"Bhe, si Clinton!"
Napatili si Liam nang matanaw nito si Clinton sa labas ng bahay nito. Siya naman ay nagkunwaring hindi apektado hanggang sa tumigil na ang kotse ni Liam sa harap ni Clinton.
Kababalik lang nila galing sa Cebu.
Pagkatapos niyang makausap noon ang Mommy ni Clinton ay agad siyang nag-empake at umalis sa restaurant. Tinawagan niya si Liam at nagpatulong siya rito na makalayo kay Clinton.
Ang alam lang ni Liam ay ayaw sa kanya ng Mommy ni Clinton at ikakasal na sa iba ang huli. Hindi na niya sinabi kay Liam na binantaan siya ng Mommy ni Clinton na idadamay ito at pababagsakin ang negosyo nito dahil baka sisihin lang nito ang sarili nito sa paghihiwalay nila ng landas ni Clinton. Sa totoo lang ay natatakot talaga siyang tototohanin ng Mommy ni Clinton ang mga banta nito sa kanya. Ano naman ang kalaban-laban nila ni Liam kung sakali? Wala. At kahit ipaglaban siya ni Clinton ay makakaya kaya nitong kalabanin ang sarili nitong ina? Makaya kaya nitong ipagtanggol si Liam gayong aalisan nga raw ito ng mana? Siguro nga ay naduduwag siya. Pero nag-iingat lang siya. At tama nang siya na lang ang mahirapan at makaalam ng lahat.
Hindi rin niya sinabi kay Liam na may nangyari na sa kanila ni Clinton. Siguro balang araw, kung kinakailangan ay sasabihin niya bilang matalik silang magkaibigan. Pero hindi muna sa ngayon dahil palagay niya ay hindi naman kailangan.
Nang tuluyang makalapit ay napansin niya agad ang pangigitim ng ilalim ng mga mata ni Clinton na parang ilang gabi na itong hindi nakakatulog ng maayos. Medyo mahaba na rin ang mga balbas nito na hindi naman nito hinahayaang tumubo ng ganoon dati.
"Clinton, pare, napasyal ka?" Ibinaba lang ni Liam ang salamin ng kotse nito at sinilip mula roon si Clinton. Pero ni hindi ito pinansin ng huli at sa kanya lang itinutok ang paningin.
Kapansin-pansin din ang kakaibang lungkot sa mga mata ni Clinton. Isang linggo lang siyang nawala mula nang umalis siya sa Restaurant nito pero ang dami na kaagad nitong ipinagbago, at lahat iyon ay hindi maganda.
Pero mas mabuti nang ganoon lang ang danasin ni Clinton, kaysa naman maghirap ito kasama niya, at damay pa ang inosenteng si Liam kung susundin niya ang sigaw ng puso niya.
"Becka... We need to talk... Please..." Nagsusumamo nitong hiling sa kanya.
Hinawakan naman ni Liam ang kamay niya kaya napalingon siya rito at tinanguan siya nito. Napilitan na lang din siyang bumaba para kausapin si Clinton. Siguro ay kailangan din niyang magpaalam dito ng maayos bilang closure nilang dalawa.
"Why did you leave? Umalis lang ako, pagbalik ko, wala ka na. Nagtext ka lang sa akin at sinabing aalis ka na without any explanation! Do you think it was alright? of course it's not! Why were you in so much hurry to leave? Please tell me why, Becka, because I'm so confused right now! Is it true that my Mom went and talked to you? What did she tell you? Bakit hindi mo ako hinintay?
!" puno ng desperasyon nitong sunud-sunod na tanong sa kanya. Tila ito nagagalit pero tila rin ito nagmamakaaawa sa kanya.
"Oo, pinuntahan at kinausap ako ng Mommy mo. Sinabi rin niyang ikakasal ka na sa ibang babae kaya umalis na lang ako." aniya sa pilit pinapormal na boses. Hanggat maaari ay sisikapin niyang maitago kay Clinton ang totoong damdamin niya para hindi na ito lalo pang umasa sa kanya.
"What?! That's not true! Si mom lang ang may gusto non, hindi ako! I never agreed on marrying Devine kaya hindi kami ikakasal kahit pilitin pa nila ako. You should have listened to me first, mahal. You should've waited for me. I told you, ikaw ang pakakasalan ko."
"Pero pumayag na ba ako? Ayaw ko, Clinton... Sorry. Kalimutan mo na lang ako." Umiwas siya ng tingin dito dahil hindi na niya kayang salubungin ang mga titig nito.
"W-What? After what happened to us, you're telling me to just forget you? Gano'n na lang ba kasimple iyon sa'yo? I don't believe you. Iba ang nararamdaman ko sa mga sinasabi mo! May sinabi ba si Mommy sa'yo para maging ganyan ang desisyon mo? We were ok, mahal, weren't we? Just tell me everything and trust me please, we will fix this. I promise."
Parang pinipiga ang puso niya sa nakikitang paghihirap sa mga mata ni Clinton. Pero buo na ang desisyon niya. Kailangan niyang protektahan ang dalawang taong mahalaga sa buhay niya at isa lang ang paraang magagawa niya.
Kung kailangang tikisin niya si Clinton ay iyon ang gagawin niya. Kahit siya mismo ang nasasaktan ay titiisin niya.
"Naisip ko lang na hindi pala tayo bagay, Clinton. Mayaman ka, mahirap lang ako. Kaya pakawalan mo na ako. Mas bagay kayo ni Devine."
"No, no, no! Just come with me please and we'll sort this out. Kung may sinabi man sa iyo si Mom, just forget it. Ako'ng bahala sa'yo. Ako ang bahala sa atin, alright? Forget about Devine. No one can force me to marry her. It's you who I want to marry, mahal. Just come with me please."
Nang akmang hahawakan siya nito ay umiling-iling siya at umatras ng isang hakbang dito.
"Hindi ako sasama sa iyo, Clinton. Nasabi ko na ang gusto kong sabihin sa'yo at siguro naman ay nasabi mo na rin ang ipinunta mo rito. Sige na Clinton, umalis ka na... May pupuntahan pa kami ni Liam." Pilit niyang pinatigas ang ekspresyon niya para hindi siya madala sa desperasyon ni Clinton na mabawi siya.
Papanindigan niya ang desisyon niya dahil iyon ang palagay niyang nararapat. Siguro, ang biglang pagsulpot ng Mommy ni Clinton bago pa man niya masabi kay Clinton ang totoong damdamin niya ay senyales na hindi na dapat niya ipaglaban si Clinton. Nakatakda nang ikasal si Clinton sa iba, at may mangyayaring hindi maganda kung susuwayin iyon nila.
Lalo pang lumungkot ang hitsura ni Clinton dahil sa mga sinabi niya at tila biglang nalusaw ang natitira nitong pag-asa.
"W-Why? Siya ba? Siya ba ang totoong dahilan? Siya ba ang pinipili mo sa aming dalawa sa kabila nang nangyari sa atin?"
Napabuntong-hininga siya sabay muling iwas ng tingin kay Clinton. Gayon pa man ay hindi na niya itinama ang mali nitong akala. Siguro mas makakabuti rin at mas mabilis na makakapag-move on si Clinton kung iisipin nitong may iba na siya.
Hindi na lang siya sumagot at nilagpasan na lang niya si Clinton.
"Becka, mahal, don't do this to me...."
Hindi na niya ito nilingon at nagpatuloy na siya sa pagpasok sa bahay ni Liam kahit naririnig pa niya ang sunud-sunod na pagtawag ni Clinton.
Mas mabuting hanggang friends na lang silang dalawa. Kahit ipilit nila ay may malaking hadlang pa rin sa kanila.
"Bhe, sure ka na ba diyan?"
Napatingin siya kay Liam nang sinalubong siya nito sa may pinto. Agad naman siyang tumango rito.
"Haayy naku naman... Bakit naman kasi kontrabida iyang Mommy ni Clinton sa kaligayahan niyo? Tapos, di ka man lang inofferan kahit 10 million pesos! Mayaman ka na sana!"
Sinamaan niya ito ng tingin dahil sa kung anu-anong pinagsasabi nito. Kahit isang bilyon pa ang ioffer sa kanya ng Mommy ni Clinton ay hinding-hindi niya iyon tatanggapin!
"Ano na ang plano mo? Sure ka na talaga diyan? Bakit hindi mo na lang kasi ipaglaban si Clinton? Sana hindi ka muna sumuko agad. Halata namang mahal na mahal ka nong tao."
"Mas okey na ang ganito, Liam, para walang gulo. Hindi pa naman kami masyadong matagal magkakilala ni Clinton. Malay mo, nalito lang siya at biglang magbago sa akin isang araw. Baka babalik din siya sa ibang bansa. Tsaka ikakasal na nga raw sila nong Devine, di ba? Ganoon naman ang mayayaman, di ba? Nagpapakasal sa mayaman din para mas lalo pa silang yumaman. Ano naman ang maipagmamalaki ko sa Mommy ni Clinton? Wala. Tsaka hindi pa naman ganoon kalalim ang feelings ko kay Clinton para piliin ko siya at ipaglaban." pagdadahilan na lang niya kay Liam. Pero inismiran naman siya ng bakla.
"Sus... Lokohin mo ang lelang mo. Ako ito oh, best friend mo! Pero kung anuman ang desisyon mo, nandito lang ako sa likod mo. Sabagay, bata ka pa naman para sa ganyan. Kung kayo talaga ni Clinton ang para sa isa't-isa ay tadhana na mismo ang maglalapit muli sa inyong dalawa balang araw. Siguro magfocus ka na lang muna sa sarili mo ngayon para balang araw ay supalpalin mo 'yang Mommy ni Clinton kapag mayaman ka na rin! Don't worry, magpapayaman tayong dalawa!"
"Sira."
"Alam mo, siguradong hindi sa Mommy niya nagmana si Clinton. Ang bait kaya ni Clinton tapos ang sama ng ugali ng mudra! Pangit maging mother-in-law!"
Hindi na lang siya sumagot sa mga sinasabi ni Liam lalo na sa mga side comments nito. Eh sa iyon ang Mommy ni Clinton at hindi na mababago iyon.
Ang gagawin na lang niya ay pagbutihin ang sarili niya para kapag dumating ang araw na magku-krus muli ang landas nila ni Clinton o ng Mommy nito ay may maipagmamalaki na siyang improvement sa sarili niya.
Maghahanap siya ng trabahong mas malaki ang kita pagkatapos ay mag-iipon siya. Tapos, siguro magnenegosyo rin siya o baka mag-invest na lang siya. Bahala na! Basta balang araw, kapag bumalik si Clinton sa buhay niya at may pag-asa pang maging sila ay makikipagbalikan siya. Mali, saka pa lang pala niya aaminin ang totoong damdamin niya.