CHAPTER FIVE
JAZZLENE
KASAMA ko sina Camille, Leigh at Violet habang naglalakad kami papunta sa main gate dahil tapos na ang huli naming klase.
Hindi na katulad noong una na pinagkakaguluhan si Camille sa campus at dinudumog ng mga estudyanteng gustong magpa-picture sa kaniya. Ngayon ay medyo sanay na ang mga tao na nakikita siya araw-araw kaya parang naging normal na lang din ang buhay niya rito sa university. Pero hindi pa rin nawawala 'yong mga estudyanteng kumakaway sa kaniya at nag-he-hello or hi kapag makasasalubong siya. At dahil down to earth 'tong frenny namin, kahit hindi niya kilala ay binabati niya rin pabalik.
Ang pinakamaldita naman sa amin ay si Violet. Pangalan pa lang may pagkamataray na. Si Leigh naman 'yong simpleng tahimik pero maraming ka-fling sa iba't ibang department.
At ako... ako lang naman 'yong babaeng isinumpa. 'Yong palaging niloloko. Hindi ko rin alam kung bakit. Ang hirap hanapin ng sagot. I mean, hindi naman ako pangit. Maganda naman din ako tulad ng mga kaibigan ko. May kaniya-kaniya kaming ganda. Maganda rin ang hubog ng katawan ko at hindi ako pandak sa taas na 5'3. Kung kabaitan naman ang pag-uusapan, ako na sigurado ang rank one sa aming magkakaibigan. Pero hindi ko pa rin talaga maintindihan kung bakit lagi na lang akong naiiwan at niloloko.
Napabuntonghininga ako kaya binalingan ako ni Violet. "Nakasimangot ka na naman, Jazz. Hay naku! 'Wag mo na nga isipin si Dominic! Dapat nga magsaya ka dahil ang bilis ng karma niya! Gag*ng 'yon!"
Lalong nalaglag ang balikat ko sa sinabi niya. Tama siya. Mukha ngang nakarma si Dominic sa panloloko sa 'kin. Tatlong araw na ang lumipas simula noong tinakasan ko sila sa hotel dahil nahuli ko si Dom. Pero kinabukasan lang after ng encounter namin sa hotel, nabalitaan kong natanggal si Dom sa trabaho niya. Ang malala pa, pareho silang natanggal ng lalaki niya dahil supervisor niya pala 'yon sa pinapasukan niyang bangko.
Hindi lang siya ang nagkaproblema. Nabalitaan din namin kanina na 'yong parents ni Dom ay naghiwalay na kahapon lang. Ang dahilan? May nagpadala sa bahay nila ng mga litrato ng tatay niya na may kasamang ibang babae. Ang ibang kuha ay papasok sa motel, palabas ng motel, at ang iba ay kuha sa restaurant. Ang hindi nga lang namin alam ay kung sino ang nagpadala no'n sa bahay nila. Wala kaming masagap. Mahina ang radar namin.
But gosh! Now I know kung kanino nagmana si Dom. Sa daddy niyang cheater. Kaya, oo. Masasabi kong nakarma nga siya dahil ang balita pa namin ay nabugbog din siya ng Daddy niya noong nalaman ang affair niya sa kapwa nito lalaki. Poor him.
Papasok na kami ngayon sa coffee shop na katabi lang ng university. Dito kami tumatambay at nagtsitsismisan after ng huling klase sa hapon, lalo na kapag ayaw pa naming umuwi. Walking distance lang din kasi ito sa apartment na inuuwian nina Leigh at Violet.
Si Violet ang taya sa kape namin ngayon kaya siya ang um-order.
"'Di ba sabi ko Caramel Mocha sa 'kin?" Salubong ang kilay kong pinagmasdan si Violet dahil Vanilla Latte ang iniabot niya sa 'kin pagbalik niya sa table.
"Luh. Sorry. Nalito ako." She smiled at me sheepishly and gave me a peace sign.
Napairap ako, kasunod ang pang-aasar sa kaniya ni Leigh. "Pagpasensiyahan mo na. Baka lutang na naman kaiisip sa Kuya Zane mo—aah! Aray!" reklamo ni Leigh nang sipain siya ni Violet sa ilalim ng mesa. Habang nakangisi si Camille, salubong naman ang kilay ko at pinagmamasdan ko si Violet.
"Wait? You like him?" I asked in disbelief, pero wala akong nakuhang sagot sa kaniya. Silence means yes, 'di ba? "Of all people? Seriously, Violet?" Hindi ako makapaniwala. "Bakit si Kuya Zane pa? Guwapo lang 'yon, pero hindi 'yon makakabuti sa kinabukasan mo. Masasaktan ka lang sa kaniya. Babaero pa—"
"Deretsahin mo na kasi 'yang friend natin." Si Leigh. "Ang sabihin mo, hindi siya type ng Kuya Zane mo," sabay halakhak nito.
Tama rin naman si Leigh. Hindi tipo ni Kuya Zane si Violet dahil sa pagkamataray niya. Kapag nagkakataon na nasa bahay sila at naroon din si Kuya, para silang aso't pusa. Tapos ngayon malalaman kong bet niya si Kuya Zane? Yuck!
"Kalimutan mo na si Kuya Zane," sabi ko. "P'wede naman kitang ireto sa mas matino. Kay Kuya Zero or Kuya Zia—"
"Gusto mo bang balatan ako nang buhay n'yang dalawa?" tinuro niya si Leigh at Camille.
Napakurap ako. "Huh? Bakit?" Pinagmasdan ko si Leigh at Camille na ngayon ay parehong nakayuko, pero pansin kong namula ang mga pisngi. "Hoy! Pucha pala! May gusto kayo sa mga kuya ko?!" I asked in disbelief, kasunod ang pagbungisngis ni Violet.
"Si OA." Inirapan ako ni Leigh nang mag-angat ng tingin sa 'kin. "Crush lang naman! And crush means paghanga ONLY!"
"Mga talande kayo. Napapaisip tuloy ako ngayon kung kinaibigan n'yo ba ako dahil gusto n'yo talaga akong maging kaibigan o dahil sa mga kuya ko." Napailing ako, dismayado sa kanila na ngayon lang nila sinabi ang tungkol dito. Pero hindi ko naman sila masisisi dahil ang guguwapo rin naman kasi talaga ng inanak ni Mom at Dad. "Anyway, sino ang may crush kay Kuya Zero?"
"Me." Aminadong nagtaas ng kamay si Camille habang nakangisi.
Binalingan ko si Leigh. "At ikaw naman kay Kuya Zian?"
Tumango siya nang nakangisi rin. "Crush lang naman. 'Wag kang mag-alala, hindi naman namin i-se-s*x ang mga kuya—"
"Ew, gross!" I covered both my ears. "Stop talking about s*x with my brothers involved! That's disgusting."
"Maka-yuck ka naman." Inirapan ako ni Violet. "Bakit? Ikaw ba wala kang crush sa mga tropa ng kuya mo? Ang guguwapo rin kaya nila Gerald, David at lalong-lalo na si Adam."
Napairap ako nang marinig ang pangalan ni Adam. "Wala akong gusto sa kanila. Wala akong type."
"Pero 'yong isa parang may gusto sa 'yo." Camille gave me a teasing grin. "Si Adam."
"Adam?" I chuckled. "Sabog ka ba, Camille? Hindi niya ako gusto! Saan mo naman napulot 'yang fake news na 'yan?"
"Napulot namin sa mga mata ni Adam," nakangisi niyang sagot. "Natatandaan mo ba 'yong mga panahon na inimbita kami ni Tita Franxine sa inyo para kumain? Those times na naroon din ang mga kuya mo at mga friends niya? Alam mo bang ilang beses naming nahuli si Adam na kakaiba ang tingin sa 'yo? Not just once, twice, or thrice. Maraming beses, girl!"
Hindi ko naiwasang mapahalakhak sa sinabi niya. 'Yon siguro 'yong tingin na, 'Ito 'yong bubwit na humalik sa 'kin noon. Ang kapal ng mukha.'
"Alam n'yo, kayo? Masyado kayong overthinking! Hindi ako gusto ni Adam. Never! To be honest, ayaw namin sa isa't isa. May history kasi kami, noong fifteen years old pa lang ako—"
"Omg! Ano'ng history 'yan? SPG ba?" kinikilig na tanong ni Leigh.
Napairap naman ako sa kaniya. "No! Patapusin mo muna kasi ako!" inis kong sagot, then I continue, "Ganito 'yon. Noong fifteen ako, may encounter kami na kung saan, nagkainitan kami ng ulo. Nagkasagutan kami. Ihahatid niya dapat ako no'n sa bahay namin dahil, uh... nadaanan niya ako na pauwi mag-isa," I lied. Nahihiya akong ikuwento sa kanila ang totoong dahilan. "Then, hayun. After namin magkasagutan, inihinto niya 'yong sasakyan at pinababa ako kahit hindi pa kami nakararating sa bahay. After no'n, hindi na kami nagpansinan. Well, hindi naman talaga namin ugaling magpansinan dahil simula't-sapol, hindi ko na siya feel. Para kasi siyang kampon ng kadiliman na nabiyayaan lang ng itsura ng anghel. Ewan ko nga kina kuya kung bakit nakasundo nila 'yon. And honestly, I don't like him. Itaga n'yo 'yan sa bato!"
"You don't like him?" may dudang tanong sa akin ni Violet.
"Not a little bit?" Camille added.
Proud naman akong sumagot. "Not even a little bit."
Matapos kong isara ang usapan tungkol kay Adam, hindi na nila ako kinulit pa tungkol doon, dahil ayoko rin namang pinag-uusapan si Adam.
"Girls, una na 'ko sa inyo. Tumatawag na si Mommy," baling sa amin ni Camille nang sulyapan niya ang screen ng phone niya matapos 'yon tumunog. Kasabay ng pagtayo niya, tumayo rin si Gabo na nasa kabilang table lang namin.
"Ingat kayo," Leigh said as she waved them goodbye.
Noong kami na lang tatlo ang naiwan, nagdesisyon na rin akong i-message ang mga kuya ko para magpasundo. Bahala na kung sino ang unang makabasa sa kanila. 'Tsaka ko binalingan ang dalawa. "Pwede na kayong mauna. 'Di ba gagawa pa kayo ng report n'yo?"
"Pa'no ka?" Si Leigh.
"Okay lang ako rito. Tineks ko na sila Kuya. Siguradong isa sa kanila ang susundo sa 'kin."
Tumango sila at sabay na tumayo. Hindi naman kasi kalayuan ang bahay namin. Ten minutes' drive lang. Mapapalayo lang kung lalakarin ko pauwi, baka abutin pa ako ng dilim sa daan, lalo at mag-a-alas-sais na ng hapon.
"Bye, Jazz." Kumaway pa sila pareho sa akin bago sila tuluyang lumabas ng cafe. Noong ako na lang mag-isa ang naiwan sa table namin, naka-receive ako ng reply mula kay Kuya Zane.
"Nasiraan ako. Dinala ko car sa pagawaan, mag-commute ka na pauwi. Matagal pa 'to. Hindi ka masusundo ng dalawa, may nilakad sila."
360-degree yata ang naging-ikot ng mga mata ko dahil napairap ako matapos kong mabasa ang text niya. Commute? Para siyang hibang. Wala na akong puwedeng habulin na sasakyan nang ganitong oras.
Inis kong binitbit ang kape ko palabas sa coffee shop at nakasukbit naman sa katawan ko ang body bag ko.
"Jazzlene?" Napalingon ako sa sasakyang huminto sa tapat ko. Nakababa ang salaming bintana kaya nakita ko kung sino'ng tumawag sa 'kin.
Ngumiti ako. "Hi, Ma'am Jane!" Isa siya sa mga professor namin, mabait siya.
"Bakit mag-isa ka?"
Nakakahiya man, pero kinapalan ko na ang mukha ko. Tinanong ko kung puwede akong makisabay. Nakangiti siyang pumayag kaya ang saya ng puso ko. Pinasakay niya ako sa sasakyan niya dahil wala naman siyang kasama. Noong nagsimula na siyang mag-drive, 'tsaka ko ikinuwento sa kaniya kung bakit kailangan kong makisabay. Iyon nga lang ay binanggit niyang hindi niya ako maidideretso sa bahay namin. Hanggang sa Rose Street lang daw niya ako maibababa dahil nagmamadali siya. Dadaanan niya pa raw kasi 'yong anak niya na nagtatrabaho bilang manager sa isang pharmacy dahil oras na rin ng uwi nito.
Ilang minuto pa, narating na namin ang Rose Street kaya nagpaalam na ako at bumaba sa sasakyan ni Ma'am Jane. "Mag-iingat ka sa paglalakad, Jazz, ha?"
"Opo, ma'am. Thank you po." Malapad ang ngiti kong kumaway sa kaniya bago ko isara ang sasakyan niya.
Rose Street, then Lily's Street at Tulips Street bago ko maraming ang sa amin. Medyo malayo-layong lakaran pa, pero at least hindi na kasing layo ng iniisip kong lakarin kung sakaling hindi ako naisabay ni Ma'am Jane kanina.
Habang naglalakad, nakaramdam ako ng kaba dahil pakiramdam ko ay may sumusunod sa akin. Ngunit sa tuwing lilingon naman ako ay wala akong nakikita.
Pasado alas-sais na kaya madilim na ang paligid. Nagkataon pa na dito sa Rose Street ay walang masyadong kabahayan at medyo malayo ang mga pagitan.
Lord, malas na nga po ako sa love life, 'wag N'yo naman po sana hayaang malasin pa ako ngayon.
Binilisan ko ang paglalakad para makaiwas sa kung sino man ang sumusunod sa akin. Ngunit habang bumibilis ang paghakbang ko, mas lalo kong napatunayan na hindi ko guni-guni ang naramdaman ko dahil ngayon ay dinig ko na ang yabag niya na halos tumatakbo na rin para sundan ako.
"Jazzlene!"
I stopped dead nang marinig ko ang boses ng lalaking tumawag sa 'kin mula sa likod. I slowly turned around para tingnan kung sino 'yon. Kahit papaano ay may liwanag pa rin naman na nanggagaling sa street light kaya nakita ko ang mukha niya.
"S-Sino ka?"
Humakbang siya palapit sa 'kin. Nang makalapit siya, hinawakan niya agad ang magkabila kong braso. "Tell me. Ikaw ang nagpakalat sa bangko ng tungkol sa amin ni Dominic, 'no?" Madilim ang tingin niya sa 'kin, galit siya base sa higpit ng kapit niya sa magkabila kong balikat.
Napalunok ako dahil ngayon ko lang na-realize kung sino siya. Bukod sa nabanggit niya si Dom, namukhaan ko siya. Siya 'yong lalaking kasama ni Dominic sa hotel. Hindi siya gay tingnan. Tigasin siya sa histura kaya kung physical ang pagbabasehan, hindi mahahalatang may karelasyon siyang lalaki.
"H-Hindi ako. Bitawan mo 'ko." Pinilit kong kumawala sa pagkakahawak niya sa 'kin pero hindi ko magawa.
"Don't lie, you b*tch!"
"Aray!" Nagpumiglas ako dahil sa higpit ng hawak niya sa magkabilang balikat ko, idagdag pa na inaalog niya ang katawan ko. "Aray! Nasasaktan ako. Bitiwan—"
"Aminin mong ikaw ang nagkalat no'n! Aminin—" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang may humintong sasakyan sa tapat namin. Dark red na Lamborghini. Adam. Mabilis na bumukas ang pinto ng driver's seat, kasunod ang paglabas ni Adam. Nakasuot siya ng black suit—his usual working clothes.
Oras na maisara niya ang pinto ng sasakyan, humakbang siya palapit sa amin, with a gun in his hand. Halos tumalon ang puso ko palabas sa dibdib ko nang iangat niya ang kanang kamay saka itinutok ang baril sa lalaking nasa harap ko.
"Let her go or die?"