Chapter 12: Kapangyarihan
NANATILI PA kami ni Marfire ng ilang sandali sa kanilang mundo. May napansin ako sa kanya. At ngayon ko ilang ito napagtanto.
Wala siyang pakpak kagaya ng kanyang ina na si Tamara. Nakakapagtaka lang isipin. Sa kabilang isip ko baka hindi ito namana ni Marfire. At kapangyarihan lang ng pagiging diwata ang nasa kanya.
"Sigurado ba kayo na ayaw niyo munang manatili rito?" tanong ni Tamara sa amin habang nasa bukana na kami ng kastilyo.
"Hindi na, ina," si Marfire ang sumagot. "Hindi rin puwedeng magtagal ngayon si Conal dahil paniguradong gabi na ngayon.
Gabi? Napatingin ako sa paligid. Ang tirik pa ng araw at sobrang maliwanag.
"Kakaiba ang araw namin dito, Conal. Mayroon lang kaming isang oras na gabi at pagkatapos no'n bente-tres naman na umaga ang aming natatamasa rito. Sinadya naming gawin ito dahil iyon ang angkop na klima at panahon sa aming mga diwata." Paliwanag ni Tamara. Napansin niya pala ang pagtingin ko sa paligid.
"Lubhang nakakamangha ang inyong kaharian. Nais ko pang bumalik rito kung iyong mamarapatin, Tamara." Iniisip ko lang ang mga sundo. Baka sa susunod ay hindi na nila ako papasukin.
"Bukas ang aming lugar para sa kagaya mong bampira, Conal. Maging ang iyong pamilya ay tatanggapin namin rito. Pakisabi sa kanila na dumalaw rito minsan."
"Makakaasa ka Tamara, sa pag-uwi ko mismo ay sasabihin ko iyon sa kanila."
Ngumiti lang si Tamara. Sandali kaming naghintay sa mga sundo kaya nang dumating ang mga ito ay kaagad na kaming umalis.
Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na ipinikit ang aking mga mata. Dilat na dilat ito habang nakatingin sa mga masasayang diwata na nagliliparan.
Habang nasa himpapawid kami ay may malaking ilaw na lumitaw. Iyon na ang lagusan. Pumasok kami roon at ilang saglit pa'y nakabalik na kami. Sa pagkakataong iyon ay nasa labas na kami ng aking kotse. Itinago ko iyon sa naglalakihang mga puno ng kahoy.
"Kailan tayo babalik sa inyong kaharian, Marfire?" hindi ko mapigilan tanong.
"Kababalik lang natin sa mundo ng mga tao, itinanong mo na," tumawa ito.
"Ang ganda kasi, eh." Nahihiyang napakamot ako sa aking batok.
"Hindi ko iyon maikakaila, Conal. Nakikita ko sa mga mata mo ang kasiyahan habang nandoon tayo. Ngunit nagsimula na ang ating misyon."
"Misyon?" naningkit ang mga mata ko.
"Oo, gawin natin na isang responsibilidad ang pagligtas ng ating mga kalahi at iba pang mabubuting nilalang. Hindi natin hahayaang maghari ang kasamaan sa mundo. Tayo mismo ang magwawakas sa mga athapos at iba pang masasamang nilalang."
"Sobrang bigat ng iyong gusto, Marfire." Kahit hindi ako sanay o tamang sabihin, wala akong alam sa pakikipaglaban ay naiisip ko na hindi madali ang kanyang iniisip.
"Mabigat man o magaan ang ating kakaharapin ay hindi niyon maaalis ang ating pangamba. Dahil kapag dumating ang araw na maghahari ang mga Athapos ay damay tayo. Hindi lang ang iyong pamilya. Pati na rin ang mga diwata at taong lobo."
Hindi ako maka-imik sapagkat totoo ang kanyang mga sinabi. Parang nagmistula talaga akong mahinang nilalang. Pati pag-iisip ko ay ganoon din. Bakit ba kasi ako pinalaki ng ganito? Sana noon pa ay kanila na akong sinanay. Para akong isang lampa ngayon.
"Naiintindihan kita, Marfire. At kung ano man ang plano mo ay sasama ako."
"Maraming salamat, Conal. Sa ngayon ay kailangan nating makausap si Lumino. Kakailanganin natin siya."
"Susubukan kong kumbinsihin siya kung baka sakaling magpapakita siya sa akin sa kagubatan."
"Kagubatan?" naningkit ang mga mata niya.
"Nandoon siya namamalagi sa kagubatan na nasa tabi lang ng aming bahay."
"Anong ginagawa niya do'n?"
"Sabi niya ay bantayan ako."
"Bakit?" ngayon ay si Marfire naman ang panay tanong.
"May malakas daw akong kapangyarihan natutulog lang sa aking katawan."
"Ha?"
"Gulat ka ano? Pareho kayo ng Kuya Luna ko. Pero iyon ang sabi niya sa akin."
"Mas madali natin siyang makukumbinsi ngayon."
"Tama ka, Marfire," ngumiti ako sa kanya. Sana nga lang ay papayag si Lumino. Ngunit kampante naman akong papayag siya.
"Kaya pala naabutan namin siya no'n na kausap ka."
"Tama." Iyon yong may mga taong lobo at iniwan lang nila ako.
Hindi na rin kami nagtagal ni Marfire at umalis na kami. Sumakay siya sa aking kotse at hinatid ko siya sa bahay na kanyang tinitirhan. Sobrang laki niyon ngunit ang tahimik.
"Mag-iingat ka sa daan, Conal."
"Maraming salamat. Mauna na ako saiyo." Iyon lang at kaagad na akong umalis.
Nasa labas na ako ng bahay nang salubungin ako ni Sweety. Nanlaki ang aking mga mata nang may kasama na itong isa pang aso! Kaagad kong naisip si Kuya Raxos. Sa kanya yata ito!
"Hello, kumain na kayo?" napaupo ako sa lupa at kaagad na binitbit ang dalawa sa kaliwa kong braso. Habang sa kanan ko naman ay ang libro na pinahiram sa amin ng Athapos.
Pagpasok na pagpasok ko palang sa loob ay bumungad sa akin ang aking pamilya. Lahat ng kanilang tingin ay nasa akin ngayon.
"What?" tanong ko ibinaba sina si Sweety at aso ni Kuya Raxos.
"Magpaliwanag ka kung saan ka nanggaling? Ginalugad na namin ang buong syudad ngunit wala ka," matamang tiningnan ako ni Kuya Raxos.
Paano nila ako mahahanap gayong nasa mundo naman ako ng mga diwata?
"Mayroong kaming pinuntahan ni Marfire," sagot ko.
"Sinabi ni Raxos na explain," giit ni Kuya Trevos. Napatingin ako kay Mama at Papa. Seryoso ang kanilang mga matang nakatingin sa akin.
"Okey," napalunok ako ng laway. "Dinala ako ni Marfire sa mundo nila… sa kaharian ng mga diwata. At nakausap ko doon ang kanyang ina."
Medyo nagulat ang mga ito sa aking sinabi. Ngunit kaagad rin namang bumalik sa normal. Ganoon sila. Kapag may nagagawa akong hindi abot ng kanilang pandama at isipan. magugulat at magugulat ang mga ito, iwan ko ba.
"At nangungumusta po pala saiyo si Tamara, Mama," tiningnan ko siya. Kaagad kong naisip ang malaking bahay ng mga Athapos at ang larawan niya roon."
"Bakit ka nagpunta roon?" tanong niya sa akin ngunit kaswal lang iyon. "May mga sinabi pa ba siya?"
"Opo, tulad ng dinadala ninyo ako roo nang bata pa ako. Tapos hindi na raw kayo bumibisita," diretsa kong wika sa kanila.
"Iyon lang?" si Papa.
Nagtatakang tumango ako, "may iba pa dapat na sasabihin sa akin si Tamara?"
"No," mabilis na nagsalita si Mama. "Wala naman anak. Ano nga pala iyang dala mo? Mukhang pamilyar sa akin."
Naitaas ko ang aking kilay. Hindi ko na muna sinagot si Mama. Bagkus ay binuksan ko iyon. Mga sulat kamay ang nandoon.
"Mama, I have something to tell you."
"Ano iyon?" naningkit ang kanyang mga mata at napalapit siya sa akin. Tiningnan nito ang libro at ganoon nalang ang kanyang gulat. "Sulat kamay ko ito. Ganito ang aking sulat kamay noon." May pagtataka sa mga mata ni Mama.
"Nakuha po namin iyan sa matandang Athapos."
"Athapos?" nagulat na naman ang kanilang mga mata.
"Oo, may nakaharap kaming mga Athapos at…" hindi ko alam kung tama bang ideya na ipapaalam ito kay Mama ngunit karapatan niya iyon.
"Ituloy mo, Conal," utos ni Kuya Trevos.
Kailangan pa ba talaga sabihin to sa kanila? Sila nga ay walang sinasabi sa akin. May naisip akong kalokohan.
"At kaibigan na namin sila."
"Mga traydor sila!" galit na turan ni Kuya Raxos. Nagulat ako sa kanyang inakto. "Saan ang kanilang bahay? Uubusin ko ang kanilang lahi."
"Teka," mas lalo na akong nagtaka sa kanila. "Mayroon ba kayong hindi sinasabi sa akin? Pakiramdam ko ay mayroon kayong mga nalalaman na hindi ko alam. At kahit sa mga nilalang na naninirahan sa mundo na ito ay wala akong kaalam-alam. May itinago nga ba kayo?"
Tumahimik silang lahat. Alam ko meron. Hindi ako bobo para hindi iyon malaman. Sa kanilang mga mata at ekpresyon ng mukha ay mababakas ang pagkagulat.
"Kung may mga nalalaman kami ay sa amin nalang iyon. Labas ka na roon Conal," wika ni Papa.
"Labas? O sadyang pilit ninyong itinatago sa akin ang lahat. Baka kayo ang tinutukoy ni Lumino na pilit na itinatago sa akin ang katotohanan. Ano nga ba ang katotohanan na iyon?" biglang sumama ang loob ko sa kanila. Ayokong gawin ito ngunit iyon ang aking nararamdaman. "Gusto ko na malaman ninyo na magsasanay ako kasama si Marfire. Tutulungan ko siya upang mapigilan ang mga masasamang nilalang sa mundo."
"Hindi iyan maaari!" Tumayo si Kuya Raxos at mabilis siyang nagpalabas na kapangyarihan. Ibinato niya iyon sa akin at natamaan ang aking dibdib! Sobrang lakas niyon dahilan upang mapatapon ako sa dingding.
"s**t! Raxos. Bakit mo iyon ginawa!" nagmamadaling lumapit sa akin si Kuya Luna. Tutulungan niya sana ako ngunit mabilis akong nag-iwas.
"Pamilya ko ba talaga kayo?" may nararamdaman akong butil ng luha sa aking mga mata. Hindi sila maka-imik. Sa galit at inis ko sa kanila ay kaagad akong naglaho.
Nakarating ako sa loob ng aking kotse at mabilis iyong pinaharurot ng takbo!
"Tangna niyong lahat!" sigaw ko. Ngayon ay dalang-dama ko na, damang-dama ko na hindi ko sila mga kadugo! "Ahhhh!"
Inihinto ko ang kotse at nagmamadaling lumabas roon! May malawak na damuhan sa gilid ng daan. Doon ko ibinuhos ang aking galit!
"Ahhh!" napaluhod ako sa sobrang sakit na aking naramdaman. Paanong nagawa akong saktan ni Kuya Raxos na ganoon kadali? "Bakit!"
Sa pagsigaw kong iyon ay kumulog nang malakas! Medyo nagulat ako ngunit ipinagpatuloy ko lang ang aking hinanakit. Wala na akong pakialam sa malakas na kulog na sumabasay sa aking pag-iyak!
"Ano ang ka katotohanan na kanilang itinatago? Ano!" mula sa kulog ay may kidlat na! Nagliwanag ang buong kalangitan. Natamaan ang naglalakihang mga puno. Nakaramdam ako ng takot baka matamaan ako ngunit hindi ko iyon binalingan!
"Itigil mo ang iyong ginagawa, Conal."
Napahinto ako sa pag-iyak at napatingin sa dumating. Si Lumino!
"Anong ang ginagawa mo rito?" ayoko nang may makausap ngayon.
"Damang-dama ko ang inyong hinagpis. Ikaw ang may kagagawan sa kulog at naglalakihang mga kidlat."
"Ha?" tuluyan na akong nawala sa focus. Tiningnan ko ang kalangitan. Payapa na ito.
"Sa tuwing nagagalit ka ay nagagalit din ang kalangitan."
"Hindi kita maintindihan. Anong ang pinagsasabi mo Lumino?"
"Saiyo ang kapangyarihan na lumabas kanina. Ikaw ang nagmamay-ari no'n."
"Lumabas na ang kapangyarihan ko?" nanlaki ang aking mga mata.
"Lumabas na nga ito. Ngunit hindi pa iyon. Wala pa iyon sa kalahati. Hindi mo pa tuluyang naipalabas ang natatangi mong kapangyarihan. Tingnan mo ang iyong palad."
Mabilis kong tiningnan ang aking palad. Ganoon nalang ang aking gulat nang may elektrisidad na gumagapang roon.
Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Tumayo ako sa labis na pag kamangha. Tiningnan ko ang isang malaking puno. Mabilis kong itinutok ang aking kamay ngunit walang lumalabas. Naningkit ang mga mata kong tiningnan si Lumino.
"Bakit walang lumabas? Akala ko ba ay lumabas na ang ilang kong kapangyarihan?"
"Hindi iyon ganoon ka dali Conal. Kailangan mo pa itong pagsanayan upang magamit mo ito."
"Kung ganoon ay tulungan mo kami ni Marfire, Lumino. Tulungan mo akong palabasin ang aking kapangyarihan at turuan mo ako kung paano lumaban. Nakausap na namin si Tamara. Sinabi niya na ikaw dapat ang aming lapitan."
"Kung gusto ninyong matututo ay hanapin ninyo ako dalawa sa loob ng campus."
Nagliwanag ang aking mukha,"paano namin malalaman kung ano ang hitsura mo sa lunes?"
"Mukhang sinabi na sa inyo ni Tamara ang aking kakayahan."
"Ganoon na nga," tumango ako bilang pagsang-ayon.
"Kung ganoon ay magsisimula tayo sa Lunes. Ang una ninyong sa sanayin ay talas ng pakiramdam. Kailangan ninyong magawa na mahanap ako sa ibang anyo."
"Ha?" ang hirap naman no'n."
"Hindi mo pa nasusubukan ngunit nagre-reklamo ka na Conal. Hindi ka matututo kung pinapangunahan mo ang aking sinasabi. Dapat ay gawin mo muna ang aking ipinagagawa."
Naiyuko ko ang aking ulo sapagkat tama ang sinabi ni Lumino. Dapat ay alisin ko sa aking isipan ang pag-iisip ng mga negatibo. At laging nakahandang harapin ang lahat kahit gaano pa iyon kapanganib at kahirap.
"Sa ngayon ay umuwi ka na muna. Kung ano man ang nangyari sa inyong bahay ay maging mahinahon ka," wika sa akin ni Lumino at mabilis itong naglaho.
Hindi ko alam kung masusunod ko ba siya sa kanyang kagustuhan na umuwi na muna ako. Pagkatapos ng nangyari kanina ay ayoko na muna silang makaharap.
Unang pumasok sa aking isipan ay gumala. Mabilis akong bumalik sa aking kotse at pinaharurot na naman iyon ng takbo.
Nakarating ako sa syudad. Ngunit wala ako sa sentro mismo. May nakita akong malalaking upuan, lumapit ako at umupo roon. Doon ko napagtanto na na nasa seaview pala ang lugar. Mahangin at maliwanag, sa kalayuan naman ay karagatan na. At ang daming mga tao.
"Excuse me, pwede makitabi? Nahihirapan akong kumain, eh."
"Sure," wika ko rito na hindi man lang tinitingnan.
Naramdaman kong umupo ang babae pero hindi ko siya pinansin. Mas nauna kong maamoy ang kanyang dugo. Sobrang bango niyon dahilan para mapatingin ako sa kanya.
Ganoon na lang ang aking gulat nang makilala ang kanyang mukha.
"Ikaw?" nanlaki ang mga nito at kaagad naramdaman ang takot na gumapang sa puso. Napatigil siya sa pagkain.
"What are you doing here?" walang gana ko tanong sa kanya.
"Ikaw dapat ang tatanungin ko niyan. Mambibiktima na naman kayo? Nandito ka para maghanap na naman ng mapapatay hindi ba?"
"Alam mo, ang hirap saiyo ay kung ano-ano ang pinagsasabi mo. Dapat ay magpasalamat ka na lang dahil buhay ka pa hanggang ngayon. Kung hindi kita naitakas noon ay baka napatay ka na nila.
Hindi ito makaimik. Ang buong akala ko ay natamaan ito sa aking sinabi. Iyon pala ay nabulunan siya!
"Tulungan mo muna ako, hindi ako makahinga. '
Ayaw ko man ay tumayo na ako. Lumapit ako sa kanyang likuran at makalas itong tinapik.
Mukhang sapak na yata iyon. May isang buong itlog ang lumabas sa bibig nito. At nagulat ako doon! Kakaiba ang babaeng ito!
"Hayop ka, ang sakit no'n ha."
"Kasalanan mo yun kasi nilamon mo ang itlog," giit ko. Talagang ako pa ang sinisisi niya, ha?
"Kasalanan mo 'yon. Sinong mag-aakalang bampira pala ang aking kaharap, ha?"
"Hinaan mo ang iyong boses," kahit kailan talaga ay malaki ang bunganga ng babaeng ito! "Kung hindi ka tatahimik diyan ay iinumin ko ang dugo mo," pagbabanta ko sa kanya.