"Bes, balitang-balita sa buong barangay ang pagsugod sayo ni Aling Sonya. Trending ka na naman! Sikat na sikat na naman ang pangalan mo! Reyna! Reyna ng mga tsismosa! Pak na pak!" sabay halakhak ng malakas ng kaibigan kong si Rosa.
Hindi ko alam kung paano ko nga ba naging kaibigan ang gaga na ito. Madalas lang naman siyang narito para i-bully ako at syempre upang makalibre ng almusal, tanghalian, merienda at hanggang sa hapunan. Ganyan ang ugali niya. Daig niya pa ang patay-gutom sa tuwing narito siya. Kulang na lang ay dito na siya tumira. Kahit paringgan ko ay balewala lang sa kanya. Ngunit anong magagawa ko, siya lang ang madali kong utuin sa circle of fake friends ko palibhasa nga at madalas kong ilibre.
"Ikaw naman kasi, pati ba naman ang pagtaba ng kanyang anak ay mapansin mo pa talaga! Ikaw na talaga ang may hawak ng korona, bes!" patuloy niyang palatak ngunit hindi ko na lang pinapatulan kahit pa gusto ko na siyang ingudngod dahil sa ingay niya. Hindi ako makapag concentrate ng maayos dito sa sinusulat ko.
Napansin niya ang sitsirya sa gilid ng lamesa kung saan ako seryosong nagsusulat at walang pakundangan niya na itong kinuha at binuksan ng walang paalam sa akin. Malamang na kung may lason ang naturang pagkain ay bumula na ang bibig niya.
"Bes, may bagong lipat pala sa apartment dito sa tapat ng bahay niyo," sabi niya sa pagitan ng pagnguya ng malutong na sitsirya na hindi naman kanya. Nakatingin siya sa labas ng bintana ko na nakabukas kung saan ang harap ay isang apartment.
Doon ako huminto sa pagtipa sa akin laptop.
"Mabuti naman at agad may umupa. Nakakasawa rin ang bangayan ng mag-asawang may-ari ng apartment dahil wala silang pera na pangsugal. Wala silang pinipiling oras sa pag-aaway." Komento ko.
Parehong sugarol ang mag-asawa na siyang namamahala ng tatlong pinto na apartment dito sa tapat mismo ng aming bahay.
"Pero hindi ba at sabi mo ay hindi naman sila ang tunay owner ng apartment na 'yan? Sabi mo pa nga ang tunay na nagmamay-ari niyan ay matanda na, hindi ba?" tanong ni Rosa na walang tigil sa pagngasab ng kinakain.
"Oo, palibhasang matanda na ang siyang tunay na may-ari kaya nagawang utuin ng mag-asawa na 'yan. Kawawang matanda. Baka nga niligaw na nila sa kung saan para hindi na maghabol sa kanyang ari-arian. " Sagot ko.
Kilala kasi namin ang siyang tunay na may-ari ng apartment. Isang matandang babae na sa pagkakaalam ko ay walang asawa, anak at pamilya. Simula ng dumating ang mag-asawang nagpakilalang mga pamangkin ng matanda ay hindi ko kailanman nakita ang matandang babae. At mula nga noon ay ang sugarol na mag-asawa ang siya ng namahala ng apartment.
"Nasaan na nga kaya ang matandang babae? Palagay mo ba ay totoo na umuwi na sa probinsya at pinamahala na sa kanila itong apartment? Abah! Maswerte ang mag-asawa dahil buwan-buwan ay may kinse mil sila. Ang mahal ng upa sa apartment na iyan, hindi ba?"
Ngunit hindi ako naniniwala na umuwi sa probinsya ang matandang babae.
"Hindi nga ako naniniwala. Baka niligaw lang nila sa kung saan ang kawawang matanda. Pwede rin naman na may ginawa silang mas karumal-dumal."
Nanlaki ang mga ni Rosa at agad nalunok ang sitsirya na kakasubo lang ng marinig ang aking hayag.
"Anong ibig mong sabihin, Reyna?"
May isa pa kasi akong hinala sa totoong nangyari sa matandang babae. Nakapagtataka naman kasi na bigla na lang siyang nawalang parang bula dito sa bahay niya.
"Hinala lang naman. Baka nariyan lang sa loob ang matanda. Maaaring naka kulong dahil ulyanin na. Pwede rin naman patay na."
Lalong nanlaki ang mga ni Rosa.
"Palagay mo talaga ay magagawa iyon ng mag-asawa?" namilog ang mata na tanong ng aking kaibigan.
Tumango ako.
"May bisyo sila. At ang taong may bisyo ay gagawin ang lahat para may ipangtustos sa kanilang mga bisyo." Paliwanag ko.
"Nakakatakot naman pala kung ganun? Naku! bigla tuloy ayoko ng tumingin sa apartment. Baka totoong patay na ang matanda at bigla na lang magpakita sa akin. Nakakatakot na." Takot na saad ni Rosa at saka uminom ng tubig sa baso na pag-aari ko.
Napa simangot na lang ako at wala na talagang masabi sa kakapalan ng mukha ng babaeng ito. Walang pakialam na baka may kung ano akong sakit at mahawa siya sa pag-inom.
"Ikaw ba, Bes? Hindi ka ba natatakot? Baka mamaya ay totoong patay na ang matandang babae at bigla na lang magmulto?"
Multo? Hindi ako naniniwala sa mga ganyang kwento. Para sa akin, ang isang patay ay kailanman ay hindi na makakabalik pa sa mundo ng mga buhay. Mas nakakatakot ang taong buhay kaysa sa patay o multo.
Ang naniniwala lang sa mga ganyang kwento ay ang mga duwag na tao na madaling maniwala gaya ng kasama ko dito. Ang kapal ng mukha pero takot sa multo na kailanman yata ay hindi pa siya nakakita.
"Hindi ako naniniwala sa mga ganyang kwento, Rosa." Tamad kong sagot at saka muli ng nag-umpisa na tumipa ng mga letra.
"Sabagay, bes. Baka nga matakot pa sayo ang multo. Takot lang nila na i-tsismis mo sila." Nakangiti pa ang kaibigan kong makapal ang mukha. Sa sarili niya kaya ay hindi siya natatakot na sabihin ko sa ibang tao kung gaano siya katakaw at ubod ng kapal ng mukha?
Lagi ko naman siyang ni-re-realtalk pero sadyang manhid na si Rosa at wala ng pakialam pa sa kung anong mga sabihan ko na literal na patama ko sa kanya.
"Ay siya kaya ang bagong tenant? Babae siya, bes."
Tumingin naman ako sa labas ng bintana kung saan nakatingin si Rosa.
Tatlong babae ang nakikita ko. Iyong babaeng sugarol na may-ari ng apartment at dalawang babae. Ang isang babae ay nakikipag-usap sa may-ari habang ang isa naman ay hindi ko makita ang mukha dahil nakaharang ang malapad na katawan ng babaeng sugarol.
Palibhasa maghapon at magdamag na lang nakaupo sa sugalan kaya naging dambula ang katawan. Nauuna pa ang kanyang malaking tiyan sa kanyang dibdib.
Kaya wala rin sigurong anak ang mag-asawa ay dahil nabalot na ng sobrang taba ang matris nitong babae.
"Magtagal kaya ang babaeng na mangupahan sa apartment? Baka magpakita na ang babaeng matanda sa kanya. Nakakatakot."
"Anong bang babae? Baka naman sila ang ibig mong sabihin dahil dalawa sila." Nakasimangot kong pagtama sa sinabi ni Rosa.
"Bakit naman sila? Isa lang naman ang babaeng kausap ng babaeng may-ari ng apartment. Alangan naman na mangupagan rin ang isa gayong siya nga ang landlady?"
Ituturo ko sana sa kaibigan ko mali siya dahil dalawang babae ang kausap ng landlady ng muli muna akong sumulyap ulit sa labas.
Nagtataka ako. Tama si Rosa. Isang babae lang ang kausap ng landlady.
Nagugutom na yata talaga ako at naduduling na. Akala ko kanina ay dalawa ang babaeng ang kausap ng sugarol na may-ari ng apartment.