Prologue

2057 Words
Ilang beses ko pang ini-angat ang aking paningin at matamang iginala iyon sa mga kasama namin na nasa iisang table. Walang imik ang aking nakakatandang kapatid sa aking tabi habang tahimik siyang kumakain. Tila ba nasa malayo ang kanyang isipan ng mga sandaling iyon, nilalamon ng kawalan na walang sinumang nakakaalam kung hindi siya lang. Nais ko sana siyang tanungin kung may suliranin ba siya dahil panay ang kanyang malalim na buntong-hininga ngunit hindi ko na iyon ginawa pa, lalo na nang mapansin ko ang mga munti niyang pag-irap sa pwesto ng nag-iisang anak ng pamilya na kasama namin ngayong kumain. Maliit akong ngumiti nang lumingon si Ate sa akin, awtomatiko rin siyang ngumiti nang titigan ko siya sa kanyang mga mata. Muli pa siyang bumuntong-hininga sabay lagay ng ulam sa aking pinggan. Lumapad na ang aking mga ngiti sa kanya, likas na sa kanya ang pagiging maasikaso sa akin lalo na kapag nasa labas kami kumakain. Marahil ay dahil nag-iisa niya lang akong kapatid kung kaya naman ganun ang trato niya sa akin. Ramdam na ramdam ko ang pag-aaruga niya magmula nang magkaroon ako ng isip. At hindi na rin bago iyon sa amin, palagi kaming lumalabas tuwing weekend kasama ang iba't-ibang pamilya na kapwa rin namin lahing chinese. “Kumain ka ng marami para mabilis kang lumaki, Summer.” bulong niya sabay marahang haplos sa aking ulo na nakasanayan na rin niyang gawin, hindi ko maintindihan ang kanyang ibig sabihin pero ngumiti lang ako bilang kabayaran sa kanyang litanya. “Para naman ikaw ang i-reto nila Mommy at Daddy dahil nagsasawa na ako paulit-ulit dito.” dugtong pa nito na ikinakunot ng aking noo. “Anong ibig mong sabihin Ate?” takang tanong ko na ipinagkibit-balikat lang niya, halatang ayaw ipaliwanag ang kahulugan noon sa akin dahil alam niyang hindi ko rin naman iyon maiintindihan sa ngayon. “Anong reto at anong nagsasawang sinasabi mo?” Tipid siyang numiti na binuhat na ang baso na nasa kanyang harapan at mayroong lamang tubig. Dinala niya iyon sa kanyang bibig na sinundan ko ng aking tingin. Halos maubos niya iyon bago pa tumingin sa aking banda matapos punasan ang gilid ng labi niya. “Wala, maiintindihan mo rin ang lahat ng iyon kapag tumuntong ka na sa kagaya ng edad ko ngayon.” Limang taon ang tanda niya sa akin kaya marahil ay nasasabi niya ang mga bagay iyon na hindi ko pa maintindihan sa ngayon. Hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi niyang iyon at magana na muli akong kumain. Doon naman ako magaling, ang kumain nang kumain. Mahina akong natawa sa aking sarili, marahil ay dahil ang carefree ko lang at walang pakialam sa mga bagay na nasa aking paligid. Hindi ko alintana ang malakas na tawanan ng aming mga magulang na pumupuno sa aming lamesang kinaroroonan. Muli kong iginala ang aking mga mata sa aming lamesa na humantong na kay Winter, tahimik lang din siyang kumakain na kagaya ko ngayon. Hindi ko maiwasang punahin ang maamo niyang mukha, ang hugis na cute ng matangos niyang ilong, ang mga mata niyang kapag tiningnan ka ay parang palaging nakatawa kahit pa nakatikom ang kanyang labi. Palagi rin siyang walang imik, sa gabing iyon siguro ay noong dumating lang sila at bumati sa amin saka ko narinig ang kanyang tinig. Ilang beses na rin na nakaka-dinner namin ang kaniyang pamilya kaya hindi na bago ang ganitong sitwasyon sa amin. Ngunit sa bawat dinner naming iyon ang palaging napapansin ko sa kanya ay palaging naka-focus lang ang kanyang mga mata sa pagkain, kung minsan naman ay madalas lang na nasa screen iyon ng kanyang cellphone. Minsan nga ay nasilip ko iyon, nakita kong nanonood siya ng mga nakakatawang mga videos. Ang edad niya ay kapareho ng sa aking nakakatandang kapatid, ngunit hindi sila kagaya ng ibang anak ng kaibigan ni Mommy at Daddy na nakikipag-usap si Ate tuwing may dinner kami. Madalas ay hindi sila nagpapansinang dalawa. Ilag na makipag-usap sa kanya si Ate, samantalang si Winter ay halatang kapag hindi mo kinausap ay hindi rin makikipag-usap sa'yo. “Mom, gagamit lang ako ng banyo.” paalam ni Ate na ikina-angat ng mga mata ni Winter sa kanya, iyon ang unang napansin ko sa kanya. Ang expressive ng kanyang mga mata at mababasa mo kaagad ang emosyon niyang nakabalot doon. Muli niyang ibinalik ang kanyang mga mata sa pagkain na nasa plato na ilang kutsara na lang, maliit akong ngumiti at nag-iwas na ng tingin sa banda niya. “Sige, huwag kang magtatagal doon, Autumn at may mahalaga tayong pag-uusapan ngayon.” sagot ni Daddy sa kanya, mabilis ng umahon si Ate sa kanyang upuan matapos nitong tumango sa aming ama. Muli kong ibinalik ang aking paningin kay Winter na nasa kay Ate na naman ngayon, ubos na ang pagkain na nasa kanyang plato at ganundin ang tubig sa kanyang baso. Nais ko sanang magpaalam din na magbabanyo ngunit hindi ko na maalis ang paningin ko kay Winter na nakatitig pa rin sa mukha ng aking kapatid, sinundan ng mga mata nito ang pag-alis ni Ate sa aming lamesa. Lumabi ako, may nararamdaman ako sa kanilang kakaiba na hindi ko maipaliwanag kong ano. Muli kong binuhat ang aking kutsara at isinubo ang huling pagkain na nakalagay doon. Muli kong tiningnan si Winter na nakatingin pa rin sa dereksyon na pinuntahan ng aking kapatid. “Ikaw Summer? Gusto mo rin bang gumamit ng banyo kagaya ng Ate mo?” untag ni Daddy sa akin na ikinalingon na ni Winter sa aking banda, mabilis na akong tumayo kahit na wala naman akong planong gumamit ng banyo ng mga oras na iyon. Hindi ko maipaliwanag ang kaba na nasa aking dibdib ngayon. “O-Opo.” tugon kong nauutal sa unang pagkakataon sa aking buhay, "Pwede po ba?" “Oo naman sige, sumunod ka na sa Ate Autumn mo.” utos ni Mommy habang nakangiti na sa akin nang malawak. Walang lingon-likod na akong umalis sa lamesang iyon, ramdam ko pa ang paninitig ng mga mata ni Winter sa aking likod ngunit ganunpaman ay hidni ako nagtangkang lingunin siya. Ang bagay na iyon ay ang mabilis na nagpahakbang sa akin patungong banyo. Naiwan ang aking isipin na bakit nahihiya ako at bahagyang kinakabahan sa mga titig ni Winter sa akin kanina, hindi naman na iyon bago. Ngunit ngayon lang talaga ako kinabahan nang sobra-sobra nang dahil sa mga titig niya sa aking parang mayroong kakaiba. “Tapos ka na bang kumain, Summer?” unang tanong ng aking kapatid pagpasok ko ng banyo, naghuhugas na siya ng kamay habang nakaharap sa salamin at inaayos ang kanyang alon-along buhok na umaabot na sa kanyang balikat. “Oo,” tugon kong mabilis ng itinulak ang pintuan ng cubicle at pumasok na doon, marahas na akong huminga sabay hawak sa aking dibdib na animo ay parang naninikip. Hindi ko alam kung bakit pinapakaba ako ng mga titig ni Winter. sa akin kanina. Wala naman doong kakaiba, iyon pa rin naman ang mga mata niyang madalas niyang ititig sa aking kapatid. "Huwag mo na akong hintayin, Ate." "Bakit tatae ka?" prangkang tanong nito na bahagyang mahinang tumawa nang dahil sa katanungan niya. Hindi ako sumagot, marahas pa rin ang buga ng aking hininga at pilit na pinapalis ang mukha ni Winter sa aking isipan. “Summer, hindi ka pa ba tapos?” muling untag nito nang manahimik ako, "May dala ka ba diyang tissue?" “Mauna ka na, Ate...natatae nga yata ako.” pagpatol ko sa kanyang mga sinabi sa akin. “Sige...” tipid nitong tugon sa aking mga sinabi. Narinig ko ang mga munti niyang mga yabag papalabas ng banyo kasunod ng pag-ingit ng pintuan nito. Binalot ng nakakabinging katahimikan ang loob noon, tanging hinga ko lang ang aking maririnig. Para akong tumakbo ng ilang dipa at hinihingal na. Nang kumalma ang t***k ng aking puso na animo nakipagkarera ay mabilis na akong tumayo at pinindot na ang flushed upang kunwari ay gumamit ako ng banyo. Sinipat ko ang aking sarili sa salamin, hindi ko maintindihan kung bakit biglang namumula na lang ang aking mukha ngayon. Nakanguso akong tinapik-tapik ang magkabilang pisngi habang nakatingin pa rin sa harap ng salamin. “May lagnat ba ako?” tanong ko sa aking sarili na mas lumapit pa sa harapan ng salamin, tiningnan ko ang aking mga mata kung namumula ba iyon. Hindi naman, marahil ay naging epekto lang iyon ng kabang aking naramdaman kanina. “O baka lalagnatin?” Muli pa akong huminga nang malalim, inayos ko rin ang aking buhok na kagaya ng ginagawa ni Ate kanina. Sinuklay-suklay ko iyon ng aking mga dalari sa kamay. Kapareho lang ng buhok ni Ate ang sa akin, ganundin lang siya kahaba ngunit kung ikukumpara ang aming mukhang dalawa ay magkaibang-magkaiba iyon. Nakuha ni Ate ang features ng mukha ni Mommy, samantalang ako ay si Daddy ang aking kahawig. Sabi nga ng mga kaibigan nila, babaeng version daw ako ni Daddy. Muli akong maliit na ngumiti sa aking sarili sa salamin bago nagpasyang lumabas na doon. Pagbalik ko sa lamesa namin ay maingay pa rin silang nagku-kuwentuhan na may panaka-nakang tawanan patungkol sa mga bagay na hindi ko pa maarok ng aking isipan. Isang bagay na sa aking edad na sampu ay mahirap ko pang maintindihan at maunawaan. Nakangiti na akong naupo sa aking inabandona kaninang bangko. Hindi na maipinta ang mukha ni Ate na hindi ko alam kung umiyak o maiiyak pa lang siya. Mukhang may pinag-usapan sila na hindi ko naabutan dahil nasa banyo ako. Lubos ko lang iyong naunawaan nang umuwi kami sa bahay at malakas ng humagulhol ng iyak si Ate habang nagdadabog paupo ng aming sofa pagpasok namin ng sala. Nagtataka ko na siyang tiningnan doon, hawak ko pa rin ang aking pares ng sapatos na ilalagay ko na sana sa cabinet na nasa aking gilid. “Mommy, fifteen pa lang naman ako bakit kailangan kong magpakasal kaagad kapag naging twenty na ako?” tanong nito na punong-puno ng hinanakit ang kanyang mga mata, hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan dahil iyon siguro ang ikinakangitngit nito. Mura man ang aking isipan at mababaw ang pang-unawa doon ngayon pa lang ay alam ko na kung bakit nagkakaganito nga si Ate. “Hindi ba pwedeng kami ang mamili ng aming magiging asawa kagaya ng iba kong mga kaibigan at kaklase? Chinese rin naman sila ah, pero bakit ganun? May kalayaan silang mamili? Bakit ako wala? Hindi ba pwedeng tumanggi? Hindi ba pwedeng maging malaya kami na kagaya nila? Bakit kailangan nating sundin ang tradisyong niluma na ng panahon?” tanong niyang patuloy nang umiiyak. “Autumn—” “O pwede bang hintayin niyo muna akong maging twenty bago niyo ako ipagkasundo ng kasal? Gusto kong maranasan na magkaroon ng ibang karelasyon na hindi kayo ang pipili para sa akin, gusto ko iyong maranasan kagaya ng mga kaibigan ko.” Mabilis akong napakurap-kurap ng aking mga mata nang lumakas pa ang pag-iyak niya. Niyakap ko ang aking alagang pusa na sumalubong sa may pintuan namin at ikiniskis ang kanyang katawan sa aking binti. Namasa na rin ang bawat sulok ng aking mga mata dahil sa tinurang iyon ng aking kapatid. Hinimas-himas ko ang katawan ng aking pusa habang hindi sila tinitingnan. Hindi ako iyakin pero kapag nakikita ko ang aking kapatid na umiiyak, hindi ko mapigilan na makaramdam din ng kalungkutan na kagaya niya. “Hindi pa naman kayo ikakasal kaagad ni Winter, Autumn. May ilang taon pa naman kayong palalampasin.” pilit na paliwanag ni Daddy na niyakap na si Ate na pilit na nagpupumiglas sa kanya doon, “Kapag tumuntong ka na ng twenty, iyon ang usapan namin.” “Pero Dad, hindi pa rin ako malaya pang gawin ang lahat dahil ngayon pa lang ay itinatali niyo na ako sa kanya!” hagulhol niya pa rin na isinubsob na ang luhaang mukha sa kanyang dalawang palad, "Hindi ko siya gusto, wala akong pagtingin sa kanya, Mommy." Lalong hindi ko maigalaw ang aking mga paa, doon ko napagtanto na si Ate at Winter pala ay naitakda na. Naitakda na silang maging mag-asawa kagaya ng aming ibang mga pinsan sa edad na fifteen lang. At iyon siguro ang purpose ng dinner kanina. “Bakit ako pa Daddy? Bakit hindi na lang si Summer ang ipagkasundo niyo sa kaniya? Bakit hindi na lang siya?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD