Kinaumagahan, nagising si Becka dahil sa malakas na ingay ng isang cellphone.
Dumilat siya at nagulat pa siya nang mapagtantong katabi niya sa kama niya si Clinton!
Pero agad ding sumilay ang munting ngiti sa mga labi niya nang maalala niyang ibinigay na pala niya kay Clinton kagabi ang sarili niya. At wala siyang nararamdaman ni katiting na pagsisisi sa nangyari sa kanila.
Biglang gumalaw si Clinton kasabay ng pagdilat nito. Nang makita siya nito ay agad itong napangiti ng matamis.
"Good morning, mahal..." Masaya at paos nitong bati sa kanya.
Nginitian naman niya si Clinton pagkatapos ay bigla siya nitong kinabig payakap at hinalikan ang lips niya.
Mukhang may balak pa itong dalhin sa kung saan ang paghalik nito sa kanya pero marahan na niya itong itinulak dahil tuluy-tuloy pa rin sa pag-iingay ang cellphone nitong mukhang nasa sahig!
"Clinton, may tumatawag sa'yo..."
"Titigil din yan."
Pinaghahalikan na ni Clinton ang leeg niya at nang tumigil sa pagriring ang cellphone nito ay napapikit na siya at ninamnam ang mumunting kiliting dulot ng mga halik nito sa leeg niya.
Pero agad din siyang napadilat ulit nang muling mag-ingay ang cellphone ni Clinton. Sa pagkakataong iyon ay itinulak niya ito ng mas malakas at pinanlakihan ng mga mata niya.
"Baka importante yan." Giit pa niya kay Clinton. Napakamot ito sa ulo nito bago napipilitang lumayo sa kanya para hagilapin at sagutin ang cellphone nito. Hinila nito ang roba niyang nakasabit sa malapit bago hinanap at sinagot ang cellphone nito. Siya naman ay itinaklob ng tuluyan sa hubad niyang katawan ang kumot.
"Hello? Mom?"
Bigla siyang natigilan at kinabahan sa narinig na binanggit ni Clinton.
Bakit kaya tumawag kay Clinton ang Mommy nito ng ganoon kaaga? Papabalikin na ba nito si Clinton sa ibang bansa?
Paano na siya? Sila? Isasama kaya siya doon ni Clinton? Papayag ba siya kung sakali?
"Right now? What?! Devine's with you?" Bigla pang lumingon sa kanya si Clinton at lalo lang siyang kinabahan. Sino si Devine?
Bwisit! Bakit ba siya kinakabahan?! Wala naman siyang ginagawang masama, ah! Nag-s*x lang naman sila ni Clinton! Malalaki naman na sila at nagmamahalan naman sila kahit siya pa lang ang nakakaalam niyon.
"Mom! I can't— Fine, susunduin ko kayo. But we need to talk. Just stop that nonsense already, Mom. Bye, I'll see you."
Nang ibaba ni Clinton ang cellphone nito ay hindi nakaligtas sa kanya ang malalim nitong pagbuntong-hininga kahit bahagya itong nakatalikod sa gawi niya. May bad news kaya?
Nang bumaling na muli sa kanya si Clinton ay sinalubong niya ito ng tipid na ngiti, at ngumiti rin ito sa kanya saka unti-unting lumapit.
"Mahal, I'm really sorry but I have to go to the airport right now. My mom arrived.. with a family friend.. Susunduin ko lang sila tapos ay mag-uusap tayong dalawa, okay? Pakakasalan kita."
Hinalikan ng mariin ni Clinton ang noo niya pagkatapos ay niyakap siya nito ng mahigpit. Saglit lang din iyon dahil kumalas na rin ito agad at nagbihis.
Napatitig na lang siya kay Clinton habang nagsusuot na ito ng mga damit. Parang gusto na niyang aminin dito na mahal na rin niya ito. Ang kaso ay wrong timing yata kasi mukhang nagmamadali ito.
Sa huli ay nanahimik na lang muna siya. Mukha kasing may malalim na iniisip si Clinton. Mukhang hindi nito inasahan ang biglang pag-uwi ng Mommy nito.
Di bale, marami pa naman silang oras mamaya at sa mga susunod na araw para masabi na niya rito ang totoong damdamin niya.
Pagkaalis ni Clinton ay naghanda na rin agad siya para sa pagpasok sa trabaho niya.
Medyo masakit pa ang buong katawan niya lalo na ang gitna ng mga hita niya pero pinilit niyang mag-asikaso. Hindi naman porket may nangyari na sa kanila ni Clinton at magiging sila na ay titigil na siya sa pagtatrabaho roon at mag-aastang donya. Hindi siya ganon. At hindi naman dahil sa mayaman si Clinton kaya niya ito nagustuhan at minahal.
Hinintay niyang makabalik si Clinton dahil sabi nito ay babalik agad ito pero inabot na ng tanghali ay hindi pa rin ito nakakabalik.
Habang naka-break siya ay nagulat na lang siya nang imbes na si Clinton ay isang babae ang dumating. Akala nga niya ay customer dahil kinausap nito si Ms. Leila. Pero bigla ay binalingan at nilapitan siya ng mga ito.
Iginiya sila ni Ms. Leila sa opisina ni Clinton habang nagtataka naman siyang napapaisip kung sino kaya ang ginang na iyon?
"So, ikaw pala ang kinababaliwan ni Clinton." Panimula nito matapos umupo sa mismong swivel chair ni Clinton. Pinasadahan pa siya nito ng nanunuyang tingin matapos makaalis ni Miss Leila.
Nakaramdam siya ng panliliit.
Base sa hitsura nito, sa tindig at galaw nito, sa klase ng pananalita nito at sa lakas ng loob nitong pumasok sa loob ng restaurant ni Clinton at umupo sa swivel chair na iyon idagdag pa ang pang-iinsulto nito sa kanya ay may ideya na siya na ito ang Mommy ni Clinton. Wala naman sigurong baliw o malakas ang loob na basta na lang susugod sa kanya doon. Isa pa ay si Ms. Leila pa mismo ang umasikaso rito.
"S-Sino po kayo?" magalang pa rin niyang tanong dito para makasigurado.
Napapalatak ang ginang at nginisihan siya bago siya muling pinasadahan ng nang-iinsultong tingin mula ulo niya hanggang sa paa.
"Ako lang naman ang Mommy ni Clinton. Ako ang ina ng lalaking hinuhuthutan mo at ginagamit para sa iyong ambisyon!"
Agad naman siyang nakaramdam ng pagtutol sa sinabi nito kaya hindi niya napigilang sumagot.
"Hindi po totoo iyan! Kahit kailan ay hindi ko po pinerahan si Clinton." Matapang niyang pagtatanggol sa kanyang sarili.
"Kung hinuhuthutan ko po ng pera ang anak niyo, wala sana ako rito. Baka inubos ko na lang po ang pera ng anak mo kung totoo ang sinasabi mo." Lakas-loob niyang sinalubong ang mapang-matang titig nito sa kanya. Napaka-judgmental naman nito porket mahirap lang siya!
"Ang lakas ng loob mong sagut-sagutin ako! Bakit? Dahil ba nabibilog mo ang ulo ng anak ko? Puwes, ito na ang katapusan ng maliligayang araw mo, babae! Ikakasal na ang anak ko at hindi sa iyo! Hinding-hindi kita matatanggap para sa anak ko!"
Bigla siya natigilan. Ikakasal si Clinton? Pero nangako ito sa kanya na magpapakasal sila!
"Hindi po totoo iyan." pilit niyang pinatatag ang sarili niya. Hindi siya puwedeng basta na lang maniwala kahit sa Mommy pa ni Clinton.
"Believe it or not, Clinton is marrying Devine. Actually, they are together now. Kaya wag mo nang ipilit ang sarili mo sa anak ko. Mahiya ka naman! Nakikita mo ba ang sarili mo? Hindi ka bagay sa anak ko! Ano ba ang maitutulong mo sa kanya? Sa pagpapalago ng pera niya? Wala, di ba? Magiging pabigat ka lang sa kanya. Iyon ba ang gusto mo? Then you are selfish! Si Devine ang bagay sa kanya. Ang mga katulad mo ay nababagay din sa katulad mo so know your place." ipinagdiinan pa ng Mommy ni Clinton ang mga huling salita nito at dinuro ang dibdib niya.
Buong buhay niya, ngayon lang may nanghamak sa kanya ng ganoon! At magulang pa ni Clinton.
"Kahit piliin at ipaglaban ka ng anak ko, palagay mo ba ay magiging masaya kayo? Aalisan ko siya ng mana kapag ginawa niya iyon! Kaya ba iyon ng konsensiya mo? At palagay mo ba magiging masaya pa rin kayo hanggang dulo? Will you still be happy knowing that you're the reason of his downfall? Don't make this hard for both of us, Miss Seres and do me a favor. Leave my son. Kung magmamatigas ka pa rin, madadamay ang kaibigan mong si Mr. Molina at wala akong ititira sa kanya. You don't want that to happen, do you? Then make a wise decision."
Basta na lang itong tumayo at lumabas sa opisina ni Clinton habang siya ay tila nauupos na kandila na bigla na lang nanghina at napaupo.
Kung siya lang, kakayanin niya ang masasakit na salitang ibabato ng Mommy ni Clinton. Kung siya lang ang mahihirapan, kaya niyang ipaglaban si Clinton.
Pero paano kung totohanin nitong aalisan ng mana si Clinton at sirain ang kabuhayan ni Liam?
Hindi maaaring maging masaya siya kapalit ng pagdurusa ng mga mahal niya.
At sino ba iyong Devine? Bakit may issue na kasal pero hindi man lang iyon binanggit ni Clinton? At nasaan na nga ba si Clinton?
Marahas siyang bumuntong-hininga habang nakatitig sa kawalan.
Siguro nga ay tama ang Mommy ni Clinton. Hindi sila bagay at kahit piliin nila ang isa't-isa ay hindi pa rin sila matatahimik at magiging masaya dahil may importanteng tao sa buhay ni Clinton ang hadlang sa kanila. Hindi rin niya maaatim na mawala ang lahat kay Liam dahil sa kanya. Pangarap iyon ng best friend niya at matagal nito iyong pinaghirapan. Marami itong isinakripisyo at tiniis marating lang nito ang tinatamasa nitong tagumpay sa ngayon. Hindi makakaya ng konsensiya niya kung siya ang magiging dahilan ng pagkawala ng lahat ng iyon.
Saglit pa ay nabuo na ang desisyon niya. Hihiwalayan— Hindi... Hindi pa nga pala sila ni Clinton. Iiwan niya si Clinton at magpapatulong siya kay Liam, para sa kabutihan at katahimikan ng lahat.