Napabuntong hininga ako habang naglalakad na parang wala sa sarili.
“Huy, anong emote yan?” tanong ni Erin at pinitik ang mga daliri sa tapat ng mukha ko.
“H-Ha? Wala naman,” sabi ko at napaiwas ng tingin.
“Sus. Anong wala? Ako pa lolokohin mo. Ano nga kasi?!” tanong nito at kumapit sa braso ko.
“Wala nga. Ang kulit.”
“Hindi kita titigilan, kukulitin talaga kita.” Napairap ako sa sinabi niya.
Iba mangulit si Erin, sobrang nakakarindi. Kaya hindi ko maiwasang hindi sabihin ang totoo.
“Ano nga kasi?!” Niyugyog niya ang braso ko. Napabuntong hininga na lang ako.
“Si Laura, nalaman kong girlfriend siya ni Sir Dragon. Okay na?” sabi ko at umirap.
Natahimik siya sa sinabi ko.
“Okay ka lang?” nag-aalalang tanong niya.
“Bakit naman hindi ako magiging okay?” tanong ko at pilit na ngumiti sa kanya.
“Sa loob ng pitong taon, ang daming nanligaw sayo. Yung iba gwapo pa at mayaman, pero lahat 'yon binasted mo. Anong sa tingin mo ang dahilan?” seryosong tanong niya. Napaiwas ako ng tingin.
Kilalang kilala niya ko. Nakakainis.
“Kasi mahal mo pa siya, diba?”
Napalunok na lang ako, hindi ko maitatanggi 'yon.
“Akala ko ba may fianceé siya? Kaya ka nga napilitan na magsinungaling at sabihin na pinagsamantalahan ka niya kahit hindi.”
Alam ni Erin ang lahat ng tungkol sa 'kin, kahit ang bagay na 'yon.
Natahimik ako. Hindi ko alam ang dapat sabihin.
“K-Kung mahal ko man siya, wala naman akong ibang dapat gawin kundi ang manahimik na at umiwas. Masaya na siya kay Laura, ang gagawin ko na lang ay ang iwasang malaman niya ang tungkol kay Calli.” Napailing siya sa sinabi ko.
“Sa tingin mo hindi niya malalaman na may anak siya sayo? Isipin mo ah, alam ng Danger Zone ang tungkol dito diba? Syempre dadating sila sa punto na sasabihin nila ang totoo sa Dragon na 'yon.”
Napabuntong hininga ako. Sana wag ng dumating sa punto na 'yon.
“At syempre kapag nalaman niya, kahit saang sulok pa kayo ng mundo magtago ni Calli, mahahanap pa rin niya kayo. Minsan mo na siyang naging amo at alam mong ubod sa yaman ng dragon fruit na 'yon.”
Hindi ko maiwasang hindi kabahan sa ideyang 'yon. Paano nga kung mangyari 'yon?
“A-Ayokong mangyari 'yon Erin. Siguradong kukunin niya sakin si Calli, ayokong malayo sakin ang anak ko,” kinakabahang sabi ko.
“Hindi rin, si Ice Prince Farthon ang makakalaban niya pag nagkataon.” Nagulat kaming dalawa ni Erin nang may magsalita sa likod. Agad kaming napalingon.
“S-Sir Tiger?” gulat na tanong ko.
Si Sir Tiger ba talaga 'to?! Baka namamalikmata lang ako.
Lumapit siya samin. Tinapik niya ang balikat ko.
“Mag-uusap tayo bukas Ms. Mariano,” sabi nito at ngumiti saka umalis na at sumakay sa kotse niya.
Sabi na nga ba at dapat na akong kabahan sa pagkikita namin ni Ma'am Shenna, imposibleng hindi niya sabihin kay Sir Prince kung nasaan ako.
Napakurap kurap kami ni Erin. Natigilan ako nang mapansin kong nandito na pala kami sa amin. Hindi ko namalayan.
“Kung gano'n kagwapo ang members ng Danger Zone sa personal, masasabi kong swerte ka at natikman mo ang isa sa kanila,” nakatulalang sabi niya.
Binatukan ko siya. Loka loka talaga 'to kahit kailan.
Naalala ko tuloy nung unang beses kong nakilala ang Danger Zone.
“Sir Dragon!” Hinihingal na pumasok ako sa restaurant na pag-aari ng girlfriend or ex-girlfriend yata ni Sir Prince.
Napatingin sakin ang circle of friends ni Sir Dragon.
Umupo ako sa tabi nung magandang babae na medyo maliit. Yun yata yung girlfriend ni Sir Prince, sabi kasi nila hindi daw katangkaran pero maganda.
Inipitan ko ang buhok ko dahil naiinitan ako. Naistress ako dito kay Sir Dragon. Hindi ko alam kung saan hahagilapin, hindi naman nasagot ng tawag at text.
Natigilan ako nang mapansin kong nakatitig sakin si Sir Dragon.
“Sir Dragon! Huy!” pumitik pa ko sa harapan niya.
Para naman siyang natauhan. Napatikhim siya at inayos ang neck tie niya.
Problema nito?
“Grabe ka naman Sir! Saglit na lang magsisimula na ang meeting mo with the shareholders. Hirap na hirap na kong magpaliwanag tuwing na-l-late ka!” sigaw ko kay Sir. Nagulat naman ang mga kaibigan niya.
May pagkatamad kasi itong si Sir Dragon kaya naman stress na stress ang beauty ko sa kanya. Pasalamat siya mahal ko siya eh.
Shh! Secret lang natin yan ha?
“Oo na. By the way guys, this is Nisha, my secretary.” Lumingon ako sa kanila at ngumiti. Nginitian din nila ako.
Sana next time. ‘This is Nisha, my girlfriend.’ naman ang sabihin niya. Hays! So sad.
Makapagselfie nga mamaya at mag-eemote ako sa f*******:.
#secretaryzoned
#angsakit
#ouchnamern
Wala namang alam sa f*******: itong si Sir kaya okay lang. Wala nga siyang social media accounts eh, meron yung iba pero ako lang din ang naggamit for business purposes.
“Sir, hindi niyo naman nasabing puro gwapo pala ang mga kaibigan mo,” sabi ko at napahagikhik. Napakunot ang noo niya.
“Tss. Tigilan mo nga. Halika na nga.” Nanlaki ang mga mata ko.
“Grabe Sir! Halikan talaga, sa private place natin 'yon gawin.” Natawa si ateng maliit pero maganda sa sinabi ko.
Napairap na lang si Sir Dragon at hinila ako palabas ng restaurant.
Agad niya akong pinasakay sa kotse niya.
“Sir, hindi ko sila nakilala isa isa. Sayang naman, malay mo may single pa sa kanila,” tila kinikilig na sabi ko.
Ang ga-gwapo naman kasi nila. Sarap ulamin.
Hindi niya ko pinansin at pinagpatuloy lang ang pagmamaneho. Napanguso ako, galit ba si Sir dragon fruit?
“Huy! Dragon fruit.” Hindi pa rin niya ko pinansin. Napasimangot ako.
Kapag tinatawag ko siyang 'dragon fruit', lagi niyang pinipitik ang noo ko.
Nakarating kami sa DCF ng tahimik pa rin siya. Nagsalita lang siya nung nasa loob na kami ng office niya.
“Okay na ba 'to?” tanong niya at hinila ako papalapit sa kanya. Napakunot ang noo ko.
Ano daw?
“This is a private place, right?” tanong niya at hinawakan ang magkabilang baywang ko.
Sanay na ko pag ganito siya. Minsan bigla na lang siyang nangyayakap lalo na kapag naiistress siya.
“Ano naman?” nakakunot noong tanong ko.
“Maghahalikan tayo gaya ng sabi mo.” Nagulat ako nang siilin niya ng halik ang labi ko.
Shete! Yung first kiss ko!
*
“Salamat Millet at George,” nakangiting sabi ko sa mag-asawa.
“Okay lang insan. Alam mo namang parang anak na rin namin yang si Calli,” nakangiting sabi ni Millet.
“Oo nga. Wag kang mahihiya na ibilin siya samin,” sabi naman ni George.
Binuhat ko na si Calli. Tulog na tulog na ang anak ko.
“Sige mauna na ko ha, salamat ulit,” nakangiting sabi ko.
“Wait Nisha.” Napalingon ako kay Millet.
“Mauna ka na sa loob. Kakausapin ko lang si Nisha,” sabi ni Millet kay George. Tumango lang ito at pumasok na sa loob.
“Dun tayo sa inyo. Baka nabibigatan ka na kay Calli,” nakangiting sabi nito.
Magkapit bahay lang kami kaya sa kanya ko ibinibilin si Calli. Wala kasing trabaho si Millet, si George lang ang nagtatrabaho. Maganda naman ang kinikita niya dahil isa itong magaling na civil engineer.
“Pasensya na Millet, hindi ako masyadong nakapaglinis ng bahay,” nahihiyang sabi ko nang makapasok na kami sa bahay. Umupo si Millet at ngumiti sakin.
“Ayos lang, hindi naman masyadong magulo eh.”
Ipinasok ko si Calli sa kwarto at dahan dahang inihiga sa kama. Binuksan ko ang electric fan at lumabas na ng kwarto.
“Nisha, hirap na hirap ka na diba?” Hinawakan ni Millet ang kamay ko.
“Oo, nahihirapan ako. Pero kakayanin ko naman ang lahat ng 'to para kay Calli,” sabi ko at napabuntong hininga.
“Bakit hindi ka bumalik sa inyo?” Natigilan ako sa tanong niya.
“Alam kong matigas ang puso ni Tito pero hindi ka naman niya matitiis. Papatawarin ka rin niya lalo na kapag nakita niya si Calli.” Tito ni Millet si Papa, kapatid ng nanay niya si Papa.
“Madaling sabihin Millet, pero imposibleng patawarin ako ni Papa,”/sabi ko habang nilalaro ang mga daliri ko.
“Papatawarin ka niya, ang gusto lang naman niya ay ang malaman kung sino ang tatay ni Calli diba?” Napalunok ako at napaiwas ng tingin.
“H-Hindi ko magagawa 'yon Millet.”
“Pero bakit Nisha? Sino ba ang tatay ni Calli?” tanong nito.
“Pasensya na, pero hindi pwede,” nakatungong sabi ko. Napabuntong hininga siya.
“Naiintindihan ko, pero sana sa susunod masabi mo na kay Tito ang totoo. Alam kong nag-aalala din sila sayo,” nakangiting sabi nito.
“Salamat sa pag-intindi Millet.” Ngumiti siya at tumango.
“Alam mo namang hindi lang pinsan ang turing ko sayo kundi kapatid na rin.”
“Sige na, mauuna na ko. Alam kong gusto mo na ring magpahinga,” dagdag niya.
Inihatid ko siya hanggang pinto.
“Salamat Millet.” Ngumiti lang siya at nagtungo na sa bahay nila.
Ni-lock ko na ang pinto. Pumasok na ko sa kwarto para silipin ang anak ko.
Napabuntong hininga ako habang nakatingin sa natutulog kong anak.
Hindi kami makapaghanda ng magarbo kapag birthday niya, hindi niya mabili ang mga laruang gusto niya at wala rin siyang tatay na laging gagabay sa kanya.
Nanghihinang napasandal ako sa pinto. Naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko nang pumikit ako.
Hirap na hirap na ko, hindi ko na alam kung paano ko maibibigay ang lahat ng pangangailangan ng anak ko.
Nanghihinang napaupo ako sa sahig. Tinakpan ko ang labi ko ng magkabilang kamay ko habang napapahagulgol ako ng iyak.
Ayokong malaman ng anak ko ang paghihirap ko, ako na lang ang magtitiis. Kaya ko pa naman, kakayanin ko pa.
***
“Excited akong magtrabaho, baka nasa restaurant si pogi.” Napairap na lang ako sa sinabi ni Erin.
“May girlfriend na 'yon, baka nga kasal na sila ngayon eh,” pagsira ko sa pantasya niya. Napanguso na lang siya.
“Sayang naman,” nakasimangot na sabi niya.
“Bakit? Gwapo din naman ang tatay ni Ella diba?” Napaubo siya sa sinabi ko.
Si Ella ang anak niya. Masasabi kong magandang bata ito, sabagay maganda naman kasi si Erin.
“Wag mo ngang mabanggit banggit ang lalaking 'yon,” nakasimangot na sabi niya.
Nilayasan niya kasi ang asawa niya dahil nahuli niya daw itong may babae. Buntis na siya kay Ella ng mga panahong 'yon, bale walang kaalam alam ang asawa niya tungkol kay Ella.
Nakita ko na ang litrato ng asawa niya sa magazine, mayaman din kasi. At totoo ang sinabi kong gwapo din ito.
Kaya nga sa loob ng pitong taon, sa dami ng nanligaw kay Erin wala din siyang sinagot ni isa kagaya ko.
“Bitter,” bulong ko.
“Wow. Parang ikaw hindi,” sabi nito at hinila ang buhok ko.
Ganito talaga kami maglambingan ni Erin, dumadating sa puntong nagkakasakitan.
Nakaramdam ako ng kaba pagkarating namin sa restaurant. Ewan ko ba, parang hindi ako komportable na makita si Laura dahil sa nalaman ko. Napabuntong hininga na lang ako.
“Hi girls,” nakangiting bati ni Laura.
Hindi ko magawang magalit o mainis man lang sa kanya, ang bait bait niya naman kasi. Makokonsensya lang ang inner self ko kapag nagalit ako sa kanya.
At wala rin naman akong karapatan.
“Hello Laura,” pagbati namin ni Erin.
Agad na kaming nagtrabaho pagkatapos naming magbihis.
Marami raming costumers ngayon kaya busy talaga kami.
“Nisha...” Napalingon ako sa tumawag sakin.
Gano'n na lang ang gulat ko nang makita si Ma'am Shenna kasama ang Danger Zone, pero syempre wala si Dragon.
Kaya pala tahimik sa loob ng restaurant, halos nasa kanila ang mata ng mga tao.
“Long time no see Nisha,” nakangiting sabi ni Sir Lion.
“Let's talk Ms. Mariano,” malamig na sabi ni Sir Prince.
Napalunok ako. Hanggang ngayon takot pa rin ako kay Mr. Farthon.
Sino bang hindi?!