Halos matumba ako sa aking kinatatayuan, mabuti na lang at nakahawak ako sa gilid ng aming cabinet ng mga sapatos. Marahil kung ako rin ang ipapagkasundo nila ay luluha rin ako na kagaya ng aking kapatid, hindi ko rin iyon matatanggap sa unang beses. Masyado pa akong bata doon, malay ko ba sa mga bagay na ganun? Siya nga na fifteen na shock na shock pa rin, ako pa kaya?
"Masyado pang bata si Summer, Autumn." si Mommy na saglit akong sinulyapan, hindi ko sila tiningnan.
Hindi ko alam kung bakit parang nakokonsensiya ako kahit na wala naman akong kinalaman sa nangyayari ngayon kay Ate. Pakiramdam ko kung susundin nila ang suhestiyon nito ay paniguradong hahagulhol din ako ng iyak doon, baka nga mas malakas pa iyon sa iyak ni Ate ngayon o baka naman maluwag ko itong tatanggapin dahil si Winter naman iyon? Palagay ang loob ko sa kanya kahit na wala naman talaga kaming masyadong interaksyon nito. Tango lang kapag nagtatagpo ang aming mga mata at tipid na ngiti.
"Mommy, bata pa rin naman po ako ah? Wala pa nga ako sa legal age, pero bakit kailangang ipakasal niyo pa rin ako sa iba?"
"Autum hindi pa naman ngayon, huwag mong pakadibdibin ang mga bagay na malayo pang mangyari."
Hindi na sumagot doon si Ate, sumulyap lang ito sa akin at kapagdaka ay kumalas na ng yakap kay Daddy. Padabog siyang muling tumayo at pamartsa nang humakbang patungo sa hgdan na karugtong ng ikalawang palapag ng aming tahanan.
"Autumn!" tawag dito ni Daddy ngunit hindi man lang siya nito nilingon kahit na kaunting saglit lang iyon.
Marahas silang napabuntong-hininga, ilang saglit na tumingin sila sa akin na kaagad kong sinuklian ng aking mga ngiti.
"Magiging ayos din po iyon si Ate," sambit ko kahit na alam ko sa aking sarili na mukhang malabo nga iyong mangyari.
"Huwag mo ng isipin iyon, Summer, umakyat ka na sa itaas at maglinis ng iyong sarili." utos ni Mommy na agad kong ikinatango, "Iinom lang kami ng tea ng Daddy mo bago kami umakyat doon."
"Sige po." tango kong mabilis ng tumalikod sa kanila, bitbit pa rin ang aking pusa na umakyat na ako ng aming hagdan.
Lumipas ang isang linggo at halos magkulong lang si Ate sa kanyang silid. Lalabas lang siya kung kakain kami, at muling babalik doon matapos noon. Hindi na siya madalas makipag-bonding sa amin na kagaya ng aming nakagawian. Hindi naman siya mapilit nina Mommy at Daddy, hinahayaan lang nila itong magkulong bilang pampalubag loob na rin magmula ng mangyari ang dinner namin sa Li family. Natapos ang bakasyon iyon na hindi niya na-enjoy dahil panay lang ang kulong niya sa kanyang silid at maging ako ay ayaw niyang kausapin. China-chat ko siya sa Whoseapp ngunit kahit seen ay wala, hindi niya iyon pinapansing basahin. Napilitan lamang siyang lumabas nang magsisimula na ang aming pasukan sa school. I was in fourth grade habang si Ate naman ay nasa ninth grade, magkalapit lang din ang paaralan naming dalawa kaya naman sabay pa rin kaming pumapasok. Nilalakad lang iyon mula sa aming tahanan, bagay na gustong-gusto ko. Bukod sa nakakapag-bonding kami madalas ni Ate na hinihintay kong lumabas ng kanilang school, minsan naman ay ako ang kanyang iniintay. Dadaan kami sa Eskinita, kainan iyon ng mga chinese street foods.
“Do you feel better now, Ate?” pagbubukas ko ng aming usapang dalawa habang marahang naglalakad kami papasok ng school, bitbit ang aming lunch box. Puro bago ang aming mga gamit, mula sa bag hanggang sa sapatos. Ang tanging luma lang ay ang aming lunch box na hindi naman mukhang luma. Saglit niya akong nilingon, kitang-kita pa rin sa kanyang mga mata ang pamamaga nito bunga ng kanyang patuloy na pag-iyak. “Mukha namang mabait si Winter, Ate. Malay mo magkasundo rin kayong dalawa kapag umedad na kayo ng twenty, may limang taon pa naman.” pilit na kumbinsi ko sa kanya, dahil kailangan niya pa rin iyong tanggapin.
“Ayoko pa rin sa kanya kahit na mukhang mabait pa siya, Summer.” walang gatol at kaagad niyang pagtutol na ikinatikom ng aking bibig, hindi ko siya maunawaan kung ano ang pinaka-ayaw niya sa pagkatao ni Winter. Mukha naman siyang maayos para sa akin.
“Baka magbago pa naman iyan Ate, malay mo kapag nakilala mo na siya nang lubusan.”
Masama na niya akong tiningnan, parang sinasabi ng kanyang mga mata sa akin na anong alam ko sa kanyang nararamdaman gayong ang aking edad ay mura pa lang. Muli kong itinikom ang aking bibig.
“Ayoko pa rin sa kanya," ismid nitong tuloy-tuloy lang sa paghakbang niya, maliit akong ngumiti na doon. "Napakaraming mga bagay-bagay kaming hindi mapagkakasunduan lalo na at mahilig siya sa mga hayop na kagaya mo." patuloy nitong bahagyang natigilan pa sa paghakbang, natigilan na rin ako at tiningnan na siya nang mataman. kapwa pa basa ang aming buhok na dalawa, inililipad iyon ng hanging may halik ng init ng papasikat na haring araw sa kabilang banda. "At alam mong ayaw na ayaw ko sa mga hayop!” mariin pa nitong sigaw na ikinakaba ko na. Alam ko naman na ayaw niya ng kahit anong uri ng hayop, pero anong magagawa niya sa desisyon ng aming mga magulang? Wala naman siyang laban pa rin sa kanila. “Dapat ikaw na lang ang ipinagkasundo nila sa kanya keysa sa akin, maraming common sa inyong dalawa. Tiyak magkakasundo kayo lalo na pagdating sa mga alagang hayop.” paglalabas pa nito ng kanyang saloobin, "Kaya bilisan mo ng lumaki, Summer para maranasan mo ito."
Mabilis akong napakurap-kurap lalo na nang pamartsa niya na akong iwanan doon. Hindi ko alam kung bakit maging sa akin ay nagagalit siya, hindi naman ako kasali sa nagkasundo sa kanya. Mabilis na sumama ang aking pakiramdam sa ginawa niyang iyon, Pakiramdam ko ay parang itinutulak niya akong saluhin kung ano ang bagay na ipinapagawa sa kanya. Ganunpaman ay pilit kong pinigilan ang mapahikbi. Hindi ako iiyak sa harapan ng maraming estudyante, hindi ko dapat iyong damdamin. Mabagal na muli akong humakbang, nasa aking suot na sapatos ang aking buong atensyon at paningin. Hindi ko na tuloy napansin pa ang aking pagbangga sa katawan nang kung sinuman na nasa aking harapan.
“Sorry...” mahina kong hingi ng tawad na mabilis na umiwas sa kanya upang magpatuloy pa sa aking paghakbang.
Kaagad akong natigilan at napa-angat na ang aking paningin nang magsalita siya at banggitin niya na ang aking pangalan.
“Summer, ayos ka lang ba?”
Kaagad na umurong ang aking mga luha kasabay ng pag-udlot din ng aking dila. Mabilis na bumalatay sa aking mukha ang pamumutla nang magtama na ang mata naming dalawa. Hindi ko alam kung nais ko bang mabilis na tumakbo palayo sa kanya upang sabayan ang pakikipagkarera ng aking pusong labis ang kaba o ngitian siya at sagutin ang kanyang katanungan sa akin. Sa bandang huli ay pinili ko na lang ang sumagot. Magiging bastos ako kung gagawin ko ang pangalawang choices ko sana kanina.
“W-Winter, ikaw pala.” hilaw ang ngiti kong tugon na bahagyang nauutal pa, hindi ko alam kung bakit bigla akong naiilang ngayon sa kanya, wala sa sarili kong kinamot ang aking leeg. “Oo, ayos lang naman ako.” muli ay tipid kong sagot ko sa kanya.
Hindi ko mapigilang mas kabahan pa sa mga mata niyang nananatiling nakaburo sa aking mukha. Mabilis akong nag-iwas ng tingin, ayokong mabasa niya ang laman ng aking isip o kahit marinig niya ang malakas na pintig ng aking puso. Sasabihin ko nga mamaya kay Mommy na patingnan niya ako sa doctor, baka mamaya pala ay maysakit na ako dahil pangalawang beses ko na itong naranasan.
“Namumutla ka...” bahagya na itong natigilan na mas naburo pa ang mga mata sa aking mukha, "Siguradong ayos ka lang?"
Muli akong pilit na ngumiti, sinulyapan na si Ate Autumn na papasok na sa gate ng kanilang paaralan. Nais ko sanang tumakbo at habulin na siya, ngunit hindi ko iyon magawa dahil nasa harapan ko pa rin ang lalaking magiging brother in law ko sa hinaharap.
“Papasok ka na ba?” muli pang tanong ni Winter sa akin kahit na ipinapakita ko sa kanyang aalis na ako, wala na akong sasabihin sa kanya. Marahan akong tumango sa kanya, saglit lang siyang muling sinulyapan at muli ko ng iniiwas ang aking mga mata.
“Oo, malapit ng mag-time.” sagot kong as if ay hindi niya naman iyon alam.
Ngumiti siya sa akin at bahagyang ginulo ang basa kong buhok. Lalo pang lumapad ang kanyang mga ngiti sa akin.
“O sige, ingat ka.” aniyang lalo pang lumawak ang mga ngiti sa akin na hindi nagtagal ay nagkaroon na ng tunog, sinuklian ko iyon ng ngiti kahit na mas lalo pa akong kinakabahan nang gawin ko iyon. May kinuha siya sa kanyang bag at ini-abot niya na iyon sa akin. Kung hindi ako nagkakamali ay sandwich ito na home made ng kanoyang pamilya, “Ito, merienda—”
“Para ba ito kay Ate Autumn?” mabilis kong pagputol sa kanyang sasabihin, hindi sa nais ko iyong gawin bagkus ay nais ko lang linawin kung para talaga kanino ang pagkaing iyon. Mali man, umaasa akong para sa akin iyon kahit na walang dahilan para bigyan niya ako ng pagkain. "Akin na, ibibigay ko sa kanya mamayang breaktime namin." tanggap ko ditong pilit ang ngiti pa rin sa labi.
Muli siyang tumawa, hawak pa rin ang kalahati ng sandwich habang ang kalahati ay hawak na rin ng aking isang kamay na nanlalamig na sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Naisip ko na marahil ay nahihiya siyang ibigay iyon kay Ate Autumn, kung kaya naman ay sa akin na lang niya ito padadaanin para hindi masyadong halata na sa kanya nga ito nanggaling.
“Hindi, para sa’yo iyan." sa kanyang sinabi ay para akong nakalutang sa langit, ngunit kaagad iyong naglaho sa sunod niyang sinabi. "Ipinapabigay ni Mommy, narito sa bag ko ang para sa Ate mo.” muli akong ngumiti, bahagyang napahiya na sa kanyang harapan.
“Talaga?” kumikislap na ang mga matang tanong ko sa kanya, hindi ako sanay na tumanggap ng pagkain galing sa ibang tao pero hindi ko maaaring tanggihan ang pagkaing ibinibigay ng magiging future brother in law ko. Nakabawi na ako sa aking pagkadismaya kanina, masaya na akong at least may share rin ako ng pagkain na galing sa kanilang pamilya. “Salamat...”
“You’re welcome, sige na pumasok ka na.”
Malawak akong ngumiti at paulit-ulit na tumango sa kanya. Mabilis ng naglaho ang pagkailang na nadarama ko sa kanya.
“Sige, salamat ulit Winter.” muli ko pang taas ng sandwich na ibinigay niya habang mabilis na akong tumatakbo papalayo.
Magmula ng araw na iyon ay palagi niya na akong binibigyan ng merienda, kung minsan pa ay slice fruits iyon na hindi ko magawang tanggihan. Hindi naman ako patay gutom, mayroon naman sa bahay namin ng lahat ng iyon ngunit hindi ko maintindihan kung bakit sa aking panlasa ay mas masarap ang mga prutas na ibinibigay ni Winter sa akin. Malugod ko iyong tinatanggap at ni minsan ay hindi ko tinatanggihan dahil ang sabi ng mga matatanda ay bawal tumanggi sa grasya. Hanggang sa nagsimula na rin akong mag-share ng aking mga pagkain sa kanya na madalas na ikinakatawa niya dahil mostly ay candies iyon at junkfoods.
“Sa iyo na lang iyan, hindi ako mahilig sa sweets.” tugon nito ng abutan ko siya ng marsmallows na binili ko nang nagdaang araw.
“Ganun? Sayang naman, dalawa pa naman ang binili ko.” pakiramdam ko ay rejected ako sa kanya at nalulungkot ako doon.
Nang sabihin ko iyon ay mabilis niya iyong kinuha at ipinasok sa loob ng kanyang bag. Bagay na labis kong ipinagtaka dahil ang sabi niya ay hindi naman siya mahilig sa sweets. Ganunpaman ay ikinangiti ko na ang bagay na iyon, natutuwa ang aking puso.
“Salamat, Summer.” sambit ni Winter na malawak na ikinangiti ko dahil sa nahihiya niyang hitsura.
Nagpatuloy pa iyon ng mga sumunod na taon, hindi ko na iyon sinabi sa aking kapatid dahil oras na magbabanggit ako ng pangalang Winter ay kaagad na niya akong tatalikuran at hindi na papansinin. Nagpatuloy pa rin ang mga linggo na nakikipag-family dinner kami sa kanila, at walang pagbabago ang pakikitungo ni Ate kay Winter na malamig pa rin at walang interes na kausapin ito. Napipilitan lang siya kapag sinasabi ng aming mga magulang. Panay ang ngiti ko sa kaniya, tumatango kapag nagtatama ang aming mga mata.Alam ko sa aking sarili na nakabuo na ako ng friendship ngayon sa kanya, friendship na lingid sa kaalaman nilang lahat.
“Autumn, Summer gusto niyo bang kuamin ng ice cream?” tanong ng Mommy ni Winter na mabilis na ikinailing ni Ate, nais ko rin sanang umiling at tumanggi kaya lang ay napansin ko ang paninitig ni Winter sa akin. Alam niyang paborito ko ang ganung pagkain.
“Busog na po ako Tita, maraming salamat po.” magalang na tugon ni Ate Autumn sa kanya na ngumiti pa. Nasa dinner kaming muli, I was in grade six at sa kasalukuyan namang nasa eleventh grade sila ni Winter.
“Ikaw, Summer?” baling ng ina nito sa akin na agad ikinalamig ng aking dalawang palad sa ilalim ng aming lamesa.
Mabilis akong napalunok ng aking sariling laway nang mabaling ang atensyon nila sa akin. Nakita ko pang napakagat ng kanyang labi si Winter habang nangingiti na doon. Alam kong inaasahan na niyang papayag akong kumain ng ice cream, sasagot ng oo dito. At bago pa ako makasagot doon ay naunahan na ako ni Mommy na ibuking ang pagkakaroon ng napakalaking bodega sa aking tiyan.
“Naku, walang inaatrasang pagkain iyang bunso ko.” sambit ni Mommy na ikinatawa naman ni Daddy at hindi nagtagal ay lahat na silang tumatawa doon nang dahil sa hiyang aking ipinakita sa kanilang harapan. Mommy naman, nakakahiya sa kanila!