Pinagmasdan niya pa ako mula ulo hanggang paa.
"Are you the new secretary?" seryosong tanong niya.
Tahimik akong napalunok saka dahan-dahang tumango sa kaniya. "I am Shaznia Riley, your new secretary, Mr. Monteverde."
Hindi na siya sumagot saka nito inayos ang coat niya. "I want a coffee. Dalhin mo sa opisina ko. Move."
Nilagpasan niya na ako hanggang sa narinig kong papalayo na ang kaniyang mga yapak. Dahan-dahan akong lumingon para tingnan kung naroon pa ba siya. Nang mapagtanto kong nasa loob na siya ng kaniyang opisina ay napabuga ako ng hangin. Pakiramdam ko'y kinapos ako ng hininga. Siya ba ang boss ko? Siya ba ang CEO ng kumpanyang ito? Sa dinami-dami ng puwede kong maging boss, bakit…bakit iyong estranghero pa na nakilala ko apat taon na ang nakalilipas?
Mali pala ang desisyon kong tanggapin ang trabahong ito. Maling-mali, ngunit kailangan kong panindigan ito. Nakilala niya kaya ako? Mukhang hindi naman—sana hindi. Nag-inhale at exhale pa ako bago nagsimulang magtimpla ng kape para sa kaniya.
"Focus, Sha. Focus. Trabaho lang ito. Focus," paulit-ulit kong pangungumbinsi sa sarili ko habang tinitimpla ang kape ng boss ko.
Pagkatapos no'n ay lumabas na ako ng pantry area saka tumungo na sa opisina ni Mr. Monteverde. Well, he doesn't want him to be called by his first name, e, ang cute naman ng pangalan niya. Ako mismo’y napangiwi sa nasabi ko. I shook my head.
"Tama na nga, Sha. Focus, okay? Focus," sermon ko sa sarili ko.
Inaalala ko iyong sinabi sa akin ni Miss Fiona. Kinuha ko ang I.D ko saka itinapat ito sa recatangular-shaped device na nasa tabi ng pintuan nito. Nang bumukas na ang pinto ay pumasok na ako. Naabutan ko siyang nakatayo sa harap ng malaking glass window ng opisina niya. Ngayon ko lang din naalala na hindi ko pala na-check kung maayos ba ang mga gamit niya. Bakit ba kasi ang aga ng pasok niya ngayon?
"Good morning, Mr. Monteverde. Nandito na po ang kape ninyo," wika ko dahilan para lumingon siya sa direksyon ko habang nakapamulsa.
Dumako ang tingin niya sa tasa ng kape na inilapag ko sa kaniyang lamesa. "Okay. What's my schedule now?"
Bahagya pa akong natigilan sa tanong niya. Buti na lang at binasa ko kagabi ang tungkol sa mga schedules niya ngayon kung hindi, e, baka masermunan ako nito umagang-umaga pa lang.
"At 10a.m. po, may meeting po kayo with Mr. Lim regarding his proposal. May lunch din po kayo kasama si Madame Celestine for your anniversary and at 3p.m. naman po, may lakad po kayo ng Daddy ninyo," sagot ko—umaasang wala akong nakaligtaan sa mga schedules niya.
"Okay. You may now go," tipid niyang sagot.
Wala na akong nagawa kundi ang tumalikod na para umalis ng kaniyang opisina. Ayoko rin namang makita siya, 'no! Hanggang ngayon ay hindi pa rin rumirehistro sa utak ko na siya ang boss ko! Sa tingin ko nama'y hindi niya na ako naaalala. Kaya wala akong dapat na ipag-alala. I'm safe. Shaina's safe.
"Hey."
Natigil ako sa paglalakad saka lumingon sa kaniya.
"Ikaw ba ang nagtimpla ng kape ko?" tanong niya.
Malamang. Sino pa ba? May iba ka pang nakikita? Nakakaasar din itong kausap, ah. Tinaguriang CEO pero medyo slow. Ngumiti ako sa kaniya—isang pilit na ngiti.
"Yes po, Mr. Monteverde. Bakit po? Hindi ninyo po ba nagustuhan?" Subukan mong sabihing hindi, lalagyanan ko na iyan ng lason sa susunod.
Seryoso lamang siyang nakatingin sa akin saka pinunasan ang bibig. He shook his head like he's not satisfied with the flavor. "Nah."
Aba! Nagrereklamo ka?! Edi sana ikaw na lang ang nagtimpla ng sarili mong kape! Ang sungit naman pala nito.
"Sige po. Papalitan ko na lang, Mr. Monteverde." Bilib din ako sa sarili ko dahil nagagawa ko pa ring ngumiti sa harap niya kahit ang totoo'y buwisit na buwisit na ako sa kaniya.
"No need. Gawin mo na lang trabaho mo. Finish all the pending works from my previous secretary. Be competent. Ayoko ng tanga-tanga sa trabaho," seryosong wika nito.
"Makakaasa kayo, Mr. Monteverde."
Nang tumalikod na ako sa kaniya'y saka lang nawala ang ngiti ko. Kanina ko pa pinipigilan ang sarili kong huwag maging sarkastiko sa kaniya. Akala ko ang problema ko ay si Celestine lang, little did I know, e, pati ang boss ko pala.
Nang tumapat ang alas onse ay break-time ko na. Hindi ko alam kung kailangan ko pa bang magpaalam kay Mr. Monteverde? Pero baka kasi hanapin niya ako mamaya. Baka ma-award-an pa ako kung sakaling madatnan niya na walang tao sa labas. Inayos ko na muna ang mga gamit ko bago pumasok sa kaniyang opisina.
Naabutan ko pa siyang nakatutok sa kaniyang monitor. Nakababa na rin ang mga window curtains na kanina ay nakatali sa magkabilang sulok. Mas naging malamig pa nga ang opisina niya ngayon, e. Medyo madilim din. Hindi ba sumasakit mata niya?
"What do you need?"
Ngumiti ako sa kaniya. "May kailangan pa po ba kayo, Mr. Monteverde? Magla-lunch na po kasi sana ako."
Umiling naman siya. "You may take your lunch."
"Okay po," nakangiting sagot ko saka tumalikod sa kaniya. Ngunit, muli akong lumingon sa kaniya nang may maalala ako. Nagulat pa ako nang makitang nakatingin pa rin ito sa akin.
"What?" masungit niyang tanong.
"Kayo po ba? Hindi po ba kayo gutom?"
Halatang hindi niya inaasahan na iyon ang sasabihin ko dahil base sa ekspresyon ng mukha niya’y nabigla siya. Wala naman sigurong masama kung magtatanong ako ng ganoon sa kaniya, hindi ba?
"Kung gutom ako, edi sana inutusan na kita."
Tingnan mo ito! Ako na nga itong nagmamagandang-loob sa kaniya, tapos siya pa itong nagsusungit.
"Bahala ka na nga sa buhay mo." Mabilis kong tinakpan ang bibig ko nang sabihin ko iyon. Sh*t. Ba't lumabas iyon sa bibig ko?
Kita ko ang masamang tingin sa akin ni Mr. Monteverde. Narinig niya kaya ang sinabi ko?
"What did you just say?" Mas naging seryoso ang tono ng boses nito.
"A-ah. Ang sabi ko po, e…aalis na po ako bago pa ninyo ako masisante." Ngumiti ako sa kaniya saka mabilis na umalis ng opisina niya.
Ano ba naman iyan, Shaznia! Iyang bunganga mo talaga. Nako! Nakakainis din naman kasi itong Lunoxx Monteverde na ito. Akala mo kung sino! Buti na lang at hindi namana ni Shaina ang ugali niya! Ngayon, sigurado akong hindi niya ako kilala. This time, I am confident na hinding-hindi niya malalaman ang tungkol kay Shaina at sa nangyari sa amin four years ago.
Saktong paglabas ko ng opisina ni Mr. Monteverde ay biglang tumunog ang cellphone ko. Bumungad doon ang pangalan ni Shaina. Kinuha ko iyon saka sinagot. Tutal, break time ko na rin naman.
"Mama!"
Napangiti ako nang marinig ang napakabibong boses ng anak ko. "Napatawag ka? May problema ba riyan, Ina?"
"Wala naman po, Mama. Na-miss lang po kita. Hindi kasi kita naabutan kanina."
"Sorry. Hindi na nakapagpaalam si Mama sa iyo dahil ayokong gambalain ka sa pagtulog."
"Okay lang po, Mama. Anong oras po kayo uuwi mamaya?"
Saglit pa akong napaisip. "Hindi pa alam ni Mama, e. Pero tatawagan kita kapag pauwi na ako. Okay ba?"
"Yehey! Okay, Mama. I love you!"
I smiled. She's really the sweetest. "I love you, too." Pagkatapos ay ibinaba ko na ang tawag. Saktong paglingon ko'y nakatingin sa akin si Mr. Monteverde. Kasalukuyan siyang nakasandal sa tabi ng pintuan habang seryosong nakatingin sa akin.
"Mr. Monteverde, kanina pa po ba kayo?" kinakabahang tanong ko.
"Nah. Just now. Anyway, before you leave, dalhan mo muna ako ng kape sa loob." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis siyang tumalikod sa direksyon ko saka pumasok sa kaniyang opisina.
Ano ba naman iyan! Ni hindi ko nga alam kung anong klaseng kape ba ang gusto niya. Bahala na nga lang! Pumasok na ako sa pantry area at naghanap ng instant na kape. Kung ayaw niya sa kape ko kanina, edi itong instant coffee na lang. Pagkatapos ko siyang pagtimplahan ng kape ay pumasok na ako sa kaniyang opisina. Inilapag ko na ang dala kong kape sa lamesa niya.
"Andiyan na po ang kape ninyo, Mr. Monteverde."
"Thanks," sagot niya habang nakatutok ang atensyon niya sa kaniyang monitor.
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at tumalikod na sa kaniya. Hindi pa man ako tuluyang nakaabot sa kaniyang pintuan ay rinig kong nabilaukan ito. Nataranta naman ako't mabilis siyang nilapitan.
"Ano po ang nangyari, Mr. Monteverde?" nag-aalalang tanong ko.
"What kind of coffee is this?!" galit niyang tanong sa akin.
"E, kasi po, hindi ba ayaw ninyo sa kape na ibinigay ko sa inyo kanina? Kaya instant coffee na lang po ang ipinagtimpla ko sa inyo ngayon," sagot ko.
He glared at me. "Just leave my office, now."
Yumuko naman ako sa kaniya. "Sorry po, Mr. Monteverde." Saka ako nagmadaling umalis sa kaniyang opisina.
Hindi ko naman kasi siya naiintindihan! Kanina ay ayaw niya sa kape na ipinagtimpla ko sa kaniya. Ngayon naman ay galit na galit siya dahil sa kape na ipinang-serve ko sa kaniya. Ano ba ang gusto niya? Imported na kape? Edi sana sabihin niya! Hindi ko naman mabasa kung ano'ng nasa isip niya, e. Masyado siyang kumplikado kausap!