Pang-apat na bote na ang naitumba ko. Pero hindi ko pa rin talaga ramdam iyong pagsipa. Gabi na. Pero sapat naman ang mga lamp post na nagbibigay nang liwanag sa resort na ito.
Kanina pa ako nakaupo rito. Hindi pa nag-dinner, pero para naman akong hindi nakakaramdam ng gutom. Kaya hindi ko na naisipan pang kumain. Sa panglimang bote ay agad ko lang din iyong naubos. Wala na. Pero nanatili pa rin ako sa pwesto ko. Lalo na ng mapansin ko ang papalapit na bangkang ang tanging liwanag lang ay ang flashlight na nasa mga ulo ng dalawang lalaking sakay. Kung hindi pa sila lumapit sa pangpang ay hindi ko pa makikilala ang sakay.
Ang isa ay iyong lalaking nakasabay kong kumain kanina sa karindirya. Iyong isa naman ay hindi ko kilala.
Well, pareho ko lang din naman silang hindi kilala. Ano bang name no'ng pogi?
Bumaba ang mga ito sa bangka. Topless iyong boy rito sa resort. Salamat sa liwanag na nanggagaling sa mga poste, kitang-kita ko ang pagfle-flex ng mga muscle nito. Nice. May abs din ito. Parang pang-supermodel ang tindig nito. Pati siyempre ang pagkakahulma ng kanyang katawan.
Parang pakiramdam ko'y dry na dry ang lalamunan ko habang pinagmamasdan ang lalaki. Uhaw sa lalaki? That's disgusting.
Kaya agad kong iniwas ang tingin ko sa lalaki.
Kung hindi ako niloko ni Edrik, hindi sana ganito ang ginagawa ko ngayon. Baka sa mga oras na ito ay nakikipagkwentuhan ako sa mga pinsan ko, habang nanonood ng TV o kaya naman ay nakikipag-late night talk ako sa nobyo ko.
Okay naman si Lala. Close ko rin iyon. Close ko ang lahat ng pinsan ko. Pero ano ba ang nalanghap nitong hangin para magbago na lang ng gano'n ang babaeng iyon?
"Excuse me, Ma'am Happiness." Agad akong napalingon sa nagsalita.
"Yes?" ani ko. Nagpakilala ito kanina. Ano na bang name nito?
Beth. Mabuti na lang at nahagip nang tingin ko ang name plate nito. Nakalagay roon ay Beth.
"Nagtataka po kasi kami kung bakit hindi ka pa nagdi-dinner. Kaya po nagpunta na ako rito. Gusto n'yo po bang ipaghanda namin kayo? Pwede po naming ihanda kahit anong request n'yo." Magalang naman nitong sinabi iyon. Pero ang tanong kasi ay kung gusto ko bang kumain?
"Ito ang kailangan ko." Sabay abot ko rito ng bote na walang laman. "Ah, no. Wala namang tama ang alak na ito. Pwede ba iyong mas hard pa? Iyong malalasing ako. Parang tubig lang kasi ito."
"Po? P-ero limang bote na po iyang nainom n'yo. Alanganin sabi ng babae.
"I want more, Beth. Maiksi lang ang pasensya ko ngayon kaya ibigay n'yo sa akin ang kailangan ko. May pambayad ako."
"Pero---"
"Do it o ipapatawag ko ang manager n'yo?" sorry kung kailangan ko pang takutin ito. Mukha kasing hindi madadaan sa pakiusap. Wala naman sigurong liquor ban dito? Walang cut off sa pag-inom, 'di ba?
"S-ige po, ma'am." Dali-daling kinuha nito ang mga bote ng alak na wala ng laman. Saka tumalikod at iniwan na ako.
Ibinalik ko na lang ang tingin ko roon sa dalawang lalaki na nasa pampang. Pero naglalakad na ang mga ito paalis doon. May bitbit silang timba. Mukhang marami silang huli.
Nang makaalis na sila nang tuluyan at hindi ko na makita ay sa dagat na ulit ang tingin ko.
Isang oras. Isang oras pa akong mag-stay roon pero wala pa ring ibinalik na alak sa akin. Naiinip na ako. Salubong na nga ang kilay ko at ready na akong magreklamo sa front desk nila, pero sumulpot ang lalaking kanina lang ay pinapanood ko na sakay ng bangka.
Ito ang may dala ng kailangan ko.
"Ito na ang alak mo." Agad kong tinanggap iyon saka ako nag-angat nang tingin dito.
"Salamat, boy."
"Boy?" ani ng lalaki. Ang makapal nitong kilay ay nagsalubong. Takang-taka sa itinawag ko rito.
"Hindi ko alam ang pangalan mo."
"Hindi ko ba nasabi kanina?"
"Hindi ko sure. Hindi ko matandaan... boy." Bumuntonghininga ang lalaki. Saka siya tumango.
"Theo ang pangalan ko."
"Theo... nice name." Bagay sa kanya. Pogi rin ang name. Akala ko'y aalis na ito. Pero kumilos lang ito para maupo ilang hakbang mula sa kinauupuan ko.
"What's your name?"
"Happiness. Happiness ang pangalan ko."
"Really?" tanong nito. Siguro'y nagtataka dahil kabaliktaran nang nararamdaman ko ngayon ang pangalan ko.
"Really." Tugon ko naman. Saka ko sinimulang buksan ang ikaanim na vote ng alak para sa gabing ito.
Para lang akong umiinom ng tubig. Inilapag ko nga lang no'ng nakalahati ko na.
"Kung uminom ka ay parang wala ng bukas." Komento nito. "Hindi maganda sa katawan iyan---"
"Hindi ko hinihingi ang opinion mo, Theo. Pero kung gusto mong humingi ng alak ay willing naman akong bigyan ka. Tapos na ba ang trabaho mo rito? Pwede ka na bang magpahinga at uminom na rin?"
"Yeah." Agad kong iniabot ang isang bote. Tahimik na ito nang magsimulang uminom.
Mas mabilis nga lang akong umubos, kaysa rito na hindi pa nakalahati ang alak na ibinigay ko.
"Nangingisda rin kayo. Madali lang bang manghuli?"
"No. It's hard, Happiness."
"Really?"
"It's dangerous too."
"Gusto kong masubukan iyang hard and dangerous na iyan. Gusto kong mangisda rin. May pwede ba akong rentahan sa lugar na ito?"
"Pwede kang sumama kay Mang Toyo. Nangingisda siya tuwing madaling araw, kung hindi naman ay sa hapon naman siya nanlalambat."
"Papayag kaya siya?"
"Papayag iyon kung hindi ka lasing."
"Okay. Noted. Saan ko siya matatagpuan?"
"Dito rin. Siya ang naghahatid ng isda rito sa resort." Tumango-tango ako. Para tuloy gusto kong kumain ng inihaw na barilyete.
"Masarap na pulutan iyong mga fresh na isda. May available kayang inihaw na barilyete ang restaurant?" tanong ko.
"Yeah. Tumawag ka lang sa kanila." Agad ko namang dinampot ang phone ko. In-save ko na ang number nila para madali na lang akong makaka-order sa kanila.
"Good evening, Miss Happiness---"
"Gusto ko pa ng alak. Pakidala rito." Sabay end ng call. Wait... iyon ba ang purpose nang tawag ko? Nakangiwing tinignan ko si Theo. Naiiling ang lalaki habang nakatitig sa boteng hawak n'ya. "s**t! Isda ang dapat kong order." Mabilis kong tinawagan ulit.
"Miss Happiness?"
"Samahan n'yo ng shot glass." Sabay end. Pero nang ma-realize ko ang sinabi ko. Inis nang ibinato ko ang cellphone ko. Buhangin naman kaya ayos pa naman siguro iyon.
"Lasing ka na." Naisip siguro nito iyon dahil mali-mali na ako.
"Mukha ba akong lasing? No." Ipinakita ko pa rito kung paano ko nilaklak ang alak na hawak ko. Hindi naman nagtagal at naihatid din ang alak na na-order ko. Ilalagay ko na lang siguro iyon sa ref. Tumayo ako't kinuha ang cellphone na ako rin naman ang nagbato. Saka ko binuhat na rin iyong mga bagong hatid lang na alak.
"Aalis ka na?" tanong nito sa akin.
"Oo. Pakilinis na lang iyan." Inginuso ko pa ang mga basyo ng bote. Bumagsak ang tingin ni Theo sa mga iyon.
"Ako ang gusto mong maglinis nito?" parang gulat na gulat naman ito.
"Oo, bibigyan na lang kita ng tip. D'yan ka na. Bye." Saka ako tumalikod at iniwan na ito. Tuwid pa naman ang lakad ko. Hindi rin nagdo-double ang tingin. Kaya nakabalik ako sa cottage at nakapasok sa loob. Nakuha ko pa ngang ilagay ang alak sa mini-ref. Bago ako nagtungo sa shower.
Hindi ako lasing, pero pagbagsak pa lang ng tubig mula sa shower ay kasabay na no'n ang luha ko.
Hindi maganda sa pakiramdam ang maloko. Sobrang sakit. Unti-unti akong napasalampak. Ang damit ko'y tuluyan nang nabasa.
Umiyak ako. Hinayaan kong malunod sa bumabagsak na tubig sa shower ang mga luha ko.
Hinayaan ko ang sarili ko na umiyak nang malakas. Wala namang makakarinig. Ang nagdadalamhati kong puso ay ramdam na ramdam ang labis na sakit.
For 5 years na relasyon. Parang kisapmata lang na nasira.
Nasaan na iyong mga pangako? Bakit parang napakadali na lang kinalimutan at binitiwan? Ibinigay ko naman sa kanya ang lahat.
Iyong virginity ko... siyempre hindi. Kasi tumatak sa isipan ko na dapat ay kasal muna. Pero kung hiningi n'ya iyon... baka naibigay ko rin dahil mahal na mahal ko siya.
Pero kaya pala hindi rin hiningi. Dahil sa pinsan ko pala n'ya kinukuha.
Para akong batang mas umatungal nang iyak.
Hindi ako tumigil... saka lang nang nanginginig na ako sa labis na lamig. Pinilit kong ikinilos ang katawan ko. Tinapos ko ang pagligo.
Nang matapos doon at makapagbihis ay deretso na sa kama. Doon ko ipinagpatuloy ang pag-iyak. Hanggang sa makatulog na ako.
--
Tanghali na ng magising. Hindi ko naramdaman ang tama ng alak kagabi. Pero iyong sakit ng ulo ko ay ramdam na ramdam ko ngayon. Nang tignan ko ang orasan ay nagulat pa ako na 9 am na. Kaya naman kumilos na ako para bumangon.
Hindi naman ako required na lumabas at magliwaliw. Pero kung buburuhin ko lang ang sarili ko rito ay baka maghapon lang akong umiyak.
Agad akong nag-ayos.
Mag-make up pa nga para lang itago ang eye bag.
Nang matapos ay binitbit ko ang sling bag na ang tanging laman lang ay wallet at cellphone ko.
Medyo hinawi-hawi ko pa ang alon-alon kong buhok. Bago ako nagsuot ng sandals at nagpasyang lumabas. Kakain muna ako sa restaurant bago ako lalabas. Magliliwaliw muna ako.
Maingat kong itinulak ang pinto ng restaurant kung saan ang agad kong nakita nang makapasok ay si Theo. Nagkakape ito at nakatutok ang tingin sa phone n'ya.
Ang nice naman ng lugar na ito. Ina-allow nila ang mga tauhan na tumambay sa ganitong kasosyal na restaurant.
Agad akong lumapit sa table ni Theo na ng in-tap ko ang table ay agad nag-angat nang tingin sa akin.
"Good morning, Theo." Bati ko rito. Hindi tulad kahapon ang outfit nito. Kahapon kasi ay medyo madungis ang suot nito. Ngayon ay plain white shirt at sweatpants na black.
Bagay na bagay rito. "Dito na ako upo, ha?" tinanong ko pero hindi ko na hinintay ang sagot. Nakatitig lang ito sa akin. Gusto siguro akong pigilan, but it's too late na. Nakaupo na ako, eh. Saka ako lumingon sa counter at nagtaas ng kamay.
Ang bango no'ng umuusok na kape ni Theo. Parang gusto ko rin no'n. Dali-daling lumapit ang waiter at ibinigay sa akin ang menu.
Balak pa sanang pormal na tanungin ako pero iniangat ko lang ang kamay ko para pahintuin ito.
"Theo, ano iyang kape mo?"
"Kopi luwak---" agad akong napaangat nang tingin dito. Hindi ako makapaniwala sa narinig. Afford n'ya iyon? Ah, baka free sa mga tauhan ng resort? Very nice.
Hinanap ko ang presyo sa menu ng kapeng sinabi nito. Agad naman akong napangiwi. Pero nag-order pa rin ako. Saka sinamahan ko na rin ng almusal dahil balak kong lumabas at hindi tiyak kung makakahanap ba ako ng kainan.
"May gusto ka bang kainin? Libre ko." Taking ko rito sabay abot dito ng menu.
"No, thanks."
"Okay. Iyon lang." Ibinalik ko ang menu saka ko muling tinignan si Theo.
"Mukhang may lakad ka?" napansin siguro nito ang ayos ko.
"Oo, lalabas ako. Magliliwaliw."
"K." Tipid na sagot. Sa totoo lang, habang nakaupo ito sa harap ko at nakasandal sa upuan ay hindi ko maiwasang mamangha talaga rito. Ang gwapo kasi talaga n'ya. Mukhang expensive rin. Mukhang hindi boy, pero papasang resort owner. Hindi naman sa nangdi-discriminate. Pero gano'n lang kasi talaga ang aura nito. Wait, parang discrimination na rin iyon. Sorry, Lord.
"Busy ka ba? May mga alam ka bang lugar na pwedeng pasyalan dito? Baka pwedeng mag-recommend ka naman. Para iyon ang una kong bisitahin."
"Wala." Tipid ulit. Parang bawat salita rito ay mahal, kaya paisa-isa lang ang lumalabas sa bibig nito.
"Wala? Sure ka? I tried na magtingin sa internet. Pero ilan lang naman ang na feature rito."
Hindi ito sumagot.
Tamang nag-ring ang phone nito. Nice. Parang latest phone ata iyon.
"Hello?" nangalumbaba ako at walang habas na tinitigan ito. "Ihanda na iyong sasakyan. Tuloy ang alis ko ngayon. Ilan ba iyong kailangan i-pick up? Ako na lang."
Pagkababa nito ng phone ay ipinagpatuloy nito ang pag-inom ng kape n'ya.
"Sama ako?" malawak ang ngising tanong ko rito.
"No." Kay tipid talagang magsalita. Pero kahit sinabi nitong no, sasama pa rin ako.