Ang Paglisan

1267 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 Takot na nilingon ako ni Weng, bakas sa kanyang mga mata ang pagkalito at pagkaawa. "Eh... m-may iba po akong mahal D-dad..." ang sagot ko. "A-at sino naman ang babaeng ito???" Napatingin muli sa akin si Weng. "L-lalaki po siya D-dad." Ang halos pabulong kong sagot. "P******** ina!!! Tama ba ang narinig ko? Ipinalit mo itong si Weng..." turo niya kay Weng "...sa isang... Uhhh!" "O-opo dad..." ang sagot kong nakayuko gawa nang matinding takot at hiya. "This is madness!!! Ito na! Nangyari na nga! Ito ang napala mo ngayon sa hindi mo pagsunod sa gusto kong ipagpatuloy sa Amerika ang pagkuha ng masteral degree kasama si Weng upang kapag nakatapos ka, kayo na ang magmanage sa isang negosyo natin doon. Ang tigas talaga ng ulo mo!!!" Hindi na lang ako umimik, nanatiling nakayuko. "No!!! Itutuloy ninyo ang inyong kasal! Kapag hindi mo itinuloy ito, Tob... itatakwil kita. Wala kang matatanggap na mana at kung ano man ang nasa iyo ngayon, babawiin ko ang lahat nang iyan!!!" sabay walkout, naiwan ang aking ina na iyak nang iyak. Alam ko, walang magagawa ang aking ina dahil sadyang napakadominante ng aking step-dad. Hindi rin nakatiis ang aking ina. Umalis din siyang nag-iiyak, iniwan kaming dalawa ni Weng. "P-paano ka?" ang tanong ni Weng. "Hahanapin ko si Meg. Hikayatin kong lumayo kami rito." "P-paano ang k-karamdaman mo?" "Ok na ako, di ba? Isang taon na hindi na ako umiinum ng gamot kasi nga, ligtas na ako." "Nag-alala lang ako sa iyo, Tob... alam kong naintindihan mo kung ano ang sinabi ng duktor tungkol sa kaso mo." "Huwag kang mag-alala Weng. Malaki ang pasasalamat ko sa iyo na naintindihan mo ako. Sapat na iyon." "Basta kapag kailangan mo ako, Tob... tawagan mo lang ako. N-nag-alala ako para sa iyo." "Sure Weng." At muli kaming nagyakap ni Weng. At bago ako umalis hinalikan ko siya sa pisngi. Bumalik uli ako sa gubat, dala-dala ang pag-asang sa pagkakataong iyon, tuluyan ko nang makumbinsi si Meg na magsama kami. Sobrang saya ko noong malapit na akong makarating sa kubo. Kahit nahirapan ako sa pagbitbit ng ilan kong gamit, tila napawi ang aking pagod nang natanaw ko na ang kubo. Nakakabingi ang kalampag ng aking dibdib. Sabik na sabik ako sa kanya. Dagdagan pa sa masayang balitang dala ko na wala na kami ni Weng, wala nang balakid sa pagmamahal ko sa kanya. At dahil itinakwil na rin ako ng aking pamilya, wala na akong ibang matutunguhan pa kundi siya. "Kuckoooowww! Kuckooooowww!" ang narinig kong ingay. "Si Meg!!!" sigaw naman ng isip ko. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" ang sagot ko rin. Natawa pa ako dahil nagliparan uli palayo ang mga ibon. "Di pa talaga ako marunong..." sa isip ko. Huminto muna ako nang sandali, excited na baka salubungin ako ni Meg. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" ang sigaw ko uli. Ngunit wala nang sumagot sa tawag ko. Kaya dumiretso na lang ako sa kubo. "Meg! Meg!!!" ang sigaw ko. Ngunit walang Meg akong nakita. Inikot ko ang paligid ng kubo. Wala rin si Meg doon. Kaya naupo na lang ako sa harap ng kubo, naghintay. Ngunit sumapit ang takipsilim, walang Meg na dumating. Doon na ako nalungkot, nag-alala, nagtatanong ang isip kung nasaan siya. At dahil buo na ang isip kong sumama kay Meg, naisipan kong doon na rin matulog at maghintay. Noong tinungo ko na ang taguan ng lampara upang magsindi na ng ilaw, naaninag ko ang isang nakatuping papel na may nakasulat, "Para sa iyo, Tob" Dali-dali kong sinindihan ang lampara upang mabasa ko nang maigi kung ano ang laman ng kanyang sulat – "Dear Tob... maaaring sa pagkabasa mo nito ay nasa malayo na ako. Gusto ko lang iparating sa iyo ang aking pasasalamat sa pagsagip mo sa buhay ko, sa pagtulong mo sa akin, sa kabaitan mo, at sa lahat-lahat na ginawa mo para sa akin. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng pagmamahal at pagkalinga na galing sa ibang tao. Maraming salamat sa ipinadama mong pagmamahal. Maraming salamat sa pagdating mo sa buhay ko. Akala ko, lahat ng mayayamang tao ay ganid, makasarili, mapang-api. Binago mo ang aking pananaw. Tungkol naman sa pagmamahal na sinabi mo, maraming salamat din. Ngunit ayokong ako ang magiging sanhi ng pagkasira ng iyong buhay, ang dahilan ng pagkasira ng iyong pagkatao at pangalan, sa pagkawasak ng pangarap ng babaeng umibig at umaasa rin sa iyong pagmamahal. Kaya... napagdisisyunan kong umalis na lamang upang hindi ka na mag-isip, malito, at mahirapan. Pakasalan mo ang iyong katipan, Tob. Siya ang nararapat para sa iyo. Siya ang nag-iisang tao sa mundo na makakabuo sa iyong pagkatao, ang babaeng nararapat na makasama mo sa habambuhay. Huwag kang mag-alala sa akin. Sanay ako sa hirap, sanay akong magdusa, sanay akong nag-iisa... Malaysia ang tungo ko, Tob; sa Mindanao ang aking daraanan. Ang sabi nila, madali lang daw ang makapasok sa rutang iyon. Sana... may pag-asang naghintay sa akin doon. Hingiin ko ang iyong panalangin. Oo nga pala, ibinenta ko ang motorsiklong bigay mo. Sana ay maintindihan mo. Para ito sa aking pamasahe. Pasensya na. Masakit para sa akin ang ibenta ang isang mahalagang bagay na ipinagkatiwala mo. Maraming alaala sa akin ang motorsiklong iyon. Isa sa mga pangarap ko sa buhay ay ang magkaroon ng ganoon kagandang sasakyan. Ibinigay mo sa akin. Ngunit kailangan kong magpakalayo. Sana ay mapatawad mo ako. Tungkol naman sa singsing na bigay mo, dala-dala ko ito. Huwag kang mag-alala dahil kahit saan man ako magpunta hindi ko ihiwalay ito sa aking katawan. Ito na lang ang naiwang alaala mo sa akin. Huwag mo ring itapon ang plawta na ibinigay ko. Kapag naisip mo ako, patugtugin mo lang siya. Alam mo na ang gusto kong kanta. Ang sabi mo ay malungkot ang kuwento ng kantang iyan. Ngunit... iyan din naman ang katotohanan, di ba? Malungkot ang buhay ko. Tama lang sa akin iyan. Sa gilid pala ng kubo ay may itinanim akong kahoy sa paso. Naalala mo ang malaking kahoy sa gilid sa talon? Ang sabi mo ay mahilig ka sa kahoy at gustong-gusto mo ang kahoy na iyon. Tinanong mo rin ako kung paano umabot ang kahoy na iyon sa ganoon kalaki. At ang sagot ko... dahil malaya siya. Malayang nakakagapang ang kanyang mga ugat. Kaya itinanim ko ang kahoy na iyan sa paso... para sa iyo. Simbolo ng pag-ibig mo sa akin. Kagaya ng pag-ibig mo, ang kahoy na iyan ay wala ring kalayaan, may mga balakid, may hadlang. Hindi makakalago, hindi tutubo sa kanyang nararapat na laki at tayog dahil may harang ang paggapang ng kanyang mga ugat. Alagaan mo lang siya upang kahit papaano, maaalala mo pa rin ako. Paalam Tob. Ang mga nangyari sa atin ay hinding-hindi ko malilimutan. Mahirap mang aminin, ngunit ikaw ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay ko. Alagaan mo palagi ang iyong sarili. At sa pagpapakasal mo sa iyong kasintahan, maligayang bati sa inyo. Ipanalangin ko na magkakaroon kayo ng masayang buhay, ng matatag na pamilya, ng katuparan sa inyong mga pangarap. Kapag naroon ka na, huwag mong kalimutan na sa isang dako ng iyong buhay ay may isang taong nakilala ka, naging kaibigan, at minahal. Paalam sa iyo. Ang iyong kaibigan. -Meg-." Bumuhos ang aking mga luha sa pagkabasa ko sa sulat niyang iyon. Napahikbi ako. Tinupi ko ang sulat, hinalikan ito at saka idinampi sa aking dibdib. "Bakit mo ako iniwan Meg? Bakit??? Wala na sanang balakid pa ang pag-ibig ko sa iyo!" Sa buong magdamag, hindi ako nakatulog. Pabaling-baling sa higaan. Nand'yan iyong tatayo ako, lalabas ng kubo, hihipan ang plawta, sisigaw ng "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD