"Becka, may pupuntahan kami ni Axell na party next month. Sabi niya sumama ka rin daw."
Napalingon siya kay Rona mula sa paghuhugas ng mga pinagkainan nila.
Masaya siya para rito dahil sa wakas ay mukhang mas ok na ang lovelife nito ngayon kaysa noon. Pero bakit naman kaya isasama pa siya nito at ng boyfriend nito sa tinutukoy nitong party?
Kung social life lang, sagana na siya roon dahil madalas silang lumabas ng mga katrabaho niya. Minsan umiinom sila o kaya ay nagfu-foodtrip lang at gala.
"Bakit naman kasama pa ako?" nagtataka niyang tanong saka ipinagpatuloy ang paghuhugas. 1 week na lang ay magpapalit na ang buwan. Naalala na naman tuloy niya si Clinton dahil next month na rin ang birthday nito.
"Para mag-enjoy ka rin daw tsaka ipapakilala ka raw niya sa friend niya." parang may nahimigan siyang panunudyo sa tono ni Rona kaya muli niya itong nilingon.
"At bakit naman?" mataray niyang tanong.
"Wala lang. Para dumami ang friends natin. Kaya sumama ka na." pamimilit pa nito sa kanya. Lumapit na rin ito at tumayo sa may likod niya.
"Anong party ba 'yan?" Muli naman niyang napalingon dito habang ipinagpapatuloy ang paghuhugas niya. Patapos na siya dahil nagbabanlaw na siya.
"Birthday party daw nong kaibigan ni Axell. Inuman lang naman daw sa bar, foodtrip at sayawan at kuwentuhan. Parang Kent, Kenny, Kenly? Basta something like that ang pangalan, nakalimutan ko lang."
"Tsk. Di mo nga alam ang pangalan. Pag-iisipan ko muna ha."
"Ok, basta aasahan kong papayag ka ha."
Nailing na lang siya kay Rona. Sinabi nga niyang pag-iisipan pa lang niya. Tsaka bakit naman siya pupunta sa party ng friend ni Axell? Maa-out of place lang siya. Halatang mayaman pa naman iyong si Axell kaya malamang ay mayayaman din ang tropa nito. Tssk. Ano naman ang lugar niya roon? Buti si Rona, girlfriend ng kaibigan ng birthday celebrant, paano naman siyang saling pusa lang? Tss.
Tsaka isa pa, balak niyang pumunta sa tulay kung saan sila unang nagkita noon ni Clinton.
At least once a year sa nakalipas na limang taon ay bumibisita siya roon lalo na kapag miss na miss na niya si Clinton. Minsan, kapag birthday niya, birthday ni Clinton, Pasko o kaya ay valentine's day. Wala lang, siguro hindi pa rin talaga siya nakakamove-on kay Clinton. Pero tanging siya lang ang nakakaalam niyon. Maging si Rona ay walang alam tungkol sa naunsyami niyang love-life. Tanging si Liam lang ang nakakaalam ng history nila ni Clinton.
Nang maalala ang baklang kaibigan niya ay medyo nagtaka siya dahil na-realize niyang matagal-tagal na rin pala mula noong huling beses na nagkita sila. Hindi na rin ito madalas na tumatawag sa kanya. Siguro ay busy ang best niya dahil sa wakas ay tuluyan na nitong nakamit ang mga pinangarap nito. Mayroon na itong sikat na clothing brand na hindi lang sikat dito sa Pilipinas kundi nakilala na rin sa ibang bansa.
Matagal na rin siyang kinukuha ni Liam. Pero paulit-ulit siyang tumatanggi rito. Sa ngayon kasi ay nag-eenjoy pa siyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Proud din siya dahil kahit hindi ganoon lang ang sahod niya ay nakakapag-ipon pa rin siya.
*****
Matulin pang lumipas ang mga araw hanggang sa nakalimutan na niya ang paanyaya sa kanya ni Rona na samahan ito sa birthday ng kaibigan ni Axell. Nagulat na lang siya nang isang gabi bago siya pumasok sa trabaho ay muli na naman nitong binanggit ang tungkol doon.
