TEN YEARS LATER...
"Hi Ma'am, Sir. Welcome to Rio's Finest! Good Morning!" bungad niya sa bagong dating na customers.
Hinatid niya ito sa isang bakanteng upuan. Agad niyang nilatagan ng placemat ang mesa. At dahil tatlo ang mga ito. Tatlong placemat ang nilagay niya, pinggan at tatlong pares din ng kutsara at tinidor. Saka tatlong baso. SOP nila iyon o Standard Operating Procedure kapag may bagong dating na customers.
"Ma'am, doon na lang po sa counter kayo umorder." Aniya sa customer na babae.
Tumango at ngumiti ang babae bilang sagot. "Thanks," anito.
Mayamaya ay tumayo naman ang magkaparehang customers na kumakain sa kabilang mesa. Mukhang tapos na ang mga ito.
"Thank you Ma'am/Sir! Please come again!" aniya sa malakas na boses. Nilapitan niya ang iniwan na mesa ng huling lumabas saka niligpit ang pinagkainan nito. Diniretso niya iyon sa kitchen. Naabutan niyang abala sa pagluluto ang Executive Chef at may-ari ng Rio's Finest na si Chef Vanni at ang fiancé nito at Assistant Chef na si Madi.
"O Abby? Breaktime mo na. Actually, kanina pa nga dapat." Ani Vanni.
Sumulyap siya sa suot niyang wristwatch. Oo nga naman. Hindi niya namalayan ang oras dahil sa sunod-sunod na dating ng mga customers. Ala-una na pala. Alas-dose ang break time niya. Nang mga oras na iyon lang din niya naramdaman ang gutom.
"Kumain ka na muna." Dagdag ni Mads.
"Okay. Salamat po!"
Agad niyang hinubad ang hairnet saka nilugay ang hanggang likod niyang buhok. Nakahinga siya ng maluwag pagpasok niya ng pantry na nasa bandang likod ng kitchen. Doon sila tumitigil kapag breaktime nila. Airconditioned ang silid. May isang mahabang mesa at ilang upuan. Naabutan niyang kumakain si Mayet at ang iba pa nilang kasama.
"O? Mabuti naman at naisipan mong magpahinga." Anito.
"Hindi ko namalayan ang oras eh." Sagot niya.
"Kain ka na." alok ni Rey, isa sa kitchen steward.
Agad siyang umupo sa tabi ni Mayet. Inabutan siya ng kutsara't tinidor at pinggan nito. Nilapit naman ni Rey ang kanin at ulam sa kanya.
"Ayan ha? Baka naman gusto mong subuan pa kita." Ani Mayet.
"Thank you nga 'di ba?" sabi niya.
Nang malagyan ng pagkain ang pinggan ay agad siyang sumubo ng dalawang magkasunod.
"Hoy! Hinay-hinay lang, baka mabulunan ka."
Hindi niya inintindi ito. Sumubo ulit siya ng dalawang magkasunod.
"Ah alam ko na kung bakit ka nagkakaganyan. Nagbi-busy busyhan ka kanina pa. Tapos ganyan ka kumain. Sigurado, may bagong babae na naman si Victor." Ani Mayet. Nang marinig niya ang pangalan ng binata ay biglang bumara ang pagkain sa lalamunan niya. Nanlaki ang mga mata niya. Saka kinampay ang isang kamay sa hangin. Habang ang isa ay nakahawak sa lalamunan niya.
"Hala, nabulunan na nga." Sabi ni Rey sabay abot ng isang basong tubig. Agad niyang kinuha iyon saka tinungga.
Nang sa wakas ay malunok na niya ang pagkain. Nakahinga siya ng maluwag.
"Hay... akala ko katapusan ko na." buntong-hininga niya. Inambaan niya ng suntok si Rey. "Lintik ka! ikaw pa yata ang papatay sa akin eh!"
"Oh! Relax lang! Joke lang 'yon, malay ko bang magkakatotoo." Depensa nito.
"Hay naku... napaka-predictable mo." Ani Mayet.
"Tumahimik ka nga, Mayet." Saway niya sa kaibigan.
"Twenty eleven na Abby. Ang lahat ng tao nakausad na sa kanya-kanyang buhay nila. Parang ikaw na lang yata ang hindi."
ani Mayet.
"Ewan ko sa'yo." Usal niya saka pinagpatuloy ang pagkain.
"Move on na kasi. Hindi na magbabago 'yong taong 'yon. Playboy si Victor. Noon at hanggang ngayon." Sabi ni Mayet.
"Puwede? Kumakain ako. Baka hindi ako matunawan, banggit ka ng banggit sa pangalan ng timawang 'yon." Aniya.
"Weh?" pang-aasar pa lalo nito.
"Diyan ka na nga lang muna. Babalik na ako. Tapos nang breaktime ko." Ani Mayet.
Tumango lang siya saka pinagpatuloy ang pagkain. Muling naglakbay
ang isip niya. Tama si Mayet. Nakausad na halos lahat ng tao sa buong Tanangco Street. Siya na lamang yata ang hindi. Dahil wala pa ring ipinagbago ang damdamin niya. Si Victor pa rin ang lihim na isinisigaw ng puso niya. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong alam sa tunay niyang nararamdaman. Hanggang ngayon ay tomboy pa rin ang tingin nito sa kanya. At sa tuwing may ipinakikilala itong babae sa kanya. Girlfriend man nito o ka-fling lang. Daig pa niya ang sinasaksak ng paulit-ulit sa dibdib.
Kapag hindi na niya kinakaya ang sama ng loob ng dahil sa selos ay inaaway niya ito. Pero ang tanging alam nito, kaya siya nagagalit ay dahil may gusto din siya sa babaeng pinakilala nito. Gaya na lang ng nangyari kagabi. Kulang na nga lang ay sigawan niya ito ng manhid.
"Magsama kayo ng babaeng 'yon," bulong niya sabay kagat ng hawak niyang pakpak ng manok.
Napapitlag pa siya nang biglang bumukas ang pinto. Pumasok doon si Madi. Mabuti na lang at patapos na siyang kumain.
"Tapos ka nang kumain?" tanong nito.
Tumango siya. "Bakit? Madami bang customers ulit?"
"Hindi. Hinahanap ka ni Victor. Nasa labas." Sagot nito.
Automatic na napasimangot siya. "Hayaan mo siya."
"May LQ na naman kayo?"
Nalukot ang mukha niya. "LQ? Malamang. Kung hindi ako ganito."
"Hay naku Abby, stop pretending."
Hindi siya nakakibo. Marami na halos ang may alam na hindi siya totoong tomboy. Hindi niya alam kung tanga ba talaga o sadyang manhid lang itong si Victor. Ito na lang yata ang naniniwala na may pusong lalaki siya. Minsan nga, sabi ni Panyang. Halikan niya ito para malaman nitong babae siya.
"Harapin mo na kasi," sabi ni Madi.
"Sige, susunod na ako." tugon niya.
Habang nagliligpit ng pinagkainan ay muli na naman siyang sinalakay ng kaba. Bakit nga ba hindi na nasanay ang puso niya? Sampung taon na simula nang una niyang maramdaman ang pag-ibig para sa kaibigan. Pero naroon pa rin ang kaba niya sa tuwing nakakaharap niya ito. Tanga na nga yata ang tawag sa kanya o mas tamang sabihin na martir.
Huminga muna siya ng malalim. Siguradong aakalain na naman nito na type din niya ang babaeng kasama nito kagabi kaya siya nagalit. Bahagya pa niyang sinuklay ng mga daliri ang buhok niya bago lumabas sa kabilang pinto na nagdudugtong sa Dining Area.
"Break time mo pa, 'di ba?" tanong agad nito nang makita siyang lumabas mula sa pantry.
"Oo, bakit ba? Hinahanap mo daw ako. Ano bang kailangan mo?" sunod-sunod na tanong niya. Sinadya niyang tarayan ang boses niya para ipaalam dito na talagang naiinis siya.
"Sorry na, Pare. Hindi ko naman alam na type mo rin si Marcy." Anito.
Sabi na nga ba eh...
"Hoy! Hindi ko type 'yon ano? Tsaka pwede ba? Kilabutan ka naman."
"Eh bakit ka ba kasi nagalit?"
Nanang ko po! Ang sarap manapak ng Manhid!
"Ewan ko sa'yo! Lagi ka na lang walang alam!"
Sinabakan niya iyon ng talikod. Pero nahagip pa rin nito ang isang braso niya.
"Kung ano man ang kasalanan ko sa'yo. Sorry na. Huwag ka ng magalit sa akin. Please..."
Pumikit siya. Ayaw niyang salubungin ang kulay tsokolateng mga mata nito. Baka mahipnotismo na naman siya at patawarin na naman niya ito ng wala sa oras. Gaya ng laging nangyayari. Isa pa. Baka lumambot na naman ang puso niya dito.
"Hay naku, tigilan mo na nga muna ako. Matutulog na lang ako. Nagkamuta at napahinga pa ako. Hindi katulad na 'pag ikaw ang kaharap ko, walang akong mapapala sa'yo." Sabi niya sabay talikod at lakad pabalik sa pantry.
Narinig pa niyang tinawanan ng ibang Tanangco Boys na naroon si Victor.
"Abby wait! Pare!"
Hindi niya inintindi ito. Pagpasok niya sa loob ay nadatnan niya na kumakain naman ang newly engage couple.
"Kumusta naman 'yun? Tinarayan mo ang beloved Pare mo." sabi ni Madi pag-upo niya.
"Eh ano," usal niya.
"Ikaw na kasi ang manligaw para malaman niya na hindi ka talaga tomboy." Sagot nito.
"Hindi pa ako nababaliw, Chef. Ayoko nga!" mabilis niyang wika.
"Hayaan mo nga ang dalawang 'yan. Pasasaan ba't sa happy ending din ang hahantong ang storya ng mag-bestfriend na 'yan." Ani Madi.
"Gaya natin dalawa." Dagdag naman ni Vanni.
"Tama!" sang-ayon ng babae. Halos tumirik ang mata niya nang mag-kiss ang dalawa sa harap niya.
Kung hindi lang niya amo ang dalawang ito. Malamang na pinag-untog niya ito.
"Sa harapan ko pa talaga. Hay... mas mababaliw yata ako dito. Doon na nga lang ako kay Olay." Aniya.
Mabuti na lang at wala na ang timawa niyang bestfriend paglabas niya. Kaya hindi na siya tumuloy sa tindahan ni Olay. Doon na lang siya sa loob ng Dining Area.
"Bawal sumimangot dito." Ani Mayet.
"Nakakainis kasi eh." Asik niya.
"Huwag mo na ngang pansinin 'yan si Victor. Para naman hindi ka pa nasanay diyan. Alam mo naman na parang nagpapalit lang ng brief niya 'yan kapag nagpapalit ng syota." Ani Humphrey na hindi niya napansin na naroon pala. Hawak nito ang kulang na lang ay pakasalan nitong professional camera nito.
"Abby," tawag nito sa kanya.
Paglingon niya dito ay bigla niyang narinig ang sunod-sunod na click ng camera nito.
"Humphrey naman eh!" maktol niya. "Paparazzi ka talaga!"
Napansin niyang napakunot-noo ito pagkatapos ay sumulyap sa kanya ito muli. Nagpalipat-lipat ito ng tingin sa kanya at sa camera.
"Bakit ba?" tanong niya.
Umiling lang ito.
"Alam ko na, pangit ang kuha ko diyan. Burahin mo 'yan ah!" mahigpit niyang bilin dito.
Tumango lang ito bilang sagot. Saka agad na tumayo at patakbong lumabas ng Rio's.
"Ano bang nangyari doon?" nagtatakang-tanong niya.
Nagkibit-balikat lamang si Mayet. "Malay ko."
Bigla ay bumalik ulit si Victor. Aalis na sana siya pero naharang na siya nito.
"Please, talk to me."
"Ang kulit mo naman eh." Naiiritang wika niya.
"Huwag ka na kasing magalit. Hindi naman kita maintidihan eh." Ani Victor.
Hindi mo talaga ako maiintindihan. Dahil hindi mo alam ang tunay na nararamdaman ko...
"Alam mo kung bakit ako naiinis sa'yo. Kasi ang tanga mo. Sasaktan ka lang ng babaeng 'yon."
Natawa ito. "Iyon ba? Hindi rin naman ako seryoso sa kanya, no?" sagot nito. "Kaya okay lang 'yon!"
Napailing siya. "Siraulo! Ayaw na kitang maging kaibigan." Aniya sabay lakad pabalik sa loob ng pantry.
"Pikon! Joke lang 'yon." Pahabol na wika ni Victor.
"Mamaya na tayo mag-usap. Babalik na ako sa trabaho." Aniya.
Pagpasok niya sa loob ng pantry ay napasandal siya pagkasarado ng pintuan. Saka pumikit.
Lord, kailan ba niya makikita na ako ang tunay na nagmamahal sa kanya?
"ABBYGALE!"
Napalingon siya sa tumawag sa kanyang iyon. Naglalakad siya ng mga oras na iyon, katatapos lang ng duty niya sa Rio's at pauwi na siya. Isang Panyang na humihingal ang nalingunan niya.
"Oh? Bakit?" tanong niya.
Hindi agad ito sumagot. Hinahabol muna niya ang hininga. Inabot niya dito ang hawak na bote ng mineral water.
"Uminom ka nga muna," aniya.
Matapos uminom ay huminga muna ito ng malalim.
"Salamat," usal nito.
"Ano bang maipaglilingkod ko sa'yo?" tanong niya.
"May hihingin sana akong favor sa'yo eh."
"Ano ba 'yon?"
"Hindi ba HRM graduate ka? And marunong ka sa flower arrangement. Puwede bang ikaw ang gumawa ng bouquet ng mga abay? Pati na rin 'yong bouquet ko?"
Napanganga siya. "Ano? Bakit ako? Marami naman diyan na mas magaling na di hamak kaysa sa akin."
"Ikaw naman oh. Alam kong magaling ka."
"Eh..."
"Hay naku, huwag ka nang mag-eh eh pa diyan. Basta, ikaw ang florist ha? And isa pa nga pala, isa ka sa mga bridesmaid."
"Ay, ayoko!" agad niyang tanggi.
"Hindi puwede. Bawal daw tanggihan ang ikakasal."
Gusto niyang maiyak sa sinabi nito. Ibig sabihin noon ay magsusuot na naman siya ng gown. May phobia na siya kapag nagsusuot siya ng damit pangbabae. Naalala niya noong highschool sila. Pinilig niya ang ulo.
"Puwede bang iba na lang ang kunin mong bridesmaid. Sige, payag na akong maging florist mo. Basta, huwag lang akong aabay." Patuloy niya sa pag-protesta.
"Hay naku... Sorry, nakalista ka na sa invitation."
Gusto niyang maglupasay sa semento na parang bata. Ayaw talaga niyang magsuot ng gown.
2
"Panyang naman eh." Maktol niya.
"Naman! Huwag ka nang mag-reklamo kasi. Alam mo kung bakit hindi ka mapansin ni Victor? Kasi daig mo pa siya kung pumorma. Mas lalaki ka pa. Kaya hindi niya makita na nagtatago sa likod ng mga damit mong panglalaki ang tunay at isang magandang babae." Mahabang paliwang nito.
"Nambobola ka pa."
"Huwag kang Pengkum! Totoo lang ang sinabi ko. Kaya mamaya, pag-uwi mo. Humarap ka sa salamin. Tapos ilugay mo ang buhok mo. Saka mo sabihin sa akin kapag nagkita tayo ulit na mali ang lahat ng sinabi ko." Sagot naman nito.
"Oo na. Pumapayag na ako. Aabay na ako sa kasal mo."
Ngumisi ito. "Yan! Papayag ka rin pala. Pinagod mo pa ako sa kakalitanya."
"Lukaret!"
"Inggit ka!"
Natatawang napailing siya. Wala talagang tatalo sa kakulitan ng babaeng iyon. Mag-aasawa na rin lang, isip-bata pa.
"Sige na, uuwi muna ako." anito sabay lakad palayo. Sinundan pa niya ito ng tingin. Ganoon na lang ang tawa niya ng matalisod ito, mabuti na lang at hindi ito sumubasob sa semento. Kunwari'y walang nangyari, tumayo ulit ito ng diretso saka muling pinagpatuloy ang paglalakad na kumekendeng pa.
Mabuti pa siya. Kahit makulit. At least, masaya kasama ng mahal niya. Ako kaya? Magiging kasing saya din kaya ako ni Panyang?