CHAPTER 10 – SANTELMO

1925 Words
CHAPTER 10 – SANTELMO   Dumilat ako at natagpuan ang sarili na nakaupo sa madilim na lugar. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa dilim. Hindi ako makapaniwala na magagawa iyon sa akin ni Euphemia. Bakit hindi ko iyon nakita noong unang palang? Binulag ako ng umuusbong na nararamdaman sa kanya. Ngunit ngayon ay wala na akong maramdaman kung hindi poot. “Traydor,” bulong ko. Biglang lumitaw ang nakangiting mukha ni Euphemia sa aking isipan at napasabunot ako sa aking buhok dahil doon. “Traydor!” ‘Para kay Clovis.’ Napangiti ako dahil sa sarili kong kahibangan. Sino nga ba ako para maghangad ng tahimik na buhay? I enjoyed torturing people. I kill anyone mercilessly. Sino ako para hangarin ang tahimik na buhay? “Ashmir! Bumalik ka na! Ashmir!” “Bakit paulit-ulit mong tinatawag ang kaluluwa na wala na sa mundong ito?” Napalingon ako sa kinaroroonan ng boses na iyon. Nakatayo siya sa ‘di-kalayuan sa kinauupuan ko at nakatingin sa akin ang pulang mga mata. Ang kulay niyebe nitong buhok ay hinangahin patalikod. “Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito.” Tumalungko sa aking harapan si Rubitta at pinatong ang baba sa kanyang palad. “Pinagkalooban ko kayo ng kalayaan na magmahal pero bakit sa akin niyo sinisisi kapag nasasaktan kayo?” “Dahil hindi ko ito mararamdaman kung hindi moa ko nilagay sa mundo na ito!” Nagbuntong-hininga si Rubitta at ipinikit nito ang mga mata. “Ayaw mo na ba?” “Na ano?” “Na mabuhay.” Hindi ako nakaimik at kumuyom ang mga kamay ko. “Gagawin ko ang lahat para hindi ka na magising mula sa panaginip na ito.” Dumilat si Rubitta at natuon sa akin ang malamig na mata niya. “Hindi ko inakala na ganito kabilis mo na tatanggipin ang pagkatalo.” “Huwag mo akong—” “Sabagay, kung hindi ka na magigising ay hindi mo na makikita ang selebrasyon ni Duke Sanjo at ni Euphemia dahil sa pagkawala mo.” Tumawa ito ng mahina at tumayo. “Maaalala ka ng lahat bilang mahina dahil isang sibat lang ay namatay ka na.” “Hindi ako ang mahina. Si Ashmir ang—” “Nakalimutan mo na ba? Namatay ka rin naman na talunan sa totoong mundo mo.” Hindi ako agad nakapagsalita. “At talunan ka pa rin sa mundo na ito. Sandali, baka iyon naman talaga ang gusto mong maabot— maging isang talunan.” Nagbuntong-hininga ito. “Sige, kung ito talaga ang iyong kahilingan—” “Sandali!” Napansin ko ang kinang sa mat ani Rubitta nang pigilan ko ito. Tumayo ako sa kanyang harapan. “Nakapag-isip-isip na ako. Gusto kong maghiganti.” Tumalon ito at impit na sumigaw. Ang kulay niyebe nitong buhok ay sumabay sa kanyang kilos. “Kung iyan talaga ang nais mo ay dapat na gumising ka na, Ashmir.” “Bakit?” “Dahil marami ng dugo ang nawawala sa iyo.” Matapos niyang sabihin iyon ay agad na nagmulat ang aking mga mata. Mahirap at mabilis ang aking paghinga. Umupo ako at napahinto nang biglang kumirot ang itaas na bahagi ng katawan ko. “Agh!” Nilibot ko ang aking paningin at napansin na nasa loob ako ng isang kuweba. Ang mga apoy sa gilid ng haligi ang nagsisilbing ilaw niyon. Tumutulo ang pawis sa aking katawan dahil sa init na nagmumula sa apoy. “Huwag mo muna igalaw dahil bubuka na naman ang mga sugat mo.” Nilingon ko ang nagmamay-ari ng malalim na boses na iyon. “Sino ka?!” Humakbang ito at nailawan ang kanyang katauhan. Mahaba at kulay apoy ang kanyang buhok. Ang kulay ng kanyang mga mata ay parang apoy rin na nagliliyab. “Ako si Santelmo.” Binaba nito ang hawak na mga dahon sa aking gilid at pagkatapos ay umupo sa tuyong katawan ng puno. “Nakita kita sa dalampasigan at napansin na sugatan kaya’t dinala kita sa kuweba na ito para gamutin.” Biglang umilaw ang aking kamay at lumitaw roon si Auriel. Ngayon ko lang nakita ang diwata na ito sa totoo niyang anyo. Isang dangkal lang ang kanyang taas at kulay ang damit, buhok, at mga pakpak nito. “Auriel,” bati ni Santelmo. Napatingin ako kay Santelmo nang banggitin niya ang pangalan ng aking diwata. “Santelmo, diwata ng apoy, kay tagal nating hindi nagkita.” “Auriel, hindi ka pa rin tumatangkad.” Lumipad sa gilid ni Santelmo si Auriel at sinuntok ng maliliit na kamao nito ang braso ni Santelmo. “Wala kang respeto sa mas nakakatanda sa iyo.” “Kung kasama ka ng tao na ito… malamang ay siya ang—” “Siya ay kadugo ni Rubitta.” Lumingon sa akin si Santelmo. “Kung ganoon ay hindi mo na kailangan ng mga dahon na itinapal ko sa iyo.” “Huh?” “Kung tunay mong kadugo si Rubitta ay maaari mong pagalingin ang iyong sarili.” Nakatinginan kami ni Auriel. Napansin ko na may binulong ito kay Santelmo at napasimangot ako dahil alam ko na tungkol iyon sa akin. “Hindi pa niya alam kung paano kontrolin ang kapangyarihan niya?!” Tumawa ng malakas si Santelmo. “Kapag dumating ka sa tamang-edad ay itinuturo na iyon ng mga mas nakakatanda na kadugo ni Rubitta.” “Namatay ang lahat ng kalahi ko noong musmos pa lamang ako.” “Ah, kawawa ka naman.” Bumulong si Auriel sa kanya. “Iniwanan rin siya ng asawa niya?” Tumango si Auriel at bumulong muli. “Hindi niyo kailangan na magbulungan. Kausapin niyo ako. Narito lang ako.” “Sunod-sunod ang kamalasan mo, Kamahalan. Ano na ang plano mo na gawin?” “Tipunin ang apat na diwata.” “At maghiganti?” Tinitigan ko lang si Santelmo at hindi muna umimik. Napabuntong-hininga ito at kumuha ng patpat at iginuhit iyon sa lupa. “Nang likhain ni Rubitta ang Arachnida ay may isang lalaki ang bumihag sa kanyang puso. Labis niyang minahal ito at ginawang hari. Nang kinailangan niyang lisanin ang mundo ay nag-iwan siya ng apat na elemento upang gabayan at protektahan ang pinakamamahal niyang pamilya.” Gumuhit ito ng simbolo ng tubig sa lupa. “Ang elemento ng tubig— si Auriel. May kakayahan siya na maging sandata sa labanan. Hindi lang iyon, may kakayahan rin siya na umihip ng malamig na hangin para magyelo ang mga kalaban.” Lumipat ito sa kaliwa at gumuhit ng simbulo ng apoy. “Ang elemento ng apoy— ako. May kakayahan ako na pagbagahin ang aking katawan at kaya kong pagliyabin ang kahit na sino sa isang pitik lang ng aking daliri.” Nilipat nito ang patpat sa kanan at gumuhit ng simbulo ng lupa. “Ang elemento ng lupa at kagubatan— si Kidul. May kakayahan siya na kontrolin ang mga bato at kagubatan. Ano mang sandata ay hindi babaon sa kanyang katawan. Ang lakas niya ay katumbas ng tatlong hukbo.” “Ang pinakamalakas at pinakamailap…” ginuhit nito sa itaas ang simbulo ng hangin. “Ang hangin. Kailanman ay hindi niya binanggit ang tunay niyang pangalan. May kakayahan siya na baguhin ang kanyang anyo at manipulahin ang isip ng kahit na sino. Noong nasa labanan kami ay nakontrol niya ang isip ng limang hukbo upang kalabanin ang mga kakampi nila.” Hindi ako umimik at nagpatuloy lang sa pakikinig. “Tinupad ng apat na diwata ang kanilang tungkulin sa mahabang panahon. Ngunit labing isang dekada na ang nakakaraan, ang kasalukuyang hari ay nais na sakupin ang ibang kaharian— nais niyang palakihin ang nasasakupan.” Tumitig sa akin si Santelmo. “Hindi tungkulin ng mga diwata ang gamitin ang kanilang abilidad sa digmaan. Ngunit ang makasariling