GIGIL na gigil si Riki habang nakatingala siya sa taong may lakas ng loob na ihagis siya sa sahig. “What the hell is your problem?” galit na sikmat ni Riki.
“Bakit mo ako inatake?” ganting-tanong nito.
Umangat ang isang kilay ni Riki nang marinig ang matinis na tinig ng estranghero. Pinasadahan niya ng tingin mula ulo hanggang paa ang taong humagis sa kaniya. Maiksi ang buhok nito at itim na itim ang suot. Ni wala makitang kurba sa katawan nito si Riki. Medyo madilim sa kinaroroonan nila kaya hindi niya masyadong makita ang hitsura ng estranghero, pero sapat na ang nakikita ni Riki para masabing isa itong lalaki. Idagdag pa ang lakas nito nang ibalibag siya nito sa sahig.
“What do you mean ‘inatake’? I was just trying to stop you from entering the ladies’ room. Hindi magandang naninilip ka sa banyo ng mga babae. At least not in this club,” naiinis na sagot ni Riki rito sa kabila ng p*******t ng likod niya. Tumayo siya at nilingon ang bouncer na nakatingin lang sa kanila. Muntik nang mapamura si Riki nang mapansing may ilang guest na nakamasid na rin sa kanila. s**t, Raiven told me to lie-low. Lalo siyang nakaramdam ng inis sa lalaki. “Ano ba’ng ginagawa ng kahina-hinalang lalaking ito dito?” sikmat ni Riki sa bouncer.
Napahawak sa batok ang bouncer at tila nag-alangan kung sasagutin siya. “Ah, Sir—”
“Sandali lang. Hinatak mo ang kuwelyo ko dahil akala mo maninilip ako?” manghang sabi ng lalaki sa kanya. Mas mataas na ang tinig nito na nagpabalik ng tingin ni Riki rito. Nanlalaki ang mga mata ng estranghero at kahit hindi niya makita nang maayos ang mukha nito ay mukhang galit na ito.
“Bakit hindi ba iyon ang balak mong gawin?” ganting-tanong ni Riki.
Naningkit ang mga mata ng estranghero. “Hindi. Gagamit ako ng banyo. Babae ako, bulag ka ba?” gigil na sikmat nito sa kanya.
Nagulat si Riki sa sinabi ng estranghero kaya pinasadahan uli niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Ang tanging nakikita lamang ni Riki na kataka-taka sa estranghero ay ang katotohanang hanggang balikat lamang niya ito. Ngunit kahit anong tingin ang gawin ni Riki sa estranghero ay wala siyang makitang kurba na magsasabing babae ito. “No s**t?” naibulalas niya.
Tumiim ang bagang ng estranghero at bago pa nahulaan ni Riki ang susunod na gagawin nito ay bigla na lamang siya nitong sinuntok sa mukha. Napaatras siya sa lakas niyon at napahawak sa nasaktang pisngi. “Aw dammit!” Riki growled painfully.
“Iyan ang pinakamatinding insultong sinabi sa akin ng kahit na sino. Bakit hindi mo subukang palawakin ang bokabularyo mo para hindi lang pulos mura ang lumalabas sa bibig mo?”
Iminulat ni Riki ang mga mata at matalim na tiningnan ang babae. He gritted his teeth when he saw that arrogant smirk on her face. “b***h, you’ll pay for this,” gigil na sabi ni Riki at akmang lalapit sa babae nang may humawak sa mga braso niya.
“Riki. Tama na `yan. People are watching you,” mariing bulong ni Choi sa kanya.
Natauhan si Riki at inilibot niya ang tingin sa paligid. Napamura uli siya nang makitang nakatingin na nga sa kanila ang mga guest. Worst of all, nakatutok ang mga camera ng mga cell phone ng mga guest sa kanila.
“Let’s go. We have to cancel your welcome party today,” bulong uli ni Choi.
Ipiniksi ni Riki ang kanyang braso at inayos ang nagusot na damit. “No. We will go on with the party,” determinadong sagot niya. Bumaling si Riki sa babae na mukha talagang lalaki. Sinalubong niya ang mga mata nito. “Get her out of here,” aroganteng sabi ni Riki.
Bumuntong-hininga ang kapatid niya. “I got it,” sagot ni Choi. Sumenyas ang kapatid ni Riki sa mga bouncer na nagsimulang lumapit sa babae. He had the satisfaction of seeing her jaw drop. Walang nagawa ang babae nang hawakan ito sa magkabilang braso ng dalawang bouncer at sinumulan itong hilahin pababa. Matalim na tiningnan siya ng babae ngunit nginisian lang ito ni Riki.
Sorry, b***h, I have more power than you. Know where you stand. Masakit man ang katawan ni Riki at alam niyang magpapasa ang bahagi ng mukha niyang sinuntok ng babae pero gumaan naman ang pakiramdam niya dahil alam ni Riki na siya ang panalo sa engkuwentrong iyon.
“HINDI mo ba alam kung gaano kalaking gulo itong ginawa mo? Magkakakilala ang mga tao sa alta-sosyedad paano ka pa magkakaroon ng trabaho niyan. At isang Montemayor pa talaga ang kinalaban mo. Paano kung makarating sa lahat ang ginawa mo? Ano ka ba naman, Ailyn, mahina na nga ang negosyo natin lalo mo pang pahihinain.”
Napangiwi si Ailyn sa sermon ng tiyuhin niya. Alam niya na may kasalanan talaga siya. Isinubo ni Ailyn ang sarili sa isang away na alam niyang kahit ano ang gawin niya ay siya ang dehado. Uminit lang talaga ang ulo ni Ailyn nang hindi maniwala si Riki Montemayor na babae siya. Oo nga at maraming nag-aakalang tomboy siya pero alam pa rin ng mga taong iyon na babae siya. Pero ang ubod ng yabang na lalaking iyon ay pinagkamalan siyang lalaki.
Nagalit nang husto si Jewel kay Ailyn nang pinatapon siya ni Riki sa labas ng club. Nadamay raw ang socialite sa kahihiyang ginawa ni Ailyn. Agad siyang tinanggal ni Jewel sa trabaho. Naging pormal lamang iyon nang makatanggap ng tawag kinabukasan ang tiyuhin ni Ailyn mula sa ama ni Jewel. Kaya ngayon ay sinesermunan siya ng tiyuhin.
Ikinuyom uli ni Ailyn ang kanyang kamay nang maalala na naman niya ang kahihiyang nangyari sa kanya dahil kay Riki Montemayor. Kung alam lamang niya na ganoon ang kahahantungan ng engkuwentrong iyon, hindi na lang sana isang suntok ang binigay ni Ailyn sa hambog na lalaki.
“Pero, Uncle, siya naman talaga ang may kasalanan,” giit ni Ailyn.
Napangiwi siya nang malakas na ihampas ng tiyuhin niya ang dalawang kamay sa mesa nito, galit na talaga ito. Bihira magalit ang tiyuhin ni Ailyn kaya lalo siyang kinabahan. “Ikaw ang may kasalanan, Ailyn, dahil ikaw ang unang nagbuhat ng kamay. At tayo ang mas nasa bingit ng alanganin dahil hindi basta-basta ang binangga mo, lalo na sa mundo natin na ang mga gaya niyang mayayaman ang kliyente natin. Paano na ang security agency natin kung wala nang magtitiwala at kukuha sa atin dahil sa ginawa mo?” sermon pa rin ng tiyuhin niya.
Nakagat ni Ailyn ang loob ng ibabang labi niya at bumuntong-hininga. “Sorry, Uncle.” May punto naman talaga ang matandang lalaki, sila ang dehado sa sitwasyon. Hindi talaga patas ang mundo, himutok ni Ailyn.
Humugot ng malalim na hininga ang tiyuhin niya at tila pagod na pagod na isinandal ang likod sa swivel chair nito. “Mabuti naman at alam mong mali ka. Sa ngayon ang kailangan nating gawin ay magdasal na huwag na sana itong makarating sa iba pa nating kliyente dahil kung hindi, maapektuhan talaga ang negosyo natin. Hindi muna kita bibigyan ng assignment. Manatili ka na lamang muna dito sa opisina. O kung gusto mo puwede ka nang umuwi muna. Isipin mo na lang, off mo.”
Napamaang si Ailyn sa tiyuhin. “Hanggang kailan?”
Hinilot ng tiyuhin niya ang sendito nito na tila sumakit ang ulo. “Hangga’t hindi ko pa nasisiguro kung may makukuha pa akong trabaho para sa `yo.”
“Uncle,” reklamo ni Ailyn. Kailangang-kailangan niya ang trabaho niya dahil iyon lang naman ang bumubuhay sa kanya. At hindi niya kakayaning manatili sa bahay nang lampas isang araw.
“Kasalanan mo iyon, Ailyn. Hala, uwi na at may gagawin pa ako,” sabi ng tiyuhin niya.
Nakuyom ni Ailyn ang kanyang kamay. Tiim-bagang na tumayo siya nang deretso at sinalubong ng tingin ang mga mata ng matandang lalaki. “Yes, Sir,” pormal na sagot ni Ailyn. Iyon lang at lumabas na siya ng opisina ng tiyuhin niya.