Part 5

1125 Words
HINDI pa rin maganda ang mood ni Ailyn nang makarating siya sa apartment niya. Habang nasa biyahe siya pauwi ay lalo niyang napagtantong si Riki Montemayor talaga ang ugat ng kamalasang nangyari sa kanya ngayon. Napaka-unfair ng sitwasyon niya. Dahil mayaman si Riki at simpleng tao lang si Ailyn ay siya pa ang nasa bingit ng alanganin kahit may kasalanan din naman ang lalaki. Isa pa, hindi mapapatawad ni Ailyn si Riki na hindi ito naniwalang babae siya. Nasa tapat na si Ailyn ng pinto ng apartment niya at akmang bubuksan na iyon nang bumukas ang pinto ng apartment ni Winnie. Napaigtad siya sa pagkagulat sa puwersa ng pagbukas niyon. “Ailyn, sabi ko na nga ba’t ikaw ang dumating,” masiglang bati ni Winnie, sabay lapit sa kanya. Kumikislap ang mga mata ng babae sa excitement. Kung para saan ay hindi niya alam. “Bakit parang ang saya-saya mo, Winnie?” tanong ni Ailyn. “Dahil sa `yo,” nakangising sabi ng kaibigan niya. Napakunot-noo si Ailyn. “Ha?” Sinenyasan siya ni Winnie na lumapit. “You are all over the web you know. Sikat ka na. May malaking scoop din ako dahil sa `yo. Gusto mong makita?” Natigilan si Ailyn. Hindi maganda ang kutob niya sa nais ipakita ni Winnie pero mabilis siyang lumapit dito. Pumasok uli ang babae sa loob ng apartment nito. Mabilis na sumunod si Ailyn. Sumalampak ng upo si Winnie sa tapat ng laptop at may kinalikot doon. Pagkatapos ay tumingin kay Ailyn ang babae at iniharap ang screen ng laptop sa kanya. Umawang ang mga labi ni Ailyn nang mapanood ang video na naka-post sa Youtube. Kuha iyon nang away nila ni Riki Montemayor! Mula sa eksenang nakalugmok ang lalaki sa sahig, tumayo ito at makipagsagutan sa kanya hanggang sa suntukin ni Ailyn si Riki. Kahit medyo madilim ang lugar na iyon ay malinaw ang video. Hindi masyadong dinig ang mga boses nila dahil maingay at malakas ang musika sa loob ng bar pero kitang-kita naman ang mga kilos nilang dalawa. “‘Riki Montemayor, nakipag-away sa isang babae sa isang sikat na club,’ magandang headline, hindi ba? O kaya, ‘Riki Montemayor, walang laban sa isang babae nang awayin niya ito sa isang club.’ This is exciting,” sabi ni Winnie na tumawa pa. Namilog ang mga mata ni Ailyn ng tingnan ang kaibigan. “Teka lang, magsusulat ka ng balita tungkol diyan?” “Oo naman. Anything concerning the Montemayor brothers is a good scoop. Besides, siguradong laman na ng mga balita mamaya ang tungkol sa video na iyan. Mainit ang mga mata ng media kay Riki ngayon dahil nga sa nangyari sa US Open. Kahit anong balita tungkol sa kanya ay palalakihin ng media. Ipinakita ko ito sa `yo para maging handa ka. Kita kasi ang mukha mo sa video na ito, Ailyn. Tiyak na hahanapin ka nila,” paliwanang ni Winnie.  Kinabahan si Ailyn. “Ng media?” Bumuntong-hininga si Winnie. “At ng mga Montemayor. Lalo na ni Riki dahil kilalang ma-pride ito. Base sa video wala siyang laban sa `yo. Eskandalo at kahihiyan ito para sa kanya.” Napaawang na ang mga labi ni Ailyn. Nanghihinang sumalampak siya sa sahig. Biglang sumakit ang ulo niya. Pakiramdam ni Ailyn nakaapak siya ng isang land mine mula nang makaengkuwentro niya si Riki Montemayor. At sa maling kilos niya ay sasabog iyon. At nang gabi ngang iyon, tila bombang sumabog ang balita tungkol sa naging engkuwentro nila ni Riki. Malamang na wala na talagang babalikang trabaho si Ailyn kinabukasan.   “FIND her!” nagtatagis ang mga bagang na sabi ni Riki habang matalim ang tingin sa television screen kung saan hindi na niya mabilang kung ilang ulit na pinalabas ang video niya at ng babaeng dahilan kung bakit may pasa pa rin hanggang ngayon ang mukha niya. Hindi mapapatawad ni Riki ang babaeng naging dahilan ng kahihiyan niya ngayon. “At ano naman ang plano mong gawin kapag nakita mo na siya?” tanong sa kanya ni Choi. Nilingon ni Riki ang bunsong kapatid at sina Raiven at Jeremy na kasama nitong dumating pagputok na pagputok ng balitang iyon sa media. May pakiramdam si Riki na ano mang oras ay susulpot din doon ang mga magulang niya dahil narinig niyang kausap ni Raiven ang kanilang ama sa telepono kanina. Napatiim-bagang siya. “I will teach her a lesson,” gigil na sagot ni Riki. “Will that change anything? Malilinis ba ang pangalan mo kapag ginawa mo `yon?” tanong naman ni Jeremy. “It will ease my anger,” sikmat ni Riki. “I don’t care about your anger, Riki. Ang importante rito ay kung paano mo malulusutan ang eskandalong ito at malilinis ang pangalan mo. Marami kang endorsement at shows na kailangang puntahan at maaaring ma-cancel ang mga iyon dahil dito. Worst, kapag hindi pa gumanda ang image mo baka hindi ka na imbitahan ng mga tennis association sa mga tournament. As your manager, I will not allow that,” paliwanag ni Jeremy. Humugot ng marahas na hininga si Riki at nagpalakad-lakad. Kilala na niya si Jeremy kolehiyo pa lang siya. Si Jeremy ang matalik na kaibigan ni Riki at nirerespeto niya ang mga desisyon ng lalaki. “Then what the hell should we do? In the first place, ang babaeng `yon naman ang may kasalanan ng gulong nangyari sa bar, hindi ako!” galit na sabi ni Riki. Lalo siyang naiinis nang hindi magsalita ang tatlong lalaki. Siya man kasi ay walang maisip na paraan para masolusyunan iyon na hindi siya gagamit ng dahas. Sa totoo lang ay walang ibang gustong gawin si Riki sa mga oras na iyon kundi pilipitin ang leeg ng babaeng iyon. “I have a plan,” sa wakas ay basag ni Raiven sa katahimikan. Napatingin silang lahat sa panganay niyang kapatid. “But you won’t like it,” sabi ni Raiven kay Riki. “Sabihin mo na. Wala akong pakialam kung hindi niya magustuhan ang plano mo,” ani Choi na nakangiti pa, mukhang tuwang-tuwa sa nangyayari sa kanya. “I agree. Ano ang plano?” sabi naman ni Jeremy na para bang wala siya roon. Tumango si Raiven at sinabi ang plano nito. Nag-init na nang husto ang ulo ni Riki. “What the hell?! Ayoko,” mariing tanggi niya. Tumingin ang tatlong lalaki kay Riki at sabay-sabay na nagtaas ng isang kilay. “May kasalanan ka rin dito at wala kang magagawa kundi ang sundin ang plano ni Raiven,” pinal na sabi ni Jeremy. Si Choi naman ay ngingisi-ngisi. Kung hindi lang kapatid ni Riki si Choi malamang sinuntok na niya ang lalaki, lalo na nang sabihin nitong “Good luck, brother.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD