Chapter Three

2869 Words
HINDI ALAM ni Abby kung ano pang puwesto ang gagawin niya. Pero kahit na saan siya bumaling, hindi pa rin siya dalawin ng antok. Nang sumulyap siya sa alarm clock na nasa bedside table niya. Mag-a-alas dose na ng hatinggabi. Dapat sa mga oras na iyon ay naglalakbay na sa kawalan ang diwa niya at tulo laway na rin siya. Pero laman pa ng isip niya ang huling sinabi sa kanya ni Panyang. Wala sa loob na tumayo siya saka humarap sa malaking salamin. Sinuklay niya ang buhok ng mga daliri niya, saka pinagmasdan ang sarili simula ulo hanggang paa. Wala siyang nakikita kung hindi isang magandang dalaga. Alam mo kung bakit hindi ka mapansin ni Victor? Kasi daig mo pa siya kung pumorma. Mas lalaki ka pa. Kaya hindi niya makita na nagtatago sa likod ng mga damit mong panglalaki ang tunay at isang magandang babae Paulit-ulit na nagre-replay sa utak niya ang sinabi ng kaibigan. Then, she imagined herself wearing those pants and shirts. Oo nga. Mas mukha pa siyang siga kaysa kay Victor. Paano nga naman siyang mapapansin nito? Lagi na lang ay nakatali ang buhok niya at mas madalas pa, nakasuot siya ng baseball cap. "Ano kaya? Huwag kong itali ang buhok ko bukas? Mapansin na kaya niya ako?" Nagulat pa siya nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto niya at pumasok doon ang Mama niya. "Ma," usal niya. "Bakit gising ka pa?" "Hindi ba dapat ako ang magtanong sa'yo n'yan?" Napakamot siya ng ulo. Saka umupo sa silya sa harap ng dresser. "Wala lang. Hindi ako makatulog eh." Sagot niya. "Bakit ba tinititigan mo ang sarili mo sa salamin?" tanong ulit ng Mama niya. "Maganda ba ako, Ma?" sa halip ay balik-tanong niya dito. Napangiti ito saka siya nilapitan. Pinihit pa siya nito paharap sa salamin. Saka kinuha nito ang suklay at sinuklayan ang mahaba niyang buhok. "Napakaganda mo, anak. At hindi ko sinasabi ito dahil ako ang Mama mo. Dahil iyon ang totoo." Napangiti siya sa sinabi nito. "Ma, sexy ba ako?" Natawa ulit ito. "Oo naman. Mana ka yata sa akin." "Eh bakit hindi pa rin ako mapansin ni Victor?" tanong na naman niya. Bumuntong-hininga ang kanyang Ina. "Sinasabi na nga ba't diyan na naman ang bagsak ng usapang ito eh." "Kasi naman eh. Napaka-bulag ng tao na 'yun." "Anak, huwag mong ipilit ang hindi pa hinog. Pasasaan ba't mapapansin ka rin ni Victor. Pagdating ng tamang panahon. Mari-realize din niya na ang pag-ibig na hinahanap-hanap niya ay matagal na palang nasa tabi niya." "Sana nga po," usal niya. "O siya sige, matulog ka na at huwag ka nang masyadong mag-isip." Anang Mama niya. "Opo. Good night, Ma." "Good night." Kinintalan pa siya ng halik nito sa ulo bago lumabas ng silid niya. Napangiti siya habang hinahatid ng tanaw niya ang Ina. She's so blessed to have a mother like her Mom. Para nila itong kaibigan. Maging ang mga kuya niya ay open dito lalo na sa love life ng mga ito. Napaka-maunawain nito at makulit. Dito nga siguro siya nagmana ng kakulitan. Kaya hindi na kataka-taka kung hanggang sa mga panahon na ito at may edad na ang mga magulang niya. Kitang-kita pa rin nila kung gaano kamahal ng mga ito ang isa't isa. Napaling ang tingin niya sa litrato nila ni Victor na kuha noong highschool graduation nila. Naka-akbay ito sa kanya. Pinakatitigan niya ang mukha nito. "Kailan mo kaya ako mapapansin?" tanong niya sa lalaking tinititigan niya. "Hanggang kailan mo ako sasaktan ng hindi mo namamalayan? Kailan ka magiging aware na babae ako at hindi isang gaya ng iniisip mo?" Sa isiping iyon pumatak ang mga luha niya. Laging laman ng kanyang mga dalangin na sana'y tumigil na ito sa pagpapakilala ng kung sino-sinong babae sa kanya. Kung nalalaman lang ni Victor na daig pa niya ang pinapatay sa tuwing may kasama itong iba. "Hay naku, Abbygale. Matulog ka na lang. Nagkamuta ka pa." aniya saka bahagyang pinahid ang mga luhang kanina ay naglandas. "MAGANDANG UMAGA po, Aling Au. Si Pare ko? Gising na ba?" bungad niya sa Mama ng bestfriend niya. "Oh, magandang umaga rin Victor. Hayun at nananaginip pa yata. Puntahan mo na at ikaw nang bahalang gumising sa babaeng 'yon." Anito na may ngiti sa labi. Abbygale is his bestfriend since third year highschool. She is his best bud. Simula nang magkakilala sila ay hindi na sila nagkalayo pa. Kaya sa loob ng sampung taon. Naging malalim na ang pinagsamahan nila. Noong una ay binalak niyang ligawan ito, bagong salta lang noon si Abby sa lugar nila at sa school nila. Pero napatunayan niyang tomboy ito base na rin sa kilos at sa pananamit nito. Kaya naging kaibigan na lang niya ito. Pero madalas silang magtalo nitong mga nakaraang araw, dahil ang lagi niyang dine-date ay nagkakataon na type din nito. Kung may isang bagay siyang ipinagtataka tungkol sa kaibigan niyang ito. Iyon ay ang hindi nito pagkakaroon ng ka-relasyon. Hindi kagaya ng ibang tomboy na kakilala niya. Halos nakikipagsabayan sa kanya ng pambababae. Pagpasok niya sa loob ng simpleng tahanan ng mga Flores, ay naabutan niyang nag-aalmusal si Mang Bernard na Papa ni Abby. At ang dalawang nakakatandang kapatid nitong lalaki. Sina Allan at Axel. "Good Morning po, Mang Bernard." Bati niya sa Ama ng kaibigan. "Good Morning din," sagot nito. "O Vic, Pare. Kain." Alok sa kanya ni Axel. "Sige, salamat. Si Pare?" tanong agad niya. "Nasa silid niya. Baka natutulog pa 'yon. Gisingin mo na nga." Ani Mang Bernard. Dumiretso na siya ng akyat sa kuwarto nito. Ganoon sila sa bahay na iyon. Tiwala na ang mga magulang ni Abby sa kanya. Kaya maaari siyang pumasok sa kuwarto ng bestfriend ng ganoon lang. After all, hindi naman sila talo nito. Pinihit niya ang seradura. Saka diretsong pumasok sa loob. Parang gusto niyang pumihit pabalik nang makita ang ayos ng kaibigan. Pero magtataka naman ang mga kapatid at ang Ama nito. Paano ba naman ay nakasuot ito ng maikling shorts at naka-spaghetti strap na blouse? Isang bagay na hindi niya nakasanayan na makitang suot nito kapag natutulog. Lagi itong naka-pajama at naka-t shirt. O 'di kaya naman ay nakasuot ng shorts na mahaba. Pero ngayon lang niya nakita itong ganoon ang ayos. At ang siste pa, nakatagilid ito habang ang yakap ang banana pillow nitong kulay lavender. Kaya lantad sa kanya ang makinis at maputi nitong legs. Pilinig niya ang ulo. Tumigil ka nga Victor... Tigilan mo 'yang pag-iisip mo ng ganyan. Hindi kayo talo. Kaibigan mo siya... saway niya sa sarili. Naupo siya sa gilid ng kama nito. "Hoy Pare! Gising na!" sabi niya habang niyuyugyog ito sa balikat. Bahagya itong umungol. "Ano ba Victor?! Sasapakin kita diyan eh! Istorbo ka talaga!" singhal nito sa kanya. Natawa siya at bigla ay nawala ang kanina'y iniisip. "Tanghali na Pare! Tara, breakfast tayo sa Rio's." yaya niya dito. "Ayaw! Antok pa ako eh!" anito sabay takip ng unan sa mukha nito. Pilit niyang alisin ang unan saka hinila itong pilit patayo. "Bangon na kasi!" Hindi ito tuminag. Bagkus ay nanatili itong nakapikit at sadyang binigatan ang sarili. Hindi niya inaasahan nang bigla siyang hilahin nito kaya napasubsob siya sa kama nito. Eksakto naman na pagbagsak niya ay halos isang dangkal na lamang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. And he felt mesmerized as he stared closely at her face. Para itong manika sa ganda. Naroon ang kainosentehan nito habang nakapikit. Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. Sadyang mapupula ang mga iyon. Noon lang din niya natitigan at napansin ang flawless nitong balat. Ganoon na lang balikwas niya ng bangon ng bigla itong dumilat. Bumangon ito saka nag-inat at naghikab. "Hay talaga nga naman, akala ko makakatulog ako ng mahaba-haba. Iyon pala ay may isang Urangutan na darating at mang-iistorbo." Reklamo pa nito. "Ang dami mo pang reklamo eh! Maligo ka na kasi." "Ayoko nga!" sigaw nito. "O sige, ako na lang ang magpapaligo sa'yo." Pananakot niya dito. "Hep! Huwag na huwag kang magkakamali! Uupakan talaga kita!" sigaw nito. Natawa siya. "Ayaw mo naman pala eh. Tumayo ka na diyan baka magbago pa isip ko." "Siraulo!" singhal nito. "Lumabas ka na, doon mo na lang ako hintayin sa sala." "Bilisan mo ha!" bilin pa niya. "Oo na!" "ANG SARAP talaga ng tapang baka ng Mama mo." Puri ni Victor sa luto ng kanyang Ina. "Siyempre naman," sagot niya. "Ang gastos mo kasi, gusto mo lagi sa Rio's. Minsan naman, home cook meal tayo." "Oo nga." Sang-ayon nito. "Aling Au, puwede bang dito na lang ako mag-breakfast araw-araw?" baling nito sa Mama niya na ng mga oras na iyon ay abala sa pagko-crosstich. "Aba, Oo naman. Dalhin mo na lang din mga damit mo dito kung gusto mo. Tapos pakasal na kayo nitong si Abbygale ko." Anang Mama niya. Nanlaki ang mata niya sa sinabi ng Ina. "Mama naman!" saway niya sa Ina. Samantala, si Victor ay humagalpak ng tawa. "Aling Au talaga, masyadong palabiro. Alam naman ninyo na hindi kami talo nitong bunso n'yo." Anito. "Ah Oo nga pala, pasensiya na. Nakalimutan ko." Tila walang anuman na sagot nito pero nang sumulyap sa kanya ay tila ba pinipigilan nito ang matawa. "Hay naku, Mama. Kung anu-ano ang sinasabi mo." Nakukunsuming wika niya dito. "Nga pala, Pare. Balita ko, aabay ka sa kasal ni Panyang at Roy." Ani Victor. Napasimangot siya. Isa pa nga pala iyon sa dilemma niya. "Oo nga eh." "O eh bakit ka nakasimangot diyan? Hindi ba't kaibigan mo si Panyang?" tanong ni Aling Aurora. "Oo nga po. Okay lang sa akin na umabay ako. Ang problema kong malaki, iyong pagsuot ng gown." Napakunot ang noo ng Mama niya. "Ano bang problema mo doon?" "Ma, hindi ako sanay." Aniya. Tinignan siya ng Ina simula ulo hanggang paa. Nakasuot siya ng maong na puruntong shorts at naka-t shirt siyang puti bago nakasuot siya ng baseball cap. "Oo nga pala," usal nito saka muling binaling ang tingin sa tinatahi. "Alam ko na, mag-tuxedo ka na lang kaya!" suhestiyon ni Victor. "Ayoko nga! Baka gusto mong ikaw ang mag-suot ng gown!" Sabay-sabay silang napalingon sa matinis ang boses na nagsalitang iyon. Si Panyang. Nakatayo ito sa may pintuan at nakapameywang. "Hi Mama Au," bati nito sa Mama niya. Nilapitan pa nito ang huli saka humalik sa pisngi. "Kumusta na ang ikakasal? Kabado ba?" tanong ng Mama niya dito. "Hmm... Hindi naman po. Pero excited na ako." Siya naman ang binalingan nito. "Ikaw naman magandang tomboy, sumama ka sa akin dahil susukatan na kayo para sa gown na isusuot mo. At huwag na huwag kang magtatangkang tumanggi." Litanya nito. "Makakaimik pa ba ako. Eh sa haba ba naman ng sinabi mo." Aniya. Hinawakan siya nito sa pulsuhan saka siya hinila palabas ng bahay. "Hindi ka ba maggu-goodbye kiss sa irog mo?" pabulong na tanong nito sa kanya. "Shhh!" Natawa lang ito. "Diyan ka na muna, Pare." Aniya kay Victor. NAGLALAKAD si Victor papunta sa tindahan ni Olay nang biglang mag-ring ang cellphone niya. "Dude, what's up?" "Pare, punta ka dito sa studio ko sandali. May ipapakita lang ako sa'yo." "Humphrey Pare, kapag hindi tungkol sa babae 'yan. Pepektusan kita!" banta niya dito. "O sige, pustahan pa tayo." Natawa siya. "Good. Sige, I'll be there in a minute." Saglit lang ang nakalipas nang marating niya ang bahay ni Humphrey. Pagpasok niya ay bumungad ang sala na ginawa nitong studio. "Pare!" tawag niya dito. Lumabas mula sa isang silid ang kaibigan na nagsisilbing dark room nito. Tangan sa kamay nito ang isang maliit na brown envelope. "Sino ba 'yang bagong prospect mo?" tanong agad niya dito. Umangat ang isang gilid ng labi nito, saka napailing. "Basta, just take a look at it." Sagot nito sabay abot sa kanya ng envelope. Kunot-noong kinuha niya iyon. Pagbukas niya ay agad niyang tiningnan ang laman niyon. Pinakatitigan niya ang litrato. Halatang stolen shots iyon. Lalong nagsalubong ang kilay niya nang makita ang isang babae na may maganda at maamong mukha. And somehow, her face looks very familiar. Daig pa niya ang nahihipnotismo nang titigan niya ang mga mata nito. Daig pa nito ang nakasuot ng contact lens sa ganda ng mga mata nito. She has light brown eyes. Matangos ang ilong at natural na mapula ang mga labi nito. Ang inosenteng paglingon nito ay lalong nakapagpatingkad ng ganda ng dalaga. Kahit sa picture lang, kita niya ang ganda at straight na buhok nito. She can be a model for heaven's sake. Ganoon ito kaganda. Pilit niyang hinalukay sa isipan niya kung saan niya nakita ito. "Parang kilala ko 'to." Aniya sabay baling kay Humphrey. May isa pa siyang napansin. "Sa Rio's 'to, 'di ba?" Napailing si Humphrey sabay tawa ng malakas. "Really now? You're not sure kung kilala mo siya?" "Hindi ko matandaan eh. Basta, pamilyar sa akin 'tong babaeng 'to. Hindi ko alam kung isa sa mga naka-date ko." Lalong natawa ito. "Hey, bakit ka ba tumatawa diyan? Do I know her?" "Hay naku, Pare. Hindi ko talaga ine-expect na maririnig ko sa'yo 'yan." Ani naman nito. Inabaan niya ito ng suntok. Umiwas naman ito sa kabila ng hindi pa rin tumitigil na pagtawa nito. "Sabihin mo na kasi sa akin kung sino 'to?" pangungulit niya dito. Huminga muna ito ng malalim. "Victor, si Abby 'yan." Nanlaki ang mata niya sa sinabi ni Humphrey. Halos dumikit ang larawan sa mga mata niya. "Si Abby 'to?" halos pabulong na tanong nito. "Uh-huh. She's damn beautiful, right?" anang kaibigan sa seryosong tinig. "Yeah," wala sa loob na sang-ayon niya. "We didn't think behind her 'tomboy' image. She's hiding her true beauty." Naalala na niya kaninang umaga nang sa unang pagkakataon ay natitigan niya ito ng malapitan. Noon lang niya napansin ito bilang isang tunay na babae. "'Langya, mas maganda pa palang 'di hamak si Abby sa mga nakaka-date natin eh." Ani Humphrey. "Ligawan ko kaya si Abby, Pare." Automatic na uminit ang ulo niya. Hinablot niya ang t-shirt nito. "Back off, Dude." Ngunit tila hindi ito naapektuhan sa ginawa niya. Bagkus ay tumawa lang ito. "I knew it," anito. Binitawan niya ito. "What do you mean?" "You're jealous." "No! Of Course not!" agad niyang tanggi. Humphrey chuckled. "Look Pare, I am your friend. Kabisado na kita mga bata pa lang tayo. Somehow, you like her. Nabubulag ka lang ng pisikal na nakikita mo kay Abby." "Wala akong aaminin. Wala akong gusto kay Abby. Besides, we all know that she's one of us. She's one of the boys. And she's my bestfriend. She's just a friend. My bestfriend." "Ang tanga mo talaga, Pare. Ilang beses ko na bang sinabi sa'yo na hindi nga siya tomboy. Ikaw na lang yata ang naniniwala dito na tomboy siya. Halos lahat alam na babae siya. As is babaeng babae." Pinilig niya ang ulo. "Ah basta, Pare ko siya. Tapos!" "Bahala ka, ayaw mong maniwala. Amina 'yan picture ni Abby!" "Teka lang," aniya. Inisa-isa ulit niya ang mga larawan ng bestfriend. Napangiti siya ng makita ang isang kuha nito na seryoso at tila nagulat ito. Pero hindi nakakatawa ang hitsura nito. Bagkus, lalong nakapagpaganda dito ang inosente nitong paglingon. Idagdag pa ang tila pagtabing ng ilang hibla ng buhok nito sa mukha. Kinuha niya ang larawang iyon saka ibinigay ang mga natitira kay Humphrey. "Thanks dito." Usal niya sabay talikod. Habang naglalakad pabalik ng bahay niya ay hindi niya maialis ang mga mata sa mukha ni Abby. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nakikita niya. He didn't imagine her, to be as beautiful as this. Tama si Humphrey. Natakpan ng pagiging tomboy nito ang tunay nitong kagandahan. Bigla ay nawala sa mga kamay niya ang hawak na larawan. Nang tingnan niya kung sino ang 'epal' na iyon. Ang mga nakangising barkada niya bumungad sa kanya. Sina Jared, Vanni, Darrel at Ken. "What?" pa-inosenteng tanong niya. "Ang ganda no, Pare?" ani Vanni kay Jared, na siya pa lang humablot sa picture. "Oo nga. Sabi na nga ba't hindi tomboy 'tong si Abby eh." Sang-ayon naman ng huli. "O? Victor? Bakit may picture ka ng bestfriend mo?" Napailing siya saka bumuntong-hininga. Mukhang siya naman ang pagti-tripan nitong mga ito. "Eh ano," simpleng sagot niya. "Pero in fairness, Pare. Bagay kayong dalawa ni Abby." Dagdag pa ni Darrel. Kinuha niya sa kamay ni Jared ang larawan. "Huwag na nga kayo! Mga intrigero talaga kayo! Gusto ko na tuloy magduda kung paano ko kayo naging kaibigan." Nagkibit-balikat lang ang mga ito at binalewala ang sinabi niya. "Diyan na kayo, uuwi na ako." aniya. "Pare, huwag mong pagnasahan si Abby ha?" pahabol ni Jared. "Oo nga," sang-ayon naman ni Ken. "Kasalanan sa Diyos 'yon!" si Vanni. "Tsaka sabi mo Pare mo 'yon!" sabi naman ni Darrel. "Ewan ko sa inyo!" Umahon ang isang mahiwagang damdamin sa puso ni Victor. Ngayon niya napagtanto na tila kaysarap pa lang titigan ang magandang mukha ni Abby. Parang ayaw na niyang alisin pa ang mga mata sa larawan nito. Ngunit may isang bagay na pinaalala sa kanya ang isip niya. They are bestfriend. And he plays with his girls. Kung i-e-entertain niya ang kakaibang nararamdaman para sa matalik na kaibigan. Pihadong masasaktan ito. And that's the least thing he will do. Ang makitang nasasaktan at umiiyak si Abby ng dahil sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD