Part 3

1164 Words
PAKIRAMDAM ni Ailyn ay mabibingi na siya sa lakas ng tugtog sa loob ng club kung saan siya naroon. Pero umakto pa rin siyang hindi alintana iyon at nanatiling nakatayo sa isang gilid ng bar habang nakasunod ang tingin sa “alaga” niya nang gabing iyon. Umiiling si Ailyn habang nakatingin kay Jewel Jimenez, ang anak ng isang mayamang negosyante. Naatasan siyang bantayan ang babae habang naka-leave ang dating bodyguard nito. Nasa gitna si Jewel ng dance floor at abala sa maharot na pagsayaw habang may dalawang lalaking halos nakalingikis na rito. Ganito na ba talaga ang mga babae ngayon? Beinte anyos pa lang si Jewel pero tila propesyonal na ito sa pakikipagharutan sa mga lalaki. Hayun nga at tila aliw na aliw pa ang babae habang kung saan-saan na napupunta ang mga kamay ng mga lalaking kasayaw nito. Kung siya si Jewel ay nabali na ni Ailyn ang mga buto ng mga lalaking iyon. Ayaw na ayaw kasi niyang hinahawakan ng kung sino. Pero sabagay, mula nang maging agent si Ailyn ng security agency ng tiyuhin niya ay wala namang lalaking nagtangkang lumapit sa kanya maliban na lang sa mga katrabaho niya. Hindi palaayos si Ailyn dahil hindi naman iyon kailangan sa trabaho niya. Itim na T-shirt, jacket, at pantalon ang madalas niyang isuot. Dating maputi si Ailyn pero nag-iba na ang kulay ng balat niya sa ilang taong pagbibilad sa araw. Hindi rin siya sanay na mag-makeup. Sa kabila ng feminine features ni Ailyn na namana niya sa magandang mama niya ay maraming lalaking nag-aakalang tomboy siya. Naitatago kasi ng maluwang na T-shirt na suot ni Ailyn ang kaniyang ganda. Sa tingin niya, mas safe na ganoon ang tingin sa kanya ng mga lalaki kaya kahit kailan ay hindi niya itinama ang maling akala ng marami. Napangiwi si Ailyn. Bumalik sa kasalukuyan ang isip niya nang makita ni Ailyn na isa na lang ang kapareha ni Jewel sa dance floor. Sa pagkakataong iyon ay naghahalikan na ang dalawa. Naikuyom ni Ailyn ang kanyang mga kamay dahil gusto niyang pigilan si Jewel sa ginagawa nito. After all, ibinilin ng mga magulang ng babae na ilayo ni Ailyn sa kapahamakan si Jewel at sa tingin niya ay mapanganib na ang ginagawa ni Jewel para sa p********e nito. Pero ibinilin ni Jewel na huwag ko siyang iistorbohin at manatili lang ako sa isang tabi. Na hangga’t hindi siya sumisigaw para humingi ng tulong ay huwag akong lalapit sa kanya. Kaya yata nag-leave ang bodyguard niya dahil sakit siya sa ulo. Humugot si Ailyn nang malalim na hininga. Sa totoo lang, hindi niya maisip kung bakit kailangan pa ni Jewel ng bodyguard. Sa tingin ni Ailyn ay nag-o-overreact lang ang ama ng babae. May iba ngang mas mayaman pa sa mga ito na wala namang bodyguard. Pero hindi na dapat magreklamo si Ailyn dahil sa mga gaya nina Jewel kaya siya may trabaho. Naging alerto si Ailyn nang lapitan siya ni Jewel habang nakalingkis pa rin sa baywang nito ang lalaking kahalikan ng babae kanina. “Ailyn, aakyat kami sa second floor, may special party doon. You just stay here and have a drink, okay? It’s a private partly so I can’t bring you with me,” maarteng sabi ni Jewel. Dumukot ang babae ng isang libo sa purse na dala-dala nito at isinuksok sa bulsa ng pantalon ni Ailyn. “Pero, Ma’am, bilin ho sa akin ng papa ninyo huwag kong aalisin ang tingin ko sa inyo,” giit niya. “Nonsense, nasa taas lang naman ako. Hindi naman niya malalaman as long as we don’t tell him, right?” “Pero, Ma’am—” “Geez, why are you so persistent?” inis na putol ni Jewel sa pagrereklamo ni Ailyn. “Ganito na lang, I’ll just stay there for four hours. Pagkatapos ng apat na oras at hindi pa ako bumababa, puntahan mo na ako, okay?” Bago pa uli makapagsalita si Ailyn ay nakatalikod na si Jewel at ang lalaking kasama nito. Frustrated na sinundan na lang niya ng tingin ang babae habang paakyat ang mga ito sa hagdan patungo sa second floor. Sandaling nanatili si Ailyn sa kinaroroonan niya bago sumunod kina Jewel. Hindi kasi niya matiis na manatili roon at maghintay lang na bumaba ang binabantayan niya.  Pero bago pa man makapasok sa glass door ng second floor si Ailyn ay hinarang na siya ng isang bouncer. Kahit sinabi pa niyang nasa loob ang taong binabantayan niya ay hindi pa rin siya pinapasok ng malaking lalaki dahil pribado raw ang lugar na iyon at pawang mga VIP lang ang puwedeng pumasok. “Huwag kang mag-alala, Miss. Safe ang amo mo sa loob. Mahigpit ang seguridad dito at kahit mga reporter, hindi makakapasok,” sabi sa kanya ng bouncer. Napabuga ng hangin si Ailyn at saka ginulo ang buhok niya. Patalikod na siya nang may mahagip ang mga mata niya sa isang pasilyo. Ngayong mas relax na si Ailyn dahil alam niyang safe naman pala ang “alaga” niya sa second floor ng bar na iyon ay naalala niyang kailangan nga pala niyang gumamit ng banyo.  “Boss, cr ba `yon?” tanong ni Ailyn sa bouncer na tumango naman. “Puwede naman siguro akong makigamit n’on, `no? Puputok na kasi ang pantog ko.” Bahagyang ngumiti ang malaking lalaki bago tumango. Dali-daling lumapit sa CR si Ailyn. Ni hindi na niya pinansin ang tinig ng mga lalaking palabas ng men’s room dahil nakatutok ang buong atensiyon ni Ailyn sa pinto ng ladies’ room nang bigla na lamang may humablot sa kuwelyo niya sa likuran. Muntik nang matumba si Ailyn dahil bahagya siyang nawalan ng balanse. On impulse at dala ng maraming taong karanasan sa pagiging bodyguard ay kusang kumilos ang katawan ni Ailyn na nakaramdam ng panganib. Umangat ang mga kamay niya at humawak sa kamay na nasa kuwelyo niya. Pagkatapos ay umikot si Ailyn sa paraang mapipilipit niya ang kamay ng kung sino mang naglakas-loob na atakehin siya mula sa likuran. Narinig niya ang marahas na pagmumura ng lalaki ngunit hindi siya huminto. Bumuwelo si Ailyn at sa kabila ng naramdaman niyang matigas at malapad na pangangatawan ng lalaki ay inipon niya ang lahat ng lakas niya at ibinalibag ito. Lumagabog sa sahig ang lalaki. “Aw, f**k! What the hell?!” bakas ang sakit at galit sa baritonong tinig na bulalas ng lalaki. Noon lang tiningnan ni Ailyn ang ibinalibag niya. Sa kabila ng madilim at kumukutitap na liwanag doon ay nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ang lalaking inihagis niya. Iyon ang unang beses na nakita ni Ailyn ang lalaki nang personal. Matalas ang memorya niya pagdating sa mukha ng tao kaya agad niyang nakilala si Riki Montemayor. At base sa talim ng tingin at balasik ng ekspresyon sa mukha ng lalaki ay may pakiramdam si Ailyn na nasuong siya sa isang malaking gulo.                                                 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD