Chapter 5 - Just Friends

1886 Words
"Oy, malanding babae, sino iyong Clinton na iyon? Magtapat ka!" Nabitin sa ere ang gagawin niyang pagsubo dahil sa tanong na iyon ni Liam na may pang-uusig. Kung makapagtanong naman ito ay parang may nagawa siyang krimen! At ngayong nandito na sila sa maliit niyang kusina ay nagpapakatotoo na ito sa totoo nitong katauhan pero pabulong lang ang bawat bitaw nito ng mga salita. Kabaliktaran naman sa mga mata nitong panay ang pandidilat sa kanya. "Akala ko ba kakain tayo? Bakit parang ii-interrogate mo ako?" balewala niyang balik-tanong dito. Makikitsismis lang pala kasi ang bakla kaya siya biglang hinila sa kusina. Kung hindi lang niya unang pinakain si Clinton kanina ay ito na lang sana ang niyaya niya. "Tsaka anong sinasabi mong malandi? Ako? Kailan pa ako lumandi, ha? Kita mo ngang kakamatay lang ni Nanay, yan pa ang naisip mo. Eh kung sipain ko yang ano mo?" "Ito naman! Eh sino ba kasi iyang Clinton na 'yan? In fairness, ang pogi ha! Halatang mayaman pa! Saan mo ba 'yan nakilala at paanong naging kaibigan mo siya? Baka naman manliligaw mo talaga 'yan?" Tinitigan niya si Liam pagkatapos ay pinandilatan niya ng mga mata. "Nakilala ko lang siya dun sa may tulay. Akala ko magpapakamatay siya kaya nilapitan ko. Iyon pala, nagsa-sight seeing lang. Kaya ayon... Hanggang sa naging kaibigan ko na siya. Lagi kasi siyang tumatambay doon kaya lagi ko siyang nakikita pag pauwi na ako." "Naks! Baka naman sinadya ka niyang abangan don! Tingin ko type ka ng poging 'yon!" Napalinga siya sa paligid nila dahil baka may nakarinig sa kaibigan niya, o baka mismong si Clinton pa! Nakakahiya naman doon sa tao. Nagmamagandang-loob na nga, pinag-iisipan pa ng kung ano nitong kaibigan niyang bakla. "Magtigil ka diyan! Napakamalisyoso mo talaga kahit kailan. Kaibigan ko nga, hindi manliligaw! Malinaw?" "Ay sus.... Eh saan ba madalas na nagsisimula ang nagkakainlaban? Di ba madalas, sa pagkakaibigan? Tsaka ang pogi kaya non kaya wag mong sabihin na hindi mo siya type? Aminin! Di lang pasado sa taste mo, lagpas pa! Jowain mo na! Tutal mukha namang type ka niya." Nalukot ang mukha niya dahil sa sinabi ni Liam. Imbes na icomfort siya nito dahil sa pagkawala ng Nanay niya ay sinusulsulan siya nito ng kung anu-ano. O baka paraan lang nito iyon para pansamantalang ibaling ang isip at atensiyon niya mula sa pagdadalamhati. "Wala pa sa isip ko ang bagay na yan lalo ngayong kamamatay lang ni Nanay." sabi na lang niya kay Liam. At ang totoo ay iniisip niya kung paano siya magsisimula ngayong mag-isa na lang siya sa buhay. Naisip niya ring lumipat na ng tirahan para hindi na niya masyadong maalala ang mga masasakit na pangyayari sa bahay nila. Siguro ay maghahanap na rin siya ng ibang trabaho pero ipagpapatuloy niya pa rin ang pag-aaral niya. Kahit two-year course lang, makatapos siya. "Basta wag mo nang palampasin, ha! Minsan lang may maglakas-loob na makipaglapit sa'yo kaya grab the chance!" patuloy na panunulsol ni Liam. May balak pa yata itong mag-sideline na bugaw. Napailing na lang siya kay Liam dahil mukhang wala talaga itong balak tumigil sa pambubuyo sa kanya kay Clinton. "Kumain ka na lang diyan. Akala ko pa naman pumunta ka rito para damayan ako, iyon pala ay para ibugaw ako." napa-palatak niyang sabi at tinapos na ang pagkain niya. Kailangan niya ring makabalik agad sa pagbabantay sa Nanay niya dahil nahihiya na talaga siya kay Clinton. "Siyempre kasama na rin yon don." Matapos pang mag-usap saglit tungkol naman sa pagkamatay ng Nanay niya ay sabay na silang bumalik sa sala kung saan nakaburol ang Nanay niya. Nadatnan naman nila roon si Clinton na may kausap na dalawang dalaga na kapitbahay din nila ng Nanay niya. Medyo nagtaka lang siya dahil kanina pa sa bahay nila ang mga babaeng iyon. Oo nagpapasalamat siya sa pakikiramay ng mga ito, pero mukhang iba naman yata ang tunay na pakay ng mga ito. Halatang-halata ngang nagpapa-cute ang mga ito kay Clinton. Panay ngiti ang mga lukaret! "Taghirap na ba ngayon sa lalaki kaya kahit sa burol ay may nanlalandi?" Bulong sa kanya ni Liam at nang lingunin niya ito ay taas-kilay nitong tinitingnan ng patagilid ang mga lukaret na babae. So, tama pala ang observation niya. "Hayaan mo na. Kung hindi ka kasi naging bakla ay nabawasan sana ang malalandi kahit isa." Marahas na napalingon sa kanya si Liam at walang babalang kinurot nito ang kaliwang pisngi niya. "Aww!" napadaing siya at napahawak sa pisngi niya. Buwisit talagang bakla! Nagdadalamhati na nga siya dahil sa pagkawala ng Nanay niya ay dinagdagan pa nito ang sakit na nararamdaman niya! "Bakit mo ako kinurot?!" Reklamo niya rito habang salubong ang mga kilay niya. Masakit, ha! "Ang cute mo kasi." Malambing nitong sabi pero dahil nakaharap ito sa kanya ay kita niya sa naniningkit nitong mga mata na nagpapakasarkastiko lang ito sa kanya. Arggh talaga! "Uhmm! Are you done eating?" Sabay pa silang napalingon ni Liam kay Clinton na nasa harap na pala nila. "Ah, oo. Ikaw, magpahinga ka na muna. Nakakahiya naman sa'yo, Clinton. Puwede ka nang umuwi. Nandito naman si Liam, kami na lang ang bahala rito." Tipid ang ngiti niyang sabi kay Clinton. "No, it's ok. Dito na lang din muna ako." Tila desidido namang tanggi sa kanya ni Clinton. Napalingon ulit sa kanya si Liam at tinaasan siya nito ng kanang kilay na hindi naman kita mula sa line of vision ni Clinton. "Eh, nakakahiya naman kasi sa'yo... Walang maayos na pahingahan dito." aniya. Nag-iisa lang kasi ang kama sa kuwarto nila ng Nanay niya at manipis lang ang foam na gamit nila roon. Siguradong hindi sanay si Clinton sa matigas na kama at mananakit ang likod nito. Puwede naman siguro ito sa kotse nito pero parang mali namang doon niya ito papatulugin. Umuwi na lang sana ito para makapagpahinga ito ng maayos. "It's ok, don't mind me. Ikaw ang kailangang magpahinga dahil halos hindi ka nakatulog kagabi." Ani Clinton. Hindi na lang siya sumagot at nakipag-argumento kay Clinton na parehas lang naman silang halos hindi nakatulog kagabi. Sobrang nahihiya na talaga siya kay Clinton. "I think, umidlip ka muna Becka at ikaw din, Clinton." Tumikhim pa si Liam dahil nagpipigil na naman sa tunay na katauhan nito ang bakla. "Sige na... Ako na muna ang magbabantay kay Tita. Wala naman nang mga tao." iminuwestra pa nito ang mga bakanteng upuan sa sala. Meron pang mangilan-ngilang nagsusugal at nag-iinuman sa maliit nilang bakuran sa labas pero sa loob ay wala nang nakikiramay. Nang mapatingin siya kay Clinton ay halata ang pagtataka sa mukha nito samantalang di naman siya nagpahalatang deep inside ay gusto niyang kutusan si Liam dahil ibinubugaw talaga siya nito kay Clinton. Tsk! "P-Pero—" "Sige na. Magpahinga na muna kayo." Pamimilit ni Liam at itinulak pa siya nito nang bahagya. "Wala ka naman sigurong gagawin sa kaibigan ko, diba?" Baling pa nito kay Clinton na animo tunay na lalaki kung makapagsalita. "Of course!" agad namang sagot ni Clinton na halatang gulat pa rin sa sinabi ni Liam. Naku! Lagot talaga sa kanya si Liam pag umalis na si Clinton! "Becka, nandito lang ako sa sala ha. Kapag may ginawang masama sa'yo si Clinton, sumigaw ka lang o magwala at pupuntahan kita agad." Kumindat pa sa kanya si Liam na muli ay hindi nakita ni Clinton dahil humarap ng maayos sa kanya ang bakla at hinawakan pa ang magkabilang balikat niya. Sa ekspresyon nito ay parang kabaliktaran pa ng sinabi nito ang ibig nitong sabihin! Siguro, sa paningin ni Clinton ay napaka-protective sa kanya ni Liam at napipilitan lang itong pasamahin siya rito dahil kapwa nila kailangan ng pahinga. Pero ang hindi alam ni Clinton ay sadya talaga siyang ibinubugaw ng bakla! Hindi niya naitago ang pag-ismid niya na siguradong nakita ni Clinton. Eh sa nakukulitan na talaga siya kay Liam! Oo kailangan niya talagang magpahinga dahil nakakaramdam na rin talaga siya ng antok pero hindi naman sana katabi sa kama si Clinton! Napaka-awkward naman non! "Ahm... No, it's ok... Uuwi na lang siguro ako—" "Pare, baka mapahamak ka pa sa daan kapag pinilit mong umuwi na wala kang pahinga. Pakibantayan mo na lang din si Becka dahil hindi pa stable ang emosyon niya at baka kung ano pa ang maisip niyan. Kung ako lang, ayaw ko siyang pabantayan siya sa'yo pero mukhang hindi ka naman masamang tao." Napakunot-noo siya dahil parang sinasabi ni Liam na posibleng may gawin siyang masama sa sarili niya? Namumuro na talaga sa kanya ang baklang ito! "Sige na, sige na... Magpahinga muna kayo dahil nandito naman ako." muli na siyang itinulak ni Liam at ganon din si Clinton. Nang lumingon ang naguguluhang si Clinton kay Liam ay seryoso lang itong tinanguan ni Liam pero nang siya naman ang tingnan ng bakla nang nakatalikod na si Clinton ay pinanlakihan siya nito ng mga mata na parang sinasabing sumakay na lang siya sa trip nito! Wala naman talaga siyang iniisip na malaswa na mangyayari sa kanila ni Clinton at sigurado siyang iyon din ang iniisip ni Liam. Pero, hello!? Sobrang awkward matulog o kahit humiga sa isang kama katabi si Clinton! Kahit magkakasya naman sila sa kama na hindi nagkakadikit ay napaka-awkward pa rin talaga. Pero wala na siyang nagawa kundi sundin ang gusto ni Liam. Antok na antok na rin talaga siya at siguradong ganoon din si Clinton. Kailangan niyang magpahinga dahil kailangan niya ng panibagong lakas para bukas at sa susunod pang mga araw. Tama rin naman ang sinabi ni Liam na baka mapahamak lang si Clinton kapag pinilit pa nitong umuwi. Baka bigla na lang itong makatulog habang nagda-drive tapos ay maaksidente. Konsensiya niya pa iyon! "Ahm.. Pasensiya ka na sa kuwarto namin, maliit lang ito at walang aircon. Tsaka ang higaan, hindi ganoon kalambot. Kung hindi ka kumportable ay puwede namang—" "It's ok. Lagyan na lang natin ng unan sa gitna at hayaan nating nakabukas ng kaunti ang pintuan. Is that ok with you? Pero kung hindi ka kumportable, uuwi—" "H-Hindi! Ibig kong sabihin, ayos lang naman... Sige, ganoon na lang ang gawin natin. Alam ko namang pagod at antok na antok ka na rin." Magkatulong na nilang inayos ang higaan. Kaninang madaling-araw pag-uwi niya ay pinalitan na niya ang bedsheet niyon pati mga punda at naglinis na rin siya sa kuwartong iyon pati sa sala bago iniuwi roon ang bangkay ng Nanay niya. Si Clinton na ang naglagay ng unan sa gitna ng kama at pagkatapos niyang i-on ang bentilador ay iminuwestra na nito sa kanya na mahiga na siya sa kama. Pagkahiga niya ay sumunod naman ito nang walang imik. Tanging unan lang ang nakapagitan sa kanilang dalawa. Lalo naman siyang nakaramdam ng antok at pagod nang nakahiga na siya. Parang anumang sandali ay makakatulog na siya. "You're really close. You and your friend." Sa inaantok na diwa ay narinig niyang bulong ni Clinton. "Hmm? Oo... Friends na kami mula noong bata pa kami.." Sagot niya naman habang nakapikit na ang mga mata niya. "Are you really just friends?" Kahit sobrang inaantok na siya ay hindi niya napigilang mapangiti. "Oo naman... Friends lang..." "From now on, you'll have another friend in me.. You can always count on me." "Thank you, Clinton.." Tanging sagot niya dahil hinihila na talaga siya ng labis na antok. "Goodnight, Becka...." "Night..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD