“DYLAN! Halika na rito aalis na tayo!” Tawag ko sa inaanak kong nagpapapak ng chocolate powder. Linggo ng umaga at sabay-sabay kaming magsisimba. Tiningnan ko muna ang purse ko kung nasa akin na ang susi ng bahay.
“Anak naman, sabi ko sa’yo ikasisira ng teeth mo 'pag palagi kang nagpapapak ng chocolate..” Narinig kong pangaral ni Aaliyah sa anak na lalaki habang pinupunasan ang magkabilang gilid ng labi nito.
Nangiti ako. Ako kasi ang naglalagay ng choco powder na ‘yon dahil paborito nga ni Dylan. Hindi ko naman mahindian dahil gusto niya iyon. “Hayaan mo na Aaliyah. Paglumaki na ‘yan, magsasawa rin yan.” Natatawang sabi ko. Nilock ko na ang pinto nang makalabas na sila ng bahay.
“Kay Ninang Jam niyo palaging spoiled kayo. Kapag ikaw na talaga ang nagkababy, siguro pamper na pamper iyon!” Biro niya sa’kin.
“E’di marami pa akong matututunan sa’yo girl. Bigyan mo ko ng tips para hindi lumaking matigas ang ulo ng magiging anak ko.” Pagkalock ko ay sumunod na ako sa kanila palabas ng gate. Nag-i-sway pa ang kambal sa paglalakad dahil excited sa paglabas.
“Ang una kong sasabihin sa’yo ay maghanap ka na ng tatay sa anak mo na palaging nasa tabi mo. Mahirap ang mag-isa.” Aniya. Napanguso ako. Somehow it felt like, galing talaga sa kalalim-laliman ng magandang puso ni Aaliyah ang pinayo niya. Dahil kailanman ay hindi niya nakasama ang ama ng kambal. Hindi rin naman siya nag-asawa pa ulit. Ang alam ko ay hindi pa alam ng lalaki na may anak sila. Aaliyah kept her secret. Though minsan ay napapakwento siya sa’kin.
“Saan ba pwedeng maghanap?” Pabirong tanong ko.
Huminto si Aaliyah at nilingon ako. Ngumisi siya. “D’yan sa tapat--” Then she pointed her eyes on her side. I rolled my eyes at her. Akala ba nila may something sa'min ni Dale? Sus.
“JJ!” Muntik na kong mabulunan ng biglang sumigaw sa tapat si Dale. Nginitian ako ng makahulugan ni Aaliyah.
“Pansinin mo naman kasi..” Bulong niya. Pinanlakihan ko siya ng mga mata. What?
“Saan kayo pupunta?” Bigla nasa harapan na namin siya. Naki-highfive pa siya sa kambal at saka kami nginitian. Nang tingnan niya ako, humagod ang tingin niya sa’kin mula ulo hanggang paa.
Kumunot ang noo ko. Pati ako ay napatingin na sa suot ko. I am wearing a yellow dress. Above the knee naman ang tabas ng palda ko at hindi naman masagwa iyon. Umigting ang panga niya nang bumalik ang tingin niya sa akin ngunit kalauna'y ngumiti na rin. “Magsisimba kami Dale.” Ani Aaliyah.
“Sakto! Magsisimba rin ako. Sumabay na kayo sa’kin dadalhin ko ang sasakyan.”
“Sigurado ka? Baka may hangover ka pa.” Tinaasan ko siya ng kilay. Hindi ko naman alam kung anong oras ito umuwi kagabi.
He looked at me with a playful smirk. “Hindi ako umuuwi ng lasing, JJ. Nagdadrive pa kaya ako.”
Humaba ang nguso ko. “Weh? Sanay na sanay ka siguro sa gimik ‘no? Ikaw pa. E, wala ka kasing nobya kaya panay ang bar mo..”
Tumawa siya. “Wala ka rin namang boyfriend a, isama kaya kita sa susunod.”
“Ayoko. Hindi ako umiinom.” Sabi ko at nagsimula ng maglakad.
Pumayag naman si Aaliyah na sumabay kami kay Dale. Nalibre pa ang pamasahe namin. Dale is a gentleman. Pinagbukas pa niya kami ng pinto. Pinili ni Aaliyah na sa likod na umupo para katabi ang kambal. Kaya ako sa harap na umupo katabi ang driver na si Dale. Kwentuhan at biruan ang ginawa namin habang nasa byahe papuntang simbahan. Minuto lang itinagal dahil malapit lang naman.
Ako na ang humawak sa kamay ni Dylan at kay Aaliyah naman si Deanne. Pag-upo sa loob ng simbahan ay sa’kin din tumabi si Dale. Tahimik kaming nakinig sa misa kahit paminsan-minsan ay patayo-tayo ang dalawang bata. May pagkakataong nagkakabungguan kami ni Dale sa paghawak ko kay Dylan. Napahawak ako kay Dylan nang bigla itong tumayo at tumuntong sa malambot na pinagluluhuran sa tapat namin.
Aaliyah was still holding Deanne.
“Dylan baka madulas ka..” Bulong ko para hindi makaistorbo sa ibang nagsisimba. Laking gulat ko nang biglang lumapit din si Dale at hinawakan si Dylan. Naramdaman ko ang pamilyar na bilis ng pagpintig ng aking puso. Hayan na naman siya at sobrang lapit sa’kin. I could even smell his manly scent and his bodywash. Ang bango niya. Sobrang lambot ng amoy niya sa ilong ko. Bahagya akong napaatras ng ulo nang bigla niya akong lingunin. Ang lapit-lapit ng mukha niya sa’kin. I felt the butterflies in my stomach.
“Kakandungin ko muna..” Sabi niya at sabay kuha kay Dylan. Nagulat pa ko dahil hindi umalma ang bata. Natahimik nga ito sa kandungan ni Dale
Napangiti ako. Akalain mong ang happy go lucky na si Dale ay napapaamo ang isang bata? Good to know, maybe He’ll be a good father too.
Pagkatapos naming magsimba ay nagyaya naman si Dale na kumain sa labas. Tinanggihan ni Aaliyah dahil nakakahiya, kahit na rin ako. Baka malaki ang gastusin niya pero syempre naging kakampi niya ang mga bata kaya natuloy na rin kami. May malapit na chinese restaurant pero we’re too worried na baka hindi pa magustuhan ng mga bata ang pagkain kung kaya nagfastfood chain na lang kami. Pinauna na kami ni Dale sa mesa. He even asked for the twins' chairs.
Maasikaso siya sa'min at palaging nakangiti. Sinenyasan ako ni Aaliyah na samahan sa pag-order si Dale. Tumango ako at tumayo pero hinawakan niya
lang ako sa siko. “Samahan kita.” Sabi ko.
“H’wag na. Maupo ka na riyan, magpapa-assist na lang ako.” He said, saka bumaba na ulit.
Pagkaupo ko ay nginitian lang ako ni Aaliyah. May laman ang ngiti niyang iyon pero pinagkibit balikat ko na lang. Dahil kung dudugtungan ko pa, baka isipin nilang may something sa'min. Wala naman. Inilabas ko na lang ang phone ko at nakipagselfie sa kambal.
NASA byahe na kami pauwi ng narinig kong tumunog ang phone ni Dale na nasa dashboard. Nabasa ko ang pangalan nu'ng tumatawag. Kinuha niya iyon at sinagot.
“Yes, brod?” Sagot niya.
Tumingin ako sa labas para balewalain ang kausap.
Tumawa siya ilang saglit. “Ikaw e. Minsanan lang ang reunion kagabi hindi ka pa pumunta. Kailan ba ‘yan?”
Ah. Reunion pala ang meron kagabi. So what Jam July?
“Text me the address, pupunta ako. Hindi ako busy ngayon kaya ayos lang…sige.”
Siguro may party ulit? Naku, party boy.
“Jam..” Tawag niya sa’kin.
“Hmm?”
Hinaplos niya ang labi niya gamit ang isang kamay habang ang isa ay nakahawak sa manibela. Naagaw tuloy ng labi niya ang atensyon ko. His lips are naturally red. “May gagawin ka ba mamaya? Kayo ni Aaliyah?” Tiningnan niya ko saglit.
“Bakit?” Bigla ay para siyang nahiya. He’s so cute when He’s shy.
“Iimbitahan ko sana kayo mamaya sa plaza. May laro kami.”
I think he was talking about the basketball game. Nasabi niya sa’kin na nagpapractice sila. Ngayon ko lang nalaman itong araw pala ang laro.
Napatingin ako kay Aaliyah sa likuran.
“Oo ba. Walang problema. Isasama namin ang kambal para malibang.” Sagot ni Aaliyah sabay taas-baba ng kilay sa’kin.
Talagang pumayag siya? Ayaw kaya niyang lumalabas ng gabi ang kambal dahil baka raw mahamugan. Is she planning something fishy? Nang tingnan ko si Dale ay malapad na ang ngiti niya.
Makakatanggi pa ba ako?
“IKAW na lang ang pumunta sa court Jam.” Disappointed na sabi ni Aaliyah. Pero parang hindi totoo.
Humalukipkip ako sa harap niya habang pinapatulog si Deanne. Si Dylan ay naunang nakatulog. “Sinasadya mo ‘yon ‘no?”
“Ang alin?” Inosente niyang balik tanong.
“Ang pumayag na pumunta doon sa laro. Hindi naman tayo nakikigulo roon dati!”
“Dati iyon nu'ng walang nag-iimbita sa atin. But you have Dale now at player siya so dapat suportahan natin. ‘di ba?”
“O tapos mag-isa lang ako?” Nanghaba ang nguso ko sa kanya.
“Hindi ha! Tinext ko si Susan. Parating na ‘yon dito.”
Napanganga ako sa sinabi niya. “Aaliyah!”
“Sige na, bumaba na kayo. Kawawa naman doon si Dale mo!” Panunuya niya.
“Ay grabe siya..okay-okay! Pero hindi ako magtatagal doon dahil pupunta ako ng shop. May deliveries bukas.” Sabi ko sabay kuha ng sling bag ko.
“Are you sure ayaw mo kong tulungan ka?”
Umiling ako. “Kaya ko na ‘yon at saka walang magbabantay sa mga bata. Alis na ko!”
SA LABAS pa lang court ay dinig na dinig ko na hiyawan at sigawan ng mga nanonood. Pati ang mga pito dahil sa laro. Nakaramdam ako ng excitement dahil ito ang unang beses na manonood ako ng liga. Pero nangunot ang noo ko dahil sa bukana pa lang papasok sa court ay nakaharang na ang mga nanonood. Karamihan pa ay mga lalaki. Hinatak ko si Susan na parang susugod sa pagmamadali.
“Ang daming tao, Susan. Baka wala na tayong mapwestuhan.” Sabi ko. Dahil parang magkakapalitan kami ng mukha at amoy sa sikip. Pero parang wala lang sa kanya.
Hinawakan pa niya ang wrist ko. “Meron pa iyon sa loob ati! Akong bahala. Tabi-tabi po-- makikiraan po--tabi-tabi po!” Sabi niya habang hinahawi ang mga tao.
Inilagay ko naman ang braso ko sa aking dibdib upang maharang at ‘di mabunggo sa sikip ng lugar. “Excuse po.” Magalang na sabi ko. Hindi ko naman akalain na ganito karami ang manonood dito. Tinaas-taas ko pa ang ulo ko para masilip ang mga naglalaro. I even looked for Dale pero halo-halong tao ang nakikita ko. Hinatak pa ako ni Susan at napunta kami sa likuran. Nang tingnan ko ang likuran namin, doon naman nakapwesto ang ilang kabataan na nakatungtong sa mga bangkito. Halos mabingi ako sa sigaw nila na may kasama pang mura.
“Go! Go! Go! Number 14!”
Nagtilian ang grupo ng mga babae sa harapan. Nagtatalunan at parang nanginginig pa sa sobrang kilig. Napaigtad naman ako ng biglang tumili rin si Susan sa tabi ko. Nagtataas pa ng kamay kaya kinurot ko siya sa kanyang tagiliran. “Nagwawala ka na!” Pasigaw na sabi ko.
“Nakashoot si koya Dale ati!” Exaggerated na sabi niya. Sabay turo kay Dale sa gitna ng court.
Agad ko siyang nahanap dahil nasa kanya ulit ang bola. Napaawang ang labi ko ng makita ko siya. His jersey is red and black and He’s number 14! Nakasulat ang apelyido niyang 'Montejo' sa kanyang suot. Pawis na pawis na siya dahil sa pangingintab sa kanyang braso at leeg. Kanina pa kaya siya nasalang? Nang tingnan ko ang score ay lamang kami ng tatlong puntos.
Bumalik ulit ang tingin ko sa kanya nang magsigawan na naman ang grupo ng mga babae sa harap. Obvious naman kung sinong number 14 ang tinitilian niya. Napaismid ako. Knowing Dale, he could have every girls that he wants. Angat na angat siya sa court e. His height, his masculinity and his looks. Bato lang ang hindi makakapansin sa kanila. Namiss niya ang bola. He looked tired. Nagtime out sila.
“Kinukulang na sa inspirasyon si Koya Dale, sigaw ka kasi ati Jam!”
“Tse!” Nakita kong kinausap ng coach nila ang mga players pero si Dale ay hindi nakikinig. Nakaupo sa bench at nagse-cellphone pa! Loko-loko talaga!
Naramdaman kong nagvibrate ang phone ko sa aking bulsa.
Dale: Hindi ka manonood?
Napangiti ako habang nagtitipa.
Ako: I’m here Montejo 14.
Binaba ko ang phone ko at hinintay ang reaksyon niya. Nag-angat nga siya ng tingin sa mga nanonood pagkabasa ng text ko.
He’s looking for us!
Pero masyado kaming malayo para makita niya.
“Ati! Hinahanap ata tayo ni koya!” Sigaw ni Susan. Natawa ako sa kanya lalo na no’ng tinaas-taas niya ang kamay niya para tawagin ang pansin ni Dale. “Koya Dale! Koya Dale! Nandito kame!” Kawag niya. Pumintig ng mabilis ang puso ko dahil sa pagpasada ni Dale ng tingin sa paligid hanggang sa mahagip niya ang kawag ni Susan.
Nagkatinginan kaming dalawa. Ngumiti siya at lumapit sa pwesto namin. Dahil sa paglapit ni Dale sa kinatatayuan namin, nagtilian ang mga babae sa aming harap. Hinawi lang naman ni Dale ang mga tao sa harap at nakangiting lumapit sa’kin.
“Ang gwapo mo, Montejo!” Sigaw ng babae sa likod niya. Nilingon niya iyon at nginitian kaya nagtitili naman ulit ang mga babae.
I gritted my teeth. Masyado kung maka fangirling “Bakit lumapit ka pa rito? Hinahanap ka na ng coach mo!” Sabi ko dahil nakita ko ang pagtingin ng coach nila sa direksyon namin.
Ngunit imbes na sumagot ay tiningnan niya pa ang nasa likod namin. Tumalim ang mga mata niya, nagtaka ako pero mabilis niyang kinuha ang kamay ko at hinatak paalis doon. “Nandoon ang pwesto ninyo.” Masungit na sabi niya. Nilingon ko si Susan na kasunod namin.
Nakaramdam ako ng hiya dahil sa pagkakahawak sa’kin ni Dale. Alam kong nagsinghapan ang mga nagtitili sa kanyang babae ng madaanan namin. Bahagya akong yumuko dahil dumaan kami sa gitna ng court para makarating sa bench nila. Shocks! Nakakahiya. Pinagtitinginan kami dahil hatak-hatak ako ni Dale! Dinala niya kami sa pwesto niya kanina. Tinanggal niya ang nakalagay doong bag at pinagpag. Hinatak niyang muli ang kamay ko para mapalapit sa kanya.
“Dito kayo maupo. Nireserba ko ‘yan sa inyo.” Sabi niya.
“O-Okay..thank you.” Hinatak ko si Susan para maupo na rin siya dahil naiwan ang mga mata niya sa ilang kagrupo ni Dale.
Nagbibigay ng instructions ang kanilang coach ngunit nasa harapan ko pa rin si Dale at nakatitig sa’kin. Naintimidate ako sa kanyang titig.
“Pumunta ka na doon.”
“You two are fine here?” Matigas na ingles na sabi niya.
Tumango at nginuso ko sa kanya ang coach nila. Baka palayasin pa kami dahil hindi makapagconcentrate ang player nila.
Pinanood ko si Dale. Seryoso ang mukha niya habang may sinasabi ang coach nila. Parang nasa kanya ang kapalaran ng koponan. Pagsalang nila ay naging smooth naman ang kanyang laro. Kapag pinapasa sa kanya ang bola ay nasushoot ito. Palagi na tuloy sa kanya pinapasaang bola.
Halftime ay sampung puntos na ang lamang nila sa kalaban. Nagugulat ako kapag sumisigaw si Susan sa tabi ko. Napapatayo pa kung minsan at hihilahin ko pa paupo.
“Go go go! Tulinteno 11! Fight fight fight!” Malakas na sigaw niya. Nanlaki ang butas ng ilong ko dahil iba na ang tinitilian niya. Ang bilis magbago ha?
Nang maka-score ulit si Dale ay napapapalakpak na ko at sigaw sa tuwa. Grabe, siya ang nagtambak ng puntos sa koponan nila. Ngiting-ngiti ako ng magtama ang mga mata namin. He winked at me. I smiled. Natatawa na lang ako tuwing makakapuntos siya at kikinditan ako. Matapos ang oras ay sila ang idineklarang panalo. Naghiyawan ang mga tao. Nagpuntahan sa pwesto namin ang mga kagrupo niya at binuhat ang coach nila. Tumayo ako at pumalakpak. Nakita kong maraming nakipag-apir kay Dale. Nagitla ako ng nakigulo doon si Susan. Lumapit ako ng bahagya para hilahin siya at baka maapakan ngunit kakahila ko kay Susan ay muntik na kong mabunggo nu'ng isang player. Sa isang iglap ay nasa harapan ko na si Dale at iniharang ang katawan sa’kin.
“Ayos ka lang?” Tanong niya.
Dala pa rin ng gulat ay napatango ako. Hindi naman ako nasaktan, nag-aalala lang ako kay Susan.
Muling naghiyawan ang grupo ni Dale ng inabot ang trophy nila. Nagtalunan sila at nagkalabo-labo na, ang gulo! Naramdaman ko na lang na niyakap ako ni Dale at iniatras mula sa magugulong tao. Bahagya kong naramdaman ang pawis niya sa pagkakayakap niya sa’kin. Akalain mong mabango pa rin siya kahit tagaktak ang pawis! Tiningnan ko siya pero hindi pa ko binibitawan. “Congratulations!” Bati ko sa kanya.
Dinungaw niya ako at ngumisi. “Salamat. Akala ko kanina iindyanin mo ko.”
Tumawa ako. “Muntik na kung hindi ako sinamahan ni Susan. Speaking of Susan..” Nilingon ko iyon at hinanap. Nakita kong nakikipagselfie na siya kay Tolentino 11. Nagkatinginan ulit kami ni Dale. At parang pareho kami ng iniisip dahil sabay kaming nagtawanan.