Temptation 3 √

3730 Words
BERLIN, GERMANY Matuling lumipas ang mga linggo. At ngayon, panay ang salita ng PhD adviser ni Cruz, ngunit parang walang kausap ang matanda. Tulala si Cruz at parang walang naririnig sa sinasabi nito. "Hey, Cruz. Are you still with me?" Doon lang nabalik si Cruz sa realidad nang iwagayway ni John ang mga kamay. Tulad niya, pilipino rin ang matanda ngunit sa Germany na nagka-edad. Napabuntong-hininga si John at ibinaba ang hawak na folder. "Ilang araw ka nang ganyan, Cruz. Napapansin kita. Tulad ngayon, kanina pa ako nagsasalita, pero wala ka naman palang naririnig. Malayo ang tingin mo. Kahit magkausap tayo, pakiramdam ko'y lumalakbay ang diwa mo. Parang malalim ang iniisip mo. Nitong nakaraan nagpasa ka saakin ng draft mo, naka-ilang revisions ka. Hindi ka naman dating ganoon. Hindi ka na nagre-revise. Pero bakit ngayon...?" Si Cruz naman ang napabuntong-hininga sa sinabi nito. Totoo iyon. Hindi sa pagyayabang, ngunit sa lahat ng mga researcher na hawak ng University, isa siya sa mga nagpapasa ng gawa na hindi na kina-kailangan pa ng revisions. Isang pasa pa lang niya, awtomatikong aprubado na iyon at wala nang dapat i-correct pa. Pero nitong mga nakaraang linggo ay talagang wala siya sa wisyo at sa pag-iisip. Lutang at sabaw siya. At aminin man niya o hindi sa sarili niya, alam niya bakit siya nagkakaganoon. "H-Huwag mo akong intindihin, John. M-May namimiss lang ako. Ano nga ulit 'yong sinasabi mo?" pagliliko noya sa usapan. Bagama't close sila ni John ay masasabi ni Cruz na sa trabaho lang iyon. Kumbaga colleagues. Sa tinagal niyang researcher ng University, hindi kailanman siya napalapit sa isa sa mga ka-trabaho. Hindi kasi siya iyong tipo ng tao na approachable. Medyo may pagka-introvert siya at piling tao lamang ang pinapapasok niya sa buhay niya. Hindi rin siya nagtitiwala kung kani-kanino at nagkukuwento ng mga pribadong buhay o problema. May kaibigan man siyang maituturing, ay nasa Pilipinas ang mga ito, kaya naman mabigat na isipin niya ay nanatili lamang sakaniya at walang mapagsabihan kahit sino. Kahit pa ang ina niya. Hindi pa alam sa side niya na naghiwalay na sila ng asawang si Emily. Ilang linggo na rin ang nakalilipas simula nang mag alsa-balutan ito at walang lingon likod na iniwan siya. Pero hindi mo rin naman kasi siya pinigilan, hindi ba? Sabi ng isang bahagi ng isip niya. Umupo sa tabi niya si John. "Ang asawa mo ba?" Gusto sanang tanungin ni Cruz kung bakit alam nito. Pero hindi na niya isinantinig iyon at napatango na lamang. Napakunot-noo ang matanda. "Bakit hindi mo kontakin ang asawa mo?" tila nagugulumihanang tanong nito. Marahil, ay nabuo nang konklusyon nito na hindi sila magkasama ngayon ni Emily. Muling nagbuga ng mabigat at mainit na hininga si Cruz. "Naisip ko na 'yan. At may paraan ako para ma-contact ang asawa ko," Hindi mahilig sa cellphone si Cruz. Dahil sa desktop at laptop naman siya nagta-trabaho. He doesn't find cellphone useful for him. Pwera na lamang sa mga pang-tawag. Pero minsan na minsan niya lang gamitin ang cellphone. Ni hindi nga siya nag download ng mga apps doon para iwas distraction siya. Ayaw niya 'yung nasa kalagitnaan siya ng trabaho ay biglang may magpo-pop out na message, o kaya naman ang mga walang kamatayang issue at chismis sa social media. Naniniwala kasi siyang once na nahawakan na ng isang ang cellphone nito, at nababad na ito roon, ay mahirap nang isantabi ito at mag concentrate sa ginagawa. Dahil sa kaunting kibot lamang, ang pag-i-iscroll down sa social media ay pwedeng abutin ng minuto hanggang oras. Kaya iyon ang pinakaiiwasan niya. Ni hindi nga siya nagfe-f*******: o messenger. Napakadalang niya talagang gamitin ang cellphone niya, at alam iyon ng asawang si Emily. Lumarawan ang pagtataka sa mukha ng matanda. "Iyon naman pala. Bakit hindi mo siya tawagan? Alam mo, naiintindihan ko na mahirap talaga ang uri ng trabaho natin. Saan-saan tayo pinapadalang bansa at hindi natin makapiling ang pamilya natin. Pero kaya nga naririyan ang cellphone. Ang social media. Ang call at text. Wala na tayo sa medieval period. Wala na tayo sa mga panahong tanging sulat lamang ang komunikasyon at kailangan pang maghintay ng tao ng buwan bago matanggap ito. In just one click, you can approach the person you love. Thanks to our modern technology. Ano ang pumipigil saiyo para kontakin ang asawa mo?" Ano nga ba ang pumipigil sakaniya para kontakin ang asawa? Bago pa siya makasagot ay napapailing na tumayo ito sakaniya at marahan siyang tinapik sa balikat. Kaya naman naiwan siyang mag-isa sa bakanteng classroom ng isang private university dito sa Berlin. Nasa gilid siya nakaupo kaya naman napatingin siya sa malalaking bintana ng silid at napatitig sa malawak na field ng unibersidad kung saan dumaraan ang mga estudyante. Pangarap niya maging isang professor habang isang researcher pa rin siya. Pero bago mangyari iyon ay marami pa siyang dapat pagdaanan. Hindi madali maging isang professor. May PhD degree man siya, ay parang butas ng karayom ang pagdadaanan niya bago makamit ang pinapangarap na propesyon. Malaki naman ang tiwala sakaniya ng mga faculty at mga adviser niya kaya alam niyang hindi malabo ang kanyang pangarap. At sa lahat ng pangarap na 'yon ay alam niyang isang tao lagi ang nakasuporta sakaniya at naniniwala sa kakayahan niya. Ang asawang si Emily. Pero ngayon, iniwan na siya nito. Hindi na siya nito natiis. Hindi na nito kinaya ang buhay na kaya niyang i-offer. At hindi niya naman ito masisisi roon. Hindi talaga siya perpektong asawa at ama. Napakarami niyang pagkukulang dito. Pero hindi niya akalaing mapapagod at magsasawa ito sa pagintindi sakaniya... Nahilamos niya ang mga palad sa mukha at nai-istress na muling nagbuga ng hininga. Alam niyang mataas ang pride niya, at tuwing nagtatalo sila noon ng asawa, ito lagi ang unang nagpapakumbaba at umaayos sa gusot nila. Kaya naman ngayon kinain na niya ang pride nuya at kinuha ang cellphone na nasa bulsa niya. Tinawagan niya ang number nito sa Pilipinas. Ngunit hindi niya ito ma-contact at tingin niya'y nag-iba na ito ng numero. Napa-frustrate na isinandal niya ang likuran sa bakal na upuan. May last resource pa siya upang ma-contact ang asawa. Ang social media. Natatandaan niya pa naman ang email at password niya. Si Emily ang gumawa n'yon sa kanya dahil mangmang talaga siya sa ganoong bagay. Ayon sa asawa, ay para magkaroon siya ng social life kahit sa internet man lang at ma-contact ang mga kaibigan at kakilala. Friends din sila ng asawa roon. Kaya naman ngayon, laking pasasalamat niya na ginawan siya nito ng f*******: account. Wala siyang balita sa asawang si Emily. Ilang linggo na ang nakakalipas, pero talagang pinanindigan nito ang pakikipaghiwalay sakaniya. Nagtext pa siya rito noong pangalawang araw na nasa Pilipinas ito. Iyon naman pala ay mukhang hindi nito natanggap, dahil hindi yata nakasalpak ang simcard nito. Hindi naman siya impokrito para hindi amining marami silang dapat pag-usapan at ayusin ni Emily. Pero dahil sa nasanay siyang ang asawa ang laging umaayos ng problema nila at nakikipagbati sakaniya, ay hindi niya makayang siya ang unang umayos ng problema nila. At hindi niya rin alam, pero parang ayaw niya pa munang ayusin. Parang mas ayos na muna ang ganitong sitwasyon. Magkahiwalay sila ng asawa. Magagawa niya ang mga gustong gawin na wala siyang iniintinding tao na maaring maging salungat ng mga plano niya. Wala siyang iintindihing damdamin, sa madaling salita. Ganoon man ang gusto niyang mangyari, ay siya naman ang nahihirapan. Parang hindi niya makaya. Parang kulang siya. Aaminin niyang ang asawa niya ang kahinaan niya. Kaya minsan ayaw niya talagang naiisip ito, dahil tiyak na hindi siya makakapagfocus at concentrate. Si Emily lamang ang tanging tao na sobra niyang pinapahalagahan at minahal ng ganito, at alam niyang ang pagmamahal niyang iyon dito ang nagiging hindrances kung bakit hindi niya magawa ang mga priorities at goals niya sa buhay. Nagbukas na siya ng f*******: niya. At agad na sinearch ang asawa sa tool bar. Pero nagulat siya nang hindi ito masearch. At sa tingin niya ay naka-block siya rito. Gusto niyang kainisan ang asawa. Hindi naman na sila bata para sa mga ganitong taguan. May pa block block pa itong nalalaman, hindi lang naman sila basta mag kasintahan, mag-asawa sila! Sa gigil niya ay gumawa siya ng panibagong f*******: account. Gustong gusto niya talaga makita ang account ng asawa. Nanood pa siya ng video kung paano mag-create ng account. At ang dating hindi siya nagbibigay ng ganitong oras at effort sa mga tingin niyang walang katuturang bagay, ay ngayon ginagawa na niya para lamang makibalita sa asawa niya. You're pathetic, Cruz. Anang bahagi ng isip niya. Nang makagawa siya ng account, sinearch niya ang asawa. Emily Winters. Pero ibang mga mukha at mga foreigner ang nakita niya. Napakunot-noo siya. Nagdeactivate ba ito ng account? Naisipan niyang i-search ang kapatid nitong si Emiko. Agad namang lumabas ang pangalan ni Emiko at tinignan niya ang profile friends nito. Hindi ito nakaprivate account. Hindi naman mahirap gamitin ang app, kaya kahit hindi siya maalam sa ganoon ay na-ge-gets pa rin nuya. Hinanap niya ang Emily at nagulat siya nang makita ang account ng asawa niya. Kaya pala hindi niya ito mahanap sa pangalang Emily Winters ay dahil binago nito ang apelyido nito. Ginawa nitong Emily Barrientos ulit. Ang apelyido nito bago sila naging mag-asawa. Nainis nang tuluyan si Cruz sa ginawa ng asawa. At kailan pa ito naging Emily Barrientos ulit? Nang makapasok siya sa profile nito ay wala naman siyang napala dahil nakaprivate account ito maging ang mga pictures. Frustrated na nasabunutan niya ang buhok. Mukhang mautak ang asawa niya. Mukhang alam nitong hahanapin niya ito sa f*******: kaya nagprivate ng settings. Gustuhin man niyang i-add ang asawa sa bagong gawang account ay natitiyak naman niyang hindi nito i-a-accept iyon. At bago pa siya tuluyang mabaliw ay nag-log out na siya ng f*******:. Hindi na niya alam kung paano ito ma-i-istalk nang malaya. Wala naman na siyang alam na ibang online platform. Kaya naman sinearch niya ang pangalan nito sa google. Emily Barrientos Winters. Napakaraming lumabas. At iba't ibang tao, ang iba naman ay artista. Napukaw ang pansin niya nang mapansin baka ang asawa iyon. Ngunit nakalagay ay i********:. Hindi niya alam kung ano 'yon. Pinindot niya iyon at dinala siya sa isang site na kung saan ang account ng asawa niya ang nakita niya. Para itong f*******:, pero ang kaibahan, puro pictures ang nakikita niya. Sa pag-scroll down niya, ay gustong magtiim ng bagang ni Cruz sa nakikitang larawan. Sinpataha niya, hindi ito nakaprivate account doon. Nakita niya ang mga pictures na naka-tag ito. Hindi ito ang nagpost. Isa iyong outing at ang mga kapatid nito ang kasama at ang kanya kanyang boyfriend na siyang katabi nito. Ang kapatid nitong si Emira, kasama ang foreigner nitong boyfriend, si Emiko kasama ang kabanda nitong boyfriend... at si Emily... may katabi ring lalaki sa larawan? Kung hindi niya lang kilala ang asawa, sinuman ay magiisip na ang katabing lalaki nito ay boyfriend nito! Bakit hindi? Sobrang lapit ng mga ito sa isa't isa na para bang close ang mga ito. Walang magiisip na si Emily ay may asawa na. Napakunot-noo siya nang matitigan ang lalaki. Bakit parang pamilyar ito sakaniya? Pero natitiyak niyang hindi naman niya ito kilala. Nakangiti ang lahat sa larawan at nasa beach ang mga ito. Nakasuot ang mga ito ng swimming outfits.May bonfire rin doon at base sa picture, nagiinuman ang mga ito dahil may mga boteng naroroon. At kailan pa natuto ang asawa niyang mag-inom? At bakit ganoon ka-daring ang two-piece swimsuit nito? Bakit kailangan partner partner pa ang mga ito sa picture? Gigil na gigil si Cruz. Makikita sa larawan ang maluwang na pagkakangiti ni Emily na para bang walang asawang iniwan sa Germany. Parang ang gaan gaan ng aura nito at hindi niya ito nakita na ngumiti nang ganoon habang sila'y nagsasama pa. At bakit hindi nagpapaalam sakaniya ang asawa sa ginagawa nito? Bakit hindi nito sinabing may outing ang mga ito at kung sino ang poncio-pilatong lalaki na nakadikit dito? Noon, kahit hindi naman niya tinatanong, pumunta lang itong grocery, may text na siya galing dito o may post-it note ito sa fridge nila. Ngayon, ni ha, ni ho, wala. Gusto na ba talaga siyang iwanan at hiwalayan ng asawa? Siya na lang ba ang umaasang babalik pa ito at magkakaayos sila? Tuluyan nang nabwisit si Cruz. Sana'y hindi na pala niya hinanap ang asawa. Natagpuan pa tuloy niya ang i********: account nito. At aminin man niya o hindi, nasasaktan siya sa nakita. Maraming kakaibang damdamin ang bumabalot sakaniya ntayon na hindi niya mapangalanan. At natitiyak niyang hindi siya makakapagfocus at concentrate nito sa drafts niya. Muli niyang naisip ang sinabi ng PhD adviser na si John. Mukhang kailangan niya nga talagang makausap ang asawa at linawin kung ano na ba talaga ang lagay ng pagsasama nila ngayon. Kung magpapahinga lang sila, o pahingang habang-buhay na. Isinara na niya ang cellphone niya at napapikit. Kaya niya nga ba talagang harapin ang asawa at tanggapin ang anumang posibilidad na mangyayari? ~ TANDA PA NI Emily kung paano nasurpresa ang ina niya ilang linggo na ang nakakalipas simula nang makabalik siya sa Pilipinas. Parang nakakita ito ng multo. Kagagaling lang nito sa yoga session sa isang malapit na probinsya kasama ang mga amiga nito. "A-Anak...? Ikaw na ba 'yan...?" naluluhang nabitawan ng ina ang mga hawak na shopping bag nang salubungin niya ito at siya ang nagbukas ng gate para rito. Naluha rin si Emily pagkakita sa anyo ng ina. Miss na miss na niya ang ina. Kay tagal na simula noong makita niya ito sa personal. Apat na taon? Ganoon niya natiis ang pamilya para lamang kay Cruz. Tuluyan na itong naiyak at parang batang nagpapadyak si Cecilia. "Anak ko, Emily! Ikaw nga...! Halika rito, miss na miss kita anak," madamdaming wika nito at niyakap siya ng mahigpit. Iyak ito ng iyak. Nakaramdam naman ng pagkaawa rito si Emily. Napakainsensitive nga niyang hindi man lang niya inisip ang pamilya sa Pilipinas na nami-miss din siya at inaalala siya. Puro nalang siya Cruz, Cruz, Cruz noon. Napasinghot siya at gumanti ng mahigpit na yakap. "Mas namiss kita, ma. Sobra. I love you, mama." parang batang sabi niya. Pinaghahalikan nito ang buhok niya. "My sweet lovely, Emily..." anas nito. "Masaya ako anak na umuwi ka rito sa Pilipinas," Doon naging seryoso ang itsura niya. Naging pirmi ang pagkakatayo niya at tumingin sa ina. Tumikhim muna bago sumagot. "About that ma... hindi na po ako babalik sa Germany o sa anumang bansa. Dito na po ako mananatili..." hindi niya alam kung paano sisimulan ang sasabihin. Tiyak na sermon ang maabot niya rito kapag sinabi niyang nakipaghiwalay na siya sa asawa. Tinimbang niya ang itsura ng ina na halata naman sa ekspresyon na nagtataka. "Nagkahiwalay na po kami ni Cruz at napagpasyahan kong permanente nang mamalagi rito. Sana po bukas pa rin ang bahay para saakin..." Nagitla si Cecilia. Hindi malaman ang sasabihin. Matagal na katahimikan ang bumalot sakanilang dalawa. Maya-maya ay nahanap nito ang sasabihin. "Marami akong katanungan sa isip, anak. Nakakagulat ang biglaan mong desisyon na ito. Pero naniniwala naman akong malaki ka na at alam mo na ang gingawa mo. Hindi na kita kukuwestyunin at sana mag silbing aral sa'yo ang mga impulsive decisions mo noon sa buhay," seryosong sagot nito. Doon nakisabat ang amang si Mauricio. "Cecil, ang akala ko pa naman ay pagsasabihan mo ang anak mo. Bakit parang pumapabor ka pa sakaniyang iwanan ang asawa niya? Ang asawa ay hindi parang mainit na kanin na kapag isinubo mo at napaso ka ay pwede mong iluwa. It's more than that!" Galit na tinignan ito ng esposa. "Alam ko, Mauricio. Tulad mo, hindi rin ako pabor sa mag-asawang naghihiwalay! Pero siguro, sa anak natin ay ibang kaso. Ayaw ko man maging diborsyada ang anak ko, ngunit mas maatim ko 'yon kaysa malunod siya sa isang lalaking wala yata sa plano ang pagpapamilya! Buhay-binata! Ang anak lang natin ang magdudusa sa magaling mong manugang. Aba, kung papapiliin kung ang trabaho niya o 'yang anak mo, walang kurap 'non pipiliin ang trabaho niya kaysa sa asawa niya!" matigas na balik nito. Napalunok si Emily at nag-iwas ng tingin. Napahiya sa sarili. Kung gayon, hindi lang pala siya ang nakakakita nito sa sarili. Maging ang ina niya. Now she wonders too, kung ganoon din ba kaya ang tingin ng mga kapatid? Ng mga kakilala at kaibigan nila? "Alam ko, Cecil. At hindi rin ako pabor na ma-take for granted ang anak natin. Pero kasal na sila. Dapat inaayos ng mag-asawa ang gusot nila. May usok na nga, gagatungan mo pa. Hindi ka nakakatulong. Mas pinababaga mo lang ang apoy," naiinis na sagot ng ama. Umingos ang ina niya. "Oo nandoon na ako na matino at maayos na tao ang Cruz na 'yan. Pero, hindi siya ang lalaking pinangarap ko para sa anak natin. Hindi niya maalagaan si Emily. Ang mga lalaking tulad niyang career-oriented, kayang ipagpalit ang lahat para lamang sa sinasamba nitong trabaho," "May mali ba sa pag-abot ng pangarap at may gustong mapatunayan sa buhay, Cecilia?" gulat na tanong ni Mauricio. Umiling ang ina. "Walang masama roon. Lahat ng tao ay may pangarap. Ang masama eh 'yung may asawang tao ka na nga, pero ang utak mo'y pang binata pa rin. Ang pagaasawa ay dalawang kaluluwa. Hindi iisa lamang. At ang pangarap niya ay para sa sarili lamang niya, hindi kasama si Emily. Walang masamang abutin ang pangarap kung nagagampanan nito ng maayos ang pagiging asawa kay Emily. Kung hindi niya ito napapabayaan. And to top it all, higit kanino pa man, dapat mas importante sayo ang asawa mo kaysa sa trabaho mo. Ang trabaho, pwedeng mawala 'yan sayo anytime. Pwede ka ngang mamatay bukas nang hindi mo inaasahan eh. Kaya dapat araw-araw, naipaparamdam natin sa taong mahal natin at nagmamahal saatin kung gaano sila kaimportante sa buhay natin. Sabi nga nila, ma-re-realize mo lang ang kahalagan ng isang bagay kapag wala na ito sayo. Ang tanong, naiparamdam niya ba kay Emily na mahalaga ito sakaniya, araw araw?" mahabang sabi ng ina. Hindi nakasagot ang ama roon. Kaya naman nagpatuloy magsalita si Cecilia. "Alam mo? Nagpapasalamat ako at mas maaga kang nagising sa katotohanan, anak. Sa totoo lang, hindi talaga ako boto kay Cruz. I don't have any issues to him as a person. Pero against ako sakaniya bilang asawa mo. Sainyong dalawa, ikaw pa ang mas lalaki. Ikaw lagi ang give ng give sa relasyon niyo. Kailan ba siya nagsakripisyo para sa'yo, anak? Simula noong naging kayo, sakaniya na uminog ang mundo mo. Pero hindi niya 'yon na-a-appreciate. 'Yung mga bagay na ginagawa mo para sakaniya. At sa ina niyang matapobre at ang sama ng trato sayo? You don't deserve that, anak! Kami, kahit ayaw ko sa asawa mo, never kong binastos o pinakitaan ng masama. Pero 'yang ina nyang asawa mo? Wala akong masabi!" nagpapalatak na sabi nito. Doon pumasok sa imahinasyon ni Emily ang ina ni Cruz. Totoo ang sinasabi ng ina. Ayaw na ayaw sakaniya ng ina nito. Mataas kasi ang standard nito sa babae. Matapobre rin ito. Hindi na niya mabilang sa mga daliri niya kung ilang beses siya nitong nalait, nahamak at napagsabihan ng masasamang salita. Tuwing bumibisita ito sa bahay nila noon at wala ang asawa, kinakawawa siya nito at inaalipin. Inaalipusta ang pagkatao niya. Hindi nga niya alam bakit ayaw na ayaw sakaniya ng matandang babae. Impyerno ang buhay niya kapag nand'yan ang ina nito. Ngunit kapag kaharap ang anak ay tila maamong tupa ito na napakabait sakaniya. Kaya naman hindi niya masabi sabi sa asawa ang pagbabalat-kayo ng ina at magaspang na turing sakaniya kapag nakatalikod ito. Ang buong akala nito, ay magkavibes sila ng ina nito. Nanlilisik kasi ang mga mata ng matanda at parang pinagbabantaan siyang huwag niyang sabihin iyon sa asawa, kung hindi, malilintikan siya. At ayaw din naman niyang dahil sakaniya ay magkaaway ang mag-ina. Mahal na mahal ni Cruz ang ina, kaya naman alam niyang mahirap na paniwalaan siya ng asawa. Kung kay Cruz ay lingid sa kaalaman nito ang totoong anyo ng ina nito, sa pamilya niya ay hindi. Alam ng buong pamilya niya ang kapangitan ng ugali ng biyenan. Dangan lamang ay nirerespeto niya pa rin ito bilang ina ng kanyang asawa. Marami siyang mapapait ng alaala kapag babalikan niya ang mga pagkakataong kasama ang ina ni Cruz. Kailanman hindi ito naging boto sakaniya. At nagpapasalamat siya ngayong hindi na niya kailangan pang makipagplastikan dito. Natupad na rin sa wakas ang gusto nitong mangyari. Ang magkahiwalay sila ng anak nito. Wala na rin naman na siyang pakialam pa sa iisipin nito. Naging mabuting asawa siya at biyenan. Wala itong mapipintas sakaniya. Kaya isipin na nito ang gusto nitong isipin. Lumambong naman ang ekspresyon ni Mauricio. "N-Naiintindihan ko ang pinupunto mo, Cecilia. Maging ako man ay pansin ang magaspang na pakikitungo ng ina ni Cruz kay Emily. Hindi rin ako okay doon. Pero... anak, hindi ka ba talaga sinasaktan ng babaeng 'yon?" nagaalalang tanong ng ama. Noong nagbakasyon kasi ang matanda sa Germany noon, dalawang buwan itong namalagi sakanila. Buntis na siya noon kay Angelo. Iniwas niya ang mga mata at piniling hindi na sabihin ang totoo para makaiwas na sa away. "H-Hindi ho, papa." Nakahinga naman ng maluwag ang mga magulang. "Mabuti naman! Kung hindi, malilintikan talaga saakin 'yang babae na 'yan! Wala na ngang kwenta ang anak niya, sasaktan ka pa. Ikaw nga hindi namin sinasaktan." galit na sabi ng ina. Napalunok muli si Emily sa pagsisinungaling. "S-Sige ho, aakyat na ako sa taas. Halika na kayo sa loob," pagliliko niya sa usapan. Tumango naman ang ina. Napangiti at hinawakan ang kamay niya. "Pero masaya talaga ako anak na ngayon ay kapiling ka na namin. Siguro kaya hindi talaga kayo biniyayaan ng anak 'no? Kasi talagang hindi kayo para sa isa't-isa. Kung nagkataon kasing nabuntis ka ng magaling mong asawa, nako, tiyak wala ka nang kawala. Pero sabagay, sa klase ba ng asawa mo, kahit yata mag senior citizen na 'yon walang balak magka-anak." naiiling na komento ng ina at nauna nang pumasok sa loob ng mansion. Naiwan namang nanginginig si Emily sa sinabi ng ina. Gusto niyang humingi ng tawad sa mga ito, ngayon pa lang. Sa pagtatago rito ng totoo. Sa hindi pagsasabi na ng nagkaapo ang mga ito... na hindi man lang nito nakilala't nakasama. Her baby Angelo... I'm so sorry mama and papa...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD