Bumaba na ako't t-in-ext si Chloe kung nasaan na siya. Bago pa man ako tuluyang makababa ay dumaan muna ako sa stockroom at umaasang makita sina Jepoy doon. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanila nang maayos.
Nang makarating ako sa stockroom ay laking pasasalamat ko nang makita sila roon kasama si Sir Je. Sa tingin ko'y may pinag-uusapan sila dahil lahat sila'y nakatingin kay Sir Je at mukhang seryoso yata ang pinag-uusapan nila.
Una akong napansin ni Manang Linda.
"Shaznia! Nandito ka!" masayang wika ni Manang Linda dahilan para maagaw ko ang atensyon ng lahat. Ngumiti ako sa kanila.
"Hello po," nakangiting bati ko sa kanila.
"Oh, Miss Riley! Masaya akong makita ka. Grabe! Kakaiba ka ngayon, ah. Sabi ko na, hindi ka talaga bagay maging janitress," wika ni Sir Je.
"Oo nga, Sha! Ang ganda mo lalo. Nasabi na ni Sir sa amin na secretary ka na raw ni Mr. Monteverde," singit naman ng isa sa mga naging kasamahan ko.
"Kumusta first day?" tanong naman ni Jepoy.
"Medyo tagilid, e. Pero ayos lang naman. Minsan malabo lang talagang kausap si Mr. Monteverde."
Natawa naman sila sa naging sagot ko.
"Pakiramdam ko, aabot ka lang ng isang Linggo diyan," wika naman ng isa kong kasama.
"Baka nga bukas magre-resign na iyan, e," natatawang sabi naman ni Jepoy na ikinatawa naming lahat.
"Nako. Hindi naman siguro," nahihiyang sabi ko.
"Ako, ramdam ko na magtatagal itong si Shaznia. Nakikita ko." Lahat naman kami'y napatingin kay Manang Linda nang banggitin niya iyon. Nang makita niya ang pagtataka sa mga mukha namin ay muli itong nagsalita. "Sana nga ay magtatagal ka."
"Pero maiba tayo," saad ni Jepoy dahilan para mabaling ang atensyon naming lahat sa kaniya. "Libre mo naman kami, Sha. Celebrate tayo!"
"Nako. Ikaw talaga, Jepoy. Gusto mo lang makasama si Chloe, e," pang-aasar ko sa kaniya. Pati ang mga kasamahan namin ay tinukso na rin siya, tutal alam naman nila na may lihim na pagtingin itong si Jepoy kay Chloe. Kung saan-saan pa napadpad ang usapan namin hanggang sa nagdesisyon na kaming mananghalian. T-in-ext na rin kasi ako ni Chloe na naghihintay na siya kaya bumaba na ako kasama si Manang Linda, Mica at Jepoy. Kanina ko pa rin napapansin na medyo tahimik si Mica.
"Kuwento ka naman. Wala ka bang balak?" pagbubukas ni Chloe ng usapan nang mapansing hindi ako nagsasalita't tahimik lamang na kumakain. Hinahayaan ko kasi silang mag-usap nina Jepoy since parehas naman silang madaldal.
Nagkibit-balikat lang ako at pinagpatuloy ang pagkain ko. May balak naman akong sabihan si Chloe tungkol kay Lunoxx at sa nakaraan namin, pero hindi sa harapan nina Jepoy. Buti na lang at hindi na siya nagpumilit pa at mas piniling kausapin si Jepoy kaysa mangulit sa akin.
Pagkatapos ng break time namin ay bumalik na kami sa kumpanya. Hindi ako sanay na nakukuha ko ang atensyon ng ibang mga empleyado rito. Kung sa bagay, sino ba naman ang hindi magtataka dahil nitong nakaraan lang ay isa akong janitress tapos ngayon ay ganito na ang suot ko.
"Nakakahiya ng tumabi sa'yo, Sha. Naaagaw mo talaga ang atensyon ng mga tao rito," ani Jepoy habang hinihintay naming bumukas itong elevator.
"Nako. Hindi lang sanay ang mga iyan. Hayaan na natin sila," sagot ko.
Nang makarating ako sa pinakahuling palapag ay inayos ko na ang sarili ko. I glance at my wrist watch. May 20 minutes pa naman ako. Puwede pa akong mamahinga muna. Mamaya pa namang ala-una ang in ko. Umupo muna ako saka nagpahinga nang makarating ako sa opisina ko. I sighed. Muling nanumbalik ang nangyari sa amin ni Lunoxx apat na taon na ang nakalilipas. Nagpapasalamat man ako dahil hindi niya ako maalala pero paanong hindi niya na ako maalala? Basta't ang alam ko lang ay nang maghatinggabi ay umalis na ako sa condo unit niya. Umalis ako nang walang paalam. Umalis akong hindi inaalam ang pangalan niya. Umalis ako na walang iniwan na bakas tungkol sa sa'kin. Akala ko kasi hanggang doon na lang iyon. Hindi ko alam na magbubunga pala iyong pangyayaring iyon.
Ngayon, nagkita ulit kami. Mapaglaro pala talaga ang tadhana. Akalain mo na sa apat na taon na ang nakalilipas ay nagkita pa muli kami? Ang malala pa ay boss ko siya. Araw-araw kong makakasama't makikita. Paano kapag malaman niya ang tungkol kay Shaina? Mabilis akong napailing.
"No, Sha. Hindi mo na kailangang isipin iyon. Hindi niya malalaman. Wala siyang alam. Wala kang dapat ipag-alala. Wala—"
"Hey, I am talking to you."
Mabilis akong napatayo nang marinig ko iyon. Inayos ko pa ang sarili ko saka tuluyang humarap sa kaniya. Abot-abot ang kaba ko habang nakatingin ako sa kaniya. Siya naman ay kunot ang noong nakatingin sa akin habang nakahalukipkip.
"Y-yes, Mr. Monteverde? May kailangan po ba kayo?" nauutal kong tanong sa kaniya.
He shook his head. Ilang beses niya na bang nagagawa ito sa harapan ko. Unang araw ko pa lang ito pero pakiramdam ko'y sobrang palpak na ng trabaho ko.
"I said, buy me some food for my lunch. Gusto ko iyong—"
Tumunog ang elevator dahilan para parehas kaming napatingin doon. I saw a girl wearing a red fitted v-neck dress na halos labas na ang kaniyang cleavage at kaniyang hita sa sobrang revealing ng kaniyang suot, at talagang pinares niya pa ito sa kaniyang red high stilettos. Saan ba siya pupunta at ganito ang suot niya?
"Hey, honey! Sorry, I'm late."
Nang makita niya ako ay biglang nag-iba ang reaksyon ng kaniyang mukha. Tinaasan niya pa ako ng kilay kasabay nito ang pagnipis ng kaniyang labi.
"Who are you?" she asked me.
Ngumiti ako sa kaniya. "I am Shaznia Riley, the new secretary of Mr. Monteverde."
Sinuri niya ako mula ulo hanggang paa saka lumapit kay Mr. Monteverde at inangklas ang kaniyang kamay sa braso nito.
"Well, I am Celestine Shawn. The one and only girlfriend of your boss. You need to call me Madame. Are we clear?" Ngumiti pa siya sa akin kahit halata namang peke ang mga ngiting 'yon.
Tumango naman ako sa kaniya. "Okay, madame."
"Why are you late? I am already starving," ani Lunoxx habang kausap itong girlfriend niya.
"I'm sorry, honey. Traffic kasi. Let's go."
Tumalikod na sila sa gawi ko. Ang alam ko'y uutusan ako ni Mr. Monteverde, e. Ano kaya iyon? Nawala sa isip ko.
"Mr. Monteverde, ano nga po ulit iyong sinasabi ninyo kanina? Ano po'ng iuutos ninyo sa akin?" tanong ko bago pa sila makapasok sa elevator.
Unang lumingon si Celestine na masamang-masama ang tingin sa akin. Kita ko pa ang pagbanggit niya ng salitang 'b***h' habang tinitingnan niya ako.
"Nah. Nevermind. My girlfriend's here already," sagot ni Lunoxx nang hindi man lang lumingon.
"Okay po, Mr. Monteverde. Enjoy your lunch."
"Hon, next time...can you please choose a better secretary? Mukha kasing walang class 'yang bagong secretary mo." Alam kong si Lunoxx ang kausap ni Celestine, ngunit alam ko rin na pinaparinggan niya ako. Hindi ko narinig ang naging sagot ni Lunoxx nang saktong bumukas ang elevator at sabay silang pumasok doon. Bago pa man tuluyang magsara ang pinto ng evator ay kita ko pa kung paano ngumisi si Celestine habang nakatingin sa akin.
"Nandito pa ako sa lupa, pero nakakita na agad ako ng demonyo," bulong ko sa sarili.