Pang-apat

1184 Words
Unang araw ng klase. Agad hinanap ni Eida si Dana dahil alam n'yang magkaklase sila nito. "Yuri, nasaan si Dana? Hindi ko pa yata s'ya nakikita?" Nagpalinga-linga pa s'ya habang tinatanong si Yuri. "Si Dana? Hindi, e. Wala kasi s'ya. Biglaan ang pag-uwi n'ya kahapon dahil naaksidente ang kuya n'ya. Baka sa isang araw pa 'yun pumasok. Bakit ba?" mahabang sabi nito. Sayang naman. Anang isip n'ya. "Ahh, wala lang. May itatanong lang sana ako sa kanya, eh." Alangang sagot n'ya. Hindi n'ya alam kung ikukwento n'ya dito ang naranasan n'ya sa nagdaang gabi. "Tungkol saan ba 'yan?" usisa nito. Napatingin s'ya dito ay pagkatapos ay ibinulong ang nangyari sa nagdaang gabi. Nanlalaki ang mga mata ni Yuri pagkatapos n'yang i-kwento dito ang mga naranasan n'ya. "Ano?!" malakas na sabi nito. Napatingin naman samin ang ibang classmates namin. Kasalukuyan kasi kaming nag-aantay ng susunod na professor. "B-binangungot ka kamo?" "Ssshh!" pigil n'ya sa kaibigan. Napatingin naman ito sa paligid at saka nag-peace sign sa kanya nang makitang nakakakuha na sila ng atensyon galing sa ibang mga kaklase. Tsk! Eksaherada talaga itong kaibigan n'ya kahit kailan! "Paano'ng nangyari 'yun, Bes? Tsaka, ano'ng sabi mo? Parang may tinatago 'yung dalawa mong kasama sa kwarto? Grabe, Eida. Umalis ka na dun!" mahinang suhestyon nito. Agad na napailing s'ya. "Hindi pwede, Yuri. Nakapagbayad na ako at sayang naman kung aalis ako at hahanap na naman ng panibagong uupahan," nanlulumong sabi n'ya. Sa totoo lang ay nanghihinayang talaga s'ya kung aalis na s'ya kaagad doon. Alangan naman na bawiin n'ya 'yung binayad n'ya at sasabihing may multo kasi kaya s'ya aalis! Baka ma-imbyerna lang sa kanya si Aling Pasing kung iyon ang sasabihin n'ya. "Naku, ‘yang ka-kuriputan mo ang magpapahamak sa'yo, Bes!" nang-aasar na sabi nito. Pinandilatan n'ya lang ito na ikinatawa lang ng kaibigan. Napabuntonghininga s'ya. Paano kung maulit na naman 'yung masamang panaginip n'ya? Isipin pa lang n'ya ay parang nahihintakutan na s'ya at agad na nawawala ang ganang matulog. Sino ba naman ang gugustuhing matulog kung ganung klaseng bangungot ang mangyayari sa iyo? Kinagabihan ay maaga silang dinismiss ng prof. nila sa PolSci dahil first session pa lang naman kaya nagbigay lang ito ng mga dapat aralin para sa lessons bukas ng gabi. Pasado alas nuebe na ng makarating s'ya sa inuupahan n'yang kwarto. Pagpasok n'ya ay nadatnan n'yang tulog na sina Kath at Wena. Ang aga naman yata nilang nakatulog? Anang isip n'ya. Nagkibit balikat s'ya at nagpasyang huwag ng buksan ang ilaw dahil baka magising n'ya pa ang dalawang kasama. Lumapit s'ya sa double deck na inookupahan n'ya at nagpasyang maupo muna sa ibabang kama. Doon na lang muna s'ya at kailangan n'ya pang gawin ang mga assignments n'ya. Kahit nahihiya ay dahan-dahan n'yang ibinukas ang ilaw. Umupo s'ya sa kama at nagsimulang magsulat. Walang study table doon kaya kaylangan n'yang magtiis. "Huhuhu.. Huhu.." Napaangat s'ya bigla ng tingin nang may marinig s'yang tila umiiyak. Napatingin s'ya sa dalawang kasama sa kwarto sa pag-aakalang isa sa mga ito ang umiiyak. Napakunot noo s'ya nang makitang parehong mahimbing ang tulog ng mga ito. Pinilig n'ya ang ulo. "Ahh.. Baka sa ibang kwarto," mahinang sabi n'ya at ipinagpatuloy ang pagsusulat. Napahinto s'ya ulit nang marinig na naman n'ya ang pag-iyak ng kung sino. Sa pagkakataong iyon ay mas lalong lumalim ang tunog ng pag-iyak. Halos manlaki ang ulo n'ya dahil sa pangingilabot nang mapagtanto n'yang sa likod n'ya nagmumula ang pag-iyak. Para s'yang naestatwa sa kinauupuan n'ya. Gustong-gusto n'yang lumingon para tignan kung sino ang umiiyak pero nakakaramdam s'ya ng labis labis na kaba at takot. Ngayon lang yata s'ya kinilabutan ng ganun katindi sa tanang buhay n'ya! "Huhuhu.. Tulungan mo ako.. Huhuhu.. Tulungan mo ako.." Halos liparin na n'ya ang pinto ng kwarto nang marinig na nagsalita na ito. Ramdam na ramdam n'ya ang malamig na hangin sa likod n'ya kasabay ng pangingilabot ng buo n'yang katawan habang hinahawakan ang seradura ng pinto ng kwarto nila. Parang maiiyak na s'ya lalo na nang ayaw bumukas ng pinto! "Bakit sarado?! Buksan n'yo to!!" Parang maiiyak na sigaw n'ya. Buong lakas n'yang pinipilit buksan at kinakalampag ang pinto pero ayaw talagang bumukas! "Huwag mo akong iwan.. Tulungan mo ako... Huhuhuuuu.." Halos manginig ang tuhod n'ya nang maramdaman n'yang mayroong nakatayo sa likuran n'ya. Sa pagtingin n'ya sa sahig para hagilapin ang anino nito ay wala s'yang makita kundi ang sa kanya. Sa nalaman ay parang lalabas ang puso n'ya sa dibdib sa sobrang tindi ng kaba at takot. "Pakiusap!!! Palabasin n'yo ako dito!!!!" Halos maiyak na s'ya sa sobrang takot at ramdam na rin n'ya ang pangangatog ng mga tuhod n'ya. Muli n'yang pinihit ang seradura ng pinto at laking tuwa n'ya nang bumukas iyon.. Pero lalo s'yang napasigaw at tarantang napaurong pabalik sa loob ng kwarto. Halos panawan s'ya ng ulirat at mapaupo na sa sobrang takot nang makita ang isang babaeng nakaputi at lumulutang sa harapan n'ya. Halos maligo ito sa sariling dugo at palapit ito ng palapit sa kanya kaya halos gumapang na s'ya para makalayo lang dito. "‘Wag, please?! Parang awa mo na! Wag kang lalapit sa akin!" sigaw n'ya na halos mapaiyak na sa takot. Pilit nitong iniaabot ang duguang kamay sa kanya. "Tulungan mo ako.. Gusto ko ng matahimik..." nagmamakaawa at hirap na hirap ang malalim na tinig nito. "P-papaano k-kita ma-m-matutulungan?" lakas loob kahit nangangatal sa takot n'yang tanong dito. Hindi n'ya na narinig ang iba sinasabi nito dahil may sobrang nakakasilaw na liwanag ang bumalandra sa harapan n'ya kasabay nun ay ang pagyugyog sa kanya ng kung sino. "Eida! Eida, gising!!" napabangon agad s'ya sa gulat at muli ay nakita n'ya na naman sina Wena at Kath na nakatunghay sa kanya. Habol n'ya pa ang hininga dahil sa kakatapos na bangungot. "P-panaginip na naman?" takang tanong n'ya sa sarili. Ni hindi n'ya matandaang natulog s'ya! Napatingin s'ya kay Kath nang magsalita ito. "Ano'ng ginagawa mo dito sa ibabang kama, Eida? Kabilin-bilinan namin na ‘wag na ‘wag kang mahihiga dito sa ibaba hindi ba?" medyo iritado ang tinig na sita nito. Napatingin s'ya sa inuupuang kama at saka naalala ang nangyari kanina. Umupo lang doon para gumawa ng assignments. Pero hindi n'ya namalayan na nakatulog na pala s'ya! "P-pasensya na. Nakatulog pala ako ng hindi ko namamalayan. Tinamad kasi akong sumampa kanina sa itaas kaya dito ako gumawa ng assignments ko." paliwanag n'ya. Napailing naman ang dalawa. "Basta, Eida, ‘wag ka na ulit matutulog dito," seryosong bilin ni Wena. Nagtatanong na napatingin s'ya dito pero katulad kahapon, nag-iwas lang ulit ito ng tingin sa kanya. "Doon ka na sa itaas matulog," muling sabi nito at tumingin kay Kath. "Tara. Tulog na ulit tayo," yaya nito. At sabay na bumalik na sila sa kama nila. Agad na umayos s'ya at pinulot ang mga gamit na nakatulugan sa kama. Napatingin s'ya sa notebook n'ya at halos lumaki ang ulo n'ya sa kilabot. May sagot na ang assignments n'ya at huminto ito sa kahuli hulihang tanong na kasalukuyan n'yang sinasagutan bago n'ya marinig ang umiiyak na tinig ng babae. Ibig sabihin... t-totoong nagpakita sa kanya ang babae?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD