Open ang aming paaralan sa mga pagkakasundo na usapin, marahil ay dahil nasa tradisyon talaga ng aming lahi ang mga iyon na kahit ang half family ay sumusunod pa rin sa tradisyong iyon kung kinakailangan. At kung susuwertihin ka pa ay sa mga estudyante rin na mga nag-aaral dito ang bagsak mo. Ngunit kapag hindi, sa ibang school sila galing o kung hindi naman ay sa pamilyang nasa malayong lugar nakatira. Ang pinakamahalagang detalye doon ay may lahi pa rin namang chinese ang mga ito. Hindi rin naman kami pwedeng mamili ng lalaking ipapakasal sa amin kahit na may lahi pa iyong chinese. Madalas na mga magulang namin ang siyang pumipili at nagde-desisyon ng tungkol doon. Iyon ang siyang ipinuputok ng butse ni Ate Autumn noong ipinakilala ang fiancee niya sa kanya. Wala kaming kalayaang gawin ang nais namin o ang mamili ng aming magiging asawa.
“Final na ba iyong pagkakasundo sa Ate Autumn mo at sa kay Winter?” maya-maya ay tanong niya na nagpaangat ng aking mga mata sa kanyang mukha, hindi naman ako malihim sa kanila at ganundin sila sa akin. Kung kaya naman ang ilan sa mga details ng aming buhay at pamilya ay alam na alam din nila, maging ang tungkol sa pagtatakda sa amin. “Nasabi na iyon sa kanila?”
Kung dati ay rumor lang iyon, at sa dalawang taon na halos ang nakakalipas ay pinagtibay pa nila ang bagay na iyon. Desidido talaga silang ipakasal sina Ate Autumn sa anak ng kanilang kaibigan. Wala naman kaming masabi sa kanila, okay naman at marangal ang pamilyang pinagmulan ni Winter. Iyon nga lang ay sadyang ayaw ng aking kapatid sa kanya bilang mapapangasawa niya na. Hindi rin naman malayo ang agwat ng kanilang edad, sadyang ayaw lang ni Ate Autumn.
“Oo, na-announce na nila pero alam mo ba ayaw na ayaw ni Ate Autumn sa kanya? I mean kay Winter, hindi ko nga maintindihan si Ate kung ano pa ang ayaw niya dito. Gwapo naman siya 'di ba? Mabait din naman, para sa akin ay wala nang kulang pa sa kanya.” matabil ang dilang kwento ko sa kanya, nais ko lang namang ilabas ang saloobin ko ukol dito. Gusto ko lang siyang ihinga ngayon. Hindi naman siguro magagalit si Ate Autumn ngayong may negatibo akong sinabi tungkol sa kanyang reaction sa pagtatakda. Hindi ko naman iyon pwedeng isatinig kay Mommy at Daddy, paniguradong magagalit silang dalawa sa akin kahit pa iyon naman talaga ang kanyang reaction, umiyak pa nga siya noon at nakikiusap na hindi iyon ituloy. “Sabagay ganun naman halos ang mga naka-arranged marriage, ‘di ba? Sa pagdaan na lang ng mga araw o taon sila made-develop hanggang sa magustuhan na nila ito.”
Nabitin sa ere ang kutsarang isusubo sana ng aking kaibigan sa bibig niya. Napuno ng labis na pagtataka ang kanyang mga mata sa kanyang nalaman. Marahil nga naman ay nakakagulat ngang talaga na galing sa isang Li family ang tinanggihan ng aking Ate. Kilala ang kanilang pamilya, at kilala rin naman ang sa amin lalo na sa school campus. Kaya bagay lang talaga silang dalawa sa aking pananaw, pero syempre hindi ko iyon tahasang sasabihin kay Ate. Sa aking mga kaibigan na lang at hindi sa kanya mismo.
“Ha? Bakit ayaw niya? Gwapo nga naman iyon ah? Halos ka-level din ng pamilya nina Sky at Storm.”
I shrugged my shoulder, hindi ko rin alam kung bakit ayaw ni Ate Autumn sa kanya. Kung ako ang tatanungin ay bagay naman silang dalawa, walang itulak at kabigin. Marahil kung ako ang ipapakasal at itinakda sa kanya, sasayaw ako sa ilalim ng ulan nang dahil sa labis na tuwa. O sadyang magkaiba lang talaga kami ng tipo ni Ate? Iyong natitipuhan ko ay ayaw niya? Baka nga ganun.
“Sabagay, baka may ibang napupusuang lalake ang Ate mo, Summer?” hinuha na nito na mabilis kong ipinagkibit ng aking balikat doon, baka nga. “Nakakalungkot kapag ganun tapos baka mamaya hindi pa chinese, iiyak ngang talaga doon si Ate Autumn.”
Muling hindi ako nagsalita doon, wala rin naman akong alam sa mga bagay na iyon. At kung mayroon man akong komento, ayoko na lang banggitin pa iyon ngayon dito. Masyado na akong nagkakasala sa aking kapatid at ayaw ko ng dagdagan pa iyon ngayon. Respeto na lang sa aking kapatid, patong-patong na ang kasalanan ko ngayong araw. At isa pa ay hindi ko rin naman siya masisisi na ganun ang kanyang pakiramdam dito. Sa bandang huli naman noon ay umaasa akong magkakasundo sila at aayos. Ganunpaman ay wala pa rin naman silang magagawang dalawa, kahit na pareho nilang idahilan na kapwa na sila mayroong napupusuang iba.
“Eh, ikaw kailan ka nila itatakda sa iyong magiging asawa, Summer?” pahabol niyang tanong sa akin na ang buong akala ko ay tapos na siyang magbigay ng opinyon, marahan akong umiling sa kanya na medyo kinabahan na. Hindi ko alam, wala akong alam sa bagay na iyon at hindi ko rin ito iniisip muna ngayon. Sa kabila ng alam kong aabot din naman ako sa puntong iyon, hindi ko na lang muna iyon prino-problema sa ngayon. Ayokong magaya kay Ate Autumn na nagulat na lang bigla, ganunpaman ay wala rin naman akong magagawa kung hindi ang sumunod sa tradisyong kinamulatan na ng aming pamilya na hindi ko alam kung mapuputol na ba. “Siguradong gwapo rin iyon na kagaya ni Winter, may hitsura si Winter eh. Hindi rin naman siguro sila pipili ng magiging asawa mo sa hinaharap g pangit, malay natin mas lamang pa iyon sa ka-gwapuhan ng mga lalakeng pinagpapantasyahan natin, Summer.” pagpapagaan niya ng aking pakiramdam na sa mga sandaling iyon ay patuloy na bumibigat na rin, nag-aalala na rin ako para dito.
“Hindi ko alam, siguro pag-edad ko na rin ng fifteen na kagaya ni Ate.” tugon kong bahagyang umismid na sa kanya dahil hindi ko nagustuhan ang kanyang huling turan, hindi naman ako after sa mukha nila dahil magba-base na lang ako sa angking ugali nito. Iyon naman dapat, ika nga ni Mommy aanhin mo ang gwapo kung basura naman ang ugali nito? Mabuti pang iyong average lang ang mukha tapos itratrato ka naman niyang prinsesa. “Aanhin ko naman iyon kung gwapo? Baka mamaya hinid lang kami magkasundo.”
“Okay lang iyon, Summer. Ang sabi mo nga kanina ay sa paglipas ng mga araw o taon ay magiging maayos na rin ang Ate mo at baka ma-develop sila along the way, baka ganundin naman tayo. Magustuhan din natin ang mga lalaking itatakda nila sa atin.”
Mahina na ako doong natawa, hindi ko alam na gagamitin niya ang mga salitang aking binitawan para sa aking kapatid kanina. Naiiling ko na siyang tiningnan doon. Kung pakaiisipin ay malungkot, malungkot sa parte naming sumusunod pa sa tradisyon.
“Kahit na hindi na gwapo Cess, ang pinakamahalaga doon ay iyong makakasundo ko. Aalagaan ako at hindi ako pagbubuhatan ng kamay kagaya ng mga napapanood ko. Iyon ang the best na ating matagpuang lalake at piliin ng ating mga magulang.”
“Nak’s ang matured mong mag-isip, umamin ka ikaw ang mas panganay kay Ate Autum mo, ano?” malakas ko na iyong ikinahagalpak ng tawa, nagpra-practice lang akong maging matured kung mag-isip.
“Narinig ko lang iyan doon sa classmate ni Ate Autumn last week na nagtambay sa bahay. Hindi talaga ako ang nakaisip sa kanya.” pag-amin kong ikinatawa lang niya nang malakas doon, “Bagay ba? Papasa na ba? Malay natin magkatotoo rin iyon. Hindi naman masamang mangarap at humiling Cess, malay natin matupad iyon sa malayong nakatakdang panadon, 'di ba?”
“Good luck!” anitong mas malakas pang tumawa doon matapos na uminom nito ng tubig, maingat na sininop niya na ang kanyang baunang pinagkainan at ibinalik na iyon sa kanyang tamang lalagyan. “Pero mas masaya kung higit na mas matanda nga sa’yo ang guy, parang maaalagaan ka niyang mabuti kapag mag-asawa na kayong dalawa. Let’s say kayong dalawa ni Winter, since matanda siya sa’yo ng limang taon ay mas matured na siyang mag-isip sa’yo. Iyon naman ang ipinupunto ko, sa’yo. At saka ang sabi nila mas masaya na mas matanda sa’yo ang magiging partner mo. Ituturing ka niyang parang kapatid at hindi lang bilang kanyang asawa.” nakangiti pa rin nitong turan sa akin ngayon na ang akala mo ay pinagdaanan niya na ang mga bagay na iyon kung sabihin sa akin.
“Saan mo naman nakuha ang ideyang iyan?” tanong kong hindi na tinanong kung bakit kami pa ni Winter ang naging example doon. Sa ayaw at sa gusto ko 'mang aminin sa kaniya, hindi ko maiwasang kiligin sa naging example niya. “Swertehan na lang daw iyon.”
“Sa aking parents, ganun ang age gap nilang dalawa.” proud nitong turan na may kumikislap pang mga mata.
Muli akong natigilan, naisip na posible kayang aking mapalitan ang pwesto ni Ate Autumn kung saan ay nakalinya siyang ikasal kay Winter na kanyang ka-edad lang? Paano naman iyon mangyayari? Parang napakaimposible naman noon kung aking pakaiisipin. At saka magagalit sina Mommy at Daddy kung hihilingin ko sa kanila na ako ang ipakasal dito at hindi ang kapatid ko. Syempre, dahil mas bata ako kay Ate. Okay lang sana kung ako ang naging panganay sa amin. Bahagya akong natigilan, hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit pinipilit kong si Winter ang maging asawa. Alam ko naman sa aking sarili na ang tingin niya sa akin ay parang kapatid lang, nakakabatang kapatid lalo na sa mga panahong nagbibigayan kaming dalawa ng mag pagkain naming dala.
Parang ang imposible naman noong mangyari, si Ate na ang una at pinakatanging babaeng nakatakda sa kanya at hindi ko na iyon mapapalitan pa dahil pareho iyong gusto ng both naming family. Kung kaya naman ito ay sayang, nakakahinayang dahil aaminin kong may crush na ako kay Winter. Crush na nagsimula sa friendship namin.
Breaktime sa hapon nang makatanggap ako ng message mula sa unknown number. Ipinalagay kong si Winter na iyon dahil sa sinabi ni Ate Autumn sa akin na kinuha nito ang aking number. Wala rin naman akong naiisip na siyang magpapadaal ng message. Kahit na typical na usapan lang ang aming interactions ay masaya na ako doon, ang mahalaga ay napapanatili naming dalawa na comfortable kami sa bawat isa. Hindi nakakailang na kagaya na lang noong una naming pagkikita. Malaki na ang ipinagbago noon kumpara dati.
Unknown Number:
Summer, si Winter ito. Pasensiya kanina kung hindi ako lumapit sa’yo noong umaga. Kinuha ko nga pala ang number mo kay Autumn. Ayos lang ba iyon, Summer?
Awtomatikong umarko sa isang masayang ngiti ang aking nakatikom na labi. Hinihintay ko itong mangyari, at kahit parang naiihi na ako ngayon at parang natatae ay hindi ko iyon pinahalata sa mga makakapuna sa akin. Iba pa rin pala talaga ang pakiramdam kapag nangyari na iyong inaasahan mong maganap. Marahan kong kinagat ang aking labi, nagpipigil na doon na malakas pang mapatili. Umayos ako ng upo, bahagyang luminga-linga sa kabuohan ng aming silid-aralan kung saan ay maingay ang aming mga kaklase na kasalukuyang naghihintay ng next subject naming teacher. Muli ko ng ibinaling ang aking mga mata sa screen ng aking cellphone.
“Okay lang naman, wala namang problema Winter.” halos umabot pa sa aking tainga ang mga ngiti ko habang paulit-ulit na binabasa ang naunang mensahe ni Winter para sa akin. Hindi pa rin ako makapaniwalang nag-text nga siya sa akin ngayon. “May kailangan ka ba? May klase pa kami ng dalawang subject, kayo ba?” dahan-dahan kong binasa ang aking labi na pakiramdam ko ay nanuyo doon.
Winter:
Wala na, palaboy na kami hanggang sa uwian. Magpra-practice kami ng soccer mamaya sa plaza, manonood ka ba? Manood ka na para bilhan mo ako ng gatorade, Summer.
Kaagad na umangat muli ang gilid ng aking labi nang dahil doon. Naiimagine ko na ang kanyang hitsura habang sinasabi niya sa akin ang litanyang iyon. Hindi ko maintidihan ang aking sarili na kaakibat ng aking matinding kaba ay parang kinikiliti rin naman ang aking kalamnan, Pakiramdam ko ay parang mas matatae na ako at maiihi ngayon nang dahil sa palitan namin ng message.
“Sige, pero nasaan ang pera?” kwelang tanong ko na natatawa na doon, naramdaman ko na ang pag-init ng aking magkabilang pisngi habang nakatingin ako sa screen ng aking cellphone. Hindi pa rin mapawi ang aking mga ngiti sa labi. “Huwag mong sabihin na nagpapalibre ka sa akin, Winter?” mahina na ako doong natawa, kulang na lang ay magtatalon din ako sa labis na aking tuwa dito.
Winter:
Don't worry, ibibigay ko sa’yo mamaya. I have to go, Summer.
“Sige, see you later, Winter.”
Winter:
See you later, Summer. Mag-iingat ka papuntang plaza.
“Oo naman, mayroon akong mga kasama.” tugon ko sa huling mensahe niya sa akin, mas naging excited pa doon.
Hindi na nag-reply pa doon si Winter, hanggang sa matapos ang aming klase ay wala na itong paramdam pa. Marahil ay busy siya o baka patungo na sila ng plaza. Pagkalabas namin ng paaralan nang tapos na ang klase ay muli na akong nag-text sa number niya.
“Winter, tapos na ang klase namin.” tipa kong pilit na itinatago ang kilig na nakalarawan sa aking mukha, hindi ko na mahintay na magkita na kaming dalawa. “Anong flavor pala ng gatorade ang nais mong bilhin ko? Baka hindi mo magustuhan iyong bibilhin ko.”