May Nakalimutan

2006 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 Nagpadala si Weng ng pera. Nakapangalan ito sa Pilipinong nagpahiram sa akin ng kanyang cell phone dahilan wala nga akong legal na mga dokumento para sa pag-claim ng pera. Nang natanggap ko na ang pera, bumili kaagad ako ng mga gamit, ticket, at pati cell phone upang manatili ang kontak namin ni Weng. Sa araw ding iyon, bumiyahe ako pabalik ng Pilipinas. Nag-eroplano na ako galing Mindanao pabalik sa aming lugar. Pagdating na pagdating ko sa airport, si Weng kaagad ang sumundo sa akin. Dinala niya ako sa restaurant na dating paborito naming tunguhan kapag nagdi-date kami. Doon kami kumain at nag-usap tungkol sa mga kaganapan ko sa Mindanao. "Tob... hindi maganda ang kutob ko sa pangangatawan mo." Ang sambit kaagad niya sa pagkakita niya sa akin. "Syempre, halos hindi ako kumakain sa Malaysia sa kaiisip kung saan ko hahanapin si Meg. Kaya hayan, pumayat, nangitim..." Binitiwan ni Weng ang isang pilit na ngiti. Tinitigan ako. Yumuko na lang ako. Alam ko ang titig na iyon. Titig ng isang taong may naramdamang pang pagmamahal. "A-at least, ngayong pumayat na ako, umitim, pumangit... matu-turn off ka na sa akin." sambit ko. "Tob... hindi kita minahal dahil guwapo ka, dahil maputi ka, o dahil maganda ang iyong pangangatawan. Kahit mawala ang lahat nang iyan sa iyo, mananatili ang pagmamahal ko... kahit hindi mo na ako mahal, nandito pa rin ang pagmamahal na iyan sa puso ko." Bigla akong natameme sa sagot niya. Tila hinataw ang ulo ko ng isang matigas na bagay. Parang lumabas tuloy na napaka-insensitive ko. "Ay... ano ba yan. Ibahin na nga lang natin ang topic!" ang dugtong ni Weng nang mapansing nasamid ako sa kanyang sinabi. "S-sagutin mo na lang kasi si Christian. Ang tagal nang nanligaw noong tao sa iyo. Ano pa ba ang hinahanap mo sa isang lalaki. Kung kabaitan, mayroon siya, kung sa kapogian, daig pa niya si Mario Maurer sa hitsura at porma, at kung sa talino naman, tingnan mo naman ang mga achievements..." "Tob... Hindi natuturuan ang puso. Di ba ikaw rin ang may sabi niyan?" "Sabagay..." sagot ko. Bull's-eye nga naman ang sinabi niya. Tahimik. "Ang hirap intindihin ng tadhana, ano? Heto ka na sana, perpekto ang lahat kapag tayo ang nagkatuluyan. Ngunit bakit kailangan pang tumibok ng kakaiba ang puso ko? Ang hirap. Ang sakit. Kaya tuloy, heto... pareho tayong nagdusa." Ang pagbasag ko sa katahimikan. "kaya nga..." ang pagsang-ayon niya. "Pero mas mapalad ka pa rin Tob. Kasi, kahit na ang mahal mo ay iba at wala siya sa piling mo, nandito naman ako, nagmamahal sa iyo. Ngunit sa akin... walang nagmamahal." Dugtong niya. Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. Alam ko ang sakit na naramdaman ni Weng. Ramdam ko rin iyon. "Actually, mas mapalad ka Weng. Kasi... ang taong mahal ko ay hindi ko nakikita, hindi ko maramdaman, hindi ko alam kung nasaan siya, h-hindi ko alam kung...b-buhay pa ba siya. Samantalang ikaw, narito lang sa tabi mo ang taong mahal mo. Nakikita mo, nakakausap, nahahawakan. P-puwede mo pa nga siyang yakapin at halikan eh... kung gusto mo." Sambit ko sabay bitiw ng hilaw ng ngiti. Hindi niya tinugon ang aking ngiti. Tahimik lang siya. "Mahal naman kita eh." Ang dugtong ko. "Tama ka. Mahal mo ako, b-bilang isang kaibigan. Iyan na lang ang pa-kunsuwelo ko sa aking sarili. Kaya kahit papaano, naibsan pa rin ang sakit ng aking damdamin. Kasi, sanay na akong mahalin mo bilang isang kaibigan lang. Dati pa naman. Kung naalala mo, hindi naman talaga tayo ang magkasintahan. Magkaibigan lang tayo. Ngunit lihim kitang minahal, kahit may kasintahan kang iba, si Maila." Napangiti siya ng hilaw. "Ilang beses pa nga akong pinaselosan noon di ba? Inaway, ininsulto sa harap mo. Kasi ba naman, palaging sa akin ka lumalapit, humihingi ng payo." Napangiti rin ako ng hilaw. Totoo naman kasing nagsimula lang ang relasyon namin ni Weng bilang mag-best friends. Nagpatuloy siya. "Ako naman, may ibang nanliligaw ngunit hindi ko pinansin, hindi sinagot. Paano, ikaw ang mahal ko. Sa panahong iyon, nagkasya na lang ako sa patingin-tingin sa iyo. Napakalapit mo sa akin, ngunit sa gitna natin ay may isang tila napakakapal na salaming nakaharang na hindi kayang basagin ninuman. At dahil d'yan, hanggang tingin na lang ako. Pero sa kabila niyan, natutunan ko pa ring maging masaya, matanggap ang lahat. Alam kong sa buhay ng isang tao, ay may mga bagay na kahit gaano katindi ang pagnanais nating maangkin, ay hindi maaari... dahil may ibang mga taong sadyang nakatadhanang magmamay-ari. Kaya ngayon, balik uli sa dati. Huwag kang mag-alala kasi, kabisadong-kabisado ko na ang role na iyan. Imaginin ko na lang na ang naging relasyon natin ay isang panaginip lamang kung saan ay bigla akong nagising at ngayon, balik na naman sa mundo ng katotohan. Puwede ring nag-role play lang tayo bilang magkasintahan na parang mga artista sa isang pelikula. At ngayong natapos na ang eksenang iyon, balik na uli ako sa tunay kong mundo..." Hindi ako kumibo. May dalang kirot sa aking puso ang mga sinabi niya. Ngunit si Meg na ang tinitibok ng aking puso. At bagamat matindi ang pagkaawa ko kay Weng, wala akong magagawa. "A-ano palang sabi sa doktor na tumingin sa iyo?" ang paglihis niya sa usapan. "H-heto... m-magaling naman daw ako." "Tob... hindi ganyan ang mukha ng isang taong magaling. Ano nga ang sabi ng doktor?" ang paggiit niya sa tanong. "Wala na nga raw, ano ka ba. Di ba sinabi ko na sa iyo? Ok lang ako. Ikaw talaga, sobrang OA mo. Naninibago lang ako sa climate sa Sabah." "Tob, nag-alala talaga ako para sa iyo..." "Puwes, huwag kang mag-alala dahil malusog ako at walang problema, maniwala ka. Ok?" "Sabihin mo nga sa akin Tob kung saan ka nakatira? Kung saan kita hahanapin kung sakali?" "Huwag na Weng. Gusto kong tuluyan nang maghilom ang sugat ng puso mo. Gusto kong makahanap ka na ng lalaking magmahal sa iyo, bubuo sa iyong pagkatao, magiging katuwang mo sa pag-abot sa iyong mga pangarap. Ayokong magdusa ka pa. Sapat nang nasaktan kita. Tama na. You deserve to be happy sa piling ng isang taong tunay na magmamahal sa iyo." "Hindi ito tungkol sa pagmamahal Tob. Tungkol ito sa pagkakaibigan natin..." "Weng please... ibalato mo na lang sa akin ang address ko. Gusto kong magpakalayo-layo." sambit ko sabay tayo upang umalis. At doon na umiyak si Weng. Tumayo rin siya, niyakap ako. Sobrang bigat sa aking kalooban ang pag-iyak niyang iyon. Iyon bang buhos ng sakit ng damdamin ng paglayo, na tila iyon na ang huli naming pagkikita. Siguro lang, alam niya ang nasa isip ko. O baka lang ay may ibang balak siya sa kanyang buhay na hindi ko alam. Hindi ko namalayang tumulo na rin ang aking mga luha. Sa isip ko, sobrang napaka-ironic ng buhay. Ako na minahal ni Weng, ay iba ang minahal. At ang taong mahal ko naman, may malaking balakid na namagitan sa amin. Humagulgol si Weng sa aking mga bisig habang niyakap niya ako nang mahigpit. Isang napakahigpit na yakap na tila ayaw akong pakawalan; na tila iyon na ang huli naming pagkikita. "I will miss you Tob..." ang bulong niya sa akin. "Kung ayaw mong sabihin ang address mo at ayaw mo na ring makipagkita sa akin, lalayo na rin ako rito sa lugar natin, Tob." "S-saan ka pupunta?" Kumalas siya sa kanyang pagkakayakap sa akin at binitiwan ang isang pilit na ngiti. "Sa akin na lang din iyon... Basta tandaan mo, palagi kitang ipanalangin." Wala na akong nagawa kundi bitiwan ang isang malalim na buntong hininga, sumagi sa isip na tutungo siya sa Amerika dahil naroon ang kanyang ina at mga kapatid. Sa isip ko lang, mas mabuti na rin iyon upang tuluyan na siyang makalimot. "I will miss you too, Weng..." ang nasambit ko na lang sabay talikod. "Tob..." ang pagtawag niya noong naglakad na ako palayo. Nilingon ko siya na kinuha ang wallet sa loob ng kanyang bag. At mula sa wallet ay hinugot niya ang isang credit card. Iniabot niya iyon sa akin. "Gamitin mo..." sambit niya. "W-Weng hindi ko na matatanggap iyan. May sobra pa sa perang ibinigay mo sa akin." "Sa pang-araw-araw na kailangan mo, Tob... Please huwag mong tanggihan. At muli, wala na naman akong nagawa. "S-salamat Weng..." Sambit ko. At tuluyan na akong lumisan. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama habang umaandar ang jeep na aking sinasakyan patungo sa bukid. Naawa ako kay Weng at sa aking sarili. Nang malapit na ako sa kubo, napalitan naman ng excitement ang aking nadamang lungkot para kay Weng. Nakakabingi ang kalampag ng aking dibdib, masayang nagbakasakali na baka naroon na si Meg. "Meg! Megggg!!!" pagtawag ko nang tanaw ko na ang kubo. Ngunit walang sumagot sa aking pagtawag. "Meg! Megggg!!!" tawag ko uli. Ngunit talagang walang sumagot. Pinasok ko ang kubo ngunit wala roon si Meg. Inikot ko rin ang paligid ng kubo, tiningnan ang mga puntod kung may bakas itong nagpahiwatig na may taong dumalaw. Ngunit halos natabunan na ito ng matataas na damo, tanda na walang taong dumayo. Doon na ako nalungkot. Napaiyak. Kahit ang talon na aming pinapaliguan ay wala ring palatandaan na nagpunta roon si Meg. Kahit ang matayog na batong paborito niyang akyatin ay walang bakas na ipinakitang nagpunta si Meg doon. "Wala na talaga akong magawa Meg... Ano man ang nasa isip mo, kung sinadya mong hindi na bumalik dito, sana ay sasagi pa rin sa isip mo ang alaala ng isang taong nagmamahal sa iyo, at maisipan mong hanapin siya... dito kung saan nagsimula ang lahat. Naghintay kaming mga mahal mo, Meg. Hihintayin ka namin..." bulong ko sa aking sarili. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" ang sigaw ko isang araw habang nasa tuktok ako nang malaking batong paboritong akyatin ni Meg. Bigla na lang kasi siyang pumasok sa aking isip. Nangarap lang na baka marinig niya iyon. Ngunit kagaya ng dati, nagsiliparan ang mga ibon palayo sa aking kinaroroonan. Sarkastikong natawa na lang ako sa sarili. "Hindi pa rin talaga ako natuto sa itinuro niya." Bulong ko. Ngunit sa hindi ko inaasahan, may bigla akong narinig na. "Kuckooowww! Kuckoooowww! Kuckooowww! Kuckoooowww!" Nagulat ako. "M-marunong na ako? May ibong sumagot sa tawag ko?" Kaya sinagot ko rin. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww! Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" Ngunit mas lalo pa akong nagulat noong mula sa aking likuran ay may narinig akong kaluskos ng mga tuyong dahon at sanga na tila naaapakan ng mga paa. Nahinto ako. Nag-freeze at nakiramdam. Bigla akong kinabahan na baka ang sanhi ng ingay na iyon ay ang mga miyembero ng sindikatong patuloy na naghahanap kay Meg. Agad ring nahinto ang kaluskos. Di ko tuloy maiwasang mag-isip na huminto sila nang makita nila ako at nakatutok na ang kanilang mga baril sa aking ulo. Dahan-dahan akong lumingon sa kinaroroonan ng ingay. At doon mas lalo pang lumakas at bumilis ang kalampag ng aking dibdib. Si Meg. Siya pala ang sumagot sa aking tawag at ang mga apak niya ay ang sanhi ng ingay at kaluskos. Mistula akong napako sa aking kinaroroonan, hindi makapaniwalang sa wakas, nakikita ko siyang muli. Nakakabingi ang kalampag ng aking dibdib at napatitig na lang ako sa kanya. Dala-dala niya ang isang kulay grey na knapsack at ang suot niya ay ang itim na straight-cut faded na pantalon at asul na t-shirt na binili ko para sa kanya. Maruming-marumi ang suot niya. Ngunit para sa akin, iyon na ang pinakamagandang anyo na nakita ko sa kanya. Nanatili lang siyang nakatayo at nakaharap sa akin, ang kanyang mukha ay malungkot na parang sa isang taong nabigo. "Megggggg! Meggggg!" ang sigaw ko. Dali-dali akong bumaba. "Meggggggg!!! Megggggg!!!" at yumakap na ako sa kanya. "Salamat at bumalik ka!" "M-may nalimutan kasi ako..." Ang sagot niya. Biglang napawi ang ngiti sa aking mga labi. Para kasing biglang may isang matulis na bagay na tumusok sa aking puso nang malamang hindi pala ako ang dahilan ng kanyang pagbalik. "Huh! A-ano?" ang tanong ko. Hindi siya sumagot. Tinitigan lang niya ako. "Ano? Ano ang nalimutan mo???" ang pag-giit ko. "Ikaw. Hindi kita matiis..." (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD