Chapter 11: Mga Diwata
NAPATINGIN ako sa buong paligid. Wala namang kakaiba sa kagubatan na ito bukod sa may malalaking mga punong kahoy. Nakakunot noong tiningnan ko si Marfire.
“Maghintay lang tayo,” ani Marfire at nahulaan niya ang iniisip ko.
“Sigurado ka ba talaga na nandito na tayo sa mundo ng mga diwata?” walang kakaiba sa lugar. At walang mag-aakala na may mga diwata rito.
“Oo… siguradong-sigurado ako dahil pumupunta ako rito tuwing sa kabilugan ng buwan.” Inayos niya ang kanyang damit at pinagpag ang mga dahong kumapit rito.
“Bakit?” nagtataka kong tanong.
“Mayroong ritwal ang mga diwata,” sagot ni Marfire at may kung anong isinambit ito na hindi ko maunawaan. Sa tingin ko ay isa na naman iyong mahika.
Hinayaan ko lang siya sa kanyang ginawa. Mas alam niya kung ano ang gagawin kaysa sa akin kung kaya’t kailangan kong maghintay. May kung anong hangin akong naramdaman.
Noong una mahina pa iyon, sapat lang para maramdaman ko na may hangin. Ngunit nang maglaon at nagagawa na nitong maigalaw ang aking mga buhok.
“Paparating na ang mga sundo.”
“Sundo?” naningkit ang mga mata ko.
“Oo, hindi ka basta-basta nakakapasok sa mundo ng mga diwata. Mga sundo ang mgadadala sa atin sa kaharian mismo.”
“Ahh,” napatango ko. Kakaiba pala ang mga diwata. Labis yatang nag-iingat ang mga ito. Sa tingin ko ay mailap na mga nilalang ang lahi ng ina ni Marfire.
“Nandito na sila,” aniya at may sumulpot na dalawang tao sa aming harapan. May mga malalaking pakpak ang mga ito ngunit kakaiba iyon. Tila isa iyong balat na pakpak. Hindi ito mahihintulad sa mga paru-paro at ibon. Sa tingin ay parang mga paniki? Hindi ako sigurado ngunit ang gaganda ng kulay niyon. Pati ang mga mukha ng diwata, kagaya namin sila kung tingnan at puro magaganda.
“Nandito kami upang kumustahin ang aking ina,” wika ni Marfire. “At may mahalaga akong sasabihin sa kanya,” dagdag na wika nito.
“Sino ang iyong kasama? Mahigpit na ipinagbabawal ng iyong ina ang magpapasok ng ibang nilalang. Lalo na ang mga bampira.”
Mabilis akong napatingin kay Marfire. Ano ang sinasabi ng mga diwatang ipinagbabawal? Sino ang ina niya? Bakit parang may malaki iyong katungkulan?
“Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanya.”
Itatanong ko sana ang tungkol sa ina ni Marfire ngunit mabilis kong naalala ang sinabi niya sa akin kanina. Bawal ang magtanong!
Tila nagdadalawang isip pa ang magagandang diwata. Nararamdaman kong hati ang pasya ng mga ito.
“Kung hindi ninyo ako papasukin ay mapipilitan akong gamitin ang aking kapangyarihan upang ako na mismo ang papasok sa kaharian kasama ang aking kaibigan. Hindi ninyo magugustuhan iyon,” wika ni Marfire na may halong pagbabanta sa mga ito.
“Pumapayag na kami,” ani ng isang diwata.
“Mainam para hindi ko na kailangan pang mag-aksaya ng kapangyarihan.”
Tumango ang dalawang diwata kay Marfire at may kung anong isinambit ang mga ito. Para akong timang, nakatingin lang ako sa kanila at hindi ko magawang makapagsalita! Gustong-gusto ko na sana!
May malaking ilaw na lumabas sa aming harapan. Nanlaki ang mga mata ko dahil ang ganda niyon tingnan. Hindi iyon nakakasilaw sapat lang para madagdagan ang sinag ng araw na nahihirapan dahil sa naglalakihang mga puno ng kahoy.
Naunang pumasok sa malaking ilaw ang dalawang diwata. Humakbang si Marfire kaya sumunod na rin ako.
“Ipikit mo ang iyong mga mata, Conal,” utos niya sa akin at kaagad ko iyong ginawa.
Naramdaman kong humawak si Marfire sa aking braso. Ilang saglit pa ay humangin ng ubod ng lakas at parang lumulutang kami. Sa pagkakatong iyon ay ginamit ko ang aking pandama. Nakikita ng puso ko ang buong paligid. Napamangha ako dahil ang ganda! Maraming mga diwata ang lumilipad na nakatingin sa amin. Medyo kumunot ang noo ng mga ito nang makita ako. Halos lahat ay napahinto, gusto ko sanang buksan ang aking mga mata ngunit wala pang sinasabi si Marfire.
Sa hindi kalayuan, habang nasa himpapawid kami ay mayroong malaking kastilyo. Napamangha ako sa sobrang ganda niyon. Kumukinang ang mga gusali at dingding nito. Labis na mahiwaga ang mga diwata. Sobrang ganda sa kanilang kaharian. Hindi ko alam na may ganito pala sa mundo ng mga tao.
Hinintay ko talagang makababa na kami. Gusto kong tumapak sa mala kristal na kastilyo. Kaya nang nasa baba na kami ay hindi ko na hinintay si Marfire na magsalita. Kaagad kong inimulat ang aking mga mata at mas lalo pang namangha sa kagandahan ng paligid. May maraming bulaklak sa paligid at pati mga ibon ay meron din!
“Maligayang pagdating sa mundo ng mga diwata, Conal,” wika ni Marfire at binitawan na niya ako.
“Hindi mo sinabi sa akin na sobrang ganda pala rito. Hindi ako magsasawang tumingin sa paligid. Bawat bagay sa kaharian ninyo ay nagpapagaan ng kalooban sa tuwing tinititigan ito.”
“Masaya ako Conal dahil nagustuhan mo rito.”
“At nagpapasalamat ako dahil dinala mo ako rito… teka, saan na ang iyong ina? Nagagalak ako na makita siya,” masayang sambit ko dahilan para mapatitig sa akin si Marfire, “oppss,” bumungisngis ako. Tiningnan ko ang dalawang diwata. Nakatingin lang ang mga ito sa amin. “Maraming salamat sa pagpayag na dalhin ako ni Marfire rito,” wika ko ngunit wala man lang s**o tang mga ito.
“Hindi mo talaga mapigilan ang kuryosidad mo, Conal?” wika ni Marfire dahilan para mapatingin ako pabalik sa kanya.
“Masaya lang ako, hindi ko inakala na may ganitong lugar rito.”
“Paano ‘yan, nandito ka na sa aming tahanan.”
“Sobrang ganda talaga,” napatingin ako sa kastilyo. Labas palang ay maganda na, paano nalang kaya kung nasa loob na kami? “puwede na ba tayong pumasok?” Hindi ko nalang itatanong sa kanya kung ano ang katayuan ni Marifre sa kaharian nila. Mukhang isang rayna ang kanyang ina.
“Puwede niyo na kaming iwan,” ani Marfire sa dalawang diwata at mabilis na lumipad ang mga ito. Humangin ng malakas nang magkasabay ang bagwis ang mga pakpak ng dalawa.
“Pagpasensyahan mo na sila. Ganoon talaga ang mga sundo rito. Kailangan nilang gawin iyon para magmukha silang matapang.”
“Ang alin? Iyong hindi nila pagkausap sa akin? At ano ang sinasabi mong magmukhang matapang?”
“Hindi ba sinabi ko na saiyo na bawal ang magtanong?”
“Ay, oo nga pala.” Napakamot ako sa batok at tumawa. Natigilan ako nang biglang bumukas ang malaking tarangkahan ng kastilyo. Napapatitig ako roon. Nang makita ko ang ilang bahagi ng loob ay napalaglag ang aking panga. Pati sa loob ay gawa rin iyon ng mga kumikinang na bato.
May lumabas na isang babae. Sobrang ganda nito ngunit mababakas na matagal na siyang nabubuhay sa mundo. Ngumiti itong nakatingin sa amin. Tiningnan ko si Marfire at nakangiti din ito. Nagmamadali siyang lumapit sa babae at yumakap. Nahihiya akong sumunod kaya nang makalapit ako sa dalawa ay ganoon nalang ang ngiti sa akin ng magandang babae.
“Ina, ito pala si Conal. Ang aking kaibigan.”
“Maligayang pagdating sa bago naming kaharian, Conal.”
Bago? May dati ba silang kaharian. “Maraming salamat, Ma’am,” magalang kong wika.
“Tamara nalang, Tamara ang itawag mo sa akin. Naninibago pa rin ako sa mga salita ng tao. Hindi ako sanay kahit na nababanggit ng aking anak ang ilang mga salita.”
“Ang ganda po ng inyong kaharian dito, Tamara.”
“Maraming salamat at nagustuhan mo ito. Ikinagagalak ko na makita kang muli.”
“Po?” naningkit ang aking mga mata. “Nakita niyo na po ako?”
“Oo, hindi ba sinabi ng iyong mga magulang na si Amanda at Daxos na dinadala ka nila rito noon?”
Mabilis akong umiling, “wala po silang nababanggit tungkol sainyo at sa mga diwata.”
“Ganoon ba? Hindi bale, sobrang liit mo pa kasi noon kaya hindi mo siguro natatandaan.”
“Baka nga po,” nahihiya akong ngumiti.
“Masaya ako Conal dahil hindi pala ito ang unang beses mong pagpunta rito,” ani Marfire.
“Sayang at hindi ko na matandaan. Baka nga siguro isa pa akong batang paslit.”
“Marami na rin kasi ang nagbago… kaya hindi ka na siguro nila dinadala rito.”
“Mga pagbabago? Anong pagbabago, ina?” curious na tanong ni Marfire.
“Tulad ng sibilisasyon at pagdami ng mga mortal na tao,” sagot ni Tamara na hindi tinatanggal ang sobrang tamis na mga ngiti niya. “Teka nga muna,” tiningnan nito ang anak. “Ano ang nagtulak saiyo para pumunta rito? Hindi ko inasahan na uuwi ka sa atin.”
“May mahalaga po akong sasabihin saiyo, ina.”
“Mahalaga ba iyan para hindi mo na nagawang mahintay ang kabilugan ng buwan?”
“Opo… mas mabuti pa ay huwag tayong mag-usap rito. Mas mainam kung sa loob ng kastilyo natin pag-uusapan ang lahat.”
“Naamoy ko saiyo ang hindi magandang balita. Pumasok na tayo upang mapag-usapan natin ang iyong sasabihin.”
Sabay na pumasok si Marfire at ang ina nitong si Tamara. Tahimik lang akong sumunod sa kanila.
Mas lalo pa akong namangha nang makita ng tuluyan ang loob ng kastilyo. Sobrang lawak sa loob. May mga naglalakihang aranya at kumikinang ang mga ito habang sa palibot ay may mga paru-paro. Ito yata ang sinasabing fairytale ng mga mortal.
Pumasok kami sa isang malaking pinto at bumungad sa akin ang malaki at mataas na mesa. Gawa din iyon sa kumikinang na mga bato! Lahat na yata ng bagay rito ay gawa sa mga dyamante. Ngunit, ang ipinagtataka ko lang ay bakit walang mga katulong? O mga alagad man lang? Wala akong nararmdaman na diwata sa loob ng kastilyo. Sa tingin ko ay nag-iisa lang dito si Tamara at walang ibang kasama bukod kay Marfire.
Nauna silang umupo at sumunod ako katabi kay Marfire. Ikinumpas ni Tamara ang kamay nito at ilang sandali pa’y may lumitaw na dalawang kalis sa aming harapan. Kaagad kong naamoy ang dugo na may kasamang halaman. Mas lalo itong bumango sa aking pang-amoy.
“Nilagyan ko iyan ng aming tanim rito. Nakakagana ang halamang iyan sa pag-inom ninyo ng dugo.”
“Isa ito sa mga hinahanap-hanap ko, ina,” ani Marfire at kinuha nito ang kalis na nasa harap niya. Hinintay ko muna siyang uminom ito. Kaya nang ginawa iyon ni Marfire ay kinuha ko na ang kalis at tinikman ito. Naipikit ko ang aking mga mata dahil may kakaiba iyong dulot sa aking katawan. Sobrang sarap at mas lalo pa iyong bumango.
“Mukhang nagustuhan mo, Conal,” ngumiti si Tamara.
“Sobrang sarap, Tamara. Puwede ba akong makahingi ng halaman na inilagay mo rito?” kinapalan ko na ang mukha ko. Mukhang mabait naman ang ina ni Marfire kaya ayos lang siguro kung humingi ako.
“Ikinalulungkot kong sabihin na ang halaman na iyon ay hindi tumutubo sa mundo ng mga tao. Tanging sa mundo lang namin ito nabubuhay, Conal.”
“Lubhang napaka-espesyal siguro ng halaman na iyon,” ngumiti ako. “Sayang at hindi puwede.”
“Kung gusto mo at bibigyan kita ng katas ng halaman. Isang patak lang nito ang kakailanganin mo sa tuwing iinom ka.”
“Maari ba iyon, Tamara?” nagliwanag ang mga mata ko.
“Oo naman,” muli nitong ikinumpas ang kamay at may maliit na boteng lumitaw sa aking harapan. “Ang saiyo Marfire? Mukhang matagal nang naubos hindi ba?”
“Noong nakaraang kabilugan ng buwan pa, Ina. Ubos na ubos na at naitapon ko na ang bote.”
“Sige,” ani Tamara at may bote na namang lumitaw. Sa pagkakataong iyon ay nasa harap na ito ni Marfire. “Ngayong maayos na ang lahat ay sabihin mo na sa akin ang lahat-lahat aking makisig na anak.”
Tumango si Marfire at nagsimula nang magsalita, “nandito kami ni Conal upang hingin ang iyong permiso na payagan kaming magsanay dito mismo sa loob ng kastilyo.”
Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Tamara. Tila hindi siya pabor sa sinabi ni Marfire. “Alam mo na bawal iyon, Marfire. Mahigpit iyong ipinagbabawal sa ating kaharian.”
“Ngunit ikaw naman ang namumuno rito, Ina?”
“Ako nga ang namuno at ako ang nagbibigay ng mga utos kaya hindi ko puwedeng baliin ang mga iyon.”
“Ngunit ina,” nagmamakawang wika ni Marfire.
“Hindi ako pumapayag.”
“Ang gagawin naming ito ay para din sa kapakanan ng mga diwata. Lalo pa’t nalaman namin na may mga athapos na nandudukot at gumagawa ng pangontra sa atin.”
“Alam ko na ang tungkol diyan aking anak… matagal na silang may mga nadiskubre.”
“Alam niyo na po?” nanlaki ang mga mata ni Marfire. Maging ako ay ganoon rin. Nagulat ako sa sinabi ni Tamara.
“Itanong niyo iyan sa kakilala ninyong mga matatandang bampira. Alam nila ang tungkol diyan. Kaya nagtatago sila ngayon dahil hindi nila malabhanan ang mga athapos kung hawak nila ang panguntra. Isa iyong serum kung tawagin ng mga mortal. Napipigilan nitong magpalabas ng kapangyarihan ang bampira at manghihina ito.”
“Kaya pala hindi ako nakakakita ng mga bampira bukod nalang sa pamilya ni Conal. At mga iilan na kusang talagang sumusulpot.”
“Pinoprotektahan nila ang kanilang mga sarili. Kaya hangga’t maaari ay lumalayo sila sa mga mataong lugar. Matatalino ang mga athapos. Hindi malabong mayroon na naman silang mga nadiskubre.”
“May mga nakaharap kami kaninang umaga, dalawang athapos ngunit matanda na ang kanilang mga mukha. Sa aking palagay ay mayroong itinurutok ang mga ito upang maitago talaga ang kanilang totoong pagkatao lalong-lalo na sa mga bampirang may matalas na pang-amoy.”
“Base sa iyong sinabi, mukhang may naimbento pa nga sila. At hindi na ako magugulat kung may mga nabibiktimang bampira ang mga athapos.”
“Kung kayat kailangan namin ng iyong tulong, ina. Kailangan naming magpalakas para magawa naming malabanan ang mga athapos pati na ang ibang masasamang nilalang.”
“Hindi ko mapapayagan ang iyong hinihiling, Marfire. Ngunit, may maibibigay akong tulong sainyo.”
“Ano iyon, Ina?” mabilis pa sa alas kuwatro na tanong ni Marfire.
“Sa University kung saan ka nag-aaral. Hanapin ninyo ang pangalang Lumino, makakatulong siya sainyo lalo na kung paano makipaglaban.”
“Lumino?” sa wakas ay naibuka ko na ang aking bibig. “May kilala akong Lumino ngunit hindi ako sigurado kung siya po ba ang tinutukoy ninyo?”
“Si Lumino ay may kapangyarihang ipadama sa ibang nilalang ang nararamdaman niya sa paligid. Iyon ang natatangi niyang kapangyarihan. Ngunit, balita ko ay may mga nadiskubre pa siyang kapangyarihan kaya mainam kung sa kanya kayo magpatulong.”
“Siya nga ang kakilala kong Lumino, ngunit wala siya sa University kung saan kami nag-aaral ni Marfire.”
“Talasan ninyo ang inyong pakiramdam, may nagbabalat-kayo na mga nilalang na inyong nakakasalamuha. At isa na roon si Lumino.
“Paano namin siya makilala Ina… gayong kaya naman pala nito magpaplit ng mukha o anyo.”
“Kagaya ng sinabi ko ay talasan ninyo ang inyong pakiramdam ngunit dahil sa sinabi na ni Conal na kilala niya ito ay hindi malabong lalapit at lalapit sa kanya si Lumino.”
“Kung ganoon ay kakausapin ko siya. Pakikiusapan ko siya na turuan kaming magsanay ni Marfire,” wika ko. Sana ay magpakita sa akin si Lumino. Mukhang mapagkakatiwalaan ito dahil ina na mismo ni Marfire ang nagrekomenda.