Kakapa-kapa akong humakbang patungo sa kanilang kama matapos na isara ko nang marahan ang pintuan ng kanilang silid. Kabisado ko na ang kanilang kwarto kung kaya naman hindi na mahirap sa akin na magtungo palapit sa kanilang kama. May pananantiya ang aking mga paa na pilit kong iniiwas na tumama sa kanto ng kama o sa gilid ng mga table na nasa loob ng silid nila. Mahimbing na ang kanilang pagtulog doon, bahagya pang naririnig ko ang banayad na hilik ni Daddy na halatang pagod nang nagdaang araw. Maliit na akong napangiti nang makitang mayroon pang espasyo sa kanilang pagitan ni Mommy. Doon ako madalas na nakapwesto tuwing lilipat ako sa kanilang silid ng madaling araw at hindi ako makatulog sa aking sariling silid, maingat na umakyat na ako sa ibabaw ng kanilang kama at patingkayad na humakbang papunta ng kanilang pagitan. Ipinasok ko na sa kumot nila ang katawan ko at niyakap na ang stuffed toy na aking dinala mula sa aking silid. Lalong lumapad ang aking mga ngiti nang maramdaman ko na ang yakap ni Mommy mula sa likod ko. Mainit na yakap na tuwing gabi ay nami-miss ko, ganundin sa pamilyar na amoy niya.
“S-Summer? Nandito ka na naman sa aming silid ng Daddy mo.” paos na bulong niyang bahagya pang inamoy ang aking buhok, lalo pang lumapad doon ang aking mga ngiti. “Hindi ka pa rin ba makatulog?” tanong nitong mas humigpit ang yakap.
Marahan akong tumango at humarap na sa kanyang banda, walang pag-aalinlangan na yumakap na ako sa leeg niya at isiniksik pa ang aking mukha sa may balikat niya. Maliit akong muling ngumiti nang humaplos ang kanyang isang palad sa aking likod. Haplos na gabi-gabi kong nami-miss magmula nang palipatin nila kami ng silid ni Ate.
“Siya, matulog na at maaga pa ang pasok mo bukas sa school.” anitong inayos na ang aming kumot, lalo pang humigpit ang yakap ko sa kanya. Sa amoy at tunog ng hininga niya ay para bang natagpuan ko ang antok na hindi ako dalawin at hinahanap kanina.
“Goodnight, Mommy...” bulong ko na hinalikan pa ang kanyang kaliwang pisngi.
“Goodnight, Suat Lay...” tugon niyang mas humigpit pa sa akin ang kanyang yakap.
Ipinikit ko na ang aking mga mata, payapa na ang aking naging hinga. Unti-unti nang niyayakap ako ng dilim, hinahalikan ng malamig na buga ng aircon sa kanilang silid. And just like that, sa bisig at yakap ng aking ina ay mahimbing na akong nakatulog. Nang gisingin na ako ng kasama namin sa bahay ay wala na sa tabi ko sina Mommy, ayon dito ay maaga silang umalis ni Daddy at hindi nila alam kung saan ang tungo.
“Doon ka na naman natulog sa silid nina Mommy?” pambungad na tanong ni Ate Autumn pagpasok ko pa lang ng aming kusina, tahimik na akong naupo sa upuan na nasa kanyang harapan at kumuha na ng aking pagkain. Naka-uniform na siya na gaya kong medyo basa pa ang buhok at halatang bagong ligo. “Anong oras ka lumipat?”
“Oo, hindi ako makatulog eh, alas dos na yata iyon kaninang madaling araw.” sagot kong nagsimula ng sumubo ng aking pagkain, marahan ko na iyong nginuya. Nginitian ko ang kasama namin sa bahay na dinalhan ako ng isang baso ng lukewarm na gatas. “Sa’yo nga dapat ako tatabi kagabi kaso baka sipain mo ako pababa ng iyong kama.” pagbibiro kong alam na alam kong magre-react siya dahil hindi naman iyon totoo. Minsan pa nga ay inaaya niya akong sa silid niya matulog, doon sa kanyang tabi.
Awtomatikong umangat ang kanyang isang kilay sa akin. Umiinom na siya ng gatas sa kanyang baso, tapos na siyang kumain at hinihintay na lang akong matapos sa mesa. Naging ugali na niya ang hintayin ako kahit pa tayong-tayo na siya doon, lalo na kung wala sina Mommy at hindi namin sila kasabay na kumain. Hinihintay niya talaga ako.
“Tell me Summer, kailan kita sinipa pababa ng aking kama?” may himig na iyon ng pagkairita, malakas na akong tumawa, na halos ay masamid pa ako sa pagkaing nasa aking bibig. “Imbento ka diyan, ikaw pa nga itong sumisipa sa akin pababa ng kama.”
“Nagbibiro lang naman ako Ate,” nguso kong mas pinatulis pa ito habang nakatingin sa kanyang mukha, malakas na niya iyong ikinatawa habang naiiling na sa akin. “Kailan kaya matatanggal iyang pagiging pikunin mo Ate Autumn sa mga biro ko?”
“Sinisira mo talaga ang umaga ko, Summer?” mas masungit niyang tanong na sa akin.
Ikinatawa ko na iyon, tumatahimik na ako kapag sinasabi niya na ang litanyang ito.
“Labyuh, Ate Autumn!” umirap lang siya sa akin habang naglalaro na ang kakaibang ngiti sa kanyang labi, inismiran niya lang ako bilang tugon niya sa aking sinabi dito.
Hindi na siya muling nagsalita pa matapos noon. Umayos na ako ng aking upo, gusto kong malaman kung tunay nga ang rason niya kay Winter noong inaya siya nitong lumabas. Humahanap lang ako ng tiyempo na magtanong sa kanya. Hindi ugali ni Ate na maglihim sa akin, halos lahat ng kanyang sekreto ay nalalaman ko. At masaya ako na pinagkakatiwalaan niya ako pagdating sa mga bagay na iyon na tungkol sa kanya. Ibinaling na niya ang kanyang pansin sa cellphone niyang nakalapag sa lamesa, may binasa siya doon na saglit ikinaangat ng gilid ng kanyang labi. Kung kasalo namin sina Mommy at Daddy ay bawal kaming gumamit ng gadget habang kumakain, ngunit ngayong wala sila ay malaya kaming gamitin iyon hangga’t kailan namin gusto. Ang mahalaga ay uubusin namin ang aming pagkain at hindi magbababad doon na halos ay hindi na kami matapos sa aming pagkain. At hindi rin namin iyon inaabuso ni Ate.
“Ate?” hindi nakatiis ay tawag ko na sa kanya matapos na inumin ko ang kalahating baso ng tubig na nasa gilid ng aking pinggan, nahihiya ako pero kinapalan ko na ang mukha ko dahil nangangati akong malaman ang tungkol sa kanilang naging usapan.
“Hmmn?” tanong niya na hindi ako tinatapunan man lang ng kaunting tingin dahil nasa cellphone pa rin ang kanyang buong atensyon. “May gusto kang itanong?”
“Ayaw mo ba talagang sumama sa Eskinita sa amin ni Winter sa Friday?”
Saglit na siyang natigilan sa ginagawa nang dahil sa aking naging katanungan sa kanya. Ikinurap-kurap na niya ang mga mata at ilang saglit pa ay tumingin sa akin.
“May gagawin kaming mga projects.” tugon niyang muling binuhat ang baso ng gatas niya upang uminom na doon, “Sinabihan ka na ba ni Winter na sumama sa kanya?”
Marahan akong tumango sa kanyang katanungan sa akin.
“Oo, kahapon.” tipid kong tugon na pinagmamasdan ang kanyang reaction na hindi naman nagbago, mukhang ayaw pa rin yata niya kay Winter hanggang ngayon. “Pero gusto mo sanang sumama sa amin Ate, kung wala ka sanang projects na gagawin?”
She shrugged her shoulder, ilang segundo pa ang lumipas bago siya tumango sa akin. Ang mga mata niya ay napaka-transparent kung kaya naman ay mabilis iyong basahin kung napipilitan lang siya o tunay ang kanyang sinasabi sa akin. At sa palagay ko ay walang halo at bahid na napipilitan lang siya sa kanyang tinuran sa aking katanungan.
“Oo naman, na-miss ko na ‘ring kumain doon eh.”
Maliit akong ngumiti sa kanya, at least ngayon ay may pagbabago na sa kanya ukol sa pakikitungo niya kay Winter na ang buong akala ko ay mukhang walang pagbabago. Hindi kagaya ng dati na isinusuka niya na ito marinig pa lang niya ang pangalan nito.
“E ‘di sumama ka na sa amin, sabihin mo sa mga kasama mo na gagawin niyo iyong projects niyo ng Thursday.” suhestiyon ko sa kanya na ikinatitig niya sa aking mukha ng ilang segundo, sinundan niya na iyon ng tipid niyang mga ngiti sa akin ngayon.
“Sinabi ko na kaso ayaw pumayag ng ibang members doon, at sinabi ko rin naman kay Winter na Thursday na lang kami pumunta kaso sabi naman niya ay gusto niya ng Friday para maraming choices ng pagkain.” agad napawi ang aking mga ngiti doon, isa lang ang ibig sabihin nito na nauna talagang ayain ni Winter si Ate at second choice lang akong muli nito, “Eh ‘di sabi ko sa kanyang sa sunod na ako sasama.”
“Ganun ba? Oo nga, dapat pala sinabi ko kay Winter na Thursday na lang.”
“Ayaw niya ngang pumayag, sabi niya ay Friday ang gusto niya.” ani pa ni Ate na umikot na ang mga mata sa ere, “So ako dapat ang mag-adjust sa aming date?”
Saglit akong natameme, ang ibig sabihin noon ay matagal na siya nitong inaya doon. Hindi ito kasabay ng pag-aaya niya sa akin, at inaya niya lang ako dahil ayaw ni Ate.
“E ‘di dapat next Friday na lang kayo pumunta doon, baka that time wala ng projects na hahadlang.” sambit ko kahit na patuloy na lumalaki ang guwang sa aking dibdib, kahit na hanapan ko ng kasagutan ang aking pakiramdam ay wala akong mahanap.
“Nag-suggest na rin ako sa kanya niyan, ewan ko ba ang sabi niya this Friday na raw ang siyang gusto niya.” ismid pa nitong halatang naiirita na naman kay Winter, at makikita iyon sa kanyang mga mata na patuloy lang umiikot at halatang naiirita na. “E ‘di ang sabi ko sa kanya ay ikaw na lang ang isama at bilhan niyo na lamang ako. Nakita mo Summer? Hinding-hindi talaga kami magkasundo ng lalaking iyon!”
Malakas na akong tumawa upang pagtakpan ang selos at inggit na aking nadarama. Kahit na ako ang makakasama niya sa Friday doon, mananatiling si Ate ang fiancee niya at nakatakdang ikasal sa kanya kapag umedad na silang dalawa ng twenty.
“Ano bang mayroon sa Friday at ayaw niyang pumayag na ipagpaliban muna ito?” kuryusong tanong ko na rin sa kanya, imposible na wala lang iyon kay Winter.
“Ewan ko, anong alam ko sa kanya?” bahagyang irap pa nitong inubos na ang gatas sa baso niya, “Mas marami talagang common sa ugali niyong dalawa keysa sa amin.” muli pang giit nito na hindi ko alam kung ano ang gustong palabasin sa litanya niya.
Hindi na ako nagsalita pa na ipinagpatuloy na ang aking pagkain, wala naman akong sasabihin sa kanya. Alangan namang mag-suggest akong magpalit kami ng pwesto. Hindi naman din iyon pwede, at sina Mommy at Daddy pa rin ang masusunod doon.
“Siya nga pala ibinigay ko ang number mo sa kanya kagabi kasi hinihingi niya.” muntik na akong mabilaukan sa mga sinabi niya, hidni ko alam kung bakit kaagad akong kinabahan nang dahil doon. “Oh, tubig.” tulak niya ng baso sa aking harapan na agad ko namang nilagok at inubos, “Magkaibigan kayo pero wala kang number sa kanya? Anong kalokohan iyon, ha? Para kayong mga sira dahil sa walang contact.”
Inayos ko na muna ang aking itsura bago ko siya hinarap. Hindi naman porket magkaibigan kami ay kailangan na naming mag-save ng number ng bawat isa.
“Bakit daw niya hiningi? Wala naman siyang text sa akin pag-check ko kanina.”
Muling nagkibit siya ng kanyang balikat, halatang wala siyang alam sa tanong ko.
“Baka gusto niyang textmate kayo, aiyieee.” palakpak niyang tinawanan pa ako.
“Para kang tanga diyan Ate, ikaw ang magiging asawa noon pero nirereto mo ako.” nguso kong ginaya ang pag-irap ng kanyang mga mata sa ere kanina, sa aking loob ay hinihiling niya na sana ay siya na nga lang ang kanilang ipinagkasundo dito. “At saka may gusto iyon sa’yo, hindi mo lang napapansin dahil hindi mo binibigyan ng pansin.”
“Imposible na iyang sinasabi mo, sa mga naka-fixed marriage ay dalawang couple lang ang naiinlab sa sampung magkakapareha. Hindi lahat ng arranged marriage ay may happy ending sa dulo, minsan ay napipilitan lang silang mag-stay sa marriage iyon ay nang dahil sa kanilang mga anak o kung hindi naman ay sa negosyo nila.”
“Bakit si Mommy at Daddy? Arranged marriage rin naman silang dalawa hindi ba?” tanong ko sa kanya dahil minsan ko na silang narinig na nag-uusap ng tungkol dito.
“Yes, but bago pa man sila i-arrange marriage nila Ahma ay magkasintahan na sila.” tugon ni Ate sa akin na malawak pang ngumiti nang dahil doon, “Talagang tatagal sila dahil pagmamahal na noong una pa lang ang naging pundasyon nila ng kasal.”
Hindi na ako sumagot doon, ang tanging alam ko lang ay arranged marriage sila.
“Then why don’t you try na makipagrelasyon kay Winter bago pa man kayo ikasal?” suhestiyon kong ikinapawi ng kanyang mga ngiti, in a split second ay nais ko na lang hilahin ang aking matabil na dila. Hindi ko dapat sinasabi ang bagay na iyon sa kanya, sno ba naman akong walang alam sa mga bagay na ito dahil bata pa ako. “Malay mo Ate Autumn, kasama kayo sa mga arranged marriage na mag-work hanggang dulo? Bagay naman kayong dalawa, eh. Maganda ka tapos gwapo naman siya, hindi ba?”
Hindi na siya doon umimik at nagkomento na kapagdaka ay umahon na sa kanyang upuan, pagkatapos noon ay mabilis na rin siyang tumayo at binuhat ang cellphone. “Bilisan mo na diyan Summer at male-late na tayong pareho sa flag ceremony natin.”
Mabilis kong itinikom ang aking bibig, nang dahil sa kadaldalan ko ay paniguradong sira na naman ang buong maghapon ni Ate na sinimulan ko. Nilingon ko na ang maid na naghihintay sa akin na kunin ang aking lunchbox na kanyang hawak-hawak. Huminga muna ako nang malalim bago ako umahon sa aking upuan, kailangan kong mag-sorry kay Ate Autumn mamaya dahil alam kong napikon siya sa mga sinabi kong wala na sa hulog at linya.