hari ay parating nilalagay ang sarili sa disgrasya at kami ay walang nagawa kung hindi gawin ang atas sa kanila.” Nakatinginan si Auriel at Santelmo. “Hanggang sa nagkaroon ng kasunduan ang hari at ang mga diwata na pagkatapos ng digmaan ay puputulin niya ang bigkis na nagbubuklod sa pamilya niyo at sa mga diwata. Ganoon nga ang nangyari at isa-isang nilisan ng diwata ang palasyo. Sa mahabang panahon ay patago kaming namumuhay— malayo sa anumang gulo ng palasyo.” “Kung ganoon, bakit nasa akin si Auriel?” Muling nakatinginan ang dalawa. “Dahil hinuli ng iyong ama si Auriel upang pagalingin ang kanyang reyna.” Tumayo si Santelmo at tumalungko sa aking gilid. “Dahil ang mga tao ay likas na makasarili.” “Santelmo, nakita ko ang paghihirap ni Ashmir habang nasa pangangalaga siya ni Duke Sanjo. Nang mamatay ang kanyang ama ay lumipat ako sa kanya ngunit hindi niya alam kung paano ako tawagin.” “Auriel, ano ang ibig mong sabihin? Gusto mo na sumali ako sa alyansa niyo? Hindi mo ba nakikita ang bayan? Nagugutom ang mga tao dahil sa kakulangan ng pagkain at trabaho. Dahil ayon sa batas ang kalahati ng ani at huli ng mga mamamayan ay mapupunta sa Carapace at ang kapalit lang niyon ay tatlong pilak.” Tatlong pilak? Sapat lamang iyon sa dalawang araw na pagkain. Umupo si Auriel sa balikat ni Santelmo. “Bawat araw ay hindi bumababa sa isang daang tao ang pinapatay dahil sa hindi pagtupad sa batas na iyon. Ilang pamilya na ang nawalan ng ama at ina? Ilang mga bata ang nanirahan sa lansangan at doon na namatay habang tayo ay nakatayo lang sa gilid at walang magawa?” “Naniniwala ako na may magandang plano si Ashmir.” “Hindi ba’t pamilya niya ang dahilan sa lahat ng kaguluhan na ito?” Mahinang tumawa si Santelmo at isinuklay sa kulay apoy niyang buhok. “Tapos gusto mo ay tulungan natin siya? Paano kung katulad lang din siya ng pamilya niya na—” “Kung iyon ang tingin mo, bakit mo ako tinulungan at ginamot?” Tiningnan ko siya ng may paghahamon. “Dahil kadugo mo si Rubitta. Iyon lang naman ang nagbubuklod sa mga diwata at ng maharalikang pamilya.” “Santelmo, magtiwala ka kay Ashmir. Matagal ko na siyang kasama at naniniwala ako na mabuti ang kanyang hangarin.” “Paano ako magtitiwala sa kanya? Sinakripisyo niya ang sarili niyang anak at mismong asawa nga niya ay iniwan at nagtraydor sa kanya.” Matalim ko siyang tiningnan. Bumangon ako at hinawakan ang damit nito. Napalipad palayo si Auriel dahil sa ginawa ko. “Kaya ko lang hinahanap ang mga diwata ay dahil sinabi ni Rubitta na makakatulong kayo sa akin. Kung iniisip mo na luluhod ako at magmamakaawa na bumalik kayo at tulungan ako— doon kayo nagkakamali.” Wala ng dumadaloy sa mga ugat ko kung hindi galit at pagkamuhi sa mga tao na dahilan ng paghihirap ko ngayon. Ang nag-iisang tao na pinaglaanan ko ng pagmamahal at tiwala ay sinira lang din iyon. “Pagbabayaran ng mga tao na iyon ang lahat kahit lumuha pa ako ng dugo at masunog ng buhay.” Binitiwan ko si Santelmo at umayos ng tayo. Nilingon ko ang aking likod at napansin na unti-unting naghihilom ang aking sugat at pati ang mga pasa at galos ko ay nawawala. Huminga ako ng malalim at naglakad palabas ng yungib. Kinuha ko ang nakasampay na damit at sinuot iyon. Nagtungo ako sa liwanag na nasa dulo ng kweba. Pinagmasdan ko ang paligid, sumalubong sa akin ang usok at abo na nagmumula sa mga aktibong bulkan. “P*tang*na, nasaan ako!” “Ako ang diwata ng apoy. Ano ang inaasahan mo na gawin kong tahanan— niyebe?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD