NAGULAT na lang si Bratinella ng totohanin nga ni Jayden ang sinabi nitong pagdalaw sa kanya ng gabing iyon. May dala pa itong bungkos ng bulaklak, chocolate at cake na may tatak ng isang kilalang cake shop. Ibinigay nito iyon sa kanya. Kung paano nito nalaman ang bahay nila ay wala siyang ideya.
Kahit alam na ng kanyang ina na may dadalaw sa kanya ay nagulat pa rin ito lalo na ng makita si Jayden na sobrang guwapo ng gabing iyon.
"Artistahin pala itong manliligaw mo," biro pa ng nanay niya na hindi naman mababakas sa mukha ang galit o ano pa mang negatibong reaksiyon sa pagsulpot ni Jayden. Sa halip ay pormal pa rin nitong hinarap ang binata.
"Si Nanay talaga. Ahm, hanga po pala, 'Nay, si Jayden nga po pala. Fourth year college na po siya sa Meridette College, 'yong katabing school po namin. Jayden, Nanay Cassandra ko nga pala," pagpapakilala niya sa mga ito.
"Magandang gabi po," magalang na bati ni Jayden sa kanyang ina. Hindi man nakikita kay Jayden, ramdam naman ni Bratinella na kinakabahan ito.
"Magandang gabi rin naman, hijo. Kumain ka na ba?"
"Katatapos lang po."
"Ah, J-Jayden, maupo ka muna," iminuwestra niya rito ang upuan nila na yari sa kawayan. "Ikukuha muna kita ng puwede mong mainom. 'Nay, kuwentuhan po muna kayo ni Jayden."
"Baliktad yata, anak? Dapat ikaw ang humarap sa bisita mo," baling sa kanya ng nanay niya.
"Pumunta po siya rito para personal kayong makilala at makausap." Binalingan niya si Jayden. "Feel at home."
Alanganin ang ngiting ibinigay nito sa kanya. "Sige."
Mabilis na siyang nagtungo sa kusina para magtimpla ng juice. Mabuti na lang at may stock pa sila. Nag-slice rin siya ng dalang cake ni Jayden at inilagay iyon sa tatlong platito na inilagay niya sa tray.
Nang matapos sa inihandang pagkain ay nagpalipas muna siya ng ilang sandali para magkausap pa si Jayden at ang nanay niya. Nang magkaroon ng sapat na oras ang dalawa ay dinala na niya ang inihanda sa may sala. Tinulungan pa siya ni Jayden. Pigil pa niya ang paghinga ng matitigan ito.
Tumikhim ang nanay niya upang kunin ang atensiyon ng binata. "Sigurado ka ba, hijo, na manliligaw ka pa lang kay Bratinella at hindi pa kayo mag-boyfriend at girlfriend?"
"Opo."
Napabuntong-hininga ito. "'Wag muna kayong masyadong magmadaling dalawa. Mga bata pa naman kayo. At ang anak kong iyan ay wala pang karanasan sa pakikipag-boyfriend dahil hindi ko pinapayagan."
"Nabanggit nga po sa akin ni Bratinella na hindi pa siya nagkaka-boyfriend dahil inuuna niya ang pag-aaral niya. Pero malinis naman po ang intensiyon ko sa anak ninyo."
Binalingan siya ng nanay niya. "May tiwala naman ako sa iyo, Bratinella. Basta unahin ang pag-aaral mo. At ikaw naman Jayden." Baling nito sa binata. "'Wag mong sisirain ang tiwala ko sa iyo."
Saka lang tila nakahinga ng maluwag si Jayden sa approval na iyon ng kanyang ina. Maging siya ay natuwa dahil sa pagpayag nito.
Simula nga noon ay sinimulan na ni Jayden ang panliligaw sa kanya. Umabot din ng halos anim na buwan ang panliligaw nitong iyon sa kanya bago niya ito nagawang sagutin.
Ipinakilala pa siya nito sa Mommy Sylvia nito ng minsang dalhin siya nito sa bahay ng mga ito na mala-mansiyon sa laki. Kilala na naman niya ang kapatid nitong si Dilan na madalas niyang makita sa campus nila. Mabait at magiliw ang ina nito. Ang Daddy Darell naman nito ay hindi niya na-meet dahil nasa Maynila, inaasikaso ang negosyo ng pamilya nito.
Hindi na siya nagtataka kung lahi man ng mga guwapo sina Jayden dahil magandang lahi ang pinagmulan nito.
MINSANG papunta si Bratinella sa tindahan para sana bumili ng puwedeng lutuing ulam nilang mag-ina ng makasalubong niya si Sweet Summer.
"Masuwerte ka at naging boyfriend mo si Jayden. Mayaman, matalino at guwapo. Congrats," inilahad pa nito ang kamay sa harap niya.
"Para saan?" May pagtataka niyang tanong.
"D-Dahil sa wakas ay nagkaroon ka na rin ng boyfriend."
Tinanggap niya ang palad nito. "Salamat. Ah, sige, Summer. Kailangan ko pang pumunta sa tindahan sa may kanto."
Nang tumango ito ay nagpatuloy na siya sa paglalakad. Kung bakit alam nito na may boyfriend na siya ay wala siyang ideya. Baka naman nabanggit ng kanyang ina?
Hindi na niya napansin pa ang matalim nitong tingin na ipinupukol sa kanya habang nagtatagis ang bagang.
Minsang magkita naman sila ni Jayden sa may grandstand ay halata sa guwapong mukha nito na balisa ito.
"May problema ka ba?"
Umiling ito. "Wala naman pero may kailangan kang malaman dahil mukhang hindi mo pa alam."
Nakaramdam siya ng kakaibang kaba. May iba na ba agad itong nagugustuhan? Nagsawa na ba ito sa kanya kaya humanap na ng iba? Dagling binalot ng takot ang dibdib niya. Ayaw man niyang konpirmahin ang bagay na iyon ay wala naman siyang iba pang pagpipilian. Kailangan niyang malaman ang totoo.
"Ayaw mo na ba agad sa akin?" Bigla ang p*******t ng lalamunan niya sa pinipigil na emosyon.
"Ha?"
"Nakakita ka na ba ng mas nakakahigit sa akin sa school ninyo? Sabihin mo dahil ayoko ng niloloko ako." 'Wag lang itong magkakamali at talaga namang hindi na niya mapipigilan pa ang pag-agos ng luha niya.
Ganoon na lang ang pagngiti nito. Umiling ito bago siya kinabig at niyakap ng mahigpit. "Hindi mangyayari 'yon. Dahil ikaw lang 'yung nag-iisang babae na mamahalin ng puso ko. Hindi pa ako nagpakahirap sa isang babae, sa iyo lang. At hindi ko pinagsisisihan na nagpursige at naghintay ako para lang makuha ang matamis mong, oo." Kinintalan pa nito ng halik ang noo niya.
Napanatag ang loob niya. Wala itong ibang gusto at mamahalin kundi siya lang. Napakasuwerte niya sa bagay na iyon. "Ano pala?" aniya na bahagyang kumalas dito upang matitigan ito sa mga mata nito.
"Ex-girlfriend ko ang pinsan mong si Sweet Summer."
Natigilan siya sa sinabi nito. Ex ito ni Sweet Summer? Bigla ay rumihistro sa isipan niya ang mga naging pag-uusap nila ng pinsan noon. Ibig sabihin ay ito ang sinasabi ni Sweet Summer na ex nito na gusto nitong bumalik sa buhay nito? At kaya rin ba halata na may iba sa pinsan niya simula ng sagutin niya si Jayden? Ramdam niya ang disgusto sa kanya ng pinsan nitong mga nakalipas na araw.
Wala siyang kaidi-ideya sa bagay na iyon. Lalo na at wala namang ibang nagbabanggit sa kanya dahil hindi naman nila ipinapaalam sa iba ang tungkol sa kanila. Hanggat maaari ay sa kanila na lang muna ang bagay na iyon. Kahit na naghihinala na rin ang mga schoolmates nila dahil sa madalas silang makitang magkasama.
Tumikhim si Jayden at hinawakan ng mahigpit ang kamay niya. "Gusto ko lang malaman mo dahil ayokong sa iba mo pa malaman."
"Gusto mo pa ba siya?"
"Hindi na. At kung ano mang meron sa amin noon ay matagal ng tapos. Ikaw na 'yung mahal ko ngayon at nagpapasaya sa akin ngayon. Ayoko lang na mag-isip ka ng negatibo dahil ex ko ang pinsan mo. Baka mamaya ay isipin mo pa na ginagawa lang kitang panakip-butas. Bagay na wala naman sa isip ko. Basta lagi mo lang tatandaan na mahal na mahal kita. Hmmm?"
Sapat na ang sinabing iyon ng binata upang mapanatag ang loob niya. Malinis ang intensiyon nito sa kanya at iyon ang sinigurado nito sa kanya.