"Becka, sa isang araw na ang birthday ng friend ni Axell. Day off mo naman niyan, di ba? Susunduin tayo ni Axell bandang six pm."
"What the... Oy, babae! Hindi pa ako pumapayag—"
"Ako na ang nagdesisyon para sa iyo at nasabi ko na rin kay Axell. Wag kang mag-alala, hindi ka magsisising pumunta dahil puro gwapo ang mga kaibigan ni Axell. Mayayaman pa. Sige na, baka ma-late ka pa sa trabaho mo." Itinulak na siya nito palabas ng pinto at agad na rin nitong isinara iyon!
"Rona!"
Shit, bakit ba nagdedesisyon ito para sa kanya? Eh may pupuntahan nga siya kaya baka hapon o gabi na siya makauwi sa araw na iyon dahil same pa pala iyon ng mismong birthday ni Clinton. Hayst! Panira naman ng plano si Rona.
Pagdating ng araw na iyon ay tinamad na siyang lumabas. Hapon na kasi siya nagising dahil napasarap ang tulog niya mula pa kaninang umaga pagkagaling sa trabaho niya.
Wala na rin siyang nagawa kundi sumama kina Rona. Tssk. Nakakahiya naman kay Axell kung iindiyanin niya ang mga ito. Baka sabihin pa nong tao na wala siyang isang salita kahit hindi naman talaga siya nangako kundi ang magaling niyang kaibigan. At balak pa yata siya nitong ireto sa kaibigan ni Axell! Tssk!
Pumasok sila sa bar na pinuntahan na rin nila dati ni Rona. Maganda ang bar na iyon at hindi masyadong magulong tingnan kumpara sa ibang mga bar. Narinig din niya mula sa katrabaho niya dati na nasa apat na taon pa lang ang bar na iyon pero napakarami agad ng customer gabi-gabi kahit pa ang dami ring ibang bar sa kalapit niyon. B&C Bar, iyon ang pangalan niyon.
Hindi niya alam kung bakit parang bigla siyang kinabahan. Parang tumatambol ng malakas ang puso niya nang mga oras na iyon na papasok sila sa bar. Ilang beses naman na siyang nakapasok doon pero parang ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon sa lugar na iyon. Weird!
Pagpasok nila sa loob ng isang VIP room ay napansin kaagad niya ang ilang kalalakihan doon, meron ding mga kababaihan na tila kasama ng mga lalaking iyon.
In fairness, ang gugwapo rin talaga! Siguradong kaibigan ang mga iyon ni Axell. Agad din siyang napaisip kung sino kaya sa tatlong lalaking naroroon ang birthday celebrant.
Lumapit pa sa kanila ang isa sa mga lalaki na may matapang na mukha, iyon bang mala-action star ang taglay nitong kagwapuhan. Mukhang nagulat ito ng sobra sa kanila ni Rona at akmang makikipagkilala pa ito pero agad naman itong hinarang ni Axell. Mukhang mahal talaga nito si Rona dahil kita naman na may pagkapossessive ito sa kaibigan niya. Very good kung ganoon! Sana all na lang talaga happy ang lovelife.
"Back off. This is Rona, my girlfriend and this is Becka, her friend. Now stay away. Si Clinton?"
Gulat siyang napatingin sa likod ni Axell sa sinabi nitong iyon!
C-Clinton??
Birthday ni Clinton ngayon at birthday din ng kaibigan ni Axell. Posible kayang iyong Clinton na binanggit nito ay ang siyang birthday din ngayon?? Tsaka wala pa nga pala itong binabati ng happy birthday!
Shit! Mababaliw na yata siya! Hindi naman siguro isa lang na Clinton ang tinutukoy nito sa kilala niya, di ba? Sobrang nagkataon naman yata iyon! Imposible talaga! Sa laki ng Pilipinas ay imposibleng iisang Clinton lang ang tinutukoy nila.
Tama. Nagkakamali lang siya. Kung anu-ano lang ang naiisip niya.
Para siyang lutang na ipinakilala ni Axell sa mga kaibigan nito. Tumatango lang siya at pilit ngumingiti sa mga ito pero ang isip niya ay hindi pa rin maalis sa binanggit na Clinton ni Axell.
Muli siyang napatingin kay Axell habang seryoso itong nagsasalita at bigla na lang bumalik sa gunita niya iyong lalaking nakita niyang bumisita noon sa restaurant ni Clinton. Iba ang style ng buhok niyon pero nang pinakatitigan pa niya si Axell ay nahinuha niyang iisa lang iyong lalaking iyon at si Axell! Tama! Si Axell nga ang nakita niya noong kaibigan ni Clinton! Hindi siya puwedeng magkamali!
Para siyang biglang binuhusan ng napakalamig na tubig.
Oh, no! Hindi kaya... Kay Clinton talaga na party iyon? Kay Clinton na nag-iisang lalaking minahal niya hanggang sa mga sandaling iyon?
Oh, s**t! Hindi pa yata siya handa... Hindi pa yata siya handang makaharap ulit si Clinton!
Paano kung tawanan na lang siya ngayon ni Clinton dahil sinayang niya ito noon? Paano kung kasama pala nito si Devine at mag-asawa na ang dalawa? Kakayanin kaya niyang makita ang mga ito na magkasama??
At paano kung alam nong Devine ang tungkol sa kanya at bigla siya nitong sugurin?!
Shit! Kailangan na talaga niyang umeskapo agad!
"Oh my God! Wait! Hindi ako dapat nandito!" Natataranta niyang sabi sabay pihit paharap sa pinto.
"Bakit, Becka?"
"Basta. Pasensiya na Rona pero kailangan ko nang umalis!" desperadang sagot lang niya at balak na sana niyang tumakbo palabas ng VIP room na iyon pero bigla na lang ay bumukas ang pinto at pumasok si Clinton.
Si Clinton... Si Clinton nga!
"Hey, man! Happy birthday!" Bati kaagad ni Axell kay Clinton.
"Thank you, man." Sagot naman ni Clinton. Hindi niya maikakalang lalo itong gumuwapo ngayon.
"By the way, this is Rona, my girlfriend." pakilala naman ni Axell kay Rona at doon na siya lalong kinabahan! Siguradong hindi na siya makakaiwas kay Clinton!
"Ow! Girlfriend and not just a date? That's new!" natatawa namang wika ni Clinton at lalo lang itong gumuwapo sa paningin niya.
"Ahm! Pre, by the way, this is Becka, Rona's friend and your date fo tonight as I promised."
Ano daw? Date? Date siya ni Clinton?
Doon naman napatingin sa gawi niya si Clinton. Gulat na gulat ito pagkakita sa kanya kapareho din niya! Hindi rin niya nagawang magsalita at parang napako na ang mga paa niya.
"W-What?" Tanong nito na halos walang boses.
Dismayado ba ito dahil muli siyang nakita nito? Disappointed ba ito na siya pala ang date nito? Nasaan na pala si Devine? Hindi ba natuloy ang kasal ng mga ito? O nandoon lang si Clinton para mambabae?
Sa sobrang dami ng tumatakbo sa isip niya ay napaiwas siya ng tingin kay Clinton. Babatiin niya ba ito? Magkukunwari ba siyang hindi sila magkakilala? Paano kung pinagsisisihan na pala nitong niligawan siya nito noon? Paano kung galit sa kanya si Clinton? Paano kung gantihan siya nito sa pambabasted niya rito at ipahiya siya roon?
Kahit mabuting tao noon si Clinton ay hindi na niya ito kilala ngayon.
Sa dami ng ipinag-aalala niya ay bigla na lang siyang tumakbo palabas sa VIP room na iyon!
Hindi pa siya handang makaharap ulit si Clinton. Mahal pa rin niya ito. At masakit pa rin sa kanya na iniwan niya ito noon.