"Kumusta? Napagod ka ba?"
Napanguso agad siya nang marinig ang tanong na iyon ni Clinton. Paano naman siya mapapagod eh nagsilbi lang naman siyang dekorasyon sa restaurant nito buong maghapon. Waitress nga siya pero halos wala naman siyang nagawa. Ang gusto rin ni Clinton ay nakapuwesto lang siya malapit sa puwesto ng kahera, kaya kapag may tatawag ng waiter o waitress ay nauunahan agad siya ng iba. Tssk. Eh wala din naman halos customer na nagpupunta sa bandang iyon. Halos wala tuloy siyang ginawa kundi tumayo at umupo. Anong klaseng trabaho naman kaya iyon? Tapos tatanungin siya ni Clinton kung napagod daw siya? Eh di wow!
"Oo, napagod akong tumayo at umupo." Sarkastiko niyang sagot kay Clinton. Nagtanong pa talaga ito eh alam naman nitong wala siyang ginawa maghapon kundi umupo, tumayo, kumain at uminom.
"Palagay mo mapapagod ako kung panay tingin lang ang ginawa ko maghapon? Akala ko nga tutubuan na ako ng ugat sa kinapupuwestuhan ko eh." Dagdag pa niya at napangisi naman ang kaibigan niya.
"Becka, it's your first day at work. Ok lang na magmasid ka muna for a week at pagkatapos noon ay saka ka na talaga magsisimula sa trabaho mo. Parang training mo lang muna ngayon." Nakangiti nitong paliwanag pero nakakaduda ang klase ng pagkakangiti nito sa kanya kaya hindi tuloy siya kumbinsido.
"Training? Paanong training eh hindi naman ako nagti-train? Dapat hands-on na rin ako sa trabaho para matuto ako, di ba? Ganoon ang tamang training!"
Mukhang hindi naman pala mahirap ang maging waitress doon dahil iche-check lang nila sa printed list na hawak ng mga waiter at waitress ang mga order ng mga customer. Tapos ipapasa na nila ito sa mga nakatoka sa pagpi-prepare ng orders. At kapag handa na ay saka nila isi-serve sa customer. Na-orient na rin siya kanina ng Manager bago pa magbukas ang restaurant kaya alam na niya ang mga dapat niyang tandaan kung sakaling magtanong ang customer tungkol kagaya sa mga best-seller, at kung anu-ano pang mga dapat tandaan sa ibang mga dish at inumin doon.
Sa pagsi-serve naman ay madali lang dahil may trolley na gagamitin, pero kadalasan ay mga waiter na ang gumagawa niyon. Sinubukan niyang gawin kanina pero bigla na lang may umagaw niyon sa kanya. Kaya ang ending ay nag-assist na lang siya sa paglagay ng pagkain sa table ng customer. Ni hindi man lang siya pinagpawisan buong maghapon! Wala man lang thrill at excitement!
"Sa pagkakaalam ko, waitress ang trabaho ko, hindi Supervisor. Wala ka dapat favoritism sa mge empleyado mo kasi ano na lang ang sasabihin nila sa'kin? Tapos nakatira pa ako dito. Baka mamaya may mainggit pa at mang-away sa akin. Kaya payagan mo na akong gawin ng maayos ang trabaho ko, okey?"
"Sige, next week—"
"Clinton!"
"Fine."
Napaismid ito pero inirapan niya ito. Kaya nga siya nandoon para magtrabaho, hindi para magmasid sa mga nagtatrabaho!
Sakto namang lumapit at nag-excuse ang Manager kay Clinton kaya lumayo na siya. Naglilinis na sila ng restaurant dahil kani-kanina pa sila nagsara.
"Alam mo Becka, duda ako sa sinasabi mong friends lang kayo ni Sir Clinton."
Muka sa pag-aayos ng mga upuan ay napalingon siya kay France, waitress ding kagaya niya. Ni hindi niya napansing lumapit pala ito sa kanya dahil nakita niyang busy iyo sa pagpupunas ng mga mesa kanina.
"Bakit naman?" Kunot-noo niyang tanong dito. First day niya pa lang, nalalaman na niya kung sino ang may pagkatsismosa sa mga katrabaho niya.
"Pansin kasi namin na ngayon lang siya nag-stay ng buong araw diyan sa opisina niya. Tapos, hindi rin siya nagmamadaling makauwi. Ang tamis pa ng mga ngiti lalo pag kausap ka!" Malisyosa nitong puna.
"Baka naman nagkataon lang. Friends lang talaga kami ni Sir Clinton."
"Naku, pustahan tayo, may gusto sa'yo si Sir! Binigyan ka pa nga ng kuwarto rito."
"Sshh.. Tapusin na lang natin ang trabaho." Tinalikuran na lang niya ito kaysa mahawaan pa siya ng pagiging malisyosa nito.
Imposible naman yata ang sinasabi ni France. Kung may gusto sa kanya si Clinton eh di sana sinabi na nito iyon sa kanya, di ba?
Ilang buwan na rin mula nang magkakilala at maging magkaibigan sila ni Clinton at masasabi niyang marami na rin silang pinagsamahan. Kaya kung sakaling nagkagusto na si Clinton sa kanya ay maraming pagkakataon para sabihin nito iyon sa kanya. Kaya siguradong nagkakamali lang si France, pati na rin ang iba pang mga katrabaho niya noon at ngayon na may laman ang mga tingin sa kanila ni Clinton.
Isa pa, kahit magkagusto sa kanya si Clinton ay siguradong hindi iyon magtatagal dahil mare-realize nito agad na hindi sila bagay.
Sa mga sumunod na araw ay tinotoo naman ni Clinton ang sinabi nito sa kanya. Hinahayaan na nitong gawin niya ang trabaho niya ng maayos.
Nakapag-enrol na rin siya sa college at mabuti na lang ay may nakuha siyang scholarship! 2-year course lang ang kinuha niya dahil ang importante lang sa kanya sa ngayon ay makatapos siya, para kahit papaano ay may maipagmalaki na rin siya sa sarili niya. At kapag pasukan na ay may oras na lang ang trabaho niya na napag-usapan na rin nila ni Clinton.
"Hey, sahod na bukas. Treat mo."
Natawa siya sa ibinulong na iyon ni Clinton. Naka-break siya at kakatapos lang nilang kumain ng sabay.
"Oo naman. Saan mo ba gusto?" Pabiro niyang hamon dito habang nakangisi. Ang laki kaya ng natitipid niya kaya medyo mayabang siya! Ang magiging gastos lang yata niya buwan-buwan ay sanitary napkin niya at iyong panlilibre niya kay Clinton. Tsk.
Magsasalita na sana si Clinton pero bigla namang dumating at nag-excuse sa kanila ang Manager ng restaurant nito.
"Sir, may naghahanap po sa inyo. Kaibigan niyo po."
"Alright. Pakisabi palabas na ako."
Nagpunas na ng table napkin si Clinton at nagpaalam sa kanya. Maya lakad daw ito nang hapon na iyon at baka bukas na ulit sila magkikita.
Na-curious naman siya bigla tungkol sa kaibigan raw nito. Sino naman kaya iyon? At saan naman kaya ang mga ito pupunta? Babae kaya iyon o lalaki?
Dahil sa kuryosidad ay sinilip niya ang paglabas ni Clinton. Lumapit ito sa isang lalaking customer pagkatapos ay sabay na ang mga itong lumabas. Mukhang nagmamadali ang lalaki base sa malalaki nitong hakbang at sa hitsura nitong napakaseryoso.
Napakibit-balikat na lang siya. Mukhang mayaman rin iyong kaibigang iyon ni Clinton at gwapo rin. Pero para sa kanya ay mas gwapo pa rin si Clinton. Mabait pa at napaka-caring. The best!
Nag-ayos na siya ng sarili niya at bumalik na rin siya sa trabaho maya-maya.
Kalagitnaan ng hapon ay may dumating na isang customer na lalaki. Nang mapatingin siya sa gawi nito ay tinawag siya nito kaya agad naman siyang lumapit dito.
"Good morning, Sir! Are you ready to order now?" Magalang niyang bati sa customer na lalaki na iyon. Medyo malayo siya rito kumpara sa ibang waitress pero siya pa talaga ang tinawag nito.
"Bago ka ba rito?" balik-tanong nito sa halip na sumagot.
"Yes, Sir." Sagot niya pa rin na nakangiti.
"Just as I thought. Becka." Basa pa nito sa nameplate niyang nakaipit sa bandang dibdib niya.
"Can you join me for late lunch?"
"Huh? Sir, pasensiya na pero hindi na po iyan kasali sa trabaho ko rito." Alanganin niya itong nginitian. Kung gusto naman pala nitong may kasabay kumain ay sana nagsama ito ng makakasalo nito! Hindi iyong iistorbohin pa nito ang trabaho niya! Hmp! Pero hindi niya ito puwedeng supalpalin at tarayan dahil customer ito nila. Customer is always right, ika nga.
"Where's your Manager?"
Nanlaki ang mga mata niya lalo na nang tawagin nito si Dan, waiter doon, at sinabing kakausapin raw nito ang Manager!
Putik na yan, marereklamo pa yata siya dahil sa sinabi niya! Eh nagrason lang naman siya! Wala pa nga siyang isang buwan ay papalpak na siya. Nakakahiya kay Clinton!
"Good day, Mr. Angeles! How may I help you, Sir?" Magalang namang bati rito ni Ms. Leila, ang Manager sa restaurant ni Clinton. Nilingon pa siya nito na parang nagtatanong. Pero base sa magiliw nitong pakikipag-usap sa customer at sa pagbanggit nito sa apelyido ng lalaki ay mukhang madalas na itong kumain doon.
"Puwede ba akong mag-request just for today na samahan ako ni Ms. Becka para kumain?"
Nagulat at napalingon muli sa kanya si Ms. Leila bago muling binalingan ang customer.
"Sir, I'm deeply sorry but—"
"You know... Today is my birthday. At this hour, I can see na hindi naman na karamihan ang mga customers niyo. Hindi naman siguro malaking kabawasan kung sasamahan ako ni Becka na kumain. It would only take, let's say, 30 minutes. I'm a loyal customer here. Can't you give me that favor on my birthday?"
Nagkatinginan sila ni Ms. Leila at nabasa na niya ang pag-aalala sa mukha nito. Ang kulit naman kasi ng customer! Kung hindi niya sana iniisip si Clinton at ang image ng restaurant nito ay kanina pa niya nasupalpal ang customer. Baka nasinghalan na niya ito at nasabihan ng 'hoy, sir, kumain kang mag-isa mo!' Pero paano kung bigyan nito ng bad reviews ang restaurant ni Clinton?
"Sir, Ms. Becka is in our uniform and other customers may see—"
"I won't mind. Just for today, please? On my birthday?"
Nagbeautiful-eyes pa sa kanila ang wala sa hulog na customer at patuloy na nangulit hanggang sa sinabi na lang niya kay Ms. Leila na pagbigyan ito. Hindi naman masyadong expose ang kinauupuan nito kaya wala naman sigurong makakapansin kung sasamahan niya itong kumain. Tsk!
Nag-alala na kasi siya na baka bigla na lang magwala o gumawa ng eksena ang customer na iyon. Hangga't maaari ay gusto niyang maiwasan na makagawa ng gulo sa restaurant ni Clinton. Ayaw niyang maging dahilan ng kasiraan ng restaurant nito.
"Becka, how old are you? May boyfriend ka na ba?"
"I'm sorry Sir but we're not allowed to answer personal questions during working hours."
Ngumiti siya rito ng pilit.
Mukha naman itong mabait at walang saltik. Wala rin namang senyales na manyak ang lalaki. Siguro ay nasa late 20s na ito at halatang yayamanin. Gwapo rin naman, pero para sa kanya ay walang dating. Iyon bang normal lang.
"Then how about after work? Can I invite you for dinner?" Nakangiti pa nitong anyaya pero muli ay magalang niya itong tinanggihan at sinabing may importante siyang gagawin mamaya.
Pinagbigyan lang naman niya ito dahil ayaw niyang magkaroon ng gulo sa restaurant ni Clinton, kaya wag itong umasa na magiging friends silang dalawa.
Binilisan na lang niya ang pagkain sa egg pie na inorder niya at laking pasasalamat niya nang sa wakas ay natapos na ring kumain si Winston, may-ari raw ito ng isang sikat na brand ng sapatos sa mall. Binigyan pa siya nito ng calling card dahil hindi niya ibinigay ang number niya.
"Thank you for joining me to this wonderful meal, Becka. I'm looking forward to seeing you again."
"Happy birthday again, Sir." Tanging sinabi niya rito bago siya magalang na nagpaalam para bumalik sa trabaho niya.
Ngayon lang iyon, sa susunod ay tatanggi na siya kahit magalit o magwala pa ang customer nila.