa akin noong patayin ko si Aling Marites," ang natatawang pagpapakilala ito.
"Ako naman si Aron, 29 taong gulang. 5 taon na ako dito. Dati akong namamasukan sa amo kong masama ang ugali. Sumobra na siya kasi ayun gumanti ako at tinapos ko ang kanyang buhay. Madali lang naman, gusto ko lang bigyan ng hustisya lahat ng taong pinagmamalupitan niya. Hindi naman nawalan ng saysau yung pagakakakulong ko kahit paano.
"Bakit parang ipinagmamalaki niyo pa na nakapatay kayo?" tanong ko naman.
"Kumpara naman sa kaso at kasalanan ng mga tao sa paligid mo, maipagmamalaki mo talaga ang ginawa mo," ang sagot ni Don.
Hindi na ako kumibo..
Noong gabing iyon ay samu't saring iyak ng mga bagong salta ang maririnig sa mga selda. May mga tawanan rin at pangungutya akong naririnig mula sa mga kasamahan nila. At ang pinakamalakas na pagiyak ay yung nasa kabilang selda na katulad kong halos nasa labing walo o labing siyam na anyos palang. Nagwawala ito at sigaw ng sigaw na siya ay palabasin. "Ganyan talaga dito, yung mga bagong salta ay pinaglalaruan lang ng mga matatanda. Yung ibang umiiyak malamang ay bininyagan na iyon o binabarena, alam niyo na ang ibig kong sabihin. Noong bago ako dito ay nabinyagan agad akong dalawang kasama kong matanda, yung dating dyan natutulog sa double deck niyo. Yung isa ay nakalaya na sa edad na 65 at yung isa naman ay hinatulan na ng kamatayan. Ganun lang naman ang buhay dito sa loob. Masasanay rin kayong dalawa," ang wika ni Aron habang nakatingin sa lalaking iyak ng iyak sa kabilang selda. "Hoy bakla! Tumahimik kana bago ka patahimikin ni Baron! Yung bantay na iyon ay isang demonyo at walang awa," ang dagdag pa niya pero lalong napapalahaw ng iyak ang lalaki.
"Ano bang ingay iyan?! Tumahimik kaa!" ang sigaw ni Baron noong lumapit ito sa kabilang selda.
"Wala naman talaga akong kasalanan ser e, pinagbintangan lang ako kaya nandito ako," ang pagiyak nito.
"Tumahimik ka! Gago!" ang sigaw ng bantay dahilan para lalong magpapalahaw ito ng pag-iyak. Tila narindi si Baron sa kanyang narinig, sinenyasan niya ang dalawang kasama na buksan ang selda at mabilis nilang hinila ang lalaking nagwawala sa pag-iyak.
"Sinabi ko na diba? Tumahimik ka!" ang sigaw nito sabay sipa, suntok at tadyak sa lalaki hawak nila. Paulit ulit nila itong ginawa hanggang sa bumulagta nalang ito sa sahig at mawalan ng malay. Tahimik lahat noong mga oras na iyon, wala kang maririnig na imik sa paligid marahil ay natakot sa inasta ng matapang na bantay. "Kayong lahat, isang beses pa na makarinig ako ng pag-iyak lahat kayo ay bubulagta dito! Mga bwisit! Mga gago!" ang sigaw nito sabay alis at iniwan nila ang binugbog na nakahandusay sa sahig.
"Diba? Katahimikan ang makapagliligtas sa iyo dito pre, kapag iyak ka ng iyak? Mahina ka at mukha kang tanga? Bukas lang ay baldado ka," ang wika ni Aron sabay higa sa kanyang pwesto.
Hindi lahat ng nandito sa loob ng kulungan ay may sala. Yung iba ay talagang napagbintangan lang. Hindi natin alam ang kwento ng bawat isa dito kaya wala rin akong karapatang manghusga. Sa pag-iyak ng lalaki kanina? Ramdam kong inosente talaga siya, marahil dala na rin ng pinaghalo halong emosyon kaya't ganoon nalang ang kaniyang reaksyon. Takot din ako, lahat ng baguhan ay takot pero anong magagawa ng takot sa mundong ginagalawan mo ngayon na puno ng kriminal at mga taong mapanlilang? Sa huli ay wala kang ibang pamimilian kundi ang lumaban at maging matatag.
Kinabukasan, nagsimula ang unang pagtunog ng alarm sa buong selda kasabay nito ang pagsusuot namin ng damit pampreso. Pumila kami sa kainan kung saan hawak mo ang tray na may apat na hati. Sa pinakamalaking hati ay dadakutan ka ng kanin na parang sinangag sa itim. Sa tabing hati naman ay lalagyan ka ng gulay nilaga at kapirasong buntot ng isda. Sa kabilang bahagi ay tinapay na parang matagal na sa taguan. At bago umupo ay kukuha ka ng tasa na may lamang sabaw na parang tubig lamang na may asin at betsin.
Walang reklamo..
Kahit kakaiba ang lasa nito ay pinilit ko pa ring kainin dahil kailangan ko ng lakas. At isa pa ay nakatingin sa akin yung mga matatanda preso, marahil ay inoobserbahan nila ako kung maarte ako o hindi mapili sa bagay na ibinibigay sa akin. Kaibahan kay Ariel na nasuka mismo sa ilalim ng lamesa dahil sa lasa ng mga ito.
"Ayos ka lang ba?" pabulong kong tanong sa kanya.
"May uod mga paa at pakpak ng ipis yung kanina, hindi ko lang nagustuhan yung lasa," ang bulong niya habang nagpupunas ng bibig.
"Huwag mo nalang kainin, gulay nalang o kaya ay yung tinapay. Kailangan malamanan ang sikmura mo dahil magtatrabaho tayo ng maghapon, pilitin mo," ang bulong ko ulit.
Noong mga sandaling iyon ay pinilit ni Ariel, wala na ang pag nguya sa kanya. Hindi na rin niya ito ginagawang lasahan. Basta lunok nalang ng lunok hanggang sa maubos.
"Kayong dalawang bago, nakita niyo ba yung lalaki na iyon? Siya si Judda ang kapitan doon sa kabilang selda. Huwag kayong masyadong maglalalapit sa grupo nila dahil tiyak na paglalaruan lang kayo ng mga iyan. Stay put lang kayo dito sa gawi natin naunaawan niyo ba?" bulong ni Aron habang lumalabas kami hawak ng mga pang lampaso sa sahig.
"Kaya hangga't maaari ay dito lang kayo dagdag ni Don.
"Normal na buhay, walang gulo, walang gusot at ligtas. Iyan ang itanim niyo sa mga utak ninyo," ang dagdag pa nila sabay pasok pinakamaruming CR sa tabi ng aming selda at saka sinumulan namin ito linisan.
Naduwal ako at ganoon rin si Ariel dahil sa itsura nito. Masangsang ang amoy at punong puno ng dumi ng tao kaya lumabas kami para huminga. "Dito ang bilin ni Baron kaya kailangang sundin. Bawal ang mahina ang sikmura dito. Arte arte niyong dalawa!" ang galit na sigaw ni Aron sabay hila sa amin pabalik sa banyo.
Papasok na sana ako sa loob noong biglang may humawak sa aking braso. "Bakit itong dalawang bata ang paglilinis niyo? Bakit hindi muna kayo sumama sa akin para kumain ng masarap? Alam kong nasusuka kayo doon sa pagkain sa kusina," ang wika nito.
Laking gulat ko noong makita si Judda na nakangising parang aso habang nakatitig sa aking mukha. Literal na parang demonyo ang kanyang anyo, para siyang isang sadista hapon na hindi marunong maawa sa kapwa. Bagamat iyon ay base lamang sa kanyang mukha.
Inalis ko ang kanyang kamay sa aking braso. "Pasensiya na ginoo pero marami pa akong gagawin sa loob," ang magalang ko tugon pero bigla niya akong hinila dahilan para maitulak ko siya.
"Anong gulo iyan? Balik mga trabaho niyo!" ang sigaw ni Baron noong mapadaan ito.
Kumakabog ang aking dibdib.
"Wala po boss, nakikipagkilala lang sa mga bago," sagot ni Judda, humarap pa ito sa akin at nagbitiw ng nakakalokong emosyon bago tuluyang lumayo sa amin.
Noong mga sandaling iyon ay nagsimula na ang bagong buhay namin sa loob ng kulungan.
Walang kasiguraduhan ang kinabukasan para sa akin. Batid ko na noong mga sandaling iyon ay magsisimula na ang mapanganib na laro sa aking buhay. Huminto, sumuko, o matakot man ay walang mababago.
Iikot ang mundo at mauubos ang oras.
Itutuloy..