PINAKATITIGAN ni Abby ang lavender gown na naka-hanger sa likuran ng pinto ng silid niya. Iyon ang isusuot niya sa JS Prom nila mamayang gabi. Gusto niyang kilabutan, isipin pa lang na suot niya iyon ay nais na yatang bumaligtad ang sikmura niya. Napasalampak siya ng upo sa kama sabay hablot ng suot niyang sombrero.
"Nakakainis naman kasi eh! Kung bakit ba naman kasi nauso pa ang JS-JS Prom na 'yan!" maktol niya habang pumapadyak pa.
Pabagsak niyang hiniga ang katawan sa malambot na kama. Habang nakatitig sa kisame ay imahe ng crush niya ang nakita niya. Napangiti siya. Kung hindi lang dahil dito, wala talaga siyang kabalak-balak na umattend sa prom na iyon. Kaya lang, ayaw niyang palagpasin ang pagkakataon na makasama ito.
"Abby!" anang tinig ng kanyang Ina.
"Po!"
"Naligo ka na ba?"
Bumalikwas siya ng bangon sabay kuha ng tuwalya na nakasabit sa upuan ng dresser niya. "Maliligo na po!" sigaw niya.
Bigla ay bumukas ang pinto. Isang nakukunsuming Ina ang pumasok doon.
"Hay naku, ikaw na bata ka. Maligo ka na at nang ma-umpisahan nang pagme-make up sa'yo. Baka mahuli ka sa JS Prom mo."
"Opo. Maliligo na nga po." Aniya.
"Hala't bilis! Kilos na!" anang Ina niya habang tinutulak pa siya nito papunta sa pinto ng banyo ng kuwarto niya.
"Si Mama, ang kulit! Mas excited pa sa akin."
"Natural, eh ikaw ang nag-iisang anak kong babae."
"Puwede bang hindi na lang ako umattend?"
"Heh! Tumigil ka! Sayang ang ganda mo at sayang ang mga ginastos natin sa isusuot mo. Isa pa, ikaw rin. Hindi mo makakasayaw si Victor kapag hindi ka pumunta."
"Si Mama talaga!"
Natawa lang ang Mama niya. "Joke lang, sige na. Ligo na, Anak ko."
Habang nasa loob ng banyo ay napailing siya. Kahit kailan talaga ay makulit ang Mama niya. Hindi kagaya ng ibang Ina diyan na hindi makapag-open sa kanila ang mga anak nila. Hindi sa kanilang mag-ina. Daig pa nila ang mag-bestfriend. Siguro'y dahil sa nag-iisa siyang babae sa tatlong magkakapatid, tapos ay bunso pa.
Napabuntong-hininga siya. Ano kaya ang magiging hitsura niya mamaya? Hindi siya sanay na nagsusuot ng palda o kahit na anong damit na pangbabae. Hindi rin siya sanay na magsuot ng mga matataas na sapatos. Mas komportable siya sa pantalon, maluwag na t-shirt, puruntong shorts at rubber shoes. In short, mas gusto niya ang mga damit na panglalaki.
Kaya napapagkamalan siyang tomboy. Iilan lang sa mga kaibigan niya ang nakakaalam na hindi naman talaga siya tunay na ganoon. Iyon lang talaga ang nakasanayan niya dahil napapaligiran siya ng mga lalaki sa buhay niya. Ang dalawang Kuya niya, ang Papa niya at si Victor. Kahit noong mga bata pa silang magkakapatid. Ang mga Kuya na niya ang mga kalaro niya. Kaya siguro nasanay siya sa mga larong panglalaki. Pati na ang pananamit niya ay nai-impluwensiyahan ng mga ito.
Dalangin na lang niya na sana'y hindi siya matapilok sa harap ng mga kaklase niya mamaya. Dahil pihadong pagtatawanan siya ng mga ito.
Mag-iisang taon na rin pala simula nang lumipat sila doon sa Tanangco. Partikular na sa Barangay Buting. Malapit lang kasi sa lugar na iyon nadestino ang Papa niya bilang Pulis. Ayaw naman ng Mama niya na magkahiwalay silang pamilya kaya sumama sila sa padre de pamilya nila. Iyon lang, sakripisyo siya dahil kinailangan niyang iwan ang mga kaibigan niya sa inalisan nilang lugar. Pero sa una lang siya naging malungkot dahil nang mag-transfer siya ng eskuwelahan ay nakilala niya ang matalik niyang kaibigan. Si Joneil Victor Pineda.
Bukod pa sa mababait ang karamihan sa mga naging mga kaibigan niya. Siyempre, hindi mawawala ang mga kontrabida sa buhay niya. Mga babaeng galit sa kanya at naiinggit dahil sa closeness nila ni Victor.
Pero balewala sa kanya iyon. Dahil naroon naman ang bestfriend niya na handa siyang ipagtanggol.
"Hoy Abbygale!"
Nagulat pa siya nang biglang kumalabog ang pinto ng banyo.
"Ano ba 'yon?" sigaw niya.
"Bilisan mo diyan, kanina ka pa naliligo ah. Hindi naman aamuyin ni Victor ang kilikili mo!" anang Kuya Axel niya, ang panganay niyang kapatid.
"Siraulo! Bakit ka ba nakikialam?" asik niya dito.
"Nandito na 'yung mag-aayos sa'yo."
"Kayo na lang kaya ang mag-JS, mas excited pa kayo eh." Aniya.
"Basta bilisan mo diyan," sagot lang nito. Mayamaya ay hindi na niya ito narinig pang nagsalita. Binilisan na nga niya ang paliligo. Masyado siyang naging abala sa pag-iisip. May mas importante pa nga pala siyang dapat gawin.
HINDI MAKAPANIWALA si Abbygale sa nakikita ng mga mata niya sa harap ng salamin. Siya ba talaga ito? Pinakatitigan niya ang sarili habang suot ang lavender gown. Napangiti siya. Hindi niya akalain na ganito kaganda ang magiging hitsura niya kapag naayusan. Napipilitan siyang mag-suot ng palda dahil sa uniform nila sa school. Pero iba ito. Formal event ito. At bukod sa gown na suot niya ay high heeled shoes ang suot niya sa paa at naka-kuntodo make-up pa siya.
Mas lalong na-emphasize ang ganda ng mata niya nang malagyan ng eye shadow na kakulay ng suot niya. Ang lipstick niya ay hindi ganoong makapal dahil na rin sa natural na kulay ng labi niya na pula. Habang ang mahabang buhok niya na hindi niya nakasanayang ilugay at laging nakatali, ngayon ay nakalugay at kinulot pa ang dulo niyon. Nilagyan din siya ng headband na may naka-disenyo na Swarovski crystal. All in all, she looked like a princess in her own eyes. And then, she wondered. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Victor kapag nagkita siya?
"My Gosh! Ang ganda mo pala lalo kapag naaayusan eh." Puri ng bading na nag-ayos sa kanya.
"Salamat," usal niya.
"Ang ganda ganda naman talaga ng anak ko, manang-mana sa Ina." Sabi naman ng Mama niya.
"Sus! Aurora, nagbuhat na naman ng sarili niyang bangko." Anang Papa niya.
"Hoy Bernardo! Nagsasabi lang ako ng totoo."
"Sa akin nag-mana si Abby. Hindi ba anak?" sagot ng una sabay baling sa kanya.
Napailing siya. Hindi na siya nagtataka kung saan niya namana ang kabaliwan niya. Heto sa harapan niya ang puno ng lahat ng kalokohan. Natawa siya sa naisip.
"Eh, mag-jack en poy na lang kayo. Kung sino panalo sa kanya ako nag-mana."
"Kalokah ha! Kakalokah kayong mag-anak!" singit ng bading.
"Wow 'tol! Ikaw ba 'yan?" namimilog ang mga matang tanong ng Kuya Allan niya, ito ang pangalawang Kuya niya.
"Hindi halatang chicks din ang gusto mo ah," biro pa sa kanya ng Kuya Axel niya.
"Axel! 'Yang bibig mo ha? Hindi tomboy ang kapatid mo!" saway dito ng Papa niya.
Nginisian niya ang kapatid saka binelatan ito. Then she mouthed. "Buti nga."
"Sorry 'Pa, joke lang 'yun." Hinging-paumanhin nito sabay kamot sa batok nito.
"Bumaba ka na. Naghihintay na sa'yo si Humphrey." Singit naman ni Allan.
"Si Humphrey?" gulat niyang tanong. Bakit ito ang naroon? Hindi ba't si Victor ang inaasahan niyang susundo sa kanya. Iyon ang kasunduan nila ng bestfriend niya. Ito ang prom date niya. Ngunit bakit bigla ay ang kabarkada nila ang nandoon.
"Oo. Bumaba ka na at baka mahuli pa kayo." Wika ulit ni Allan.
Paglabas pa lang niya ng silid ay kitang-kita niya nang mamilog ang mga mata ni Humphrey. Saglit itong natulala. Kung hindi pa ito bahagyang tinapik ng Kuya Axel niya sa balikat ay hindi pa ito matatauhan.
"Hoy, matunaw ang kapatid ko."
Kumurap ang mga mata ng kaibigan niya. "Abby? Ikaw ba 'yan? Hanep ah! Ang ganda natin ah." Anito.
Ngumiti siya. Ngunit hindi iyon umabot sa mga mata niya. Hindi niya maiwasan ang madismaya. Ang inaasahan niyang ang taong magbibigay sa kanya ng unang papuri bukod sa pamilya niya ay si Victor.
"Thanks. Nasaan nga pala si Pare?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang matalik na kaibigan. Pare ang tawagan nilang dalawa.
"Ewan ko ba doon. Hindi ko nga alam kung pupunta pa 'yon eh. Mabuti na lang at wala akong prom date. Kung hindi walang susundo sa'yo." Dagdag pa nito. Third year highschool sila ni Victor. Samantalang, nasa fourth year naman ito.
Nagsalubong ang kilay niya. Saan naman kayang kweba nagsuot ang lalaking iyon?
"Tara na, Abby." Yaya sa kanya ni Humphrey. Tumawa ito. "Siguradong maraming magugulat kapag nakita ka nila."
"Heh! Tumigil ka na nga!"
"Sige po, aalis na po kami." Paalam nito sa mga magulang niya.
"Ingatan mo ang anak namin ha? Iuwi mo ng maaga." Mahigpit na bilin ng Papa niya.
"Opo, makakaasa po kayo." magalang naman wika nito.
Paglabas nila ng bahay ay nakita niyang nakaparada ang itim nitong kotse. Pagdating sa sasakyan ay pinagbukas pa siya nito ng pinto.
"Gentleman? Hindi bagay." Biro pa niya dito.
"Baka ibitin akong patiwarik ni Victor kapag hindi kita ingatan. Iyon pa naman ang mahigpit na bilin no'n sa akin. Daig pa Papa mo."
Umahon ang mumunting saya sa kanyang puso. Kung ganoon ay mahalaga siya para sa bestfriend niya. Tanging dalangin niya ay sana'y makarating ito sa prom.
Habang lulan ng sasakyan at patungo sa school kung saan gaganapin ang JS Prom nila. Hindi mawala ang kaba niya sa dibdib. Siguradong aasarin siya ng mga kaklase. Hindi pa naman sanay ang mga ito na nakikita siyang nakaayos.
"I'm sure. After this, maraming manliligaw sa'yo." Bigla ay wika ni Humphrey.
"Ano?"
"True."
"Hindi kaya. Ang alam nila ay tomboy ako. Pati si Victor, iyon ang alam."
"Sa ganda mo ngayon, siguradong maraming hahanga sa'yo."
"Tama na nga. Ayokong magpaligaw. Bata pa ako."
Natawa ito. "Iyon ba talaga ang dahilan? O may hinihintay ka lang na iba kaya ayaw mo?"
Humalukipkip siya sabay paling ng tingin sa kabilang side. Ayaw niyang sagutin ang tanong nito. Ayaw niyang kumpirmahin na totoo ang sinasabi nito.
"Joke lang 'yon ah. Baka mapikon ka."
"Hindi naman."
"And I do wonder. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Victor kapag nakita ka niya na ganyan kaganda? Siguradong matutulala din 'yon. Baka nga tumulo pa laway no'n eh." Sabi pa nito.
Natawa siya sa sinabi nito. "Nakakadiri naman 'yon," aniya.
Ngunit sa kabila ng pagtawa ay ang pag-asam niya na sana'y makita niya ang tanging lalaking hinahanap ng puso niya. At makita nito ang tunay na siya.
GAYA NG NAUNANG sinabi ni Humphrey. Marami nga ang nagulat nang makita siya. Halos lahat ay humanga. Ang mga babaeng kontrabida sa buhay niya ay nilait pa siya. Pero wala siyang panahon sa mga ito. Masaya siya na marami sa mga kaklase niya ang na-appreciate ang ayos niya nang gabing iyon. Ngunit may kulang pa. Ang tanging lalaking pinakahihintay niya.
Habang nakaupo sa isang tabi ay inabala niya ang sarili sa panonood sa mga classmate niyang nagsisipag-sayaw sa gitna ng gymnasium na nagsilbing dancefloor. Doon ginaganap ang JS Prom nila.
"Abby, puwede ba kitang maisayaw?"
Napatingin siya sa nagsalitang iyon. Ang akala pa naman niya ay si Victor na. Iyon pala'y ang isa niyang ka-batch.
"Um... pasensiya na ha? Iba na lang isayaw mo." Sagot niya.
Dismayadong umalis ang ka-batch niyang iyon.
"Ilan na ba ang tinanggihan mo?" tanong ni Humphrey na nakaupo sa tabi niya. Gaya niya ay nakaupo lang din ito at nagmamasid.
"Ewan." Usal niya.
"Kawawang mga lalaki. Sayaw pa lang basted na."
Hindi siya kumibo. Ayaw niyang makipag-sayaw sa kahit na sino. Sa isang tao lang siya sasama. Ang kaso'y kalagitnaan na ng gabi ay wala pa ito.
"Eh bakit ikaw?" tanong niya dito.
"Kakaupo ko lang kaya. Hinila ako ng hinila ng mga babaeng 'yan. Kaya nga nagtatago na ako dito eh."
Gaya ni Victor. Guwapo din ito. Isa ito sa mga sikat na estudyante sa buong campus. Madalas itong may hawak na camera. Kasama rin nito sa basketball ang una. Marami din nagkakagusto dito. Kaya hindi na kataka-taka kung ang mga babae na mismo ang lumalapit dito at nagyaya dito na magsayaw.
"Pupunta pa ba siya?" lakas-loob niyang tanong.
Ngumiti ito at umiling. Tinuro pa siya nito. "Sinasabi na nga ba eh. Siya lang ang hinihintay mo."
"Oo na nga. Huwag ka ng maingay."
Sasagot pa lang sana ito nang biglang may narinig siyang tumikhim mula sa tabi niya. Sa gulat ay napalingon siya. Ang guwapong-guwapong mukha ni Victor ang bumungad sa kanya. Nakangiti ito at titig sa kanya. Halos isang dangkal na lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. Bigla ay pakiramdam niya'y sinalakay ng isang libong kabayo ang dibdib niya sa sobrang kaba.
Amoy na amoy niya ang pabango nito. Isang bagay na nakasanayan niya sa tuwing magkasama sila. Pinigilan niya ang sarili na iangat ang kamay at haplusin ang maamong mukha nito.
"So, tama pala ang narinig kong ibinalita ng mga classmate natin," anito.
"B-balita? A-anong balita?" kandautal na tanong niya.
"Ang sabi nila. Maganda daw ang bestfriend ko ngayon."
Tumikhim din siya saka pabirong sinuntok ito ng mahina sa balikat.
"Siraulo! Tigilan mo nga ako." saway niya dito.
Natawa ito. "Aray ko. Kasasabi ko lang na maganda ka. Nanuntok ka naman agad."
Humila ito ng upuan saka naupo malapit sa kanya. "But really, kidding aside. You're beautiful. And I'm so proud to be your bestfriend." Anito habang titig na titig sa kanya.
Bestfriend. Bestfriend na naman...Kailan mo ba ako mapapansin bilang isang babae? Hindi lang bilang kaibigan.
Gusto na yata niyang maiyak sa sinabi nito. Lagi na lang bang ganoon? Kung alam lang nito ang tunay niyang nararamdaman. Kung nakikilala lang sana nito ang tunay na Abbygale Flores. Malamang, hindi 'Pare' ang itatawag nito sa kanya.
Tama. Abby is in love with her bestfriend. Matagal na. Love at first sight nga yata na maituturing 'yon. He smiled at her the first time she stepped her foot on that school. Nagkataon na naging mag-kaklase sila. Kaya ganoon na lang ang pag-assist nito sa kanya. At dahil halos magkalapit lang ang mga bahay nito at ang bahay na nilipatan nila. Naging madalas silang magkasama. Hanggang sa naging matalik na kaibigan na ang turing nito sa kanya. Okay lang sana ang lahat ng iyon. Maliban sa isang bagay kaya hindi niya maihayag ang totoong damdamin para dito.
Isa siyang 'tomboy' sa paningin nito. Inakala nitong may pusong lalaki siya. Isang dahilan na doon ay ang pananamit niya. Bukod pa sa hilig niya sa basketball at madalas nitong makita na naglalaro sila ng mga Kuya niya. At nitong mga huli ay lagi na rin nilang kalaro ito.
At nasasaktan siya kapag halos itulak siya nito sa mga babaeng ipinapakilala nito sa kanya. Kung nalalaman lang nito, na halos bumaligtad ang sikmura niya. At kung sana'y alam nito na ito ang itinitibok ng batang puso niya.
"Hoy, hindi ka na kumibo diyan." Untag nito sa kanya.
Napakurap siya. "Ano?"
"Ang sabi ko. Minsan lang kita makita na ganyan ang suot mo. Kaya sasamantalahin ko na."
"Ano bang sinasabi mo diyan?" tanong niya. Kahit na ang totoo'y pinagpapawisan na ang mga kamay niya sa sobrang kaba. At halos dumadagundong na ang dibdib niya.
Pasalamat na lang siya dahil medyo malamlam ang ilaw sa paligid kaya't hindi nakikita nito ang pamumula ng mukha niya.
"Let's dance." Anito.
"Ha?" gulat na gulat na tanong niya.
"I said, let's dance."
"Ayaw ko," sunod-sunod na iling niya.
"Minsan lang mangyari 'to. Please... I want to dance with you." dagdag nito.
"Sige na, sayaw na. Kanina ka pa nagbubutas ng bangko eh." Singit ni Humphrey. Sabay tulak sa kanya.
Wala na siyang nagawa nang hawakan siya sa pulsuhan ni Victor at hilahin siya sa gitna ng dancefloor.
"Pare, sandali lang..." pigil pa niya dito. Pero sadyang malakas ito kaya nahila siya nito sa gitna ng walang kahirap-hirap.
Pagtayong-pagtayo nila sa dancefloor ay pumailanlang ang kantang 'Got to Believe in Magic'.
Humakbang ito palapit sa kanya. Kinuha nito ang dalawang kamay niya at ipinatong iyon sa mga balikat nito saka nilagay naman ang mga kamay nito sa magkabilang beywang niya. Halos magdikit ang mga katawan nila habang sumasabay sila sa saliw ng musika.
Habang nagsasayaw ay nakatitig lang ito sa kanya. Na siyang dahilan upang makaramdam siya ng matinding pagkailang.
"Hoy," untag niya dito sabay dutdot ng isang daliri niya sa noo nito. "Naiilang na ako ha! Kanina ka pa nakatitig sa 'kin."
He chuckled. "Ikaw kasi eh. Hindi ko alam na maganda ka pala. Sana ganyan ka na lang lagi." Anito.
"Tse! Bolero ka nga. Huwag mo akong isama sa mga koleksiyon mo. Hindi tayo talo." Sabi niya. Pero sa kabila noon ay kilig na kilig naman siya. Sa wakas, sinabihan siya nitong maganda. At hindi guwapo gaya ng lagi nitong sinasabi.
"Hindi kaya bola 'yon!" depensa nito.
"Sa tingin ko nga, mas maganda ka pa sa mga naging girlfriends ko." Dagdag pa ni Victor.
Ikaw lang eh. Kung saan-saan ka nakatingin... aniya sa isip.
"Ewan ko sa'yo. Tumigil ka na nga." Saway niya dito. "Umupo na nga lang tayo."
Akma siyang lalakad palayo pero napigilan siya nito. Mas lalo pa nga siya nitong hinapit sa beywang palapit dito. Nahigit niya ang hininga.
"Teka nga, masyado naman malapit eh." Pabulong na wika niya.
"Shh... ang dami mo naman reklamo." Anito.
Hindi na siya muli pang nagsalita. Lihim niyang kinalma ang sarili. Sabagay, hindi na siya dapat pang magreklamo. Eto na at halos yakap siya ng lalaking lihim niyang minamahal. Ngayon pa ba siya tututol?
Mayamaya, pagkatapos mismo ng kanta. Nagulat na lang ang lahat nang may biglang pumutok sabay sabog ng makukulay na ilaw sa kalangitan. Napatingala silang lahat. Doon sa itaas bumungad ang magaganda at makulay na liwanag na dulot ng fireworks display.
"Wow," mahinang usal niya.
Nang sulyapan niya si Victor ay nakangiti ito. Lalong lumukso ang puso niya. Isa ito sa mga nagustuhan niya dito. Parang nagliliwanag ang buong paligid kapag nakangiti ito lalo't siya ang nginingitian nito.
Muli ay pinanood niya ang fireworks. Habang nasa kalagitnaan ng panonood ay naramdaman niyang may humawak sa isang kamay niya. Nang tingnan niya kung sino iyon. Daig pa niya ang tumama sa lotto nang makitang si Victor ang may hawak sa kamay niya. Iyon na yata ang pinaka hindi niya makakalimutang event sa buhay niya. Ang JS Prom at ang panonood ng fireworks display na hawak ang kamay ng lalaking lihim niyang iniibig.
Ilang saglit pa ang nagdaan nang matapos ang fireworks. Iyon na ang hindi niya makakalimutan na labinlimang minuto ng buhay niya. Dahil sa sandaling oras na iyon, pakiramdam niya ay naging sa kanya si Victor. Kahit na sandali lang.
"Victor,"
Bigla ay binitawan nito ang kamay niya. Ang kaninang makulay na paligid ay naglaho. Bumalik sa maingay at madilim na paligid. Oo nga pala, nasa school nga pala siya.
"Babe," narinig niyang tawag ni Victor sa babae.
"Akala ko kung nasaan ka na." anang babae, sabay baling sa kanya.
"Hi Abby," bati nito. "You look good tonight."
Pinigilan niya na pumatak ang mga luha. Tama ba ang narinig niyang tawag ni Victor dito? Babe? Kilala niya ang babae, ito si Jocelyn. Kilalang matalino ito at mabait. Third year din ito pero ibang section lang.
"Nga pala, Pare. Kilala mo si Jocelyn 'di ba? May good news kami sa'yo."
Gusto niyang takpan ang magkabilang tenga niya. Ayaw niyang marinig ang mga susunod na sasabihin nito. Dahil nasisiguro niyang hindi niya magugustuhan iyon.
"Sa wakas, sinagot na rin niya ako kanina." Bakas sa mukha nito ang tunay na kaligayahan. "Kaya hindi kita nasundo kanina. Pasensiya ka na pala doon ha."
"O-Okay lang," kandautal na sagot niya.
Bigla siyang sinamaan ng pakiramdam. Tila nawalan ng saysay ang lahat effort niya sa pag-aayos. Oo nga't pinuri siya nito. Pero hindi naging sapat iyon para makita nito ang tunay niyang nararamdaman.
"S-sandali lang, ha? Magsi-CR lang ako." paalam niya.
Pagtalikod niya ay kusang bumagsak ang mga luha niya. Imbes na sa CR tumuloy. Dinala siya ng mga paa papunta sa Exit Door ng gymnasium. Saka diretsong lumabas ng school nila.
Nang makalabas na ng tuluyan ay nagtago siya sa likod ng malaking puno ng santol na nasa gilid lang ng daan at doon niya ibinuhos ang lahat ng luha. Ang lahat ng sakit.
Hindi na yata nito makikita pa kahit kailan na may isang Abbygale Flores na tunay na nagmamahal dito. Hindi dahil sa guwapo ito, mayaman at sikat. Mahal niya ito sa kung sino man ito. Pero ano pang saysay ng lahat ng iyon.
Wala na ang lalaking minamahal niya. Habang buhay na nga yata siyang magiging matalik na kaibigan lang nito. Ang Pare nito. Siya iyon. Isang hamak na bestfriend lang.