Kinabukasan ay nagising siyang wala na si Clinton sa kabilang panig ng kama. Kinapa niya ang cellphone niya na naalala niyang ipinatong niya kagabi sa mesa sa tabi ng kama at nang makapa niya iyon ay agad niyang tiningnan doon kung anong oras na.
Napamulagat pa siya nang makitang halos alas otso na ng umaga!
Pucha! Bakit ni hindi man lang siya ginising ni Liam? Baka may mga pumunta na roon para makiramay ay tulug na tulog pa siya!
Naagaw ang pansin niya ng message notification na nasa bansang taas ng screen ng phone niya. Ibig sabihin ay may nag-text sa kanya. Sino naman kaya? Halos wala naman siyang pinagbibigyan ng cellphone number niya dahil abala lang sa kanya kung maraming magtetext o tatawag sa kanya na hindi naman importante.
Tiningnan niya kung sino ang nagtext sa kanya at nagulat siya na si Clinton pala iyon.
"Hi! This is Clinton! Hiningi ko ang number mo sa kaibigan mo dahil hindi ako nakapagpaalam sa'yo kanina na uuwi muna ako. Please save my number, ok? I'll be back before lunch time. See you later!" Napataas ang isang kilay niya at di niya napigilan ang pagsilay ng munting ngiti sa mga labi niya dahil may smile emoji pa sa dulo ng text message nito sa kanya.
"Ang ganda ng ngiti natin, ah! Kilig yarn?"
Kasabay ng pagkabura ng ngiti niya ay marahas siyang napalingon sa pinto ng kuwarto. At doon ay nakita niya ang nakangising si Liam.
Inirapan niya lang ito at patay-malisyang bumangon na siya sa kama.
"Hulaan ko. Si pogi ang nagtext sa'yo, ano? Sabi ko naman sa'yo type ka non! Pero teka, bakit pala hindi niya pa alam ang number mo?"
Inayos niya na lang ang kama kahit wala namang masyadong aayusin doon imbes pansinin niya ang panunudyo sa kanya ni Liam.
"Bakit di mo ako ginising agad?" tanong niya rito sa halip na magreact sa anumang sinabi nito tungkol kay Clinton.
"Eh pano, ang sarap-sarap ng tulog mo! Yakap-yakap mo pa nga si pogi, eh!"
"H-Hoy! Ano'ng pinagsasabi mo diyan? Baka may makarinig sayo, isipin na totoo ang sinasabi mo!" pigil-asik niyang saad dito. Paano naman iyon mangyayari eh may unan na nakapagitan sa kanila ni Clinton kagabi? Pinaglololoko talaga siya nitong baklang ito. Pero teka... Hindi niya na yata makita ang unan na iyon. Nasaan na ba iyon?
"Hoy ka rin! Eto ang ebidensiya!" Anito at hinugot mula sa bulsa ng pantalon nito ang cellphone nito. Ipinakita nito sa kanya ang picture nila ni Clinton kung saan ay magkatabi sila sa kamang iyon at totoong nakayakap nga siya rito! Hindi lang iyon! Nakapatong pa ang kaliwang hita niya sa hita nito! Oh my God! Nakakahiya!
Nahagip pa sa picture ang unan na nahulog na pala sa baba, sa side niya imbes na nakapagitan iyon sa kanila ni Clinton.
"Ano, naniniwala ka na? FYI, bhe, kaninang madaling araw ko pa kinuha iyang picture na iyan. Tapos kaninang alas singko ng umaga, sinilip ko kayo at ganyan pa rin ang posisyon mo. May naiba lang ng konte dahil nakayakap na rin sa iyo si pogi! Ayan oh! Nakakakilig!" pabulong pero patili nitong pagku-kuwento habang ipinapakita nito sa kanya ang isa pang picture nila ni Clinton. Magkayakap nga talaga silang dalawa at halos mahalikan na nito ang noo niya!
Idinuldol pa ni Liam ang cellphone nito sa mismong mukha niya at nanlaki naman ng todo ang mga mata niya hindi dahil sa cellphone na nasa mismong mukha na niya kundi dahil sa picture nila ni Clinton! Shocks!
"Gigisingin na nga sana kita kaso nahiya naman akong istorbihin ang pagyayakapan este pagtulog niyo!"
Hindi kaya nagisnan ni Clinton na magkayakap silang dalawa?! Putik na yan! Ano na lang ang iisipin nito sa kanya?!
"A-Anong oras ba nagising si Clinton?"
"Siguro 5:30? Basta mga ganong oras!"
"Nakita kaya niya.. Ibig kong sabihin.. Paggising kaya niya ay nakita niyang–"
"Malamang, bhe!"
Napatalikod siya kay Liam at napatampal sa sarili niyang noo! Gaga! Gaga! Baka isipin pa ni Clinton na malandi siyang babae, o sinamantala niyang tulog ito at tsinansingan ito! Mukha pa namang napaka-gentleman ni Clinton. Tsk!
Hindi kaya, kaya ito umuwi dahil nadisappoint ito sa kanya? At ngayon ay binabawi na nito ang kagustuhang makipagkaibigan sa kanya?
Pero sabi naman nito sa text ay babalik ito mamaya.
Kinapa niya ang magkabilang gilid ng mga labi niya at napapikit siya ng mariin kasabay ng lihim na pasasalamat dahil mukhang hindi naman siya naglaway kagabi! Pero agad din siyang napadilat at napaamoy sa sarili niyang hininga at muli na lang siyang napapikit! Sana naman ay buong durasyon ng pagtulog niya ay nakasara ang bibig niya dahil nakakahiya ang amoy ng hininga niya ngayong umaga kahit nakapagtoothbrush naman siya pagkatapos kumain kagabi!
Pinilit niyang kalmahin ang sarili niya habang lihim na ipinapaalala sa sarili na wag na lang niyang patulan ang mga panunukso ni Liam sa kanya. Hindi naman niya sinadya iyon, noh! Malay ba niyang si Clinton na pala ang yakap-yakap niya at hindi unan?! At baka ganoon din ang akala ni Clinton kaya napayakap na rin ito sa kanya.
Kahit kasi hindi pa masyadong malalim ang pagkakakilala niya kay Clinton, base sa ugaling ipinakita nito sa kanya mula noong unang beses silang nagkita sa tulay ay halatang hindi ito mapagsamantalang tao. Pinagkamalan pa nga niya itong baliw at pinagsabihan ng nakakasakit na mga salita pero nanatili pa rin itong mabait sa kanya.
"A-Anong sabi ni Clinton?" Medyo kalmado na niyang tanong kay Liam nang muli siyang humarap dito.
"Wala! Hiningi lang niya ang number mo tapos umalis na siya." Nagkibit-balikat na sagot sa kanya ni Liam.
Pinilit na lang niyang ipakita kay Liam na hindi siya apektado sa nakita nitong ayos nila ni Clinton habang natutulog. Eh sa wala naman talaga siyang alam! Sobrang antok siya kaya knock out talaga siya.
"Kumain ba muna siya?"
"Uuyyy... Concern yarn?" muling panunudyo ni Liam kaya tiningnan niya ito ng masama.
"Sasagot ka ng maayos o baka gusto mong ikaw ang pagbantayin ko kay Nanay maghapon at magdamag? Tamang-tama, maglalaba muna ako at mamamalengke tapos mamaya ay matutulog ako ng maayos—"
"Ikaw naman, bhe! Eh ayon nga, hindi na siya kumain. Parang napilitan nga lang akong kausapin kasi hiningi iyong number mo. Bakit pag sa akin, ang suplado ni pogi?" napatingala pa ito at napatingin sa kisame.
"Malay." Kibit-balikat naman niyang sagot pero sa loob-loob niya ay iniisip niyang baka hindi maganda ang gising ni Clinton dahil namulatan nitong magkayakap silang dalawa. Ah basta! Hindi naman niya iyon sinadya! Tsaka nagtext naman ito sa kanya kanina at mukhang hindi naman ito galit.
Bandang tanghali ay bumalik nga si Clinton. Gaya ng dati ay malawak ang mga ngiti nito sa kanya. Medyo naaalangan siya rito at nagdadalawang isip siya kung babanggitin pa ba niya ang nangyari kagabi, at kung hihingi siya ng paumanhin dito dahil nayakap niya pala ito kagabi hanggang kaninang umaga. Para pala siyang tuko!
Pero sa mga ikinikilos ni Clinton ay mukhang hindi naman nito iniisip o nilagyan ng malisya ang pagyakap niya rito habang tulog kaya napagdesisyunan na lang din niyang kalimutan ang nangyari.
Next time, hindi na lang talaga sila magtatabing matulog dahil baka mas malala pa sa pagyakap rito ang magawa niya nang hindi niya alam! Diyos na mahabagin!
Sa mga sumunod na araw ay salitan silang tatlo nina Liam at Clinton sa pagbabantay sa burol ng Nanay niya. Minsan ay umuuwi si Liam tapos pinagpapahinga niya naman si Clinton o vice versa. Kapag nandoon si Liam ay saglit lang umuuwi si Clinton. Halos doon na nga ito tumira. Si Liam kasi ay mas madalas na umaalis dahil may negosyo itong kakasimula lang at sa kabutihang palad daw ay mabilis namang lumalago.
Si Clinton naman ay hindi pa masyadong nagku-kuwento sa kanya. Ang nabanggit lang nito minsan ay ito at ang Mommy na lang nito ang magkasama sa buhay pero kasalukuyang nasa ibang bansa daw ang Mommy nito at siyang nagmamanage daw ng business ng mga ito doon pansamantala na kalaunan ay ipapasa na rito. Hindi na siya masyadong nagtatanong dahil mas madalas din kasing magtanong ni Clinton tungkol sa kanya. At dahil kaibigan na talaga ang turing niya rito ay bukas naman siyang nagku-kuwento rito.
Dumating ang araw ng libing ng Nanay niya.
Akala niya ay naubos na ang mga luha niya pero nang mga sandaling iyon ay muli na naman iyong bumuhos.
Simula sa araw na iyon, tuluyan na talaga niyang hindi makikita at makakasama ang Nanay niya. Tuluyan na talaga siyang mag-iisa!
"N-Nay... B-Bakit niyo naman ak-ko iniwan agad ni T-Tatay? P-Pero wag kayong mag-alala... Ayos lang ako... K-Kakayanin k-ko.." Humahagulgol niyang daing habang nakatingin sa nakasaradong nitso ng Nanay niya.
Nasa kanan niya si Liam at sa kaliwa naman si Clinton. Hinahagod ni Clinton ang likod niya samantalang hawak naman ng mahigpit ni Liam ang kanang kamay niya.
"Wag kayong mag-alala Tita, hindi ko pababayaan si Becka." Pangako naman ni Liam habang nakatingin din sa pinaglibingan sa Nanay niya.
Hindi na rin niya napigilan ang sarili niya at mahigpit siyang napayakap kay Liam na ginantihan din nito ng mahigpit na yakap sa kanya. Iniyak niya lahat ng sakit habang nakasubsob siya sa balikat ni Liam. Mabuti na lang at mayroon siyang matalik na kaibigan na hindi siya iniiwanan. At salamat din sa Diyos dahil ibinigay rin nito si Clinton na hindi rin siya iniwan lalo na noong nag-iisa lang siya.
"Kailan ka maghahanap ng lilipatan? Magsabi ka lang sa akin para masamahan kita." Saad ni Liam nang humupa na ang emosyon niya at sila na lang na tatlo kasama si Clinton ang naroroon.
"Wag mo na akong alalahanin. Babalitaan na lang kita." Aniya.
"Sabi ko naman kasi sa'yo na sumama ka na lang sa akin. Wala ka nang ibang iintindihin kundi ang pag-aaral mo." giit pa ni Liam.
Pinipilit kasi nitong doon na siya sa bahay nito tumira kasama nito. Pero ayaw niya dahil bukod sa ayaw niyang maging pabigat at isipin nito ay gusto rin niyang maging independent. Siguro, nadala na siya na noon ay asang-asa siya sa Nanay niya hanggang sa nagkasakit na pala ang Nanay niya. Kaya ngayon ay ayaw na niyang iasa sa iba ang mga pangangailangan maging ang buhay niya. Kailangan talaga niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Siguro, magbe-bed space na lang siya. Sayang naman kasi ang renta sa bahay na tinitirhan niya ngayon dahil parang masyado na iyong malaki kung para lang naman sa kanya.
"If you need my help, just tell me."
Napalingon naman siya bigla kay Clinton nang magsalita ito. Nabasa niya sa mga mata nito ang tunay na pakikiramay at pagmamalasakit para sa kanya.
Siguro, dinala ng Diyos si Clinton sa kanya dahil mawawala na ang Nanay niya.
"Salamat, Clinton. Salamat, Liam. Wag niyo na akong masyadong intindihin. Malapit na rin akong magtapos kaya maghahanap ako ng mas maayos na trabaho." Aniya sa mga ito. Ayaw na rin sana niyang maging alalahanin ng mga ito dahil masyado nang marami ang natanggap niyang tulong mula sa mga ito. Lalo na kay Clinton na kung tutuusin ay kakakilala lang naman niya.
"Mayroon akong di kalakihang restaurant. Kung gusto mo, doon ka na lang magtrabaho. Puwedeng doon ka na rin tumuloy habang naghahanap ka pa ng malilipatan mo. O kung gusto mo, puwedeng doon ka na lang din tumira para may bantay rin ang resraurant ko."
Muli siyang napalingon kay Clinton dahil sa offer nito. Malaking bagay na kung may malilipatan siya na hindi niya kailangang magbayad ng renta! Ang ayaw lang talaga niya ay magiging libre ang pagtulong sa kanya gaya ng inio-offer ni Liam sa kanya. Pero sabi ni Clinton, magtatrabaho siya sa restaurant nito at parang magiging care taker lang siya niyon pag gabi. Ayos na rin! Baka rin makalibre pa siya ng pagkain!
"T-Talaga?"
"Of course! Sabihin mo lang kung kailan ka handang magsimula sa trabaho. Kailangan ko rin kasi talaga ng crew doon."
"S-Sige, Clinton! Payag na ako. Siguro, pagkatapos ng klase ay lilipat na agad ako doon."
"That's good to hear." Nakangiting wika ni Clinton.
Malawak rin siyang napangiti pabalik kay Clinton dahil pakiramdam niya ay nabawasan ang mga isipin niya. Nang lingunin niya si Liam ay nakangiti rin ito sa kanya nang may panunundyo. Pero inirapan na lang niya ito pagkatapos ay muling binalingan at nginitian si Clinton.
Siguro, hulog nga talaga ito ng langit sa kanya.