Chapter 9

2521 Words
Naburo na ang mga mata ko sa kanya nang dahil sa kanyang naging litanya. Hindi ko magawang lunukin ang pagkain na nasa aking bibig na para bang kapag ginawa ko ito ay magigising ako sa aking napakagandang panaginip. Humigpit pa ang hawak ko sa kubyertos, pakiramdam ko ay namamawis na ang aking noo dagdagan pa nang mas naghuhuramentado kong puso. Iba ang naging dating ng kanyang mga sinabi sa akin. Ganunpaman ay pilit kong sinupil ang nagbabadyang matingkad na ngiti sa aking labi. Hindi dapat ako matuwa, hindi dapat siya magkaroon ng masayang puwang sa akin.   Summer, hindi ka dapat na magdiwang diyan at maging masaya. Alalahanin mo na kahit na ipakita mo pa sa kanya kung gaano siya kahalaga, sa Ate mo pa rin ang siyang bagsak niya. Siya pa rin ang pakakasalan ng lalaking iyong kaharap ngayon at hindi ikaw. Siya ang choice nila para sa kanya kahit na anong gawin mo pa doon.   Mabilis na akong nag-iwas ng tingin sa kanya at muling sumubo ng aking pagkain. Pilit kong kinakalma ang aking sarili. Puno man ako ng saya, alam kong ngayon lang. Doon ko ibinuhos ang aking atensyon, dahil ngayon pa lang ay nagkakaroon na ako ng kaunting pag-asa na baka sakaling ang kapalaran naming dalawa ay magbago pa. Imposible man iyong mangyari, hindi ko maiwasang umasa nang dahil sa sinabi niya. Baka talagang ako naman ang gusto niya at hindi ang aking kapatid na si Ate Autumn.   “Summer, umuulan...”   Mabilis na ang naging pagbaling ko sa kanya, sinundan ko ng tingin ang kanyang mga mata na kasalukuyang nasa labas ng shop kung saan unti-unting binabasa ito ng ulan. Humahalik ang bawat patak noon sa kapaligiran, binabasa pa ang uhaw na paligid.   “Wala akong dalang payong,” mga salitang unang kumawala sa aking bibig habang nakatingin pa rin ang aking mga mata sa labas ng shop. Sa paligid na basang-basa na. Sa mga sanga at dahon ng mga punong nakikipaglaban sa hampas ng hangin at ulan.   “Mayroon akong dala, dahil hindi ko naman iyon tinatanggal sa aking bag.”   Nagbaling na ako ng tingin sa kanya nang maramdaman ko ang mga tingin niya na para sa akin ay nakakapaso. At wala na rin doon ang pagkailang na kapwa namin naramdaman kanina. Napalitan na ito ng normal naming aura, wala ng hiya-hiya.   “Papahiram mo ba sa akin?”   Mabilis ang kanyang naging pag-iling, ikinawala iyon ng aking mga ngiti. Akala ko pa naman ay ipapahiram niya sa akin kung kaya sinabi niyang mayroon siyang dala nito.   “Hindi? Ang damot mo, sinabi mo pang mayroon kang dalang payong kung wala ka naman pa lang planong magpahiram.” nguso ko na nagawa pang saglit na umismid sa kanya, paasa talaga ang isang ito! Paano ako ngayon uuwi? “Ang damot—”   “Malamang share tayo, alangan namang ako ang may-ari tapos ako ang mababasa?”   Malakas ko na iyong ikinatawa, may punto nga naman siya pero nakakainis pa rin ang sinabi niyang hindi niya ako papahiramin. Maano bang sabihin agad na share kami. Muli pa akong umismid sa kanya, nananatiling nakatitig pa rin ang mga mata sa akin.   “Ang cute mo talagang magtampo!” muli ay marahas niyang hila sa aking isang pisngi na ikinangiwi ko na at ikinasama pa ng tingin sa kanya, hindi naman iyon masakit dahil sanay na ako. Ang inaalala ko ay ang t***k ng aking puso ngayong animo ay lalabas na sa loob ng aking dibdib sa kaba at lapit niya. “Sorry, para kang stuffed toy.” bitaw niya sa aking pisngi na kahit hindi ko tingnan sa salamin ay alam kong namula.   Malakas na siyang tumawa nang muli akong umismid sa kanya habang hawak ko ang pisnging hinila niya. Lumabi na siya upang pigilan ang sarili na muling mapahagalpak. Masama pa rin ang tingin ko sa kanya, at nais kong iyon ang ipakitang reaction ko para alam niyang hindi ako naging masaya sa ginagawa niyang ito sa akin ngayon.   “Sorry na, Summer.” aniya pang para sa akin ay hindi bukal ito sa kanyang kalooban.   Hindi na ako nagkomento sa sinabi niya, iniiwas ko na lang ang aking mga mata sa kanya dahil alam kong kapag tinitigan ko siya ay lalo pa akong mahuhulog sa kanya. Lalo pang bibilis ang t***k ng aking puso at natatakot akong hindi na makontrol pa.   “Summer, galit ka?” kapagdaka ay tanong nito nang humaba pa ang katahimikan na yumayakap sa aming lamesa, ipinagpatuloy ko na ang aking naudlot na pagkain. At piniling huwag na lang sagutin ang kanyang katanungan. Marahan na akong umiling, sa puntong iyon ay hindi ko pa rin siya tinitingnan. “Bakit hindi ka namamansin?”   Maliit na akong ngumiti, hindi ko pa rin siya pinagtutuunan ng pansin. Sa likod ng aking isipan ay nagdidiwang ako, napapansin din pala niya ang pagiging tahimik ko.  Ang hindi ko pagbibigay ng atensyon na kanyang kailangan ay napupuna niya rin.   “Summer?” muli niya pang untag na marahan ng tinapik ang aking isang braso.   Kaagad akong napatayo nang dahil sa mabilis na kuryenteng dumaloy sa pagdidikit muli ng aming balat na dalawa. Labis na niya iyong ipinagtaka, na makikita sa mata niyang nanunuri pa rin ng aking bawat galaw. Malalim na akong huminga, pilit na kinalma ang aking sarili kahit na parang mahihimatay na. Muli akong naupo nang makitang napabaling sa aming mesa ang ilan sa mga estudyanteng nasa loob nito. Ang mga titig nila ay nakikiusyuso na kung ano ang nangyayari sa aming dalawa.   “Iniisip ko lang, mukhang wala rin yatang dalang payong si Ate Autumn.” saad kong kinuha na ang bote ng tubig at uminom na doon, unti-unti na rin akong kumakalma. Kailangan kong ilihis ang usapan naming dalawa para tuluyan na akong kumalma. Para akong sinasakal at kapag nagtuloy-tuloy pa ito ay baka tuluyan akong mawalan ng ulirat sa mismong harapan niya ngayon. “Tatawagan ko nga siya,” dagdag ko pang kinuha na ang cellphone sa loob ng aking bag.   Kinagat-kagat ko ang aking labi, nararamdaman ko pa rin ang paninitig ni Winter. Ang kaninang kumalmang puso ngayon ay muling nakikipagkarera na sa aking paghinga. Idinial ko na ang numero ni Ate Autumn kahit na nanginginig na ang aking mga daliri. Pakiramdam ko ay magkakaroon ako ng kasalanan sa isang maling galaw ko lamang.   Bakit ba kasi panay ang titig niya sa akin? Pinapakaba niya ako nang paulit-ulit!   “Hello, Ate Autumn?”   “Oh?, Summer, tapos na ba kayong kumain ni Winter?” tanong nito pagkasagot sa aking tawag, isinandal ko na ang aking likod sa upuan. Sinalubong na ang mga tingin ni Winter na nanunuri sa aking harapan, saglit na naghinang ang aming mga mata.   “O-Oo, may dala ka bang payong, Ate? Biglang bumuhos ang malakas na ulan.”   “Ano? Umuulan?” reaction nitong alam na alam ko ng wala rin siyang dalang payong.   “Oo, nakalimutan ko iyong payong ko pero mayroon daw si Winter.” pagbibigay-alam ko dito habang nasa lalakeng kaharap pa rin ang aking mga mata, nakikipagtitigan na.   “Malaki ba iyong payong niya? Kasya kaya tayong tatlo? Tapos na rin ako dito.”   “Hindi ko alam, sige daanan ka na lang namin diyan.”   “Sige, mag-iingat Summer at baka madulas ka.”   Mahina na ako doong natawa, alam niyang mayroon akong pagka-clumsy sa aking katawan. Iyong tipong madalas maka-aksidente o maaksidente kagaya na lang kanina na muntik na akong mahulog sa kanal. At saksi siya sa mga pangyayaring iyon sa akin.   “Sige, Ate, hintayin mo kami sa harap ng library.”   “O sige.”   Pagkapatay ng tawag ay muli akong tumingin sa mata ni Winter na nananatiling nasa akin. Alam kong alam na niya ang bagay na pinag-usapan naming ng aking kapatid.   “Wala ‘ring payong si Ate, kasya ba tayong tatlo sa payong mo?”   Nagkibit siya ng kanyang balikat na inilabas na ang payong mula sa kanyang bag. Alam kong imposibleng magkasya kami doon, sa kanila pa lang ay sakto na ito.   “Siguro, okay na iyong ganito basta hindi tayo mabasang tatlo.” aniyang tinanggal na ang tali ng kanyang kulay asul na payong, alam kong ipinapahiwatig na niyang nais na niyang umuwi ngayon. “Ano? Uuwi na ba tayo? Baka lumakas pa ang ulan, mamaya.”   Mabilis na akong tumango kasabay ng aking pagtayo doon, walang imik na sinakbat ko na ang aking bag. Nilingon ko siyang sinisinop na rin ang mga gamit sa upuan.   “Winter, parang hindi tayo kakasya diyan sa payong mo.” sambit ko na tiningnan ang taas niya at ang height ko, halos hanggang kili-kili niya lamang ako. Si Ate Autumn ay maaaring hanggang tainga niya kung kaya naman bagay na bagay talaga ang dalawa.   “Kasya tayo dito,” muling giit nito na humakbang na patungo ng pintuan ng shop.   Nagkibit-balikat ako doon at hindi na sumagot pa, habang inilalagay ang aking bag sa aking harapan ay humahakbang na ako pasunod sa kaniya na binuksan na ang pinto. Sinalubong kami ng malamig at marahas na ihip ng hangin na mayroong kasamang ulan, kaagad akong napaatras nang ilang hakbang nang makita ko ang buhos noon. Malakas at para bang may paparating na masama pang panahon sa oras na iyon.   “Hala? Mayroon bang bagyo?” tanong ko pang hinawakan na ang magkabilang laylayan ng aking suot na palda na pilit na inililipad ng malakas na hangin na pumapasok sa nakabukas na pinto ng shop, “Baka madala tayong dalawa, Winter?”   “Hindi iyan, ngayon ka lang ba nakasaksi ng ganyan kalakas na ulan?” lingon niya habang binubuksan na ang payong niyang hawak, sa aking paningin ay lalo pa siyang naging magandang lalake habang ginugulo ng hangin ang kaniyang buhok. “Noong nasa fifth grade ka last year, ‘di ba? Sinundo kita sa school niyo at mas malakas pa ang buhos ng ulan noon keysa ngayon. Iyon lang, wala noong malakas na hangin.”   Paulit-ulit akong tumango sa kanya habang natatawa nang binabalikan na iyon. Kagaya ng scenario ngayon, nakalimutan kong magdala ng payong at bigla na lang din bumuhos ang ulan. Hindi ko makontak si Ate Autumn na nakauwi na pala ng aming bahay, wala akong choice kung hindi si Winter ang aking tawagan at e-text.   “Pasasakayin mo ba akong muli sa likod mo para hindi mabasa ang mga paa ko?” tanong ko sa kanya dahil iyon ang ginawa niya noong sinundo niya ako sa school. Nag-piggy back ride ako sa kanyang likod na enjoy na enjoy ko pang gawin iyon.   “Gusto mo ba?” hamon nito sa akin na malawak kong ikinangiti na, iyon nga lang ay kaagad iyong napawi nang maalalang dadaanan pa pala namin si Ate sa library nila.   “Oo sana, kaso huwag na—” mabilis akong natigilan sa aking litanya nang maupo na siya sa aking harapan, nakabukas na ang kaniyang payong na pananggalang sa ulan. “Winter, huwag na dadaanan nga pala natin si Ate Autumn sa library ng school niyo.”   “Sakay na, Summer.” wika niyang hindi pinansin ang aking naunang sinabi sa kanya.   Mabilis ko ng ikinurap-kurap ang aking mga mata, halos mahulog ang aking panga sa sahig sa ginawa niya. Wala sa sariling iginala ko ang aking paningin sa loob ng shop kung saan ay naagaw na namin ang pansin ng mga estudyanteng nakikisilong doon. Pagak na akong tumawa, nahihiya na ako sa mga paninitig nila na ang ilan ay may panghuhusga. Alam kong alam nila na si Ate Autumn ang nakatakda sa kaniya, kaya naman marahil ay iniisip nilang bakit ako magpapabuhat sa likod ng magiging bayaw ko? Nakaramdam na ako doon ng kakaibang hiya na mayroong haplos ng lungkot.   “Huwag na Winter, nagbibiro lang naman ako—”   Mabilis na naputol ang aking sasabihin nang hawakan na niya ako sa isang braso at hilahin pasakay ng kanyang likod. Sa labis na gulat ay muntikan pa akong matumba dito. Nasa harap na rin niya ang kanyang bag, nakasuot pa rin siya ng soccer uniform na sa aking paningin ay mas ikinagwapo niya ngayon. Muling tinambol ang puso ko.   “Mamaya ka na lang maglakad kapag nasundo na natin ang Ate mo, kailangan nating magmadali papunta doon at sa iksi ng mga binti mo baka abutin tayo ng gabi dito.”   Nais kong mag-protesta at tumutol sa mga sinabi niya, ngunit kahit na pilitin ko ay walang kahit na anong lumalabas sa aking bibig na tila ba nalunok ko na ang aking sariling dila. Samahan pa iyon ng malakas na namang pintig ng aking puso sa dibdib.   “Let’s go, Summer!” mapang-alaska ang dating ng tinig niyang iyon sa akin na ikinapit na ang aking dalawang braso sa kanyang leeg, halos mangisay na naman ako doon sa kuryenteng dumaloy sa aming nagdikit na balat. “Let’s do a piggy back ride sa ilalim ng ulan.” anito pang mahina na doong tumawa, mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang tumayo na siya at hawakan na ang magkabila kong binti upang huwag ako doong mahulog. Wala akong nagawa kung hindi ang iyakap na ang aking dalawang braso sa kanyang leeg nang mahigpit kahit na labis nang nahihiya. “Are you ready?” tanong pa nitong sinundan iyon ng malakas na halakhak, gusto ko siyang sabunutan dahil sa kanyang ginagawa ay mas nakakakuha pa kami ng maraming atensyon doon.   “Pre, kaya mo iyan!” malakas na kantiyaw ng mga ka-team ni Winter sa soccer na hindi namin napansin na naroon din sa shop at kumakain, “Huwag mong ihuhulog!”   Sinundan pa nila iyon ng malakas na tawanan na naging dahilan upang makaramdam pa ako nang labis na kahihiyan. Sigurado akong si Ate ang kilala nilang fiancee nito.   “Mga Pre, future sister in law ko ito kaya hindi pwedeng ihulog at malalagot ako sa Ate niya.” kwelang tugon ni Winter kahit na bahagya na kaming nababasa ng talsik ng ulan mula sa nakabukas na pintuan, sa kanyang tinuran ay lihim akong nasasaktan.   Muli pang nagtawanan ang kanyang ka-grupo, nasa pito ang bilang nilang nakaupo sa lamesa at kahit tapos na ‘ring kumain ay hindi pa rin doon tumatayo. Tumango-tango sila na para bang kumbinsido sa sinabing rason ni Winter sa kanila kahit nagdududa.   “Talaga, Pre?” si Sky na tumayo pa sa kanyang pagkakaupo na ikinatawa na ng ilang kasamahan nila, nais ko ng ibaon ang aking mukha sa leeg ni Winter nang dahil sa hiya. Alam ko na pulang-pula na ngayon ang aking mukha, gwapo rin kasi si Sky at madalas pagpantasyan ng aking mga kaibigan at kung minsan ay nakikisali rin ako sa kanila. Tunay namang gwapo ito, ang level ng kanyang hitsura ay parang si Winter din. Iyon nga lang para sa akin ay mas mayroong malakas na karisma si Winter, mas mayroong appeal siya sa aking mga mata. “Ipakilala mo nga ako diyan sa future sister in law mo, Winter, parang type ko eh.”   “Mga the moves mo talaga, Wang Chen!” sigawan ng kanilang grupo na nakatikim pa ng batok si Sky mula sa kanila. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD