Pangatlo

1810 Words
Kinabukasan, hapon na nakalipat si Eida sa nirentahan n'yang kwarto dahil nalibang sila nina Yuri sa pamamasyal sa bagong bukas na mall malapit sa school nila. "Aling Pasing? Tao po?" sigaw n'ya nang nasa tapat na s'ya ng gate ng apartment. "Tao po??" medyo nilakasan n'ya pa ang pagtawag. Alas singko na kasi ng hapon at medyo nagdidilim na rin. "Tao po—" "Hahahaha.. Hahahaha.. Hahaaaaaaaa.." Napatigil s'ya sa pagtawag nang may marinig s'yang nagtatawanan sa di kalayuan. Parang tunog iyong ng tawa ng mga batang masayang naglalaro. Luminga si Eida para hanapin kung saang banda naglalaro ang mga bata. At napakunot ang noo n'ya nang wala naman s'yang ibang nakita sa kalsada kundi isang pusang kulay itim. Nawiwirduhang iwinaksi n'ya iyon sa utak at ipinagpatuloy na lang ang pagtawag. "Tao po?!" medyo nilakasan n'ya pa ang pagtawag hanggang sa may marinig na s'yang mga yabag na papalapit sa gate. Naghintay s'ya sandali at dumungaw na nga ang matandang babae. Si Aling Pasing. Ang may-ari ng mga paupahang kwarto. "Oh, ikaw na pala, Eida. Pasok ka!" agad na yaya nito sa kanya. Paghakbang pa lang ng isa n'yang paa papasok sa gate ay may naramdaman na kaagad s'yang kakaiba. Animo'y may mainit na hangin na agad na sumalubong sa kanya. Ipinilig n'ya ang ulo at agad binalewala na lang katulad ng mga tunog ng tawa na narinig n'ya kanina sa labasan. Pero malakas na malakas ang pakiramdam ni Eida na may kakaiba talaga sa lugar na iyon kahit pilit n'yang iwinawaksi ang mga kakaibang karanasan pagkapasok na pagkapasok pa lang sa compound ng lumang apartment. "Bakit ginabi ka yata sa paglilipat, Hija?" tanong ni Aling Pasing habang naglalakad sila patungo sa magiging silid n'ya. Nasa pangalawang palapag pa daw ito kaya umakyat pa sila sa halatang makaluma ng hagdanan. Nahihiyang napakamot s'ya sa batok. "Ahh.. Nalibang ho kasi kami sa pamamasyal doon sa bagong bukas na mall sa tapat ng school—" Natigil ang pagsasalita ni Eida nang biglang may kumalabog sa isa sa mga kwartong nadaanan nila. Halos mapatalon s'ya at mabitawan ang kanyang hindi kalakihang bag dahil sa gulat. Nagtatanong na napatingin s'ya kay Aling Pasing na mukhang nagulat din sa narinig. "Ahh.. W-wag mong pansinin 'yon, Eida. B-baka may bumagsak lang na kung ano sa mga gamit ng ibang nangungupahan," paliwanag nito. Napatango-tango na lang s'ya at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Pumasok sila sa isang pinto sa may pasilyo at naglakad pa ulit. Saglit na napatulala s'ya nang may mapansin na kakaiba sa pagkakagawa ng mga pinto at mga bintana. "Aling Pasing, di ba po ay malas daw kapag magkatapat ang pinto at bintana?" curious na tanong n'ya. Naalala n'ya kasi na sinabi 'yon ng kanyang Lola nang tanungin n'ya ito nang ipinarenovate ang bahay nila. "N-naku, sabi-sabi lang iyon at mga walang basehang pamahiin. Swerte nga ako sa lugar na ito," sagot naman ng matanda at ilang sandali pa nga ay tumigil na sila sa tapat ng isang pinto. "Narito na tayo, Eida. Dito ang magiging kwarto mo," sabi nito sabay abot sa kanya ng duplicate ng susi ng kwarto. Inabot n'ya lamang iyon at nagpasalamat. Tumango ang matanda. "Sige at maiwan na kita dahil may niluluto pa ako sa ibaba," pagkuwan ay paalam na nito at walang lingon-likod na iniwanan na s'ya. Isang beses na iginala n'ya ang mga mata sa paligid at isang buntonghininga ang pinakawalan bago humawak sa seradura ng pinto. Nang bubuksan n'ya na ang pinto ay sakto namang bumukas iyon at bumulaga ang isang halos kaedaran n'ya lang na babae. Kumunot ang noo nito pagkakita sa kanya. "Ahh, ako nga pala si Eida.. bago n'yong kasama dito sa kwarto," nakangiting sabi n'ya sa babae. "Ah! Ikaw iyong bago! Ako naman si Rowena. Wena na lang ang itawag mo sa akin, Eida!" nakangiti at masigla nitong pakilala sa kanya. "Halika tuloy ka! Ipapakilala kita sa isa pang kasama natin." yaya nito. "Kath! May bago tayong kasama. Si Eida!" pakilala nito sa kanya doon sa isa pa nilang kasama. "Hi.. Magandang gabi," nahihiyang bati n'ya sa babae. "Hi! Magandang gabi din. Pasok ka..." alanganing bati nito sa kanya. "Eida, s'ya nga pala si Kath," pakilala ni Wena sa isang babaeng medyo payat at nakasalamin. Ngumiti naman ito sa kanya. Nakahinga s'ya ng maluwag. Mukha namang mababait ang mga makakasama n'ya sa kwarto. Ginala n'ya ang paningin sa loob ng buong kwarto. Napansin n'yang wala namang kakaiba sa kwarto na iyon kaya binalewala n'ya na lang ang mga kwento ni Dana noong nakaraan. Siguro nga ay sabi-sabi lamang ang mga 'yon at walang katotohanan. Lumapit s'ya sa isang double deck at ibinaba ang gamit n'ya sa ibabang kama. "Naku, ‘wag ka d'yan hihiga, Eida! Bawal d'yan. Doo ka sa itaas," biglang sabi ni Wena. "Bawal? Bakit naman?" tanong n'ya. Nagkatinginan ang dalawa. Maselan ba ang ookupa ng ibabang kama kaya ayaw pahigaan kahit wala pa naman ito? "B-basta. Sundin mo na lang 'yung sabi ni Aling Pasing," sabi ni Kath at nag-iwas ng tingin. Weird. Ano'ng mayroon sa ibabang kama na ito? Ipinagkibit-balikat n'ya na lang iyon. Siguro nga ay ayaw ng bagong ookupa na may ibang hihiga sa kama nito. Agad n'ya nalang nilipat ang mga gamit sa itaas na kama at saka sumampa na doon. Napabuntonghininga s'ya nang medyo nahirapan sa pag-akyat doon. Mukhang hassle pa ang magpataas-baba dito! Piping reklamo ng isip n'ya. "Ano'ng year mo na, Eida?" Maya-maya ay tanong ni Wena nang makitang nakasampa na s'ya sa taas ng double deck. "1st year college. D'yan sa PUP," sagot n'ya. Napatango-tango lamang ito at hindi na muling nagsalita. Inayos n'ya ang kama at nilagyan iyon ng bed sheet. At saka nahiga saglit para mamahinga. Ngunit hindi pa s'ya ganun katagal na nakakapikit ay muling nakarinig s'ya ng mga batang nagtatawanan. Papalakas ng papalakas ang tunog ng tawa ng mga iyon na animo'y nasa tapat lang ng tenga n'ya nagmumula. "Hahahaaaaaa.. Hahaaaaaa.. Haaaahaaaa.." Napadilat agad s'ya nang hindi na matagalan ang ingay. Napalingon s'ya sa paligid at agad na napabangon. "Guni-guni ko lang ba 'yon?" tanong n'ya sa sarili. Pero kanina pa s'ya nakakarinig ng tawa ng mga bata kahit wala naman s'yang nakitang mga bata sa labasan kanina. Hindi kaya taga rito din ang mga batang iyon at anak ng ibang nangungupahan? Nakaramdam s'ya ng pagkalam ng sikmura kaya napahilot s'ya sa kanyang tiyan. Mukhang humupa na ang kinain n'yang mirienda kanina pagkatapos nilang mag-ikot sa bagong mall. Sinipat n'ya ang oras sa suot na wristwatch para lamang panlakihan ng mga mata. Pasado alas onse na kasi ng gabi ang nakalagay doon. Ilang beses pa s'yang kumurap at sinipat ang orasan para lamang i-check kung tama iyon. Napailing s'ya nang mapagtantong totoo nga ang nakalagay na oras. Limang oras s'yang nakatulog? Ganoon na ba s'ya kapagod sa pamamasyal at agad-agad ay nakatulog s'ya ng mahimbing? Nilingon n'ya ang dalawang kasama na ngayon ay himbing na himbing na sa pagtulog. "Ang init naman," bulong n'ya sabay bukas sa ceiling fan na nasa taas ng kama n'ya. Hihiga na sana ulit s'ya para ipagpatuloy na lang ang naudlot na tulog nang biglang mamatay ang ceiling fan kasabay ng pagpatay din ng ilaw. Napakamot s'ya sa pisngi. Ang malas naman! Mukhang nawalan pa yata ng kuryente! Anang isip n'ya. Tumagilid s'ya ng higa at pumikit para ituloy pa rin ang naudlot n'yang pagtulog. Ilang sandali pa lang s'yang nakakapikit nang maramdaman n'yang lumalim ang kabilang side ng kama na para bang may mabigat na bagay na dumagan doon. Parang may humiga sa tabi n'ya. Napadilat s'ya kahit na madilim at saka tumihaya ng higa. Kinapa n'ya pa ang bahaging 'yon ng kama. Napasigaw s'ya sa gulat nang biglang may malamig na kamay na humawak sa kanya mula sa ibabang kama! "Aahhhhhhhh!!!!" sigaw s'ya ng sigaw at pilit hinihila ang kamay mula sa kung sinong humawak doon! Biglang sumindi ang ilaw at lumiwanag ang paligid. Agad na bumangon s'ya at sinilip ang kamay na mahigpit na nakahawak pa rin sa kamay n'ya. Halos lumabas ang puso n'ya sa sobrang takot nang makita ang puro dugong kamay na s'yang nakahawak ngayon sa kamay n'ya. Halos mapaaos s'ya sa sobrang lakas ng pagsigaw kasabay nang pagpupumiglas para mabawi ang kamay n'ya. "Ahhhhhh!!! Tulong!!! Tulungan n'yo ako!!!!" Malakas na malakas na sigaw n'ya at pilit hinihila ang kamay mula sa duguang kamay na nakahawak sa kamay n'ya. "Eida! Eida, gising!" agad na napadilat s'ya at mabilis na napabangon sa kama nang marinig ang malakas na tawag ni Wena sa pangalan n'ya. Hingal na hingal s'ya at ramdam n'ya ang hapdi ng lalamunan n'ya dahil sa ginawang pagsigaw. Naabutan n'ya ang mga itong alalang-alala ang mga mukha habang nakadungaw sa kanya. "P-panaginip lang pala!" hinihingal na sabi n'ya. Ramdam pa rin n'ya ang panginginig ng katawan dahil sa takot at ang pamamaos ng boses n'ya dahil sa pagsigaw. Bakit ganun? Napatanong s'ya sa isip. Bakit namamaos ako kung panaginip lang naman pala 'yon? Halos mapasapo s'ya sa noo dahil sa sobrang pagkalito. "Okay ka lang ba, Eida? Ano bang nangyari sa'yo? Ano bang napanaginipan mo at padyak ka ng padyak at pabiling biling sa kama?" tanong ni Wena. "Oo nga, Eida. Mabuti na lang at napatayo ako para magCR kaya nakita kitang biling ng biling ang ulo at padyak ng padyak. Binangungot ka ba?" tanong naman ni Kath. "A-ano? Sigaw ako ng sigaw, eh. M-may humila daw kasi sa kamay ko at pilit kong binabawi ang kamay ko mula sa kanya pero ayaw n'yang bitawan kaya nagsisigaw ako para humingi ng tulong," namamaos n'yang sabi. Ang sakit talaga ng lalamuna n'ya. Parang totoong sumigaw s'ya ng sobrang lakas. Nagkatinginan na naman ang dalawa. Ano bang meron dito sa kwartong ito? Sa buong buhay n'ya, ngayon lang s'ya nakaranas na bangungutin. "Pero, sa itaas naman s'ya natulog—" rinig n'yang sabi ni Kath kay Wena pero nakita n'yang pinigilan itong magsalita. "Ha?" tanong n'ya kay Kath. Pero si Wena ang sumagot. "A-ang ibig n'yang sabihin, baka nanibago ka lang na sa taas ka nakatulog. B-baka hindi ka pa sanay kaya ka nanaginip ng masama," sabi nito. Nakita n'ya naman na napalunok si Kath at nag-iwas ng tingin. Malakas ang pakiramdam n'yang may hindi sila sinasabi sa kanya. Ano naman kaya 'yon? "Tara na at matulog na tayo. Pasukan na bukas at baka malate pa tayo, first day pa naman," yaya ni Wena at naglakad na pabalik sa kama nito. Si Kath rin ay sumampa na sa taas ng double deck at sumulyap pa sa gawi n'ya bago tuluyang nahiga sa kama nito. Weird. Alam n'yang may alam ang mga ito sa nangyari sa kanya. Hindi kaya totoo 'yung kwento ni Dana? Sa naisip ay bigla ang pagdagasa ng kaba sa dibdib n'ya. Bigla ay kinilabutan s'ya. Dali-dali s'yang humiga at nagtalukbong ng kumot. Bukas ay tatanungin n'ya ulit si Dana tungkol sa kinwento nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD