Ang Rebelasyon

2242 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 Hindi siya nakaimik. Tila natulala sa hindi inaasahang marinig na tanong. Nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Dahil ako... mahal kita Meg! Mahal na mahal! Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit minahal kita! Naguguluhan ako! Nagalit ako sa aking sarili! Tinanong ko sa aking isip kung bakit ikaw ang minahal ko! Ngunit wala akong kasagutan. At ang tanging alam ko lang ay mahal kita! Mahal na mahal!" At hindi ko na napigilan ang mga luhang pumatak sa aking mga mata. Hindi ako nahiyang umiyak sa harap niya, humikbi. "Ngayon, sagutin mo ako. Mahal mo rin ba ako Meg?" Ngunit nanatili lang siyang nakatingin sa akin, bakas sa kanyang mukha ang pagmamatigas. "'Oo', o 'hindi' lang ang kailangan kong sagot Meg. Kahit alin sa dalawa, tatanggapin ko!" Ngunit nagmatigas pa rin siya. Hindi niya ako sinagot. At maya-maya lang ay walang imik na tumalikod. Ngunit nagsalita pa rin ako. "At iyong mga nangyari sa atin? Wala bang kahulugan iyon para sa iyo? Laro-laro lang ba iyon? Wala ka bang naramdaman? Ginamit mo lang ba ako? Ano iyon???!" Nahinto siya sa kanyang paglalakad bagamat hindi ako nilingon, nakayuko lang siya, tila nag-isip sa aking sinabi. Ngunit saglit lang siyang nahinto at ipinagpatuloy niyang muli ang paglakad pabalik sa kubo. Naka-ilang hakbang na siya noong naisipan ko ang singsing. Iyong pares sa ibinigay ko kay Weng. Tinanggal ko ito mula sa aking daliri at hinabol siya. "Meg... kung hindi mo ako masagot ngayon, heto, isuot mo kung mahal mo ako. Kung hindi... itapon mo siya!" Huminto siyang muli. Nilingon ako at tiningnan ang singsing. "Hindi ko matatanggap iyan." Sambit niya. Dahil dito, mabilis kong isiniksik ang singsing sa kanyang bulsa at agad na tumalikod, nagtatakbo palayo, natakot na makitang itapon niya ang singsing. "Ang motorsiklo ay iwanan ko sa iyo!" ang pahabol kong sigaw na hindi pa rin lumingon sa kanya. Binaybay ko ang makipot na daan patungo sa bayan na halos hindi maigalaw ang aking mga paa dahil sa sobrang bigat ng kalooban. At habang pinipilit ko ang aking sariling maglakad, walang patid naman ang pagdaloy ng aking mga luha. Umuwi ako sa aming bahay, at dumiretso sa aking kuwarto na hindi man lang kinausap ang mga taong naroon. Nang malaman ng mommy na naroon na ako, kumatok siya. "Mom... pagod ako, gusto kong magpahinga." palusot ko. Ngunit maya-maya lang, kumatok uli ang aking mommy. "Anak, nasa sala si Weng, naghintay sa iyo..." Kinausap ko lang sandali si Weng. At dahil marami siyang tanong, ang naisagot ko na lang ay, "Pagod ako Weng, puwede bang sa ibang araw na lang tayo mag-usap...?" Hindi na nangulit si Weng. Alam ko, nasaktan siya. Umuwi siyang nagdamdam sa aking inasal. Nasaktan din ako para sa kanya. Ngunit sa pagkakataong iyon, tila nabura na ang bahagi ng aking puso para kay Weng. Si Meg na lamang ang natatanging nagmamay-ari nito. At nagdurugo ito sa paglayo ko kay Meg. Hanggang sa dumating ang punto na hindi ko na talaga matiis ang pagkukunwari. Alam kong masakit iyon para kay Weng. Ngunit naisip ko ring mas lalo lamang siyang masaktan kapag patuloy siyang umaasa at hindi ko sasabihin sa kanya ang lahat. Kaya noong muli kaming mag-usap, "Weng... patawarin mo ako ngunit, hindi na matutuloy pa ang ating pagpapakasal." Kitang-kita ko sa mukha ni Weng ang matinding pagkabigla. Ramdam kong hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. Parang may sumabog na bomba sa kanyang harapan at natulala na lang siya. "Bakit Tob? Anong nagawa kong kasalanan?" ang tanong niyang umiiyak na. "A-ako ang may problema, Weng. M-may mahal na akong iba. Hindi ko kayang pigilin ang aking sarili. Weng, maniwala ka, ikaw ang gusto kong makatuluyan at makasama habambuhay..." "B-bakit hindi mo gawin?" "Hindi ko kaya, Weng... siya palagi ang laman ng aking isip. Para akong mababaliw sa kaiisip sa kanya. Tila mapatid ang aking hininga kapag hindi ko siya nakikita. Para akong sinasakal, mamamatay kapag hindi ko siya nakakasama..." "At ako, hindi ba nasasaktan? Hindi mo ba naisip na para rin akong sinakal? Na para rin akong namatay?" At napahagulgol na siya. "Weng... alam mo naman ako, di ba? Kilala mo ako. Ayaw kong masaktan pa kita. Alam mo kung gaano kalaki ang hirap at sakripisyo mo sa akin. Ngunit hindi ko talaga kaya ang sarili ko, Weng..." at humagulgol na rin ako. "S-sino ba siya?" ang tanong niya. Natahimik ako sandali. "H-hindi mo siya kilala Weng..." At iyon, umalis si Weng na nag-iiyak, dala-dala ang matinding sama ng loob. Nakonsyensya ako. Naawa. Ngunit wala akong magawa. Kagaya niya, nagdurugo rin ang aking puso. Bumalik ako sa kuwarto at nagbihis, nabuo sa aking isip na balikan ang kubo. Ngunit nang nakarating na ako sa kubo, wala roon si Meg. Inikot ko pa ang paligid, tiningnan ang puntod ng kanyang ina at kapatid, tinungo ang talon... ngunit walang palatandaan na naroon si Meg. "Meg! Megggg! Meggggggg! Meg, huwag mo akong pagtaguan pleasssse! Nasasabik ako sa iyo Meg! Miss na miss na kita Meg!!! Magpakita ka naman sa akin o! Huwag mong pahirapan ang kalooban ko Meg. Please! Para akong mababaliw sa kaiisip sa iyo Meggg!!!" ang pagsisigaw ko. Ngunit walang Meg na sumagot. Naupo na lang ako sa bukana ng kubo, mistulang isang batang nag-iiyak. At noong napagod na, umuwi akong bigo, litong-lito ang isip kung saan siya hahanapin. Kinaumagahan, nagpunta ako sa bayan, nagbakasakaling mahanap ko roon si Meg. Ginamit ko ang isa kong motorsiklo. Nag-ikot ako sa plaza, sa palengke, sa simbahan. Tila nawala ako sa tamang pag-iisip. Mga alas 7 ng gabi iyon noong napadaan ako sa isang dry goods store. Nagulat ako sa aking nakita: ang motorsiklong iniwan ko kay Meg ay nakaparada sa bukana ng tindahan! Huminto ako at pumuwesto sa kabilang kalsada, inabangan ang paglabas sa kung sino man ang gumamit ng nasabing motorsiklo. Si Meg. Siya ang lumabas, sumakay at pinaandar iyon! Dali-dali kong pinaandar ang aking motorsiklo at hinabol siya, tinabihan. Nang nakita niyang ako ang tumabi, pinaharurot niya ito. Ngunit hindi siya nakalayo. Pareho lang ang cc ng speed ng aming mga motor ngunit mas kabisado ko ang pagmo-motor kaysa kanya. "Meg! Mag-usap tayo Meg! Na miss kita Meg! Meggggg!!!" ang sigaw ko, wala akong pakialam kung may mga nakakarinig sa pagsisigaw ko sa kalsada. Alam ko, nagsitinginan sa amin ang mga taong nakarinig sa aking pagsisigaw. Ngunit mabilis pa rin ang kanyang pagpapatakbo at umikot pa siya sa mga madidilim at inabandunang eskinita. Ang ginawa ko ay ginipit ko siya, inipit sa gilid. Doon na siya napilitang huminto. Huminto rin ako sa tabi niya. "Na-miss kita Meg. Mababaliw ako kapag hindi kita nakikita Meg! Maawa ka sa akin Meg... Sobrang nananabik na ako sa iyo Meg!" Bumaba ako sa motor ko, lumapit sa kanya, at walang pasabing niyakap siya. Wala siyang nagawa kundi ang yakapin din ako. Ramdam kong sabik din siya sa akin. Mistulang isang kidlat sa bilis na naglapat ang aming mga labi. Naghalikan kami sa madilim at inabandonang sulok ng eskinitang iyon. Mapusok. Nag-aalab. Parehong nag-uumapaw ang init ng pagnanasa sa isa't-isa. At muling nangyari sa amin ang bagay na iyon sa madilim na sulok ng iskinitang iyon. "Meg... babalik na ako sa kubo. Doon na ako titira sa iyo Meg." Ang sambit ko noong natapos na kami. "Wala na ako sa kubo. Umalis na ako..." "S-saan ka na ngayon?" "Hindi ko maaaring sabihin sa iyo. Sa sinabi ko na, ayaw kong madamay ka." "Meg please..." "Hayaan mo na ako Tob. Masaya na ako sa ganito. Masaya na akong ibinigay mo sa akin ang motorsiklo mo. Masaya ako sa lahat na ginawa mo sa buhay ko. Kaya hayaan mo na ako." Sabay paandar sa kanyang motor. "Meg, makinig ka..." ang pahabol ko. Huminto siya. "Hetong cellphone ko... tangapin mo. Papasahan kita ng load palagi. Kontakin mo lang ako please para kahit man lang diyan, magkausap tayo, maibsan ang pangungulila ko sa iyo." Tinanggap niya ang cellphone. Noong naipasok na niya ito sa kanyang bulsa, tuluyan na niyang pinaharurot ang motorsiklo na hindi lumingon sa akin. Sinundan ko siya ng tingin. Hanggang sa naglaho siya sa aking paningin sa gitna ng dilim. "Bigo na naman ako..." ang bulong ko sa sarili. Umuwi ako ng bahay na puno ng kalungkutan. "Nakita ko kayo!" ang sambit sa akin ni Weng nang nakapasok na ako sa aming sala. Hinintay lang pala niya ang aking pagdating. "Sinundan kita kanina at nakita ko ang lalaking iyon, kayong dalawa... sa madilim na eskinita. Ipinagpalit mo ako sa isang lalaki?!!!" ang sigaw ni Weng sa akin. "P-puwede ba Weng... sa likod ng bahay tayo mag-usap" ang sambit ko habang tinumbok ang likuran ng aming bahay, huminto sa isang shade sa gilid ng swimming pool, at umupo sa isang silya. "Di ba siya iyong nang hold-up sa shop?" tanong ni Weng na nanatiling nakatayo paharap sa akin. "Tama ka Weng. Siya si Meg... muntik na siyang mamatay at nasagip ko. Maraming pagsubok ang dumaan sa kanyang buhay. Muntik na siyang mamatay. At ako lang ang nasa tabi niya sa panahong iyon. Nagsimula ang lahat sa awa..." at ikinuwento ko na sa kanya ang lahat habang umiiyak ako. Nakinig naman si Weng. "Ang gusto niya ay bumalik ako sa iyo, Weng. Ngunit mahal ko siya; mahal ko si Meg, Weng... mahal na mahal." Humikbi na si Weng. Hindi na nakasagot. "Ikaw ba... kaya mong mahalin ang isang taong iba ang tinitibok ng puso? Masaya ka ba na habang nagsiping tayo, ibang tao ang laman ng aking isip? Masasaktan ka rin Weng. Pareho tayong masasaktan. Sa bandang huli, masisira pa rin ang ating pagsasama, masisira ang ating buhay." Tahimik. "Habang maaga pa Weng, palayain kita. Upang hindi masira ang buhay mo, upang mahanap mo ang lalaking nararapat para sa iyo. At ako... palayain mo na rin." Patuloy lang siya sa paghagulgol. "Patawarin mo ako Weng... Sana ay maintindihan mo ako." Matagal siyang humagulgol, ibinuhos ang lahat ng sama ng loob sa pag-iyak. Hinayaan ko siya. Alam ko ang sakit na iyon. Naramdaman ko. Maya-maya lang, inayos niya ang sarili, nagpahid ng mga luha at pilit na pinalakas ang loob. "Ang sakit lang kasi Tob..." sagot niyang umupo na sa silyang katabi ng aking inuupuan, ang tono ng kanyang pananalita ay bumaba na, tila sa isang taong wala nang ibang choice kundi ang pilit na tanggapin ang masakit na katotohanan, ng pagkatalo, ng pagkawasak ng mga pangarap. Lumapit ako at niyakap ko siya. Naawa rin ako kay Weng. Malalim kasi ang aming pinagsamahan. At halos sa lahat ng oras ng aking kasayahan at kagipitan sa buhay, siya ang palaging naroon sa aking tabi. Naalala ko pa noong ako ay nakaranas ng matinding karamdaman na muntik kong ikamatay, itinago namin iyon sa aking mga magulang dahil ayaw kong mag-alala sila. Si Weng ang nag-iisang taong naroon sa aking tabi. Siya ang tumulong, umagapay, umalalay sa akin. Siya ang naghanap ng paraan, siya ang nagbigay ng payo, ng lunas, siya ang gumawa ng mga desisyon. Halos ibigay na lang ni Weng ang sariling buhay para sa akin. Doon ko nakita ang labis niyang pagmamahal sa akin. Pakiwari ko ay sobrang napaka-malupit at mapaglaro ng tadhana. Naroon na sana si Weng... perpekto ang buhay namin kung siya ang aking pipiliin. Ngunit si Meg ang hinahanap-hanap ng puso ko. Siya ang nagpapatuliro ng aking utak. Siya ang nakakapagdulot ng ibayong kaligayahan sa aking buhay, nagbibigay ng pag-asa, ang taong aking hinahanap-hanap at kinasasabikan sa bawat paggising ko sa umaga. "A-alam ko, Weng. Kasi, ramdam ko rin ang sakit na iyan ngayon sa pagdurugo ng aking puso." "A-ano ang gusto mong gawin ko?" ang tanong niya habang kumalas siya sa aking pagyakap, pinahid niya uli sa kanyang kamay ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa kanyang pisngi. "W-wala... ang gusto ko lang ay tanggapin mo ako at maintindihan ang aking kalagayan." "Naintindihan na kita Tob... G-ganyan kita kamahal. Palagi namang ganyan, di ba?" sabay bitiw ng isang pilit na ngiti. At niyakap ko muli siya. "S-salamat Weng. Salamat..." Kumalas muli siya. "P-paano... sasabihin na ba natin sa iyong mga magulang?" Tumango ako. At pagdating na pagdating nga ng aking mga magulang, kaming dalawa ni Weng ang humarap sa kanila. "Ano??? Hindi na ninyo itutuloy ang pagpapakasal??? Nasisiraan na ba kayo ng bait???!!! Hindi niyo ba alam ang matinding kahihiyan na idudulot nito para sa akin??? Sa pamilya natin???" ang sigaw ng aking step-father noong sinabi na namin ang aming desisyon ni Weng sa harap nilang dalawa ng aking ina. Ang aking step-father kasi ay ang talagang mayaman sa aming pamilya. Noong namatay ang kanyang asawa, hindi sila biniyayaan ng anak. Ang aking inay naman, noong namatay din ang aking tunay na ama, palugi na ang aming negosyo. Ngunit nang napangasawa niya ang aking step-father, siya ang nagpalakas uli nito. Ngunit may kaakibat na kundisyon ang pagtulong niya sa negosyo namin – ilipat ko ang aking apilyedo sa apilyedo niya, at pakasalan ko si Weng, ang anak ng kumpare niya na kasosyo rin niya sa negosyo. Ito raw ay upang hindi mapunta sa iba ang mga pinaghirapang negosyo nila kapag nawala na sila sa mundo. At ang lahi at apilyedo niya sa pamamagitan ko, ay maipagpatuloy kapag nagkaanak na kami ni Weng. Kung kaya ganoon na lamang katindi ang galit niya sa desisyon kong iyon. Hindi kami nakaimik ni Weng. Nakita kong nagtakip ng bibig ang mommy, tanda na hindi siya makapaniwala sa narinig. "Bakit??? I need an answer!!!" ang dumadagundong na sigaw uli ng aking step-father. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD