"Here, uminom ka muna ng tubig."
Napaangat ang tingin niya nang marinig ang boses ni Clinton.
Ni hindi man lang niya napansing lumabas pala ito para bumili ng tubig at pagkaing hawak nito. Masyado kasi siyang abala sa pagluluksa sa biglang pagpanaw ng Nanay niya. Pero, biglaan nga ba? Inaasahan niya na nga pala na malapit nang bawian ng buhay ang Nanay. Hindi lang niya siguro inasahang ganoon kaaga. O baka in-denial lang siya.
Paano ba kasi niya madaling tatanggapin noon na mawawala na ang Nanay niya? Kahit naman siguro sinong anak na sobrang mahal ang magulang nila ay dadaan sa puntong iyon lalo pa at sila na lang dalawa ang magkasama sa buhay. Pero ngayon, mag-isa na lang siya dahil iniwan na rin siya ng Nanay niya...
"Salamat..." Aniya matapos abutin ang tubig na iniabot ni Clinton. Tinitigan niya ito sa mga mata para ipaabot na hindi lang tungkol sa tubig ang ipinagpapasalamat niya rito.
Ngumiti naman ito ng tipid kahit halatang nalulungkot din ito para sa kanya.
"If you need anything, I'm just here for you. We're friends, right?"
Kahit nalulungkot ay natawa siya rito at napatango.
"Ako nga pala si Becka. Becka Seres. Salamat sa tulong mo, Clinton. Salamat dahil kahit tinatarayan kita ay tinulungan mo pa rin ako at inalalayan sa panahong ito." Muli na naman siyang napaluha pero kaagad rin naman niya iyong pinunas gamit ang mga daliri niya. Inabot rin agad niya ang tissue na iniabot ni Clinton at iyon ang ipinantuyo niya sa mga mata at pisngi niya.
"That's what friends do, Becka. Mabuti naman at natandaan mo pala ang pangalan ko. Akala ko inisnab mo lang ako kanina, eh." Wika nito na tila sinasadyang magbiro at tipid na lang siyang napangiti.
"Pero magpapakilala ako ulit sa iyo dahil ipinakilala mo ang sarili mo. I'm Clinton Del Fierro. Nice to finally meet you. Friends?"
Inilahad pa nito ang kanang kamay sa kanya para makipag shake hands sa kanya na may magandang ngiti sa mga labi.
Nailing siya at nakangiting nakipagkamay dito.
"Friends." Turan niya at nagkamay sila na parehong nakangiti.
Tama si Clinton sa sinabi nito kanina. Malakas siya. Masakit mang mawala ang Nanay niya at maiwan siyang mag-isa pero kailangan niya pa ring magpakatatag. Iisipin na lang niya na at least ngayon ay hindi na nahihirapan ang Nanay niya... At kasama na nito marahil ang Tatay niya na babantayan siya.
Siguro, hanggang doon na lang talaga ang buhay ng Nanay niya. Kahit papaano, nakasama pa niya ang Nanay niya at nakapagpaalam pa rin sila sa isa't-isa.
Kinabukasan ay naiburol na sa bahay nila ang Nanay niya. Nakiramay naman agad sa kanya ang mga kapitbahay nila at halos hindi rin umalis si Clinton para alalayan siya kahit alam niyang parehas silang halos walang pahinga.
"Becka! I'm sorry hindi agad ako nakapunta kanina!"
Kasabay ng paglingon niya ay ang biglang pagyakap sa kanya ng best friend niyang si Liam. Napatayo pa nga siya mula sa pagkakaupo dahil sa higpit ng yakap nila sa isa't-isa.
Kapit-bahay nila dati ang pamilya ni Liam kaya bata pa lang ay ka-close na niya ito. Naamoy rin niya agad ang pagiging binabae nito at hindi naman nito iyon itinago sa kanya. Nagkahiwalay lang sila nang lumipat ang mga ito ng tirahan tapos doon na rin namatay ang mga magulang nito. Ngayon ay mag-isa na lang ding namumuhay si Liam habang inaabot ang pangarap nito na magkaroon ng sikat na clothing line kaya bihira na lang din silang magkita at magkabonding nito.
"Sorry kung hindi kita nadamayan kagabi." Malungkot na wika muli ni Liam sabay hagod sa likod niya dahil muli na naman siyang naiyak. Ramdam niyang naiiyak na rin si Liam pero pinipigilan nitong humagulgol dahil pinapangalagaan nito ang imahe nito bilang isang tuwid na lalaki. Isa pa, hindi talaga ladlad na bakla si Liam. Si Liam iyong klase ng bakla na malinis manamit pero iyong panlalaki pa rin. Iyong klase ng baklang hindi bastusin. Siguro ay dahil mataas ang pangarap nito kaya ganoon na lang ang respeto nito sa sarili maging sa pananamit nito.
"Naiintindihan ko.... Alam ko namang busy ka. Wag kang mag-alala, ayos lang ako tsaka may umaalalay naman sa'kin dito." aniya.
Nagkalas na sila sa pagyayakap sa isa't-isa at nagpunas ng kanya-kanya nilang mga luha. Tinuyo pa nga ng maayos ni Liam ang naiwang luha sa mga pilik-mata niya.
"Sino? Wala ka namang ibang kaibigan bukod sa'kin. Tsaka bakit di mo man lang ipinaalam sa'kin na malubha na pala ang sakit ni Tita? Natulungan sana kita sa pagpapagamot sa kanya." Parang may sumbat pang turan ni Liam sa kanya. Pero alam naman niyang nanghihinayang lang ito dahil hindi ito nakatulong sa kanya at wala ito noong mga panahong kailangang-kailangan niya ng masasandalan.
"Pasensiya na. Ayaw lang kitang idamay sa problema ko tsaka wala na rin naman tayong magagawa dahil malubha na pala sakit niya. Matagal na pala niyang napansin na may sakit siya pero itinago niya iyon sa'kin. Kung hindi pa lumala ay hindi ko pa malalaman ang tungkol doon. Pero huli na...."
Muli na namang namuo ang luha sa mga mata niya habang naaalala niya kung paano pa noon nagpapakapagod ang Nanay niya sa pagtatrabaho para maipampaaral sa kanya habang itinatago nito ang sakit nito sa kanya. Tapos, siya na walang kaalam-alam ay panay pa ang pabili niya sa Nanay niya ng nga kaartehan niya at pagpapaganda.
Kaya nang malaman niyang may malubhang sakit na pala ang Nanay niya ay pinatigil na niya ito sa paglalabada. Nag-matured bigla ang isip niya at iniatang niya sa sarili niyang mga balikat ang responsibilidad niya sa sarili niya at maging sa Nanay niyang may karamdaman. Mula noon ay siya na ang nagtrabaho para sa kanilang dalawa kasabay ng pag-aaral niya. Pero kulang pa rin... wala pa ring halos nagawa ang sakripisyo niya dahil huli na pala para maipagamot niya ang Nanay niya. Nagkaroon na kasi ng mga kumplikasyon ang sakit nito at nauwi na sa stage 4 cancer ang sakit nitong leukemia.
"Alam mo namang lagi akong available para sa'yo..."
Muli na naman siyang niyakap ni Liam matapos ang mga sinabi at muntik na naman sanang bumuhos ang luha niya kung hindi lang sana niya nakita si Clinton na nakatayo malapit sa kanya. Nakaharap ito sa kanya kaya napansin niya ang tila inis nitong disposisyon. Nakatitig kasi ito sa kanya na tila malalim ang iniisip at nakakunot ang noo.
Pakiramdam niya ay parang sadyang nagpapapansin sa kanya si Clinton. Siguro naku-curious ito kung sino si Liam sa kanya.
Tumukhim siya at kumalas mula sa pagkakayakap ni Liam. Bahagya rin siyang lumayo kay Liam pero ni hindi man lang ito umatras sa kanya at nanatiling hawak ang magkabilang balikat niya.
"Clinton, magpahinga ka muna... Siya nga pala, ito si Liam, best friend ko."
Agad lumayo sa kanya si Liam at awtomatikong napatingin sa likod nito. Agad din naman itong napatingin ulit sa kanya na namimilog ang mga mata at tila nagtatanong kung sino si Clinton.
"Liam... Si Clinton nga pala... Bago kong kaibigan. Siya rin ang tumulong sa akin sa pagdala kay Nanay sa hospital at umaalalay sa'kin ngayon habang nakaburol si Nanay."
Nakaharap at nakatingin pa rin sa kanya si Liam kaya kitang-kita niya kung paano nito sinupil ang malisyoso nitong ngiti. Kumislap din bigla ang mga mata nito na tila siya tinutudyo.
Pero saglit lang ay sumeryoso na ang mukha ni Liam at saka nito hinarap ng maayos si Clinton.
"Salamat sa pagtulong mo sa best friend ko." Pormal nitong sabi kay Clinton at naglahad pa ng kamay.
Parang napipilitan namang nakipagkamay rito si Clinton at talagang saglit lang iyon. Napakaseryoso rin ng mukha nito habang nakatingin kay Liam.
Tss. Ganoon ba talaga ang mga lalaki sa mga bagong kakilala na kapwa nila lalaki? Masyadong seryoso! Pero hindi naman talaga pusong lalaki si Liam.
"You don't have to thank me. I am here for her because I'm her friend."
Parang gusto niyang paikutin ang nga mata niya sa sinabi ni Clinton. Kung makapagsalita naman ito ay parang close na close na sila! Pero di bale, kasi mabait naman talaga ito sa kanya. Siguro ay pagod lang ito at kulang sa pahinga kaya naka serious mode na.
Pumagitna na siya sa mga ito dahil pakiramdam niya ay nagkaroon ng kakaibang tension sa paligid niya.
"Kumain ka na ba?" Tanong niya kay Liam. Gabi na kasi at kakaunti na lang din ang mga nakikiramay.
"Wag mo na akong alalahanin, Becka. Baka nga ikaw ang hindi pa kumakain. Tingnan mo ang sarili mo sa salamin, halatang hindi ka pa nakakatulog ng maayos." Nag-aalalang sagot naman ni Liam.
"He's right. Kumain ka na muna at matulog. Ako na muna ang bahala rito." Sabat naman ni Clinton pero agad siyang umiling dito.
"Ayos lang ako kaya wag niyo akong alalahanin. Babantayan ko muna dito si Nanay."
Sa totoo lang ay nahihiya na siya kay Clinton. Ito na kasi ang nagbayad ng lahat mula sa hospital. Ito na rin ang nagpaasikaso sa burol ng Nanay niya. Ang dami pa nga sana nitong gustong gawin para raw sa mas maayos na burol ng Nanay niya pero tumanggi na siya. Kakakilala lang nila at ngayon lang siya naging mabait dito pero sobra-sobra na ang naitulong nito sa kanya. Mula sa mga pangangailangan sa pagpapalibing sa nanay niya hanggang sa presensiya nito sa tabi niya. Ni hindi niya naman ito kaanu-ano at hindi pa niya ito matalik na kaibigan kagaya ni Liam.
"Wag nang matigas ang ulo mo, Becka. Baka ikaw naman ang magkasakit niyan. Halika, sabayan mo na lang akong kumain."
Hinawakan ni Liam ang kamay niya at hinila na siya nito para pumunta sa kusina. Dahil sanay naman na siya kay Liam ay nagpaubaya na lang siya rito. Nang mapadaan na siya sa harap ni Clinton ay nagtaka siya dahil nakatingin ito sa magkahawak nilang kamay ni Liam.
Oo nga pala, hindi alam ni Clinton na bading ang kaibigan niya.