Chapter 8

2667 Words
Pagkaraan ng ilang minutong pagtitig ko sa kanya ay bantulot na akong sumunod sa kaniya. Hindi ko na naman maintindihan ang aking sarili na mayroong naramdamang kuryente na tumulay sa aking katawan mula sa kanya nang magdikit ang aming mga kamay. Panandalian lang iyon ngunit kakaiba pa rin ang epekto nito sa katawan ko. At sa labis na pagkapaso doon at pagkagulat ay mabilis ko iyong hinila mula sa kanya, itinago ko na ang aking palad sa aking likod na biglang namawis na nang malamig. Bagay na maliit niya lang ikinatawa na mataman pa ‘ring pinagmamasdan niya ako. Ipinasok niya na sa loob ng kanyang bulsa ang palad na aking nahawakan kanina. Maliit na iyong nagpangiti sa akin, hindi ko maiwasang punahin na cute talaga siya. Lalo pang nadepina noon ang pagiging maganda niyang lalaki sa aking mga mata. “Summer, dapat sinabi mo sa akin eh, ‘di sana kanina pa tayo pumunta doon.” maya-maya pa ay lingon niya habang mabagal na humahakbang, tahimik ko lang siya doong sinusundan. “Nahihiya ka ba?” tanong pa nitong mahina na doong tumawa, “Grabe, nakakapagtaka ka ha? Ang Summer na kilala ko ay wala namang hiya sa katawan.” Nais na umirap ng aking mga mata nang dahil sa sinabi niya ngunit hindi ko iyon ginawa lalo na nang makitang nakatingin pa rin siya sa akin ngayon. Hindi ko alam kung kailan siya natutong asarin ako, dati naman ay hindi siya ganito sa akin eh. “Eh, kasi ang buong akala ko ay agad na matatapos na si Ate Autumn doon sa kanyang ginagawa.” katwiran ko na siyang tunay naman, hindi ko lang iyon bastang gawa-gawa. Kung alam ko lang na magtatagal siya, malamang nauna na ako. “Tapos iyon pala ay matatagalan siya doon, kung alam ko lang eh, ‘di sana nauna na ako.” Mahina na doong tumawa si Winter, hindi ko alam kung ako ba ang pinagtatawanan niya o iyong katwiran ko na mukhang hindi kapani-paniwala kahit na iyon ang totoo. Kumibot-kibot pa ang kanyang bibig na para bang mayroon siyang nais na sabihin. Ilang saglit pa doon ay nagpakawala na ito ng kanyang nakakabighaning mga ngiti. Ngiting hindi ko mapigilang malunod pa ang aking sarili kahit na aking pigilan pa. “Alam mo ba na maraming namamatay sa maling akala, Summer?” nakangiti pa ‘ring taong nito na ikinakunot na ng aking noo, hindi ko maunawaan kung ano ngayon ang kanyang ipinupunto. Anong namamatay? Anong maling akalang sinasabi niya? “Sa sunod ay maging open ka na sa akin, sabihin mo kung nagugutom ka na. Ang laki pa naman ng bodega mo sa tiyan, sige ka, baka malusaw dahil diyan ang iyong bituka.” pananakot pa nitong panandalian kong ikinabahala, ngunit napagtanto kong hindi iyon totoo at marahil ay upang takutin lang niya kung kaya niya ito sinasabi sa akin. Mahina na ako doong tumawa, parang ang hirap paniwalaan na malulusaw ang aking mga bituka nang dahil lang sa nagugutom ako. Sigurado akong panakot lang niya ito. “Paano naman iyon mangyayari?” habol ko na sa kanyang nagsimula ng humakbang, sinabayan ko na siya doong humakbang, ilang beses na panandalian siyang lumingon sa akin. May nagtatago pa ‘ring ngiti sa likod ng kanyang mga mata at labi. “Mayroon bang kumukulong tubig sa loob ng ating tiyan o ‘di kaya naman ay mantika para iyon ang tumunaw sa ating bituka oras na magugutom tayo?” inosenteng tanong ko dito. Sa halip na sumagot ay muli lang niyang ginulo ang aking buhok na awtomatikong ikinasimangot ko. Kanina pa siya nanggugulo ng aking buhok, ang hirap na nga nitong suklayin tapos guguluhin niya lang. Eh, ‘di lalo silang naging buhol na buhol ngayon. “Ano ba iyan? Bakit ang hilig mong manggulo ng buhok?” tigil ko sa paghakbang sabay padyak ng aking paa sa kalsada upang ipakita sa kanya ang aking iritasyon, “Kanina ka pa ah? Ikaw kaya ang guluhin ko ang buhok diyan, makita mo Winter!” Natigilan siya sa kanyang paghakbang at naguguluhan na niya akong nilingon. Siguro ay iniisip niya kung bakit bigla na lang ako naging masungit sa kanya ngayon doon. Eh, sa nakakainis naman talaga iyong ginagawa niya sa akin. Hindi na ako kagaya dati. Malaki na ang ipinagbago ko, at ayaw na ayaw kong nagugulo pa ang aking buhok. “Ang arte mo na ngayon ah? Dati naman ayos sa’yo na guluhin ko ang mga iyan, ah?” Mabilis akong umismid, ilang sandali pa ay nanulis na ang aking nguso habang ang mga mata ay matamang nakatingin pa rin sa kanya. Umarko ng ngiti ang kanyang labi. Hindi ko alam kung natutuwa ba siya sa akin o inaasar niya pa rin ako ngayon. “Noon iyon, pero ngayon ay hindi na.” turan kong mas ikinalapad pa ng kanyang mga ngiti habang matamang nakatingin pa rin sa akin, “Ang hirap niya na kasing suklayin!” dabog pa ng aking mga paa na kulang na lang ay maglupasay dahil sa ginawa niya. Bahagyang napaawang ang kanyang labi sa aking tinuran. Hindi makapaniwala ang kanyang mga mata sa kaartehan ko ng ipinapakita ngayon sa kanya. Ilang beses na kumibot-kibot pa ang kanyang labi, lalo pang lumiit ang kanyang mga mata sa akin. “Ang arte na ngayon ni Summer ah? Mukhang nagiging dalaga na.” panunukso pa nitong lalo kong ikinasimangot at tulis doon ng aking nguso, okay lang naman akong inisin pero dapat inilalagay sa lugar dahil mas lalo pa akong umaarte. “Siya sorry na, Summer, mapapatawad mo pa ba?” walang pakundanagan na nitong lapit sa akin at inakbayan niya na ako, sa kanyang ginawa ay lalo akong nanigas doon. Hindi ko alam pero mas nagiging kakaiba na ang epekto niya sa akin, madalas ay hindi ko na iyon maipaliwanag pa na kagaya na lang ngayon. Parang hihimatin na rin ako sa labis na kaba na tanging siya lamang ang nakakapagbigay noon sa akin. “Halika na, my treat bilang pambawi ko sa’yo sa ginawa kong paggulo ng mga hibla ng buhok mo.” dagdag niya pang iginiya na ako patungo sa shop na natatanaw na naming dalawa. Sa halip na masiyahan ay binalot na ng lamig ang aking buong katawan. Hindi na ako sanay na ganito kalapit si Winter sa akin o tanging ako lang ang nagbibigay ng ibang kahulugan kahit na hindi naman dapat. Kung dati-rati ay tuwang-tuwa pa ako na ginaganito niya, ngayon naman ay naiinis na ako dahil ang hatid nito sa akin ay boltahe-boltaheng kaba. At labis akong naguguluhan sa estrangherong pakiramdam na ito na kahit siguro ang mga kaibigan ko ay hindi rin alam ang kahulugan nito. May pagtutol man sa ginagawa niya ngayon sa akin ay hindi na ako nagreklamo dito. May bahagi ng aking puso na gusto ang ganito ako kalapit sa kaniya, at magiging isa akong sinungaling kung sasabihin kong hindi ako nasisiyahan sa mabangong amoy na hatid ng kanyang pawis kanina na natuyo na. Pakiramdam ko ay ang ganda-ganda ko. Marahil ay dahil iyon sa mga kapwa estudyante sa iba’t-ibang school na nakasaksi kung paano ako itrato ni Winter ngayon, at sa mga hindi nakakakilala sa amin ay sigurado akong iniisip nilang kaming dalawa ang nakatakda. Ang hindi nila alam ay sa kapatid ko siya nakalaan at hindi sa akin, na unti-unti akong nakakaramdam ng inggit. Pangit ‘mang pakinggan, ngunit umaasa pa rin ako at humihiling na sana ako na lang. Ako na lang ang itinakda nila sa lalaki at hindi ang aking kapatid na ayaw sa kanya. Ang swerte niya, napakakisig naman ng nakatakda sa kanya! Oo nga, tayo kaya? Kailan magkakaroon ng katuparan na kagaya niya? Nakakainggit naman this girl, ang bata niya pa nang maitakda pero hindi na siya lugi. Bagay na bagay silang dalawa, hindi ba? Ang galing pumili ng magulang nila. Okay lang naman iyon, halatang gusto nila ang bawat isa. Magandang simula iyo sa mga kagaya nating hindi alam ang kapalarang naghihintay sa pag-usad ng panahon. Mabilis na akong binitawan ni Winter na halatang narinig din ang kanilang usapan na hindi nakatakas sa aking pandinig. At sa kanyang ginawa ay bahagyang nasaling na ang aking damdamin sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Naiinis ako kay Winter, hindi naman niya kailangang lumayo. Ngayon lang naman kami naging ganun kalapit. “Anong gusto mong kainin, Summer?” “Ikaw na ang bahala, kung ano ang kakainin mo ay iyon na lang din ang sa akin. Hindi naman ako maarte.” wala sa mood kong sagot, nasa screen ng cellphone ang aking mga mata. Naiirita pa rin ako dito at nagagalit ako sa aking sarili dahil kahit na alam kong wala naman akong karapatan na maramdaman iyon, ay patuloy pa rin itong dumadaloy sa bawat ugat at himaymay ng aking katawan. “Alam mo namang walang pinipili ang aking bituka, kahit ano pwede sa akin ‘di ba?” “Pero Summer, gusto ko ngayong malaya kang mamili ng gusto mong kainin.” giit nitong itinulak na patungo sa aking harapan ang menu na tinitingnan niya kanina, “Sige na, mamili ka na. Huwag ka ng mahiya. Huwag kang masyadong dumepende.” Walang imik kong kinuha na ang menu, medyo na-touch sa sinabi niyang gusto niya na akong mamili ng aking kakainin ngayon. Magkaharap na kami ngayong nakaupong dalawa sa may tabi ng salaming bintana ng shop. Sa likod ng aking isipan ay hindi ko maiwasang isipin na iyon ang aming unang date na dalawa, dahil aminin ko man o hindi ngayon ay positibo akong mayroong gusto at paghanga na nga ako sa kanya. Paghanga na bago pa lang sumisibol sa loob ng aking puso, maliit pa lang na punla. “Okay, humanda sa akin iyang laman ng wallet mo.” pabiro ko ng turan na ikinatawa niya lang doon nang mahina, pinagsalikop pa niya ang kanyang dalawang palad at agad na ipinatong niya doon ang kanyang baba. Nakangiti niya akong matamang tinunghayan. Naiilang naman akong nag-angat sa kanya ng paningin, hindi ko na matiis ang kanyang mga titig na mayroong pakahulugan sa akin. “Bakit ganyan kang tumingin? Natatakot ka na ba sa laki ng bills na babayaran mo ngayon dahil sa akin?” Muli pa siyang ngumiti at umiling sa akin, nasa ganoon pa rin siyang puwesto na sa akin ay nagpailang na. Para akong binabasa niya, at the same time ay parang ice cream na kanyang tinutunaw doon. Walang pakundangan nang dumagundong ang kaba sa aking dibdib. Mas naging kakaiba pa ang hatid ng mga ngiti at titig niya. Hindi ko na mapigilang maramdaman na para akong mahihimatay na doon, matutumba na. “Kung may kapatid akong lalaki na kasing-edad mo, siguradong irereto ko siya sa’yo.” wala sa sarili niyang saad na mabilis na ikinasamid ko ng aking sariling laway, to the rescue naman siya na mabilis itinulak ang bote ng tubig sa aking harapan matapos iyong buksan. Walang pag-aalinlangan ko na iyong kinuha at sunod-sunod na nilagok. “Okay ka na ba?” abot niya pa ng kanyang panyo dahil sa bigla ko ng pagpapawis. “Oo.” “Sorry, mukhang nang dahil sa sinabi ko kung bakit ka biglang nasamid.” pagak niya pang tawa doon na mabilis ng nag-iwas ng tingin sa akin, “Naisip ko lang talaga.” Sa halip na magsalita ay hindi na ako doon nagkomento pa, ayoko na rin namang pag-usapan iyon. Mabilis na akong napalunok ng aking sariling laway, huminga na rin doon nang malalim upang ikalma ang aking pusong naghuhuramentado na naman. Kung pwede lang sabihin na bakit iyong kapatid niya pa ang irereto niya sa akin kung mayroon lang, bakit hindi na lang ang kanyang sarili? Bagay na ikinailing ko na dito. Nahihibang ka na ngang talaga, Summer! Future brother in law mo siya, ano ka ba? “Sabi ni Ate Autumn sa akin ay sinabi niya sa’yong i-move niyo muna ang pagpunta ng Eskinita ng Thursday, pero ayaw mo raw pumayag?” pagbubukas ko ng usaping iyon, nais kong malaman kung ano ang kanyang matinding dahilan doon kung bakit niya ipinipilit itong mangyari. Kumakain na kami pareho ng rice toppings na ang ulam ay sweet and sour pork. Sa huli ay magkagaya pa rin kami ng order na pagkain nito. “Sasama raw siya kung ia-adjust mo ang araw, Winter. Hindi mo ba iyon pwedeng gawin?” “Gusto ko this coming Friday, Summer.” muling giit niya na lalong ikinakuryuso ng aking mga mata, nangangati akong malaman kung ano ang kanyang mabigat na dahilan. “Bakit nga? O next Friday na lang daw para makasama siya sa’yo kung gusto mo.” Hindi siya doon nagsalita, nagpatuloy lang ito sa kanyang tahimik na pagkain. Hindi ko magawang alisin ang aking mga mata sa kanyang mukha. Higit pang lumungkot ang kanyang mga mata. May kakaiba na akong nase-sense, hindi naman siguro mababaw ang dahilan niya kaya niya ito nasasabi. Sigurado akong mabigat iyon. “Pagkakataon mo na sana iyon Winter, pagkakataon nang maka-date ang Ate Autumn ko...” tila may bikig sa aking lalamunan. Sa aking tinuran ay nag-angat na siya ng kanyang mukha, kagaya ng inaasahan ko ay may malungkot na siyang ngiti sa kanyang labi. Hindi ko maunawaan kung bakit ipinapakita niya ito sa akin o marahil ay sadyang transparent lang ang kanyang emosyon? “Winter, tell me kung bakit hindi pwede?” pangungulit ko rito na akala mo ay kung sinong nagtatanong sa kanya, magkaibigan naman kami kaya hindi naman siguro masama. Sa aking kaibuturan ay nais ko pa 'ring malaman ang dahilan. Marahan niyang kinagat ang kanyang pang-ibabang labi nang i-angat niya na ang tingin sa akin. Nakabalatay pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata. Uminom siya ng tubig at malalim nang huminga. At kahit na nakangiti ay mababanaag pa rin sa kanyang mga mata ang dumaang lungkot doon. Marahil ay nais niya talagang si Ate Autumn ang makasama sa Friday sa Eskinita at hindi ako. “Hindi ko iyon pwedeng ipagpaliban dahil birthday ko iyon, Summer.” Biglang nahulog ang aking panga sa kanyang naging sagot. Wait? Birthday niya sa Friday? Sandali, oo nga pala! Bakit maging ako ay nakalimutan ko na birthday niya nga pala ang petsang iyon? Umayos na ako ng upo, nagui-guilty na rin doon. “Sinabi mo ba iyan kay Ate Autumn?” alanganing tanong ko sa kanya matapos na ayusin ang aking sarili at kalmahin sa aking nalamang dahilan niya, marahan siyang umiling sa akin. “Bakit hindi mo sinabi? Baka kapag nalaman niya ay sumama siya.” “Alam niya iyon, at kahit na alam niya ay ayaw niya pa rin sa aking sumama.” may bahid ng pagkadismaya niya nang turan, ipinagpatuloy na niya ang pagkain matapos siyang napipilitang ngumiti sa akin. “Hayaan mo na, Summer, kasama naman kita doon.” Sa hindi mabilang na pagkakataon ay muli kong naramdaman na panakip-butas lang ako nito, pang substitute kay Ate dahil hindi niya magagawang sumama sa Friday. At kahit pilitin kong huwag maramdaman iyon, nagiging visible pa rin iyon sa aking harapan. Ako ang kasama niya sa mga sandaling hinid pwede si Ate. Malungkot akong ngumiti, ganunpaman at least ako ang kasama niya sa araw na ito. Makakagawa kami ng mga alaalang kaming dalawa lang ang nakakaalam kaya marapat lang na sulitin ko iyon ngayon. “Oo nga, hindi mo kailangang malungkot Winter dahil kasama mo naman ako.” tugon ko na mas pinilit pa 'ring ngumiti doon, hindi ko alam kung paano nasasabi iyon ng gaya kong dose anyos pa lang sa isang disi-syeteng kaibigan. “Anong gusto mong regalo?” Saglit siyang natigilan at mas tumitig pa sa aking mukha, ilang sandali pa ay ngumiti na siya sa akin at naiiling na rin. “Iyong makasama kita doong kumain ay sapat na, Summer.” bagay na nagbigay ng kakaiba sa aking kaba, “Kagaya ng dalawang taong nakalipas na ikaw lang ang aking palaging kasama sa araw na iyon sa halip na ang iyong kapatid na si Autumn na siyang aking fiancee.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD