Bigla ako doong nakaramdam ng hiya, naalalang bigla ang mga pagkaing ibinibigay ni Winter sa akin magmula noong mga nakaraang taon. Baka iniisip niya na ngayong patay gutom ako kaya madalas niya akong binibigyan nito. O siguro ay para talaga iyon kay Ate at ibinibigay niya lang sa akin dahil ayaw iyong tanggapin ng aking kapatid. Kumbaga second choice niya lang ako, na bahagyang ikinasaling ng aking damdamin ng mga sandaling iyon. Ganunpaman ay ipinagkibit ko na lamang iyon ng aking balikat. Walang dahilan para magalit ako, lalo na at ang lahat naman ng pagkaing iyon ay nilunok ko na at halos na-itae ko na sa inidoro.
“Ayos lang naman po ako at saka—”
“Mom, ako na lang ang bibili.” tayo na ni Winter doon na ikinaputol ng aking mga sasabihin pa sana, saglit na siyang tumingin kay Ate Autumn na kapagdaka ay inilipat niya iyon sa akin. Mabilis akong umiwas ng tingin, nahihiya akong mabasa ng aming mga magulang na nagbibigayan kami nito ng pagkain dahil iyon ay mananatiling lihim.
“O sige Winter, isama mo si Summer nang makapili siya kung anong flavor ang kanyang gusto kainin doon.” tugon nitong inabutan na ng pera ang kanyang anak, mabilis akong tumingin kay Mommy at Daddy na natatawa na lang ng mga sandaling iyon sa aking naging reaction. Alam naman nilang wala akong pinapalagpas na pagkain, iyon nga lang ay mukhang nakakahiya naman sa kanila. "Summer, sama ka na kay Winter, doon niyo na lang kainin ang ice cream na inyong bibilhin." baling pa nito sa aking banda.
Mabilis akong nanigas doon, hindi ko alam ang gagawin kung kaya naman mabilis akong tumingin kay Ate at humihingi ng tulong sa kung anong dapat na gawin. Umangat ang gilid ng labi niya, nang-iinis na para bang sinabi niya sa aking ginusto ko iyon kung kaya naman ay panindigan ko ito hanggang kaya ko. may panunukso rin ang kanyang mga matang nakatitig pa rin sa aking banda.
“Tumayo ka na diyan, Summer.” pangbubuska pa ni Ate sa akin gamit ang mas naging mapanukso niyang mga mata, hindi ko maunawaan kung ano ang tumatakbo ngayon sa kanyang isipan. Inirereto niya ba ako sa magiging asawa niya sa hinaharap? Hindi iyon pwede, magagalit si Mommy at Daddy sa aming dalawa kapag nagkataon. “Huwag mong paghintayin si Winter.”
“Ayaw mo ba talaga Ate?” sa halip ay muli kong tanong sa kanya na lalo lang lumawak ang mga ngiti sa akin, mabilis na siyang umiling. Ayaw niya talagang kumain ng ice cream ngayon na dati-rati naman ay siya pa ang nag-aaya sa aking bumili kami noon. “Bibilhan ka na lang namin, ayaw mo pa rin ba talaga?” huling hirit kong tanong sa kanya na tumayo na sa aking pagkakaupo.
“Ayoko nga, busog na ako, kayo na lang.” tugon nitong ikinalingon na ni Mommy at Daddy sa aming pwesto, sumenyas pa ito na itinataboy na kaming dalawa na lisanin na ang lamesang iyon. "Lumakad na kayo, alis na." muling pagtataboy nito sa amin doon.
Bantulot na akong humakbang palapit kay Winter, alam ko naman na hindi ko siya mapipilit kapag sinabi niyang ayaw niya. Iyon ang ugali ni Ate na oras na humindi ay wala talagang magagawa ang nag-aaya sa kanya kung hindi ang lubayan na lang siya nito.
“Kayo na lang Summer, mukhang ayaw talaga ni Autumn ngayon ng ice cream.” turan ni Mommy na marahang ikinatango ko na lang sabay baling ng tingin kay Winter na naghihintay pa rin sa aking lumapit sa may banda niya, "Huwag kang hihiwalay kay Winter, Summer at baka kung saan ka mapunta." pagbibiro pa nitong ikinanguso ko dahil alam kong inaasar lang naman ako.
“Sige po, Mommy.”
"Ako na po ang bahala sa kanya, Tita." ngiti ni Winter sa aking ina na tumango lamang sa kanya doon, "Halika na, Summer."
Sumunod ako kay Winter na nasa bulsa lang ang dalawang palad, mas tumangkad na siya ngayon keysa nang mga nagdaang taon. Nag-iwan iyon ng malaking gap sa aming dalawa na para bang ang sinumang makakakita sa amin ay iisiping magkapatid kaming dalawa. Tama nga naman, soon ay magiging magkapatid na kami hindi sa dugo pero iyon ay nang dahil sa ikakasal siya sa aking kapatid. Ayos lang naman iyon sa akin, kahit na mayroong panghihinayang sa aking isipan na patuloy na umuukilkil pa sa akin dito. Tahimik na sumunod lang ako sa kanya na patungo na sa bilihan ng ice cream na hindi naman masyadong kalayuan, nahihiya na.
“Anong flavor ang gusto mo, Summer?” marahang tigil ni Winter sa paghakbang at lumingon na sa akin.
“Ano bang masarap?” balik-tanong ko na ngumiti na rin sa kanya habang nakatingin sa mga mata niya, mas lalo pang nadepina ang tangkad niya sa akin. Napapaisip tuloy ako, kailan ako tatanggakad ng kagaya ni Ate Autumn na halos maabutan na si Winter.
“Rocky road ang favorite ko at para sa akin ay the best ito, baka gusto mong subukan?” ngiti niya sa akin na bahagyang hinaplos pa ang ilang takas na hibla ng buhok sa kanyang mukha, kahit na “O gusto mo iyong pangbabae kagaya ng strawberry?”
“Sige, try ko na lang iyong paborito mo, Winter.” ngiti kong ikinangiti na rin niya sa akin nang malawak sabay hawak sa aking kaliwang braso. Ikinapiksi ko iyon, hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam na naman ng pagkailang na sa kanya.
“O sige,” aniyang muling humakbang patungo na sa bilihan noon.
Tahimik na akong naupo sa high chair habang nag-oorder siya ng aming ice cream, panaka-naka rin ang sulyap ko sa kanya na seryosong kausap ang cashier. Gwapo naman siya at mukhang mabait, kung kaya naman hindi ko maintindihan si Ate Autumn kung bakit ayaw niya pa rin sa kanya hanggang ngayon. Kung ako lang ang papaliin nila mas gusto ko si Winter para sa aking kapatid. O siguro ay magkaiba lang kami ni Ate ng pananaw pagdating sa bagay na iyon? Maasikaso rin naman si Winter, masayang kasama at sigurado akong aalagaan niyang mabuti si Ate kapag naging mag-asawa na silang dalawa. Iyon nga lang ay mahahalatang ayaw pa rin sa kanya ng aking kapatid, kung tutuusin nga ay bagay naman silang dalawa. Saka, kitang-kita ko ang may kahulugang mga titig ni Winter kay Ate tuwing magagawi na dito ang paningin niya. Ibang-iba iyon sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Marahil nga ay ganun talaga ang taste ng ibang mga babae, kung sa paningin ko ay mukha siyang mabait at gwapo baka sa paningin naman ni Ate ay kabaligtaran ang kanyang naiisip. Ganunpaman ay wala pa rin naman siyang magagawa dito, siya pa rin naman ang nakatakdang ikasal kay Winter at hindi na niya iyon kailanman mababago. Kahit magdabog pa siya kay Daddy at kahit na umiyak pa siya ng dugo sa harapan ni Mommy. Hindi niya na magagawang baguhin ang kung anong nakatakda na lalo na ng aming kapamilya.
“Summer, dito na lang natin ito kainin since hindi rin naman gusto ng Ate mo ng ice cream.” suhestiyong untag ni Winter sa akin na hindi ko namalayan na hawak na niya ang order naming ice cream at nakatayo na siya sa aking harapan, masyado akong nadala ng mga bagay na aking iniisip tungkol sa nakatakdang kasal nila ng aking kapatid. “Ayos lang ba iyon sa’yo kung dito muna tayo?”
“Sige...ayos lang naman iyon sa akin.”
Nakangiti pa 'ring naupo siya sa aking tabi sabay usog ng aking ice cream sa aking harapan. Kinuha ko na ang kutsara noon at walang patumpik-tumpik pang iyon ay tinikman. Nang malasahan na iyon ay marahan na akong tumango-tango. Masarap naman iyon, kailan ba hindi naging masarap sa aking panlasa ang mga pagkain? Lahat naman yata ng pagkain ay masarap sa akin.
“Ang hilig mo talaga sa matamis, ano?” maya-maya ay tanong ni Winter sa akin na sinimulan na rin niyang lantakan ang kanyang ice cream, marahan akong tumango pilit na nilulunok ang ice cream na nasa aking bibig na isinubo.
“Oo, kaya ang sabi ni Daddy sa akin ay mataba ako. Hindi ako mapili sa pagkain kumpara kay Ate.”
“Talaga? Hindi ka naman mataba, malusog ka lang.” aniyang inabutan na ako ng tisyu na kaagad ko namang tinanggap, maliit akong ngumiti. "At magkaiba ang mataba sa malusog." tawa nitong nagtaas at baba pa ang dalawang kilay sa akin habang natatawa siya.
Nais kong umismid at irapan siya, alam kong inaasar niya ako sa pagiging mataba iyon nga lang ay may side comment iyon. Sa halip ay inisip ko na lang na positibo rin naman ang kanyang mga sinabi. Muli akong sumubo ng aking ice cream bago ko siya nilingon.
“Siguro kung maliligaw ako sa gubat ay mabubuhay pa rin ako dahil makakaya ko ‘ring kumain doon ng mga damo.” pagbibiro ko na muling isinubo ang aking hawak na plastic na kutsara ng ice cream, "Walang pinipili ang aking tiyan, kahit na ano lang."
Malakas na niya iyong ikinatawa, dahilan upang mawala ang kanyang mga mata na animo ay nakaguhit lang sa kanyang mukha. Halos pareho lang kami ng mga mata, puro kaming chinese kaya marahil ay ganun nga ang aming features. Ikinangiti ko na rin iyon habang nakatitig pa rin ako nang mataman sa kanyang mukha. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit gusto ko siyang titigan pa, aliw na aliw ako sa kanyang mukha ngayon na tuwang-tuwa sa aking tinuran. Pakiramdam ko ay parang mayroon kaming connection sa bawat isa na hindi man namin ito nakikita at invisible ay amin naman iyong nararamdaman ngayong dalawa.
“Bakit ka naman kakain ng d**o?” halos mabulunan na nitong tanong habang patuloy pa 'ring tumatawa, mariin ko ng kinagat ang aking pang-ibabang labi. “Bakit mo iyon kakainin kung may choices ka naman na mga bunga ng kahoy sa gubat?”
Nagkibit ako ng aking balikat at muling ipinagpatuloy pa ang pagkain ko ng ice cream. Ayoko na iyong sagutin pa dahil maging ako ay tawang-tawa na sa mga pinagsasabi ko sa kanya. Tama nga naman siya, mayroong punto na bakit ako kakain ng d**o kung may mga bungang kahoy naman doon na pwedeng kainin at kunin.
“Wala lang, mas naisip ko lamang ang d**o keysa sa mga bunga ng kahoy na sinasabi mo.”
“Kakaiba ka talagang mag-isip, Summer!” marahas pang gulo niya sa aking buhok, ikinasimangot ko na iyon sa kanya bagama't nakangiti ang aking labi.
Pagak ko na iyong ikinatawa, natutuwa na sa atensyong aking nakukuha mula sa lalaking aking lihim na iniibig. Iniibig ng aking batang puso, sumisibol ang aking musmos na paghangang bago pa lamang tumutubo para sa kanya. Ganunpaman ay hindi ko pwedeng sabihin iyon sa kanya dahil alam ko naman kung saan ko ilulugar ang aking sarili. Hindi ko siya aagawin kay Ate, masaya na akong naging magkaibigan kaming dalawa ngayon. Kahit doon lang, masayang-masaya na ako para sa aking sarili.